Jewel Heart’s Point Of View
DAHIL hindi ko inaasahan ay nagulat ako sa pagdating sa bahay nina Pria at Gerald. Araw ito ng Sabado kaya wala kaming pasok sa school. “Binigla n’yo naman ako, Pria.”
“Hindi ba’t kinuha ko ang address mo last Wednesday, Jewel Heart,” sabi niya. “Sinabi ko na sa iyo na pupunta ako rito. Mabuti na lang at alam pala ito ni Gerald kaya go kami. Here we are na, Beshie.”
Nang tumingin ako kay Gerald ay ngumiti siya. Biglang bumilis ang pintig ng puso ko dahil napaka-guwapo niya. Ibang-iba na ang hitsura niya kumpara noong mag-classmate pa kami.
Pumuti si Gerald. Kaya kitang-kita na ang tantalizing eyes niya. Pati ang manipis pero pamulang labi. Idagdag pa ang makitid niyang ilong, na may katangusan.
OMG, hiyaw ng utak ko. Akalain ko bang guguwapo ng ganito ang dati kong suitor na binasted ko?
“Kumusta ka na, Jewel Heart?” tanong niya sa akin. “Wala pa rin bang puso?”
Namula ang mukha ko. Naalala ko ang sinabi ni Edison, na ito ang original na nagbansag sa akin ng ganoon.
“Alam mo rin pala ang tungkol sa pagiging walang puso ni Jewel Heart, Gerald,” natatawang sabi ni Pria. “I thought, si Edison lang ang nagsabi niyan.”
Tumawa sI Gerald. “Si Edison Madlang-awa. Kumusta na ang kulokoy na iyon?”
“Kilala mo din siya, Gerald?”
“Oo, Pria. Bestfriend ni Jewel Heart ang isang iyon. At alam mo bang galit na galit sa akin ‘yon noong bansagan ko si Jewel Heart na walang puso?”
“Talaga? Eh, bakit sinasabihan niya si Jewel Heart na walang puso? ‘Di ba, Jewel, lately na lang tumigil si Edison sa pagtawag sa iyo na walang puso?”
Napatango ako. “Oo, Beshie.”
Tumawa si Gerald. “Ibig sabihin, matagal kang naging walang puso, Jewel. Nanligaw ba sa iyo si Edison? At sinagot mo na kaya nagbago na ang tingin niya sa ‘yo?”
“He’s not my boyfriend yet, Gerald. Nanliligaw palang si Edison.”
Nakakainis! Bakit parang labag sa kalooban ko na sabihin kay Gerald na manliligaw ko na si Edison?
“Sana naman hindi mabigo si Edison…”
“Of course not,” mabilis na sabi ni Pria. “Sweet suitor kaya si Edison. At ibang klaseng manligaw, ha. Kaya nga kinikilig na sa kanya si Jewel.”
Gusto kong mainis kay Pria dahil sa pambibisto niya sa akin. Ang totoo kasi ay ayaw kong mahayag kay Gerald ang kasalukuyan naming sitwasyon ni Edison.
“Good,” masiglang sabi ni Gerald. “Masaya ako sa inyong dalawa ni Edison kapag kayo ang nagkatuluyan.”
Bigla akong nalungkot sa narinig na iyon. Hindi ko gusto ang pag-asam niya na mauuwi sa maganda ang relasyon namin ni Edison.
For God sake, Jewel Heart, hiyaw ng isang bahagi ng aking utak. Umayos ka nga. Attractive ka ba kay Gerald at gusto mong siya ang maka-relasyon mo?
“Hindi!” Wala sa loob na sabi ko. Nagulat naman sina Pria at Gerald nang marinig iyon. Nang mapatingin ako sa kanila ay nakita kong kapwa nagtatanong ang mga mata.
“Anong hindi, Beshie?” Si Pria ang unang nagtanong sa akin.
“Hindi mo ba gustong maging boyfriend si Edison, Jewel Heart?” tanong naman ni Gerald.
Pinilit kong ngumiti. Saka ako umiling. “Hindi ako nagmamadali,” pagdaka ay sabi ko. “Dahil scholar ako at may mini-maintain na grades ay hindi ko pa sana gustong magka-boyfriend.”
“Pero ang sabi mo ay inspirasyon mo sa studies si Edison, Beshie. Kaya kahit maging boyfriend mo siya ay siguradong magiging mataas pa rin ang grades mo.”
