ITINUTUPI ni Orange ang ilang baong damit at kasalukuyang inilalagay sa closet nang kumatok si Tiya Rosa. Nakangiting mukha nito ang sumungaw sa dahon ng pintong ito na rin ang nagkusang magbukas.
“Tuloy po kayo,” anyaya niya rito. Pumasok naman si Tiya Rosa at naupo sa ibabaw ng kama paharap sa kaniya.
“Natutuwa ako na nagkakasundo na kayo ni Marsha. Iyon lang talaga ang dasal namin ng tatay mo.”
Nginitian niya na lang ito. Hindi niya gustong magsinungaling kaya hindi na siya nagkomento.
“Kung si Hanna ang iniintindi mo, saglit lang iyon kung magtampo. Magkakaayos rin kayo.
Tumango siya. “Tiya, may itatanong po sana ako sa inyo tungkol sa bahay natin sa Cainta. Ano po ba ang nangyari?”
Bumaha sa anyo nito ang pinaghalong kalungkutan at guilt. “Alam po ba ni Tatay ang tungkol doon?”
Mapait itong umiling. “Hindi ko pa nasasabi sa kaniya. Hindi ko alam kung paanong ipaliliwanag.”
“Ibig niyong sabihin ay hindi si Tatay ang nagsanla ng lupa?
Wala siyang alam doon? Paano pong nangyari iyon?”
“Patawarin mo ang kapatid mo, anak. Hindi niya sinasadya ang nangyari. Palibhasa kasi ay hindi nag-iisip, isinanla niya sa isang kakilala ang bahay at ang sakahan ng iyong ama.”
“Ho?!”
“Oo, anak. At dahil tuso ang taong nalapitan niya, madali nilang napagtulungan ang tungkol sa mga legalities. Isang araw na nakainom ang tatay mo ay pinapirma nila ito sa mga kasulatan na hindi ko alam kung anu-ano. Mabilis ang pangyayari at sa isang iglap ay wala na ang propriedad na pinaghirapan ni Bessy.” Bumunghalit ito ng iyak kaya sa halip na magalit ay nakaramdam na lang siya ng asawa sa madrasta. Siguro ay marami ng sakit ng ulo ang naidulot ng mga anak nito rito.
“Wala na po tayong magagawa, Tiya. Aaminin ko sa inyong napakalungkot ko at galit na galit ako sa anak niyo dahil sa ginawa niya pero tapos na eh. Huli na pala ang lahat.”
Hinawakan nito ang kaniyang kamay at inilagay iyon sa pisngi nito. “Napakamaunawain mong tao, Anastacia. Hindi ko alam kung bakit nagkapuwang ang selos sa akin noon at nagawa kitang apihin.”
“Kalimutan na po natin iyon, Tiyang. Ang mahalaga ay maayos si Tatay. Siya nga pala, magkano po isinanla ni Marsha ang mga property ni Nanay?”
“Singkuwenta mil, anak. Napakaliit na bagay kompara sa totoong halaga niyon.”
Hindi na siya kumibo dahil tiyak na masasaktan ito sa mga salitang lalabas sa bibig niya patungkol kay Marsha.
“Kaya may laban naman tayo siguro kung tutuusin. Kailangan lang natin ng pera para ipambayad sa abogado pero may paraan pang makuhang muli ang mga ari-arian ng nanay mo.”
“Sige po. Gagawa tayo ng paraan para diyan.”
“Salamat, anak. Siya nga pala, kaya ako naparito ay may ibibigay ako sa’yo. May sulat kang dumating noon sa Cainta.” Inilabas nito ang isang malaking sobreng puti mula sa bulsa nito at saka iniabot sa kaniya. Kunot-noo naman niyang tinanggap iyon.
“Pierre Silvano?” malakas niyang basa sa mga titik na nasa sobre. “Bakit ganito ang pangalan? Parang hindi Pinoy.”
“Baka nga. Naku, basahin mong mabuti at baka ganyan ‘yung kinukuwento ng isang kumare ko na digong-digong gang.”
“Tiya, presidente po ‘yan. Baka budol-budol ang ibig ninyong sabihin.”
“Ay, oo nga. Pareho kasing inuulit.” Tumawa si Tiya Rosa. “Siya nga pala, bago ko malimutan. Pinapasabi ng iyong ama na magpunta ka sa kaniya bago ka matulog. May mahalaga lang daw kayong pag-uusapan.”
Napatingin siya sa hawak na sobre. Gusto na sana niyang buksan iyon pero naisip niyang mamaya na lang bago matulog. Pupuntahan muna niya ang ama.
Inilagay niya sa ibabaw ng unan ang sulat at tinungo ang pinto.
“Ah, Orange, anak, saglit lang…”
Napalingon siya kay Tiya Rosa na nasa kaniyang likuran.
