Si Jewel Heart Na Walang Puso (Chapter 2)

Edison’s Point Of View

NANG kumakain kami ng tanghalian ay binuksan uli ni nanay ang usapan tungkol kay Jewel Heart. Kahit naroon si tatay at ang apat kong mga nakababatang kapatid ay hindi nagpapigil. Para ngang sinadya niya na iparinig sa mga ito, na hindi talaga siya boto sa babaing gusto ko.

“Maghanap ka ng iba, Edison. Mahirap na nga tayo ay mahirap pa rin ang gusto mo. Mangarap ka naman sa buhay at huwag magtiyaga sa hampaslupa na may masama pang ugali.”

“Nanay, si Jewel Heart nga po na mahirap din ay hindi ako gusto, may chance pa po ba ako sa mayaman?”

“Pogi ka naman, anak,” sabi ng aking ama na si Tatay Celso.

Napatawa ako. “Si tatay talaga…”

“Bakit, hindi ba? Kamukha kita, Edison. At mana ka sa akin.”

“Oo, Kuya Son,” sabad sa usapan ng kapatid kong sunod sa akin. Si Edimar, na seventeen years old na. “Marami ngang may crush sa ‘yo na classmates ko. Nakakainis nga, e. Imbes na ako ang ma-crush-an ay ikaw pa.”

“Kita mo na, anak? Marami ka palang tagahanga, e. Kaya huwag mong maliitin ang sarili mo. May chance kang makapag-asawa ng mayaman.”

Gusto ko sanang sagutin si tatay, na si Jewel Heart lang ang mahal ko at pangarap na mapangasawa. Pero sinarili ko na lang iyon dahil tiyak na lalong magsasalita si nanay ng laban sa kanya. Hindi ko gusto iyon. Nasasaktan ako. Kung maaari ay ayokong napupulaan ang mahal ko.

“Huwag ka nang gumaya sa kuya Eddie mo,” seryosong sabi ni nanay. “Pobre din ang binuntis kaya walang nagawa kundi pakasalan. Ano ngayon ang buhay nila? Isang kahig, isang tuka. Kaya ayon! Mas mukha pang matanda sa tatay mo ngayon kahit dalawa palang ang anak.”

Anim kaming magkakapatid. Ako ang padalawa. Ang Kuya Eddie ko na hindi rin naka-graduate ng high school ay maagang nakapag-asawa. May dalawa na ngang anak ang mga ito at nakikipisan sa mga magulang ng asawa.

Dahil walang regular na trabaho si kuya ay hirap na hirap din sa buhay. Umaasa talaga sila sa mga magulang ni Ate Riza, na mabuti na lang at parehong may trabaho.

“Huwag naman sanang matulad ka sa kuya mo, Edison,” pagpapa-alala ni tatay. “Hindi naman masama ang trabaho mo ngayon bilang laborer pero kung sakali na magkakaroon ka ng mas maayos ay mas maganda.”

“Isa pa ‘yan!”

Sabay kaming napatingin ni tatay kay nanay, na humihingi ng paliwanag ang mga mata.

“Isa sa hindi matanggap ni Jewel Heart ay iyong magkakaroon siya ng manliligaw na laborer.”

Napakamot ako sa leeg dahil sa sinabing iyon ni nanay. Hinuhusgahan na naman niya ang mahal ko.

“Hindi naman siguro,” ani tatay. “Mabait namang bata si Jewel Heart.”

“Naku, tatay,” may kalakasang sabi ng nag-iisa kong kapatid na babae. Si Edeliza. Sunod siya kay Edimar at thirteen years old na. “Wala daw pong puso si Ate Jewel.”

Nagtinginan sina tatay at nanay. Saka nagduweto. “Anong walang puso?”

Tumawa ako. “Joke lang po ‘yon, tatay, nanay. Wala naman pong taong walang puso.”

Tiningnan ko si Edeliza na nanlalaki ang mga mata. Namula naman ang mukha niya na napayupyop at sinapo ang sariling bibig.

“Sinabi mo ‘yan, anak, dahil totoo.”

“Nanay–”

“Seryoso, Edison,” putol niya sa sasabihin ko. “Kalimutan mo na ang Jewel Heart na ‘yan. May heart pa naman ang pangalan tapos wala palang puso.”

Hindi na lamang ako nagsalita pa. Mabilis ko na lang inubos ang pagkain ko sa plato para makaalis na ako.

Wala akong panalo kay nanay, sigurado ‘yon!

 

Jewel Heart’s Point Of View

KONTING kembot na lang at matatapos ko na ang ikalawang taon ko sa kolehiyo. Four months, to be exact. Next school year ay third year college na ako sa kursong BSEd, major in Mathematics.

Wow! Ang totoo’y hindi ko inaasahang mararating ito. Sa hirap ng aming buhay ay talagang hindi kaya ng mga magulang ko na pag-aralin pa ako.

