‘2MIGIL na ulan. 4pm. Kitakits sa akasya.’
‘Cge,’ sagot ni CJ sa chat message ng best friend, pinsan, at kababatang si Kae.
‘May nagmulto na nmn dw don kagabi. Tignan ntin.’
Emoji na natatakot ang ini-reply ni CJ. Hindi siya sigurado kung game ba rin siya sa trip ng kaibigan.
Simula’t sapul, kinikilabutan na siya sa naturang puno, lalo na sa mga kababalaghang ikinukuwento ng mga matatanda tungkol dito. Sa imahinasyon niya, may higanteng kapre sa naturang puno na nakatunghay sa mga dumaraan. May ilan kasing nakakitang may lumalabas daw na usok sa tuktok niyon. Puwera sa kapre at kaluluwa, pinamamahayan din daw iyon ng mga maligno.
Labinlimang metro lang mula sa puno ay seawall at dagat na. Nandoon din ang basketball court, na siyang dahilan kung bakit talaga sila magkikita ni Kae. Magba-basketball sila. Ngunit matagal na iyong abandonado dahil sira-sira na ang magkabilaang boards at sementong flooring. Sila na lang ang nagagawi at nagtitiyagang naglalaro doon.
Malapit sa seawall, makikita ang muog. Pangkaraniwan na sa mga tagaroon ang istorya na itinayo ang fortress noong panahon ng mga Kastila bilang kuta at depensa laban sa mga kalaban. Hanggang sa naging pansamantalang kulungan iyon nang dumating ang mga Amerikano.
Subalit wala na iyon ngayon. Tanging palatandaan ay ang isang poste ng semento na unti-unti na ring nagigiba sa pagdaan ng panahon.
‘Daanan na lng kta sa inyo,’ dugtong ni CJ sa chat. Tutal ay maaga pa naman. Bihira na kasi siyang nakapupunta sa bahay nito simula noong nag-college sila. At dahil semestral break, susulitin niya ang pagkakataon.
Dinatnan niya si Kae sa bahay nito na nililinis ang bola. Naroroon din ang mga babaeng kapatid nito: si Ken, ang pangalawa at nasa high school; at si Kai, ang bunso at nasa elementarya. Sasama ang mga ito sa laro nila.
“Hoy, hoy!” tawag ng ina ng tatlo nang makita silang papaalis na. “Donde vosotros anda?” dugtong nito sa wikang Chavacano. [Hoy, hoy! Sa’n kayo pupunta?]
“Mom, juga kame basketball alla na akasya,” paalam ni Kae. [Mom, maglalaro kami ng basketball do’n sa may akasya.]
“Bueno,” pagpayag ng ina. “Pero volve vosotros temprano!”
Si CJ na ang sumagot. “Yes, Auntie. Uuwi po kami nang maaga.”
Nang malapit na silang magpipinsan sa akasya, langhap nila ang mabangong amoy ng mga punongkahoy na pinaliguan ng ulan. Ang langit ay makulimlim pa rin. Basa at maginaw ang kapaligiran habang naririnig nila ang hampas ng alon sa dalampasigan. Apat na araw nang bumubuhos ang ulan at ngayon lang ito tumila. Kaya sinamantala nila ang oportunidad. Sayang ang sem break.
Pagtapat nila sa akasya, biglang gumilid ang bunsong si Kai palayo sa puno kasabay ng sigaw nitong “Halaaa!” Tuloy-tuloy itong tumakbo papuntang basketball court. Sumunod din si Ken. At kahit natatawa sila sa ginawang pagtakbo, maaaninag sa mga mukha nila ang takot.
“Duwag!” natatawang kantiyaw ni Kae, sabay baling kay CJ. “Alam mo ba, prims, kagabi, ikinuwento ni Dad na nagmulto na naman daw si ‘hombre negro’ sa isang mama. Matalim daw `yong mga mata at kumikintab na parang pusa sa dilim. `Tapos, itinulak `yong mama!”
“Talaga, prims?” ani CJ na dumistansiya rin palayo sa akasya. Prims ang tawagan nila minsan. Short version ng salitang “prima” na ibig sabihin ay pinsang babae sa wikang Chavacano.
Ramdam ni CJ ang pananayo ng mga balahibo niya sa braso. Pakiramdam niya, bumaba pa yata nang sampung grado ang temperatura sa paligid.
