Si Orange Book 3 (And Her First Love) Chapter 20

TEN minutes before two o’clock nang dumating sa napagkasunduang tagpuan si Anastacia. Hinihintay niya ang lalaking tinawagan kanina na nagngangalang Pierre Silvano. Ang sabi nito ay mayroon raw itong mahalagang bagay na ipagkikipag- usap sa kaniya tungkol sa kaniyang ina. Natakot siyang maniwala rito noong una dahil wala naman siyang kilalang kamag-anak ng ina pero nang sabihin nitong maaari itong tumulong sa pagbabalik ng properties nila ay agad siyang naging interesado. Nakipagkasundo siyang makikipagkita rito sa Milson’s Café nang araw na iyon.

Hindi nagtagal at sumapit ang alas-dos. Limang minuto pa ang lumipas bago niya nakita ang isang mataas na lalaking naka- Americana. Papalapit ito sa kaniya kaya awtomatiko siyang napalinga. Hindi yata’t ito pala ang kausap niya sa telepono kanina?

“Miss Anastacia del Mar?” tanong nito nang makalapit, inilahad ang kamay sa kaniya. Wala sa loob niya iyong tinanggap. “My name is Pierre. Driver ko ‘yung kausap mo kanina, I was on a meeting earlier so I hope you don’t mind.”

‘Kaya pala,’ sa loob-loob niya. Malabo ngang ito ang kausap niya sa telepono dahil may puntong Batangueño ang nakausap niya kanina. Ang isang ito’y hindi mukhang Pinoy.

Tumikhim siya at saka ngumiti. “Ano po pala kayo? A-ang ibig kong sabihin, hindi siguro kayo tagarito?”

 

 

Ngumiti ito sa kaniya at nakapagtatakang tila magaan ang loob niya sa lalaki. “Cèrto! I’m an Italian, and so is the father of your mom.”

Nalaglag ang panga niya sa sinabi nito. “Father? Mom?”

“La tua madre è l’unica figlia di Flaviano. Pamangkin niya ako at ako ang naatasan niyang hanapin ang kaniyang nag-iisang anak. Iyon ay si Bessilda, ang iyong namayapang ina.”

“Kaya pala mukha siyang Bumbay.”

“Italian, hindi Bumbay, hija. Well, you also look like her.” Ngumiti ulit ito.

Nakanganga pa rin siya, tila isang panaginip lang ang lahat…

“Pero wala na si Nanay…matagal na po…ano pala ang sadya niyo sa kaniya?”

“Long story.” Umakbay ito sa kaniya at iginiya siya palapit sa mesang pandalawahan. Iniatras nito ang isang upuan at pinaupo siya roon saka ito naupo sa tapat niya. “Flaviano wants to see you as soon as possible. May edad na siya at marami pa siyang plano para sana sa inyong mag-iina. Unfortunately, wala na pala ang nanay mo.”

“Bakit alam niyo ang tungkol sa amin? Ibig bang sabihin niyon, pinamamatyagan kami ng tiyuhin niyo?”

Tumango ito. “Matagal na. Tinangka niyang lumapit sa nanay mo noong maliliit pa kayo pero hindi siya natanggap ni Bessilda. Malaki ang hinanakit niya sa ama. Hanggang nagpalipat-lipat kayo ng bahay at hindi na kayo agad nasundan ni Zio.”

“Sino namang Zio?”

“Scusa—I mean, I’m sorry. Uncle ang ibig sabihin niyon. Hindi ko maialis ang mapaghalo ang mga salita ko, mi dispiace (I’m sorry).”

Tumango na rin siya kahit hindi naiintindihan ang foreign language nito. Mabuti nga at nakakapag-Tagalog at Ingles ito, kung hindi, malamang ay sign language ang drama nila ngayon.

“So, bakit niyo po ako kinakausap? May kailangan ba kayo? Puwede ko kayong samahan sa puntod ni Nanay kung gusto niyo.”

“Nope. I’ve been there already. Ang kailangan ay madala kita kay Flaviano, kasama ng mga kapatid mo.”

“Iyon lang pala. Wala pong problema.” Nagningning ang mga mata niya nang marinig ang tungkol sa mga kapatid. “Kaya lang ay hindi ko alam kung nasaan sila ngayon. Ang huli kong balita ay—”

“Nakausap ko na sina Luisa at Marieta, don’t worry.”

“Ho? Talaga ho?” Namilog ang mga mata niya sa tuwa at hindi napigilan ang sarili na hawakan ang kamay ng lalaki. “Naku, sorry po. Sobrang excited lang ako na makabalita tungkol sa kanila.” Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata at mabilis namang umalalay ang kaharap. Iniabot nito sa kaniya ang isang panyo. “Salamat po,” sabi niya nang mahimasmasan. Ibinalik niya rito ang panyo pero tumanggi ito.

