“BITIWAN mo nga ako!” sigaw ni Orange kay Clifford na noon ay mahigpit na nakahawak sa braso niya. “Ano ba? Ano ‘to, Cliff? Ano’ng pinagsasabi mo kay Carlo?” nauutal pa niyang tanong dala ng matinding inis rito.
“Tasha—”
“Wag mo ‘kong ma-Tasha-Tasha! Alam mo ba kung ano ‘yung ginawa mo kanina? Sinira mo ang pagtingin ni Carlo sa’kin! Ano ba kasing pumasok sa kukote mo at nagpunta ka doon?”
“Tasha naman—”
“Stop calling me Tasha, okay! Si Carlo lang ang puwedeng tumawag nang ganyan sa’kin!”
“Okay, fine. Hindi mo na kailangang itanong kung bakit ako nandoon. Ang mahalaga, dumating ako para sa’yo.”
Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. “Adik ka ba, Cliff? Pambihira, ano’ng hinithit mo at nagbuhol-buhol yata ang selula ng utak mo!”
Tahimik lang si Clifford, nakamasid sa kaniya. Kung noon siguro ay tiyak na mamumutla siya at sisinukin na sa labis na kilig. Cifford was her ultimate crush, anyare sa kaniya?
“Hindi na kita tatanungin kung sino ang nag-utos sa’yo na gawin ang palabas na ‘yan dahil alam ko namang hindi ka aamin pero pakisabi sa nagsugo sa’yo na huwag siyang matutulog dahil pagputok ng araw bukas, ako naman ang tatawa sa kaniya!” Mabilis niyang tinalikuran ang lalaki pero hinagip nito ang kaniyang palapulsuhan.
“Saglit lang, sabay na tayong umuwi.”
Hinampas niya ito sa dibdib at bahagya itong napaatras. “Manhid ka ba? Hindi ba obvious na gigil na gigil ako sa’yo ngayon? Ano’ng sabay-sabay na pinagsasasabi mo diyan?”
Napakamot ito ng ulo pero walang nasabi. Sinamantala niya iyon at saka ito tinalikuran.
Bumiyahe siya pauwi sa kanilang bahay. Decided na siyang kausapin ang tiyahin at ang ama upang ipagtapat sa mga ito ang lahat ng nangyari. Siguro’y mauunawaan naman siya ng mga ito sa mga kalokohang kaniyang ginawa.
Saulado na niya sa isip ang lahat ng sasabihin sa ama oras na makaharap niya ito pero dagli rin niya iyong nalimot nang makita ang bakod ng kanilang bahay. May isang malaking karatulang nakasabi roon at nakasulat ang FORECLOSED sa malalaking titik. Noon niya naalala ang sinabi ni Carlo na nailit na ng banko ang kanilang ari-arian. Dagli siyang umikot sa likod-bahay upang tingnan ang kanilang mga bukirin pero tama ang kutob niya, maging ang mga iyon ay may karatula na ring nakatirik na nagpapatunay sa nalaman niya buhat kay Carlo.
Lumung-lumo siya sa nalaman. Kung gayon ay posibleng iyon nga ang tunay na dahilan kung bakit nasa Mindoro ang tatay niya. Pero bakit hindi ito nagsabi sa kaniya noong araw na umuwi siya roon? At bakit nito nagawang isanla ang kanilang lupain?
Gulo ang isip na naglakad palayo sa kanilang bahay si Orange. Saan naman siya ngayon pupunta? Si Carlo, sa kabila ng kaalamang wala siyang uuwian ay nagawa pa siyang palayasin.
Kay Chikki kaya? Pero alam naman niya ang estado ng buhay ni Chikki. Baka may masabi pa ang magulang nito oras na umuwi siya roon nang may mga dalang damit. Mahirap lang din kasi ang pamilya ng kaibigan at tiyak na magiging malaking pasanin lang siya roon.
Kinapa niya ang wallet na nasa loob ng kaniyang bag. Ang sabi ni Carlo ay huwag na huwag niyang gagastusin ang perang bigay ng nanay niya, pero paano siya mabubuhay nang mag-isa?
Kakaba-kabang ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Lumubog na ang araw at ilang saglit pa ay kalat na ang dilim. Kailangan niyang makaisip ng lugar na pagpapalipasan ng gabi, kung hindi ay sa kalye siya matutulog kasama ng mga kuliglig at insektong panggabi.
“HI, MISS PRETTY!” Kasunod niyon ay ang pagtatawanan ng tatlong lalaking nadaanan ni Orange. Nakatambay ang mga ito sa daan at malamang ay nakainom. Dali-dali niyang binilisan ang paglalakad upang makaiwas sa mga ito pero nanlaki ang mga mata niya nang marinig niya ang mga hakbang papalapit. Nang lingunin ay nakompirma niyang sinusundan nga siya ng tatlo. Lakad-takbo na ang kaniyang ginawa habang humahanap ng mga taong puwedeng sumaklolo sa kaniya pero sa malas ay wala siyang makita ni isa. Kumaripas na siya ng takbo pero bigla na lang may humablot sa kaniyang braso. Sumigaw siya nang malakas habang hatak ng isang lalaki. Inilagay nito sa likuran niya ang kaniyang mga kamay at saka siya nito isinandal sa isang puno. Ang dalawang kasama nito ay walang tigil sa pagtawa.