Napatingala siya sa puno. Ganoon pa rin ito, napakatayog. Mahigit-kumulang na 90 feet ang taas. Mistulang higanteng payong dahil ang diyametro ng korona nito ay umabot na sa 150 feet. Sa sobrang laki ng katawan, kinakailangang pagsamahin ang pitong katao na nakapalibot dito habang naka-stretch ang mga braso.
Ang magagaspang na sanga naman nito ay tila mga ahas sa paliku-likong anyo. Parang nakadidiring mga ugat at maiitim na galamay. Pakiramdam ni CJ, anumang sandali ay lulukob ang mga iyon sa kanya. Dagdag pa sa nakakikilabot nitong hitsura ang nakatapal na mga lumot, tumubong mga pako, at nakalambitin na mga ligaw na orkidyas.
Upang maibsan kaunti ang takot, pinansin ni CJ ang yerong nakapalibot sa katawan ng puno na may mahabang nakasulat: El Govierno del Ciudad de Zamboanga ya declara con este pono como un Centenario Pono de Herencia…
“Whoa!” Nanlaki ang mga mata ni CJ. “Kailan lang `to nai-tag na centennial tree?”
“Last week lang,” sagot ni Kae, sabay kibit ng balikat.
“Akalain mong 180 years old na pala `to?” Mangha si CJ. Binasa pa niya ang ibang nakasulat. Binanggit na protektado at pinepreserba na iyon ng local government ng Zamboanga City.
Si Kae naman ay lalong nilapitan ang puno at tinapik-tapik pa ang katawan niyon. Anito, “Hombre negro, lumabas ka!”
Nanlaki ang mga mata ni CJ sa ginawa ng pinsan! Mabilis na hinila niya ito palayo sa katawan ng akasya. “Wuyyy! `Wag ka ngang ganyan—”
K-K-KRAAK!
Naputol ang sasabihin ni CJ. Sabay silang dalawa na napatingala. Rinig naman mula sa malayo ang sigaw nina Ken at Kai nang makita ng mga ito na babagsak ang higanteng sanga ng akasya!
Maagap silang nakaiwas kaya lumagapak ang sanga sa harapan nila na dalawang talampakan lang ang distansiya. At dahil nabubulok na pala iyon, tumalsik sa kanila ang mga lumot kasama ng mga anay at maiitim na langgam!
Nagsitakbo silang dalawa palayo, papuntang basketball court habang nagpapagpag ng damit.
Maya-maya, ninenerbiyos man, tinawanan na lang nilang apat ang nangyari. Karma raw iyon, sabi ng bunsong si Kai. Nanghamon daw kasi ang ate nito. Si Ken naman, nawala na raw ang ganang mag-basketball. Pinili nitong umupo sa semento upang pahupain ang tensiyon at kaba sa nasaksihan.
Si Kae ay pilit na nagbigay ng scientific at logical explanations kung bakit nahulog iyong sanga, na roon pa mismo sa harapan nilang dalawa ni CJ. At dahil mahilig sa Mathematics at Engineering ang kinukuhang kurso sa college, isinali nito pati probability at odds kung kailan madalas iyon nangyayari sa isang tao. Nagbigay pa siya ng sample computations.
Ngunit hindi kumbinsido sina Ken at Kai.
Nauwi na lang si CJ sa pagdi-dribble ng bola habang pilit na iwinawaglit sa isip na kagagawan nga marahil iyon ng “itim na lalaki.” Aniya, “Ang weird ng mga nangyayari ngayon. Actually, simula pa kaninang umaga.”
Napatingin si Kai sa kanya. “Bakit, Ate CJ?”
“Kanina kasi, habang malakas ang ulan,” sagot niya habang sige pa rin sa pag-dribble, “may lumitaw na bakal sa may orchids ni Mommy. Makapal. Limang metro ang haba.”
Kumunot ang noo ni Kae nang lumingon sa kanya. “Bakal?”
“Oo. Binagbag at inuka ng tubig ng ulan `yong lupa kaya lumitaw. Kalawangin na. Pero no’ng tingnan ni Daddy at sinubukang alsahin, napakabigat at solidong-solido.”
“Ano raw `yon, Ate CJ?” pasok ulit ni Kai. Umaandar ang pagiging usyosera.