“Huwag mo sanang mababanggit muna kay Romy ang tungkol sa lupa ha. Huwag ngayong delikado pa ang lagay niya.”
“Opo, makakaasa kayo,” aniya bago tuluyang lumabas ng silid. Kasunod naman niya si Tiya Rosa.
“UMIINOM ka na namang bata ka! Hindi ko na alam kung paano kitang pagtatakpan sa mama mo eh!” Si Manang Caring habang nagsesermon sa harapan ni Carlo.
Hindi siya kumibo. Yukong-yuko habang nakatutok ang paningin sa tiled floor.
“Kung bakit kasi pabigla-bigla ka eh. Bigla mo na lang pinaalis ang asawa mo. Ni hindi mo muna pinakinggan ang paliwanag niya.”
“Wala naman po siyang magiging matinong paliwanag, Manang. Nakita niyo naman siguro ang lalaking ‘yon.”
“Ewan ko lang ha, pero iba ang kutob ko. Kitang-kita ko kasi kung paanong nanlaki ang mga mata ng batang ‘yon nang makita ‘yung Clifford. Parang hindi niya kilala o hindi niya alam na susunduin siya eh.”
“Dahil sa kanto nga sila dapat magkikita, Manang. Narinig ko ‘yon nang sabihin ng damuhong iyon.”
Napailing ang matanda. “Ewan ko pa rin. Para kasing hindi ako makapaniwalang gagawin iyon sa’yo ni Orange. Kahit isip-bata at puro kalokohan, sa tingin ko ay totoo namang mahal ka niya, anak.”
“Tama na, Manang. Ayoko nang bigyan ng katwiran ang mga ginawa niya sa’kin. Don’t worry about me dahil ngayon lang ito. I’ll be fine soon.” Sinaid niya ang huling laman ng boteng hawak.
“Siguro ay may kinalaman ang singsing at kuwintas sa tampuhan niyo, ano?”
Natigilan siya sa narinig. “Ano po ang alam niyo tungkol doon?”
“Aba’y narinig kong nagkakagalit sila ni Marsha at tinatanong niya ‘yung isa tungkol doon sa mga bigay mo eh.”
Biglang nagbalik sa isip niya ang pag-uusap nila ni Marsha noong araw na magising ito matapos ang aksidente. Ayon dito ay pinauuwi na nito ang kapatid ayon na rin sa kagustuhan ng ama dahil sa maselan nitong kalagayan. Pero matigas daw ang ulo ni Tasha at ayaw nitong umuwi para alagaan ang ama. Nagkagalit ang magkapatid hanggang maitulak ni Tasha si Marsha sa hagdan.
“Gusto ko siyang intindihin, Carlo. Alam kong bata pa kasi siya at siguro, na-e-enjoy niya ang buhay dito sa mansiyon kaya ayaw niyang umuwi. Pero kailangan niyang asikasuhin ang tatay niya. Iyon naman ang
dapat kung ang isang anak ay responsable, hindi ba?”
Nabigla siya sa natuklasan at nag-alala para sa ama ng dalaga. Kasabay niyon ay ang maraming tanong sa kaniyang isipan. Anong klaseng anak si Tasha at bakit nito nagagawang tiisin nang ganoon ang sarili nitong ama? Inakala pa naman niyang mahal na mahal nito ang tatay nito.
“Siya nga pala, nasa akin ang kuwintas na ibinigay mo sa kaniya, Carlo.”
Doon siya nagulat. Kumislap sa kaniyang paningin ang kuwintas na hawak ni Marsha—ang bagay na sumisimbolo sa unang pagkakataon na nagkaunawaan sila ni Tasha.
“Nang sabihin ko kasi sa kaniyang walang perang pambili ng gamot ang tatay niya ay ibinigay niya sa akin ang kuwintas at singsing na bigay mo. Isanla ko raw at bahala na raw ako sa tatay niya. Sorry, Carlo. Alam kong ang totoo mong nobya ay si Portia kaya sa kaniya ako lumapit. Isa pa’y alam kong mayaman siya kaya hindi niya iyon tatanggihan.”
“What?!”
“Sorry talaga, Carlo. ‘Yung singsing ang kinuha ni Portia. Itong kuwintas ay naiwan sa akin.” Hinawakan nito ang palad niya at ipinaloob ang kuwintas roon pero isang desisyon ang mabilis na pumasok sa utak niya. Mabilis niyang ibinalik ang kuwintas kay Marsha.
“I don’t need that pero huwag mong sundin ang sinabi ni Tasha. Sakaling mangailangan ang tatay niya ay magsabi ka lang sa akin. Sa’yo na ‘yan.”
Namilog ang mga mata ng dalaga sa huli niyang sinabi.
“Forget about her, Manang. Hindi na siya babalik sa’tin,” aniya sa matanda bilang pagtatapos.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Hanggang kailan ka carlo kyang paikutin ni marsha