Haiz! Sabunutan ko kaya ang Pria na ito? Ibisto ba talaga ako kay Gerald?
“Goodluck, Jewel Heart,” sabi pa ni Gerald. “Sa studies mo at sa future relationship ninyo ni Edison.”
“Thanks, Gerald,” sabi ko lang, na pinilit ngumuti.
“Welcome, Jewel Heart na may puso.” Nagulat ako sa naging bansag niya sa akin ngayon.
Teka! hiyaw ng utak ko. Anong ibig niyang palabasin? May gusto ba siyang tukuyin?
“Grabe ka,” natatawang sabi ni Pria na masuyong humawak sa braso ni Gerald. “Dugtungan pa ba ng may puso ang name ng Beshie ko?”
Inakbayan ni Gerald si Pria. “Wala naman siyang binatbat sa ‘yo, Babe. Dahil ikaw si Pria na may malaking puso.”
Yumakap si Pria sa kanyang boyfriend. “Totoo ba ‘yan, Gerald? Baka naman binubola mo lang ako?”
“That’s really true, Pria. Kaya nga mahal na mahal kita.”
Bigla akong nainggit sa bestfriend ko nang halikan siya ni Gerald. Ewan kung bakit hinangad ko na sana ay ako na lang ang nasa lugar niya.
NANG makita ako ni Edison sa balkonahe, pag-uwi niya mula sa trabaho ay nilapitan ako. Masaya niya akong kinausap na parang hindi napagod. “Alive na alive pa rin ang friend ko, ah.”
“Nakita kasi kita, my Jewel Heart,” mabilis niyang tugon. “Kaya kahit maghapong pagod sa trabaho ay lumalakas.”
“Talaga lang, ha.”
“Oo naman.” Kinindatan niya ako. “Alam mo naman kung ano ka sa buhay ko, Jewel Heart.”
“Salamat, Edison.”
“Ako nga ang dapat magpasalamat sa ‘yo. ‘Yong magandang pakikiharap mo sa akin gaya nito ay labis na kaligayahan ang naibibigay sa akin.”
“Mabait ka naman kasi, Edison. Basta sikapin mong magtagumpay at magkaroon ng magandang future. Promise, hindi ako magbabago sa pakikitungo sa ‘yo.”
“Gagawin ko ‘yan para sa “yo, Jewel.Heart. Pero tuparin mo rin ang pangakong hindi ka magbabago sa pakikitungo sa akin.”
Tumango ako na ngiting-ngiti.
“At sana…”
“Sana ay ano, Edison?”
“Wala na sanang ibang lalaking umagaw sa atensiyon mo.”
Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Biglang pumasok sa isip ko si Gerald, na kanina nang makita ko uli ay aking biglang hinangaan dahil sa laki nang pagbabago.
Nainggit pa nga ako kay Pria bilang girlfriend nito. Hinangad ko pa nga na sana ay ako na lang ang nasa lugar niya.
“Jewel Heart, ako na ang pinaka-masayang lalaki sa buong mundo kapag naging boyfriend mo.”
“Wala pa naman akong planong makipag-boyfriend, Edison.”
“Huh?”
Nagulat siya sa isinagot ko. Alam ko na hindi niya inaasahan iyon. Sa maganda at maayos kong pakikitungo sa kanya ay umasa na siya na magiging boyfriend ko.
“W-wala pala akong pag-asa, Jewel Heart?”
“Hindi naman sa wala, Edison. Pero huwag kang magmadali. Alam mo namang nag-aaral pa ako at gusto kong makatapos.”
“Ibig sabihin… maghihintay pa ako ng matagal.”
“Kung talagang mahal mo ako, magtitiyaga ka. Gano’n naman talaga, hindi ba? Hindi mo ba kaya, Edison?”
“Hindi naman sa hindi ko kaya, Jewel Heart. Kaya lang… p-parang nag-iba ang ihip ng hangin.”
Umiling ako. Bagama’t totoo ang sinabi niya ay hindi ako umamin. “Wala namang nabago, Edison. Ngayon ko nga lang sinabi ang bagay na iyon.”
Nakadama ako ng awa sa kanya nang makita ang matinding kalungkutan sa mukha niya. Pero hindi na ako umimik. Kaya halatang-halata na nanghina siya nang magpaalam na uuwi na.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Kasi Naman salawahan ka nanloligaw palang SI Edison hinangad mo na na sana kayo nalang ni Gerald duhhh bobo mo