NANG gabing iyon ay dinatnan ni Orange si Carlo na nakaupo sa sofa, nakaharap sa TV pero wala namang sounds ang pinanonood nito. Kunwa’y kumatok siya sa dingding at napatingin ang lalaki.
“Kumusta?” nakangiti niyang tanong. Hinubad ang sapin sa paa at saka inilagay ang mga iyon sa shoe rack na nasa likod ng pinto. Lumapit siya sa kinauupuan ni Carlo at tumabi ng upo rito.
“Kumain ka na?” tanong nito.
“Hindi pa. Ikaw?”
“Been waiting for you.”
“Naks, pati accent, tunog-mayaman talaga!”
Umiling-iling si Carlo pero nakangiti naman ito. “Can you explain what you did this morning, my dear wife?” Kanina ay nag-text ito sa kaniya na susunduin siya sa pag-uwi pero nagdahilan siya rito na kasama niya si Chikki at sinabing sa bahay na lamang sila magkita.
Naiisip pa rin kasi niya ang nangyari kaninang umaga partikular ang paghawak nito sa kamay niya at hindi niya maunawaan ang sarili sa pagsibol ng kung anong damdamin sa kaniyang dibdib. Natatakot siya sa posibleng kahulugan ng emosyong iyon.
“Alin doon?”
“Bakit parang kinokontra mo yata si Mama?”
“Dapat ko bang ayunan ang mga sinasabi niya?”
“Bakit, hindi ba?”
Kinatok niya sa ulo si Carlo. “Okay ka lang? Hindi ba kaya tayo magkasama sa iisang bubong ay para panindigan sa harap ng mga magulang mo na mag-asawa tayo?”
“Yes.”
“At bakit mo kailangang gawin iyon?”
“Para sundin na nila ang gusto ko?”
“Na mag-take ng kursong gusto mo at hindi ang kursong gusto nila, tama?”
“Yes!”
“Yun naman pala eh! Kung ganitong hindi kami magkakasundo ng mama mo, maiinis siya sa akin at gugustuhin niyang ilayo ka na sa akin, Carlo. Pag nangyari iyon, hindi ka na mamumrublema. Pagbibigyan ka na nila sa gusto mong gawin—layuan mo lang ako.”
Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Si Carlo ang naglakas-loob na magbiro. “Gusto mo ba ‘yon?”
“Na mag-take ka ng Fine Arts?”
“Na magkalayo tayo.”
Saglit siyang natigilan pero agad ding nag-compose ng sarili. “Timang!” tudyo niya kay Carlo pero ang totoo ay unti-unti nang kumakabog ang kaniyang dibdib. “Ayos lang iyon. Ang mahalaga, makapag-aral ka ng kursong gusto mo. Saka hindi ka bagay sa maliit na lunggang ito. Tingnan mo nga ang kutis mo, ang pula-pula. Nagmamarka agad, madikit lang sa sofa oh.”
Tumawa siya pero unti-unting nabura iyon nang mapansing hindi naman natatawa si Carlo. Tahimik lang itong nakamasid sa kaniya. “Hoy, ang seryoso mo naman,” untag niya rito pero hindi pa rin ito umimik at basta lang nakatitig sa kaniya kaya bahagya na siyang nailang. “M-may problema ba?”
Unti-unting sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Hindi ako naniniwala.”
“Na?”
“Na okay lang sa’yo na magkalayo tayo.”
“Bakit? Feeling mo naman!” at kunwa’y hinampas niya ito sa braso pero hinuli nito ang kamay niya. Nang tingnan niya ito ay seryoso na ulit ang paraan ng pagkakatingin nito sa kaniya.
“Thanks, Tasha.”
“Saan?”
“Sa pagtulong mo sa akin. Sa halip na ako, ikaw pa ang tumutulong sa akin ngayon.”
“Wala iyon.”
“Kumusta na nga pala ang tatay mo?”
Inilayo niya ang tingin dito. Hindi siya handang sabihin kay Carlo ang totoo. Oras na malaman nito ang lagay ng tatay niya ay mag-aalala ito at makadaragdag lang iyon sa mga intindihin ng lalaki. O baka mag-suggest pa itong umuwi na siya sa kanila. Hindi niya iyon magagawa lalo ngayong may panibago silang problema ng mga anak ni Tiya Rosa.
Isa pa ay wala naman siyang ibang pupuntahan. Patuluyin man siya ni Chikki sa bahay nito ay siya na ang unang tatanggi. Alam niya ang situwasyon sa bahay nito. Extended family din ang drama sa buhay ng kaibigan at sa araw-araw ay problema nito hindi lang pagkain at pangunahing pangangailangan kundi maging ang ‘peace of mind.’ Daig pa daw nito ang nakatira sa gilid ng tren sa ingay ng kabahayan. Hindi niya gugustuhing mapabilang sa mga pasanin ng bestfriend niya.