“Palagay ni Daddy, riles ng tren.”
“Ate Kae,” sali ni Ken, “`di ba may inistorya sa `tin si Mom dati na puro tubohan daw itong San Ramon noon? Na isinasakay raw sa maliit na tren ang mga na-harvest na tubo?”
Tumango-tango si Kae na halatang may malalim na iniisip. “May kuwento rin na nagkaroon daw ng malaking landslide dito. Natabunan nang ilang piye itong buong sitio.”
“So, totoo ang mga kuwento, gano’n? Ebidensiya `yong riles na bakal sa bahay namin?” ani CJ.
“Nakakatakot naman,” komento ni Kai. “Baka may kung ano sa ilalim ng bahay natin….”
“Hala, oo!” pananakot lalo ni Kae habang natatawa. “Do’n sa ilalim ng kama mo, sementeryo raw `yon noon!”
“Heh!” Nakasimangot na sumuot si Kai sa tagiliran ng tahimik na si Ken.
Hindi nila namamalayang apat na sumusungit muli ang panahon. Sa karagatan, kumumpol ang maiitim na ulap at mabilis iyong nakalapit sa lupain. Ang alon sa dagat ay lalong lumaki kasabay ng malakas na hampas ng hangin.
Nagulo ang mga buhok nilang apat nang bumalandra sa kanila ang nagngangalit na hangin. Halos hindi sila magkarinigan sa lakas ng pagbayo niyon. Ni hindi man lang sila nakaporma nang bumuhos ang malakas na ulan. Para silang binuhusan ng balde ng nagyeyelong tubig sa basa nilang hitsura at pagkagulat. Instinct, naghanap sila ng masisilungan.
Yakap-yakap ang nanlalamig na katawan, naunang tumakbo sa ilalim ng akasya si CJ. Sumunod sa kanya ang tatlo.
“Grabe naman `to,” komento ni CJ pagkatapos. “Pasado alas-kuwatro pa lang pero parang alas-sais na!”
“Oo nga, Ate,” sang-ayon ni Ken. “Low pressure lang naman sabi sa news. Pero parang may bagyo. Ilang araw nang ulan nang ulan.”
“Dahil siguro nasa coastal area `tong sitio natin,” sagot ni CJ.
“Hindi na kayo nasanay,” sabad ni Kae. “Ganito naman talaga lagi dito sa seaside `pag may LPA at bagyo. Expect n’yo na rin na tataas pa `yang mga alon sa dagat.”
Ngunit nang kumulog nang napakalakas—na parang nasa ulunan lang nila—nagsumiksik sa kanila si Kai.
“Takbuhin na lang kaya natin ang bahay n’yo, Kae. Tutal, basa na rin tayo,” suhestiyon ni CJ.
“Tara na. Uwi na tayo,” reklamo ni Kai habang nagdadabog sa pamamagitan ng pagpadyak ng mga paa sa maputik na lupa.
Muling napatingala si CJ sa mga sanga at dahon ng akasya. Animo’y nagsisisayawan ang mga iyon sa malakas na balandra ng hangin. Paminsan-minsan ay nag-uuntugan na parang may ibinubulong sa isa’t isa habang nakamasid sa kanila sa ibaba. Pakiramdam niya ay may masamang binabalak ang mga iyon sa kanila.
Muling nagdabog si Kai dahil ang tagal sumagot ng ate nito. Sasagot na sana si Kae ng “Tara, bilis!” ngunit sa isang iglap, nilamon sila ng dilim nang bumigay ang lupang kinatatayuan nilang apat!
Inanod pa sila nang ilang dipa dahil kasabay nilang bumagsak ang malaking volume ng tubig na naipon sa ilalim ng kanilang kinatatayuan. Mga ugat ng akasya na lamang pala ang tanging humahawak at pumipigil sa lupa. Subalit dahil sa ilang araw na pag-ulan doon, bumigay na rin ito.
Sandaling sumigid ang labis na sakit sa binti ni CJ. Ang dibdib niya ay dumadagundong sa takot habang nangangatog ang kamay nang subukan niya iyong itukod para bumangon. Wala siyang makita dahil sa sobrang dilim. Pero dinig niya ang tatlo, lalo na si Kai na umiiyak at nagpa-panic.