“Pinagod mo kami ah!” sabi ng taong may hawak sa kaniya. Kamukha nito ang actor na si Bembol Roco plus buhok. Ang dalawa naman ay mukha ring mga sanggano. Lalo na siyang kinilabutan nang ilabas ng lalaki ang dila at binasa sa pamamagitan ng laway ang labi nito.
“Huwag kang mag-alala, brod. Makakabawi ka rito pero ihanda mo ang sarili mo sa pagod.” Tumawa itong tila isang halimaw.
“Mga walanghiya kayo, pawalan niyo ko dito!” sigaw niya habang nagwawala sa pagkakadiin ng lalaki sa kaniyang mga brasong nakadiin sa puno.
“Aba, palaban, brod! First time yatang narinig kong hindi nagmakaawa ang babae sa’yo?”
Nagtinghasan na lalo ang mga balahibo niya sa batok sa narinig. Ibig bang sabihin ay rapist talaga ang mga ito? Para na niyang na-imagine na makita ang sarili sa diyaryo, walang saplot at duguan…wasak ang mukha at tabingi ang ilong dahil sa karumal- dumal na sinapit sa kamay ng tatlong goons. Hindi! Hindi niya matatanggap!
Akma niya sanang itataas ang isang tuhod upang tuhurin sa bluetooth ang lalaking kaharap nang bigla na lang nitong hinablot ang hita niya kasabay ng pagtatawa. Napatili siya nang malakas.
“Bitiwan niyo siya!”
Kaybilis na nilingon niya ang pinagmulan ng sigaw—si Clifford. Nakadama ba siya ng disappointment sa gitna ng delikadong situwasyong iyon?
Mabilis ang takbo ng mga pangyayari. Bigla na lang nagbuno ang apat. Isa-isang hinarap ni Clifford ang mga lalaki at nakakamanghang isa-isa rin nitong napatumba ang mga iyon. Mabilis siyang napalapit rito nang magtakbuhan ang tatlo. Panay ang hawak niya sa braso nito kasabay ng hindi matapos-tapos na pasasalamat.
“Okay na, okay na,” natatawang sabi nito sabay akbay sa kaniya. Hindi na niya iyon pinansin sa labis na katuwaan. Hindi,biro ang ginawa nitong pagliligtas sa kaniya. It was a near death experience, for crying out loud!
“Hindi ko makakalimutan ang ginawa mong ito, Clifford. Thank you so much,” nangangatog pa rin niyang sabi sabay yakap sa lalaki. Kumalas rin siya agad rito nang maalala si Carlo. That kind of hug was not familiar. Parang nangingilala na rin pati yakap niya ngayon.
“Huwag mo nang intindihin iyon. Ang mahalaga ay dumating ako sa tamang oras. Bakit ka nga pala nandito? Madilim na ah.”
“W-wala na kasi akong uuwian. Nailit na pala ng banko ang bahay at lupa namin,” malungkot niyang sabi nang maalala kung bakit siya naroon sa ganoong oras.
“Sorry to hear about that. ‘Sama ka na lang sa bahay ko.”
“H-huh?” Natigilan siya at napayuko sa kaniyang kamay na ngayon ay hawak na ni Clifford. Bahagyang napakunot ang noo niya at pasimpleng binawi ang kamay. “Huwag na, Cliff. Salamat na lang. Kila Chikki ako pupunta ngayon.”
“Oh come on, Orange. Alam naman nating magkakapitbahay ang situwasyon ng pamilya ng bestfriend mo.”
Tama ito. Bukas na kuwento ang buhay ni Chikki sa lugar nila. Palibhasa ay numero unong manginginom ang tatay nito, ang nanay naman nito ay tsismosang palaaway.
“Pero hindi ako puwedeng sumama sa’yo, Cliff…hindi tama…”
Naramdaman niya ang muling paghawak ng lalaki sa braso niya. “Alam ko ang situwasyon mo with Carlo pero hindi kita hinusgahan, Tash. I’m sure, walang pinag-iba iyon sa ngayon.
Gusto sana niyang sabihin nagkakamali ito. Of course, Carlo was different—because she loved Carlo. Humugot siya ng malalim na paghinga.
“Tash, nakita mo naman siguro kung ano ang nangyari sa’yo kanina, hindi ba? Sa bahay, safe kang matutulog. Maliit lang ang place ko pero maayos naman. Isa pa ay wala namang ibang makakaalam. You can stay there for as long as you want.”
Gusto niya sanang pag-isipan muna ang gagawing desisyon pero hinatak na siya ni Clifford sa paglalakad.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Ano nasali c clifford?