“Ayos naman. Hindi siya pinababayaan ni Tiya Rosa,” tugon na lang niya.
Tumangu-tango si Carlo. “Good,” anitong tila nasisiyahan. “Alam na ba niyang…nag-asawa ka na?”
“Oo, alam na niya. Ah, siya nga pala Carlo, ano ba ang plano natin? Hanggang kailan ang mama mo rito?” aniya para mailiko ang topic.
Bumuntong-hininga si Carlo at saka sinalo ng mga kamay ang ulo. “Hindi ko nga maintindihan kung bakit nagtitiis si Mama dito eh—knowing my mom…”
“Baka dahil na-miss ka niya talaga. Salamat nga pala kanina ha.”
“Saan?”
“Sa ginawa mong pagliligtas sa akin. Hindi naman ako nakapagluto, ‘di ba? Hindi ko nga rin naligpit ang kwarto dahil tinanghali ako. Mabuti at maaga kang nagising.”
“Actually, hindi ako nakatulog dahil may exams ako. Mabuti na lang dahil kung hindi, nahuli na tayo ni Mama. Ikaw kasi eh.”
“Sorry na nga. Aayusin ko na ‘yung alarm ko para siguradong hindi na ako mali-late nang gising.”
“Not that, Tasha.”
Nabigla si Orange nang bigla na lang siyang gitgitin ni Carlo. Humarap ito sa kaniya at saka hinaplos ang pisngi niya. Wala siyang masulingan kaya pumikit na lang siya pero naisip niyang baka akalain ni Carlo na cue niya iyon para hagkan kaya madali siyang dumilat. At hayun pa rin ang mokong, nakangiti at titig na titig sa kaniya. As if memorizing every line of her face. It was indeed a magical moment for her. Dahil sa pagkailang at matinding kaba ay hindi niya nagawang mag-react. “Ang pinupunto ko, sana kasi ay hindi mo na ako dito sa labas pinapatulog. Paano kung…kung mabuking tayo ni Mama?”
“Ako ba o ikaw ang ayaw matulog sa room ko? Hindi ba at ikaw ang nang-iwan sa akin noong gabi na…na ano…”
“Na ano?” hamon nitong nakangiti pa rin.
“Yung gabi na ‘yun, Carlo, nakalimutan mo na ba? ‘Yung ano—nagalit ka kasi…inano ko kasi ‘yung ano mo…”
“Ha?” Yumugyog ang mga balikat ni Carlo at bigla na lang nawala ang magic.
“Tuwang-tuwa ka sa galak, alam mo ‘yon?”
Lalo lang tumawa si Carlo; this time ay ang lakas na ng tunog niyon. Malamang na naririnig sila ng mga biyenan niyang hilaw sa kabilang bahay.
Nang tumigil sa pagtawa ang lalaki at humarap sa kaniya ay siya naman ang natigilan.
“I really like you, Tasha. Sana, lagi na lang tayong ganito.”
Nabigla siya nang ikulong ni Carlo sa mga kamay nito ang kaniyang mukha. Nanlaki ang mga mata niya nang yumuko ang lalaki but he stopped just when she thought he was about to kiss her. Titig na titig na naman ito sa kaniya at may pakiramdam talaga siya na ang haba-haba ng buhok niya sa gabing iyon.
“That night, sweetheart, I will never forget that. But I’m willing to wait for the perfect time, you know…na maulit iyon. At sa pagkakataong iyon, higit pa doon ang eksena.” Inilapit ni Carlo ang mukha sa kaniya at nalanghap niya ang mabango nitong hininga. She felt a different kind of sensation she was not familiar with. Pero hindi pa man niya naipo-proseso sa isip ang mga iyon ay muli na namang nagsalita si Carlo. “Sa gabing iyon, Baby Girl, hindi mo na iyon gagawin para lang patunayan sa akin na malinis ka. Gagawin mo iyon dahil gusto mo at dahil pareho na tayo ng nararamdaman.”
“Ha?” aniya. May idinidikta ang isip niya pero hindi niya iyon mapaniwalaan. “Ano ba’ng nararamdaman ang kailangan para doon?” tanong niya.
“I know you’re still young but…” He paused and took her hand and placed it on her own chest. “that, sweetheart…that will be the one to tell you what’s likely gonna happen and I promise you, when that day comes, I’ll be with you every step of the way.”
“Puwede mo bang linawin? Mukhang kahit Tagalog, hindi ko maiintindihan ‘yan eh.”
