Si Jewel Heart Na Walang Puso (Chapter 1)

Edison’s Point Of View

HINDI ko naiwasang bumuntonghininga habang nakatuon ang aking mga mata kay Jewel Heart, na pasalampak na nakaupo sa balkonahe ng kanilang bahay at seryosong nagbabasa ng libro.

“Hay!” usal ko na nagpalit ng palad na nakasapo sa aking baba. From left hand to right na pangangalumbaba habang nakaupo ako sa may bintana ng bahay namin, na nasa kanang bahagi ng bahay nila na yari rin sa kawayan at pawid, sa isang lugar na sakop ng Barangay Pugay sa bayan ng Dalipdip. “Napaka-ganda talaga ng mahal ko!”

Hindi lang ngayong umaga kundi madalas nangyayari ang ganitong senaryo. Iyon bang tipong nangangarap akong mapapansin din ng babaing sobrang itinitibok ng puso ko. Kuntento na ako sa pagtitig sa kanya habang nasa pagitan namin ang malayo-layo ring distansiya, na hindi hadlang para sa akin. Wala akong pakialam kahit hindi niya ako pinapansin o kahit hindi man lang ukulan ng kapirasong tingin. Okay lang kahit saglit na sulyap na may pag-irap.

Masaya na ako sa ganito. Kahit pa paulit-ulit na sabihin sa akin ni nanay na nagpapaka-tanga ako. Totoo naman kasi. Tanggap ko na ang bagay na iyon. Ang totoo ay ako na din ang nagpapaliwanag sa sarili ko na seryoso lang talaga si Jewel Heart sa pag-aaral niya.

Tulad na lang ngayong araw na ito ng linggo. Naghuhumiyaw sa isip ko na baka may pagsusulit sila bukas kaya nakatutok siya sa pag-aaral. At siyempre, ipinapanalangin ko naman na sana ay makapasa siya at makakuha ng highest score.

“Tuwa ko lang,” bulong ko na napangiti. Kitang-kita ko na napatingin sa akin si Jewel Heart kaya kumaway ako sa kanya. “Hi!”

Gaya ng dapat kong asahan, tila naasar na naman siya ng makita ako. Inambahan ako ng suntok at dumila pa, kaya napakamot ako sa batok. Pero sanay na ako dahil ganyan talaga siya kapag nahuli akong nakatitig sa kanya.

“M-morning good!” sabi ko na halos nabulol. “Kumusta?”

Matapos siyang umirap ay dali-daling kinuha ang libro at notebook niya. Saka tumayo at pumasok sa loob ng kanilang bahay.

“Umiral na naman ang kasungitan,” naiiling kong sabi. Bumigat ang dibdib ko. “’Sungit!”

Pero okay lang ‘yon… mahal ko siya, e!

 

“ANO?” Bigla akong napalingon nang marinig ang boses ni nanay. Si Nanay Lucia. Nakatayo na pala siya sa likuran ko pero hindi ko namalayan. “Natarayan ka na naman ng matapobreng pobre!”

“Nanay, naman,” napakamot sa batok na sabi ko. “Hindi po matapobre si Jewel Heart. Alam n’yo iyan. Mabait po siya talaga.”

“Sus! May mabait bang ganyan? Katulad din naman nating pobre pero kung tratuhin ka ay grabe. Nakatuntong lang ng kolehiyo ay hindi na yata mahirap ang turing sa sarili.”

Iwinasiwas ko ang dalawang kamay kasabay ang pag-iling. Hindi kasi ako sang-ayon sa sinabi niya. “Hindi po ganyang babae si Jewel Heart, nanay. Mana po siya sa mga magulang niya na mababait.”

“Iyong tatay at nanay niya ay mababait. Hindi matapobre. Pero iba iyang babaing iyan? Diyos ko, anak. Kakaiba ang sama ng ugali.”

Sunod-sunod ang ginawa kong pag-iling. “Nanay, mabait po talaga si Jewel Heart. Maayos po niya akong kinakausap kapag nilalapitan ko.”

“Umayos ka nga, Edison. Huwag mo ng ipagtanggol ang babaing iyon dahil nakikita ng dalawa kong mga mata kung paano ka niya itrato. Kaya nga ako naiinis sa kanya ay grabe kung nakairap.”