Si Tatay Manuel ko ay tauhan sa niyugan, na nagkakaroon lang ng malaki-laking kita sa panahong nakapagbibenta ng kopra. Ang Nanay Yolly ko naman ay matiyagang naglalako ng iniluluto niyang kakanin. Kaya halos sapat lang ang kinikita nila sa araw-araw naming pangangailangan.

Pero dahil may pangarap ako ay nagsikap na makatuntong sa kolehiyo at makuha ang gustong kurso. Na nangyari nga dahil naipasa ko ang scholarship examination ng aming mayor. Nasulit ang matiyaga kong pagpila noon ng mahaba kahit napaka-init ng sikat ng araw at naging full scholar ako.

Sinamantala ko ang pagkakataong iyon at sineryoso ko talaga ang pag-aaral. Naabot ko ang required average sa pagtatapos ko sa unang taon kaya hanggang ngayon ay nag-aaral pa rin ako. Pangarap kong makatapos kaya dalawang taon pa akong magsusunog ng kilay para ma-maintain ang scholarship, na ipinangako ko sa aking mga magulang.

By the way, I’m Jewel Heart Rivera, twenty years old. Panganay sa limang magkakapatid. Bale, dalawang babae ang sumunod sa akin at nasundan pa ng dalawang lalaki.

Sila sina Jewel Rose, eighteen years old, Jewel Joyce, sixteen, Jerome Ace, thirteen at Jerome Von, nine years old. Of course, sila bilang makabagong kabataan ay makukulit, masayahin at magugulo. Sila ang tipo ng mga taong tanggap kung anong buhay meron kami. To the point na hindi nila pinapansin ang kahirapan dahil iyon na ang kinalakihan.

Pero umaasa ako na darating ang panahon, na tulad ko ay maisipan din nilang pangarap. Kahit hindi na para sa aming pamilya kundi kahit sa sarili lang nila.

Iyon man lang maiangat nila in the future ang sariling buhay at magkaroon ng magandang kinabukasan. Huwag sana silang matulad sa mga kabataan dito sa aming lugar, na hindi na naka-ahon bagkus ay nalugmok na sa kahirapan.

Sa totoo lang, nakita ko kung anong buhay meron sa aming lugar at sa iba pang mga baranggay sa bayan ng Dalipdip. Mabibilang talaga sa daliri ang may maayos na pamumuhay kaya nasabi ko sa sarili na magsisikap ako para sa pamilya ko. Bilang panganay ay nangarap ako na maiahon sila sa kahirapan.

Kapag nakatapos ako at nagkaroon ng trabaho ay pagsisikapan ko na matustusan ang pag-aaral ng aking mga kapatid hanggang sa sila ay makapagtapos din ng kurso.

Kaya hanggang maari ay iniiwasan ko ang ano mang bagay na puwedeng makahadlang sa pinapangarap ko. Kasama na nga rito ang mga taong magiging balakid sa akin.

Kabilang na nga si Edison Madlang-awa, na aming kapitbahay at makulit kong kababata.

Ang lokong iyon, ang turing sa akin ay walang puso. Grabe, as in. Nakakainis. Kaya nga may pagkakataong tinatarayan ko siya. Pinakikitaan ko ng bad attitude. Pero dahil nga makulit, binabalewala iyon at sige pa rin ang pagpapapansin.

Pa-cute, ang loko.

Buti na lang at hindi siya pangit kaya okay lang. May karapatan siyang magpalapad ng papel. Pogi, eh. Sinuwerte siya na may taglay na maamong mukha. Kaya kahit inis ako ay napapawi ang emosyong iyon kapag napatingin ako sa kanya.

Edison’s face is flawless. He has a fair of tantalizing eyes. Like his father, his nose is pointed and his lips are reddish fresh thin.

Dahil sa hitsura niya ay hindi mapapagkamalang isa lang siyang laborer. Iyon ang trabaho niya dahil hindi pa siya nakaka-graduate ng high school. Third year kami nang tumigil siya sa pag-aaral dahil pagod na daw siyang mag-marathon sa pagpasok.

At dahil din sa hitsura niyang iyan kaya ako nagkaroon ng lihim na paghanga sa kanya. Yes, I admit it. I have a crush on him. Pero pilit kong kinikimkim ang feelings na ito. Madalas ko siyang sinusungitan at tinatarayan para ikubli ang totoo, na ang ibinunga nga ay ang pagtuturing niya sa akin na walang puso.

Haiz! Ang sakit, ha. Hindi naman ako manhid para hindi indahin iyon. Pero tinitiis ko na lang para layuan niya ako. Hanggang maari kasi sana ay ayoko munang magkaroon ng manliligaw. Natatakot ako na baka kapag nagka-boyfriend ay maapektuhan ang pag-aaral ko.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Jewel Heart Na Walang Puso (Chapter 2)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.