“Sa’yo na ‘yan. Treat me like a father because I’m a cousin of your mom.”

“Thank you po.” Nagluwag ang kalooban niya. Pakiramdam niya ay bigla siyang nakakita ng totoong kakampi sa buhay. Ng isang taong maglalapit sa kaniya sa alaala ng nami-miss na niyang ina. “Kailan pala natin pupuntahan si Flaviano? Este si Lolo?”

“Nonno. That’s how you should call him.”

She widely smiled. Ang sarap pala sa pakiramdam ng may mga kamag-anak.

“Aasikasuhin ko ang mga papel niyong magkakapatid sa lalong madaling panahon so that we could immediately book your flight.”

“Wait, Sir—”

“Zio, Anastacia, call me Zio…pronounced as Tzio.”

“W-wait, Zio…what flight? What book-book do you mean?”

“I’ve already told you that your nonno wants to meet you all, right?”

“Oo nga, pero, nasaan ba siya?”

“He’s in Brescia, bella. Your nonno is not here in the Philippines so you need to fly to Italy if you’re gonna see him.”

Nalaglag ulit ang panga niya sa narinig.

 

NANINGKIT ang mga mata ni Carlo sa matinding pagpipigil ng galit. Kitang-kita niya kung gaano kagiliw si Anastacia sa pakikipag-usap sa lalaking kasama nito. And for goodness sake, he was almost like a father to her!

“So, ano, Carlo? Naniniwala ka na ba sa sinasabi ko? Ikaw lang, eh. Masyadong malaki ang tiwala mo sa babaeng iyan.”

Hindi siya nakakibo pero patuloy sa pagtatagis ang kaniyang mga bagang. Ang kamay niyang nasa manibela ay tila tatagos sa matinding pagkakahawak doon.

Pauwi siya galing ng school kanina nang harangin ni Marsha. May mahalaga raw itong sasabihin sa kaniya. Sinubukan niyang iwasan ito pero tungkol daw kay Anastacia ang sadya nito kaya naman nakinig na siya.

“Your sweet ex has an affair to that old man named Pierre Silvano, Carlo! Tingnan mo at hindi pa siya nasiyahan kay Clifford. Ngayon naman ay matandang negosyante ang napiling karayin!”

“Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Marsha. I know your sister. Kahit may mga away na namagitan sa inyo, sobra-sobra naman yata itong ibinibintay mo sa kaniya.”

“Hindi ako nagbibintang. Puwede ba, Carlo! Hindi komo may pagtingin ka pa rin sa kapatid ko ay magbubulag-bulagan ka na lang sa mga ginagawa niya! She’s having an illicit affair to that old Italian man!”

Hindi siya nakaiwas nang sumakay sa kotse niya si Marsha. Itinuro nito sa kaniya ang address kung saan magkikita diumano ang dalawa. Alas-dos daw ang oras ng tagpuan sa Milson’s Cafè. Abot-abot ang kaba niya lalo na nang mamataan niya ang paparating na si Anastacia. Matiyaga itong naghintay roon habang palinga-linga lang sa paligid ng cafè.

Hindi nagtagal ay may dumating na isang lalaking mukha ngang banyaga. Mula noon ay hindi na niya hiniwalayan ng tingin ang dalawa. Naroong aakbay ang lalaki kay Orange habang ang huli naman ay napapatampal sa braso ng kasama. Nakita niya rin nang tila hawakan ng dalaga ang kamay ng kaharap at nang mahigpit na nagyakap ang dalawa bago naghiwalay. Nasaksihan niya ang lahat ng iyon at hindi niya maikakaila sa sariling nasasaktan siya. Halos mawarak ang dibdib niya sa selos dahil sa nasasaksihan.

“Tanggapin mo nang talo na ang kung ano mang damdamin mo para sa kapatid ko, Carlo. Masasaktan ka lang.”

Hindi niya tinugon ang sinabing iyon ni Marsha. Ni hindi niya rin ito nilingon. Isang masakit na katotohanan ang nasa harapan niya ngayon. Gusto niyang magalit. Gusto niyang magwala. Gusto niyang manakit para kahit paano ay magluwag ang kalooban niya. Pero wala siyang magawa kundi ang magngitngit sa isang tabi, habang si Anastacia ay tila masaya naman sa piling ng kung sino mang lalaking kasama nito.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 3 (And Her First Love) Chapter 20

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.