Muli itong tumawa pero mukhang walang balak magsalita ang kumag. Pagkatapos nitong haplusin ang baba niya ay tumayo na ito at kinuha ang towel na nakasampay sa sofa. Napanganga siya nang maghubad ito ng kamiseta sa harap niya habang ang mga mata ay hindi humihiwalay ng tingin sa kaniya. Napalunok siya nang mapagmasdan ang athletic body frame ni Carlo.
“Puwede munang mag-shower bago kumain?” tanong nito.
Napakamot siya ng ulo at wala sa loob na napatayo. “Sige. Ang dami ko pa ring gagawing assignment. Saka na tayo kumain—este—mamaya na pala pagkatapos mong maligo. Sa kuwarto muna ‘ko…” Dahil awkward ang pagkakatayo niya ay naglaglagan ang kaniyang mga gamit. Gigil na pinulot niya iyon isa-isa. Nang akmang tutulungan siya ni Carlo ay agad niya itong pinigil. “Maligo ka na. Kaya ko na ito.”
“Are you sure?”
“Yap.”
“Pero—”
“Sige na.” Itinulak niya ito papunta sa bathroom pero iniharang nito ang sarili sa pinto niyon. Binuksan niya ang pinto at saka pilit na itinutulak si Carlo pero naisipan pa rin nitong mang-inis.
“Maligo ka na rin, amoy-araw ka na, Tasha,” anito sabay hatak sa kaniya.
“Oo, alam ko. Huwag mo ‘kong amuyin. Susunod ako sa’yo, okay!”
“Sabay na tayo?”
“Carlo naman!”
“Sayang ang tubig, Baby Girl!”
“Tse!”
Noon biglang bumalabag ang pinto ng bahay at magkasabay pa silang napasigaw ni Carlo. “Mama!”
Marahas na napatakip ng bibig ang mama ni Carlo. Nagkatinginan sila at noon nila kapwa na-realize ang konotasyon ng reaksiyon nito. They were standing at the bathroom door, Carlo was naked and she was holding his towel. Mahigpit na magkahugpong ang mga kamay nila habang ang isang kamay ni Carlo ay hindi naramdaman ni Orange na nasa baywang niya.
Nagulat siya nang bigla siyang hapitin ni Carlo at idikit nito ang ilong sa ilong niya. Marahan nitong pinagkiskis ang mga ilong nila at napapikit siya dahil doon.
“Que barbaridad, mga batang ito!”
Noon lang siya pinawalan ni Carlo. Kinuha nito mula sa kaniya ang towel na hawak at saka siya inakbayan, iginiya palapit sa ina. And he had managed to place her hand on his waist from the back. “Bakit naman kasi hindi kayo marunong kumatok, Mama?”
“I’m sorry. Hindi ko naman kasi akalaing…oh, never mind!” anitong sa kaniya nakatingin, tila mapapangiwi. Napayuko naman siya sa kahihiyan. “Nakita ko lang na gabi na kayo halos nakauwi pareho at tiyak na pagod na kayo para magluto kaya dinalan ko na lang kayo nito.” Inabot nito sa anak ang isang tupperware na may lamang pagkain. Binuksan iyon ni Carlo at napasipol ito nang makita ang adobo.
“My favorite,” pleased nitong sabi.
“You still do, hijo?”
“Of course, Ma.”
“Ituro mo sa asawa mo kung ganoon.”
“It’s no big deal, Ma. I don’t mind cooking for her.”
Umingos ang biyenan niyang hilaw pero hindi niya naiwasan ang mapangiti. Binura lang niya iyon sa mga labi nang sa kaniya naman ito tumingin.
“I can see my son really loves you, Anastacia. I can’t believe your luck.”
“Oh, Ma, please…”
“At ikaw rin naman hijo, napakuwerte mo rin sa asawa mo, hindi ba, Anastacia?”
Ngumiti siya pero hindi iyon umabot sa tainga. Bakit ba consistent na ganoon lang ang klase ng ngiting naibibigay niya sa biyenan? May label pa ba pati pagngiti niya sa mag-inang ito?
“Thanks, ‘Ma. Maliligo lang kaming mag-asawa at saka kami kakain.”
“Huwag masyadong magbabad at baka magkasakit kayo ha. Pulmonya ang aabutin ninyong dalawa ‘pag di kayo sumunod,” anito at saka tumalikod upang tunguhin ang pinto.
“Baby oil, ‘Ma, meron kayo?” wala sa loob na habol niya. Matalim na sulyap ang ibinigay ng mama ni Carlo at ang lalaki naman ay marahan siyang siniko. “Joke lang po. Peace!”
“Baby Girl!” gigil na sabi ni Carlo.
Napalingon siya rito at nakitang seryoso ang pagkakatingin nito sa kaniya. “Tse, baby oil ka naman!” aniya saka binirahan ng talikod at tuluy-tuloy nang pumasok sa kaniyang silid.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Pasaway ka tlga anastasia