“W-walang gagalaw muna,” ani CJ sa nanginginig na boses. “May mga basag at tipak na semento yata sa gilid ko… D-delikado. Baka lalo tayong madisgrasya.”
Naalala niya ang cell phone sa bulsa ng shorts niya. Mabuti na lang at hindi iyon nabasag. Hindi rin gaanong nabasa ng tubig. Nang mabuksan ang flashlight niyon at nailawan nang kaunti ang paligid, nakumpirma niyang nasa isang kongkretong silid nga sila na binagbag na ng panahon. Na parang anumang sandali, ang mga dingding sa paligid nila ay mabubuwag at guguho na.
Umabot ang liwanag ng cell phone kay Kai. At halos maubusan ng hininga ang bata sa takot nang mabanaag nito sa likuran ang isang nakaupong lalaki!
“Multoooo!” Malakas na sigaw ang kumawala kay Kai. Mabilis itong gumapang papunta sa mga ate kahit masakit ang balakang.
Mabilis din silang nagkumpulan sa kabilang gilid at takot na winawari ang nakasandal na lalaki sa pader. Nakayuko ito at hindi gumagalaw. Sa kandungan nito, makikita ang isang mahaba at makalumang baril. Sa suot nitong uniporme, tila isa itong sundalong Kastila. Kapansin-pansin na ang nangingitim nitong balat ay himalang hindi naagnas.
“P-parang `yan si hombre negro,” bulong ni Ken.
“M-mukhang Guardia Civil noong Spanish-American War,” nangangatal ang bibig na mahinang dagdag ni CJ, na para bang babangon ang patay kapag nilakasan nila ang mga boses nila. “`Di ba, sabi sa school natin, mga 1870s itinayo `yong fortress dito? M-malamang… diyan sa itaas ang guard post at bunker itong ilalim.”
“Tapos natabunan—” Gulat si Kae sa na-realize. Naalala nito ang kuwento ng mga magulang nila patungkol sa kanilang lugar. “Natabunan noong nagka-landslide. At sa ganyang ayos siya namatay nang maubusan ng hangin dito sa bunker…”
Sumang-ayon si CJ. “`Tas `yong balat niyang maitim… Mukhang na-mummify, `di ba? Sabi sa NatGeo, puwede raw ang natural mummification kapag tuyo at malamig ang environment… Mukha ngang na-seal itong bunker sa temperature sa labas.”
“M-mumultuhin din ba niya tayo?” humihikbing bulong ni Kai habang nakayakap kay Ken. Iniiwasan nitong hindi lingunin ang itim na lalaki sa likuran.
Wala ni isang sumagot.
Maya-maya, naglakas-loob si CJ at tumayo. Ang mga tuhod ay nangangatog pa rin. Patalikod siyang kumilos papunta sa butas kung saan sila nahulog. Hindi niya inaalis ang tingin sa mummy sa likuran habang humahakbang. Baka gagalaw iyon nang walang sabi-sabi, ewan na lang!
Nang marating ang sa tingin niya ay kinaroroonan ng butas, mas lalo siyang nanlumo nang maaninag ng ilaw ng kanyang cell phone ang hitsura niyon: natabunan ng sangkatutak na putik at mga bato. Wala siyang makita kahit maliit na butas man lang. Mas malala pa ay unti-unting nalalagyan ng tubig-ulan ang silid na iyon.
Tiningala ni CJ ang mataas na parte sa gumuhong lupa. Alam niyang naroroon ang butas. Kaya sinubukan niyang akyatin iyon. Sumunod din ang magkakapatid. Subalit gumuguho ang malambot na lupa dahil patuloy na rumaragasa ang tubig-ulan sa loob. Sa bawat paghawak nila sa nakausling ugat ng puno ng akasya, napuputol lamang iyon o di kaya’y nadudulas lamang sila paibaba.
Hindi rin epektibo na aakyat ang isa sa balikat ng isa para maabot ang itaas na parte. Dahil nang maabot ni Kai ang parteng iyon at sinimulang alisin at kalkalin ang mga gumuhong bato at lupa, doon nila nalaman kung gaano kakapal ang lupang nakatabon sa kanila. Kaya siguro wala nang mahagip na anumang signal ang mga cell phone nila. Idagdag pa ang napakakapal na dingding ng bunker.
