Si Orange Book 3 (And Her First Love) Chapter 12

TOTOO ang sinasabi ni Clifford na maayos ang tinutuluyan nito kahit maliit. Kung tutuusin ay isang malaking kuwarto nga lang iyon na nilagyan ng mga dibisyon para magkaroon ng silid at kusina. Pero ang silid ng lalaki ay maayos. Homey ang dating  kahit kulay asul na matingkad ang bed sheet at murang asul naman ang kumot na maayos na nakatupi sa ibabaw ng unan nito. Venetian blinds ang nasa bintana, marahil ay dating salas ang bahaging iyon ng bahay.

“Diyan ka na sa kama, doon naman ako sa kabila.” Ang tinutukoy ng lalaki ay ang mababang sofa na walang kahit anong foam. Sa tingin pa lang ay matigas na ang bangkitong yari sa sala-salang kawayan.

“Mahihirapan ka, Cliff. Dapat ay dito ka—”

“No, Tash, it’s okay. Ako itong lalaki kaya walang problema.”

“Are you sure?”

Ngumiti ito at saka tumango. Marahan pa nitong pinisil ang pisngi niya. Nagtataka na siya sa mga ikinikilos ng lalaki pero hindi na niya iyon isinatinig. Parang bigla na lang na close na sila nito. Dati-rati ay simpleng hi lang at ngiti kung i-acknowledge siya nito samantalang ngayon ay may papisil-pisil pa ng pisngi.

Bandang alas-otso nang magyayang kumain si Clifford. Naglabas ito ng itlog sa ref at saka kanin na nasa mangkok. Kahit todo tanggi ay tinulungan niya ito sa ginagawa. Sinabi niyang  hindi siya kakain kung hindi siya nito patutulungin sa kusina. Sa huli ay nagawa naman niyang magsangag ng kanin at magprito ng itlog.

Matapos kumain ay naghugas siya ng pinggan kahit pinipigilan siya ng lalaki. Ito naman ay nagpaalam na magbabanyo.

Tapos na siya sa ginagawa nang lumabas ng rest room si Clifford. Dagli siyang tumalikod nang makitang hubad-baro ito at tanging tuwalya ang tapi sa pang-ibabang bahagi ng katawan.

“Sorry, Tash!” sabi nito. “Sobrang init kasi e nakalimutan kong wala akong dalang damit sa banyo. Pasensiya ka na.”

“Ah, okay lang. Sige, magbihis ka na,” aniya rito habang nakatalikod pa rin at kunwa’y may kinukuha sa kaniyang bag.

Pumasok ito sa silid at saka nagbihis. Saglit pa ay lumabas na ulit ito at ngiting-ngiti sa kaniya. “Parang hindi ka sanay na makakita ng lalaking hubad-baro ah. Don’t tell me na si Carlo ay—”

“Clifford, please. Huwag na natin siyang pag-usapan.”

Napatango naman ito. Saglit silang nagkuwentuhan at hindi nagtagal ay nagpaalam na siya ritong matutulog. Nakiusap na siya sa lalaki na huwag mag-off ng ilaw dahil hindi siya sanay sa dilim. Pero ang totoo ay alibi niya lang iyon. Wala siyang planong matulog kaya hindi siya dapat antukin.

 

UMAGA na nang tuluyang igupo ng antok si Orange. Pero saglit lang iyon dahil mag-a-alas siyete at kusa na rin siyang nagising. Madali siyang nag-ayos ng sarili at saka nagpaalam sa natutulog pang si Clifford. Pupungas-pungas na dumilat ang lalaki.

“Pasensiya na, Tash. Puyat kasi ako—ah, ang ibig kong sabihin, hindi ako agad dinalaw ng antok kaya tinanghali ako ng bangon.

“Walang problema,” aniya rito saka nagpaalam na uuwi. Pinigilan siya ng lalaki para makakain muna ng almusal pero tumanggi na siya rito. Ang laban ng buhay niya ay magsisimula sa araw na iyon. Kailangan niyang hanapin ang ama at makausap ito. Nag-offer si Clifford na ihahatid siya papunta sa sakayan ng  jeep pero tinanggihan niya ito. Katwiran niya ay tagaroon naman siya kaya hindi na ito dapat mag-abala. Kahit sa gate man lang daw ay maihatid siya nito.

Nang makalapit sa gate na kahoy ay agad niyang tinanggal ang pagkakakawit niyon. Si Clifford naman ay nasa likuran niya. Nang akmang hindi niya iyon mabuksan ay tumabi sa kaniya ang lalaki para sumaklolo. Ito na ang kusang nag-alis ng kawit ng gate.

“Orange?”

Napalingon sila kapwa nang marinig na may tumawag ng kaniyang pangalan—si Revan!