Totoo ang sinabi ni nanay na mababait ang parents ni Jewel Heart pero mali talaga ang pagkakakilala niya sa mahal ko. Itinuturing ko ang kababata ko na walang puso pero hindi ibig sabihin ay matapobre. Kaya lang naman ganoon ang pagtrato niya sa akin ay dahil hindi niya gusto ang pagpapapansin ko sa kanya. Iyong obvious na pagpaparamdam ko na espesyal siya sa akin. Bagay na alam ko ang rason pero hindi pa rin madali sa akin na tanggapin.

Siyempre, sino ba namang nagmamahal ang matutuwa kung talagang ayaw sa ‘yo?

Kaya lang ay totoong mahal ko si Jewel Heart at nangangarap talaga ako darating ang panahon na mapapansin niya. Naghihintay lang ako ng pagkakataon, na inaasahan ko talagang darating.

“Nanay, may pangarap po talaga si Jewel Heart,” paliwanag ko sa kanya, “at gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral. Kaya kinaiinisan po niya ako ay dahil hadlang ako sa maganda niyang kinabukasan.”

“Kung hindi talaga matapobre ang Jewel Heart na iyan ay sana naman ay hindi ka niya ganyan tratuhin. Maging mabait naman siya sa ‘yo dahil wala ka namang ginagawang masama sa kanya.”

“Nanay, mabait po si Jewel Heart,” pagdidiin ko pa. “Okay naman po siya kapag magkalapit kami at nag-uusap. Nagiging masungit lang naman po siya kapag nahuhuli akong nakatitig sa kanya. Siguro po ay nag-aalangan siya kaya ganoon.”

Sinapok ako ni nanay. Napa-aray ako at napahalakhak. “Ang sakit no’n, nanay. Ang bitter n’yo sa akin.”

“Gago ka kasi. Sobra kang makatitig sa babaing ‘yon. Parang hinuhubaran mo na.”

“Hindi po. Nanay, sobra ka, ha. Hindi naman po ako ganoon ka-bastos. Nagagandahan lang po talaga ako kay Jewel Heart.”

“Ewan ko sa ‘yo,” naiiling na sabi ni nanay. “Papansin ka rin kasi kay Jewel Heart. At dahil obvious na gustung-gusto mo siya ay tinatarayan ka.”

“Wow! Obvious! Nanay, english ‘yon, ah. Spell po. Spell.”

Napahalakhak si nanay. Sinipa ako. Pero ako’y nakailag. Inulit niya iyon pero ako naman ang napahalakhak dahil sala uli.

“Uto!” sigaw niyang namumula ang mukha. “Lalo mo akong ginigigil, Edison!”

Dahil hindi ko inaasahan ay nahagip niya ang buhok ko at ako’y sinabunutan. Lalong lumakas ang halakhak ko at niyakap siya.

“Sorry na po, nanay. Peace na tayo. Please.”

Binitiwan niya ang buhok ko. Lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

“Bitiwan mo na ako, Edison. Magsasaing pa ako. Peace na tayo. Okay na.”

Binitiwan ko siya. “Promise po?”

“Oo na. Pero, anak, iwasan mo na ang Jewel Heart na ‘yan. Ayoko siyang maging manugang.”

“Inay, naman!” Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi ko inaasahan ang kanyang sinabi. Talagang nabigla ako. “Seryoso po ba talaga kayo?”

Walang ngiti na itinuro niya ang ilong ko. “Kahit manlaki rin ang butas ng ilong mo ay hindi ko pa rin gusto ang Jewel Heart na ‘yan. Hindi ako nagbibiro, Edison. Ayoko sa kanya!”

Nag-thumb’s down pa si nanay bago ako talikuran. Bagay na nagpabigat sa loob ko. Hindi ko talaga matanggap.

“Ayaw niya kay Jewel Heart?” bulong ko na nagwawala sa pagtutol ang puso at isip. “Hindi puwede. Dapat ay magustuhan ni nanay si Jewel Heart dahil siya lang ang babaing gusto ko.”

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Jewel Heart Na Walang Puso (Chapter 1)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.