“Ano na gagawin natin, `Te Kae?” bulong ni Ken. Bumibilis ang tahip ng dibdib nito at nanunubig na ang gilid ng mga mata.
Hindi makasagot si Kae. Wala rin itong maisip na paraan na. Pati ito, gusto na ring umiyak.
Naihilamos naman ni CJ ang kamay sa kanyang mukha. “Baka ilang oras lang, hanggang baywang na natin ang tubig dito sa loob. `Tas baka… baka mauubusan tayo ng hangin.”
Desperado na silang apat. Mapuputik ang mga katawan, basang-basa, at nanginginig sa lamig. Kahit anong sigaw nila ng saklolo, walang nakaririnig. Tanging pag-asa nila ay hanapin sila ng kanilang mga magulang. Subalit, kailan pa? Kapag nalunod o naubusan na sila ng hangin sa loob?
Bahagya silang napaatras nang muling gumuho paloob ang lupa.
“Nadadagdagan pa lalo ang kapal habang tumatagal,” kinakabahang sambit ni CJ. Pagkatapos ay kinakabahan ding inilawan niya ang likurang bahagi nila kung saan naroroon ang nakaupong mummy. Inabot na rin ito ng tubig. Pero doon na lamang ang safe na area na hindi pa inaabot ng lupa.
Dahil patuloy pa rin ang pagkapal ng tumatabong lupa at nadadagdagan ang putik at tubig, humugot ng malalim na hininga si CJ at nilakasan ang loob na daanan ang mummy. Pa-sidesteps ang ginawa niya, nakasandal sa pader habang nakamasid sa mummy sa harapan. Mas nanaig pa rin ang takot niya sa mummy kaysa sa peligrosong sitwasyon nila roon. Ganoon din ang ginawa ng tatlong magkakapatid nang sumunod sa kanya.
Nang malampasan nila ang mummy, biglang sunod-sunod na notifications ang natanggap ni CJ sa cell phone niya! Naka-on ang data niya at milagrong mayroong signal sa parteng iyon!
Napanganga si CJ.
Nagkatinginan silang apat. Hindi makapaniwala.
Nagkukumahog tuloy ang tatlong magkakapatid na mag-video call sa mga magulang.
Nang marinig ni CJ sa kabilang linya ang boses ng kanyang mommy at daddy, sumikip ang dibdib niya. Mabilis na uminit ang sulok ng kanyang mga mata. Talo pa niya ang bata sa pag-iyak dahil para sa kanya, wala nang pinakaimportanteng bagay sa buong mundo kundi marinig ang boses ng mga ito sa mga sandaling iyon.
Nang mahimasmasan silang apat at na-pinpoint na ng kanilang mga magulang ang eksaktong kinaroroonan nila, napatingin si CJ sa mummy at pagkatapos kay Kae naman.
“What are the odds, prims? Na may signal pala dito malapit kay ‘hombre negro.’ Kung kailan takot tayong lapitan siya,” maang na sambit ni CJ.
Nailing si Kae at nagkomento rin na, “What are the odds na `yong paglapit natin pala sa kanya ang pag-asa natin.”
“Siguro manipis lang talaga ang dingding sa area na `to, prims,” dagdag ni CJ.
“Or… talagang milagro ito… or baka tinulungan tayo ni hombre negro?” dagdag din ni Kae.
Ilang saglit pa, rinig na nila ang mga pagbungkal na nangyayari at boses ng mga tao sa itaas ng butas. Nagsasayaw ang mga puti at dilaw na ilaw ng mga flashlight ng mga rumesponde sa kanila.
Lalo silang napaiyak nang may ibaba nang de-yerong hagdanan sa loob ng bunker.
At bago sila umakyat, napatanong si Kai sa mga ate niya kahit humihikbi pa rin. “Kapag ba nai-bless na si hombre negro at nailibing, hindi na ba siya magmumulto?”
WAKAS
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






4 Responses
good story 🙂
Hehe ang sarap naman basagin yung nakakasabik malaman ang susunod na ganap hayyy
Ay, bitin. I think puwede pang mapahaba ang story by citing about the past, noong panahon ng Kastila.
so wala talagang kapre? gusto lang malaman ng kaluluwa na nandoon ang katawan niya.