“D-diyan ka natulog kila Clifford?” malisyosong tanong ng kaibigan ni Carlo. Bahagya pang nakataas ang isang sulok ng mga labi nito kaya hindi maikakailang nag-iisip ito ng masama sa kanila ni Clifford. Bigla naman siyang napatingin sa katabi at awtomatikong napalayo rito.

“Oo…I mean, hindi! Hindi naman ako natulog eh.”

Natawa si Clifford pero hindi si Revan. “Oo, pare,” sagot ni Clifford at pagkuwa’y bumaling sa kaniya. “Bakit nahihiya ka pang aminin sa kaniya, Tash? Wala namang kaso roon, hindi ba, brod?” “Tash?!” he parroted, tila hindi makapaniwala ang anyo.

Iiling-iling itong tumalikod at naglakad palayo sa kanila.

 

 

HINDI maalis ang pagkakakunot ng noo ni Carlo. Kahapon pa iyon mula nang umalis si Tasha sa mansiyon. Hindi niya maipaliwanag ang uri ng poot na nakadagan sa kaniyang dibdib dahil sa nangyari. Iyon ay para kay Clifford habang matinding hinanakit naman ang kaniyang nadarama para kay Anastacia.

Inakala kasi niyang sa kabila ng murang edad ng dalaga ay totoo ang damdamin nito sa kaniya pero hindi pala. She was in love with someone else. Ang katotohanang iyon na ipinamukha pa sa kaniya, sa kaniya mismong pamamahay, ay isang bagay na hindi niya matatanggap.

Ano ba ang naging pagkakamali niya? Ginawa naman niya ang lahat para sa dalaga. Bakit hindi ito nakontento?

Ang totoo, dalawang oras mula nang umalis si Tasha ay hindi niya ito natiis. Tuluyan niyang kinalimutan ang salitang pride at nagmamadaling tinungo ang bahay ng dalaga. He had this feeling that she would go there despite that fact that she already knew what happened to their properties. Malakas ang kutob niyang doon ito pupunta. O siguro’y pinipilit lang niyang papaniwalain ang sarili dahil hindi niya kayang tanggapin ang ideyang posibleng sumama ito kay Clifford.

Pero wala itong pupuntahan. Saan ito matutulog? Nang puntahan niya ang bahay ni Chikki ay nalaman niya sa dalagang ni hindi ito nagpunta doon. At kung sakali raw makita nito ang kaibigan ay agad na ipagbibigay-alam sa kaniya. So where on earth did she go?

Kasalanan niya ang lahat. Kung hindi niya ipinagtabuyan si Tasha ay hindi ito aalis. Hindi ito sasama kay Clifford at hindi rin ito magsusuot sa kung saan mang lungga ito dinala ng lalaking iyon.

Bigo at bagsak ang mga balikat na umuwi ng bahay si Carlo. Masakit na masakit ang kalooban niya sa takbo ng mga pangyayari.

Sa kabila ng kawalan ng tulog at sakit ng ulo sanhi ng pag- inom ay nagawa pa rin niyang pumasok sa eskuwelahan kinabukasan. He didn’t want to stay at home. He was sure his mom would just talk to him and he didn’t like her to see him on that condition. Kung nasa klase siya, kahit paano’y mapipilitan siyang ayusin ang sarili.

Napalingon siya nang marinig ang pagdating ni Revan.

Kasalukuyan itong nakikipag-high five sa grupo. “Bakit late ka?” tanong ni Reid.

“Tinapos ko ‘yung plate ko eh.”

Nagkantiyawan ang barkada. Palibhasa’y ito ang pinakatamad sa kanilang lahat at palaging late kung magpasa ng mga plate nito.

“That’s the first reason. Ang pangalawa’y wala akong kotse.

Sira si bebe.” Natawa ito nang malakas at saka napangiwi.

“Kaya naman pala na-late, naglakad lang!” Nag-apiran ang mga malalakas mang-asar niyang kaibigan.

“Naglakad nga pero pasalamat ka sa’kin, pare, na naglakad ako. Kung hindi, wala akong ibabalita sa’yo ngayon.”

Napakunot-noo siya nang makitang seryoso itong nakatingin sa kaniya.

“Sa’kin?” tanong niya rito sabay turo sa sarili. Sa halip na sumagot ay hinatak siya ni Revan palabas ng classroom. Ten minutes pa naman bago ang kanilang klase kaya hindi siya kumontra rito. Sa likod ng classroom sila nito napadpad.

“Mukhang masyadong seryoso, pare. Kailangan talagang dito?” natatawa siyang tanong sa kaibigan.

“Ayokong mapahiya ka sa grupo, pare. Iyon ang mangyayari kung maririnig nila ang sasabihin ko.

Lalo nang lumalim ang kunot sa noo niya. “Don’t beat around the bush, pare. Ayoko ng ligoy kaya—”

“Tasha slept with Clifford last night.”

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 3 (And Her First Love) Chapter 12

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.