Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 1

Seven years after…

 “NONNO, pinatatawag niyo raw ako? Hai bisogno di qualcosa?” tanong ni Stacey sa nonno o abuelo nitong si Flaviano Silvano. Isa itong Italiano na nakabase sa Brescia na nagmamay-ari ng malawak na taniman ng lahat ng klase ng orange. He also owned four hotels, three of which were five stars and situated at the center of Milan and the other, four stars, was located in Rome.

“Si, may kailangan nga ako sa’yo, bella. Take your seat.”

Tumalima si Stacey at naupo sa harap ng office table ng abuelo. “Ano ‘yon, ‘No?”

“When was the last time you came home?” walang kaabog- abog nitong tanong.

Home…That simple word meant a lot to her, especially that he heard the sacred word from his nonno.

Nasorpresa siya sa tanong na iyon at hindi agad nakakibo. Hindi niya iyon inaasahan dahil ni minsan ay hindi sila nag-usap ng kaniyang lolo tungkol sa bansang pinagmulan. Hindi rin ito kahit minsan nag-ungkat ng tungkol sa personal niyang buhay. Lagi nang tungkol sa negosyo ang tinatanong nito.

Anastacia had been working as the manager of one of the three hotels located in Milan. Ang isa ay pinamamahalaan ni Pierre at ang isa naman ay ng kapatid nitong si Salvatorre. Bukod sa hotel ay siya rin ang nangangasiwa ng orange farm ng kaniyang lolo. Ngayon ay hindi na siya nagtataka kung bakit sa dinami-rami ng puwedeng ilako noon, sadyang orange ang nagustuhan ng kaniyang inang si Bessilda. She might have been away from her father for so many years but she tried to remember him in the least possible way that she knew. Thus, her sweet name.

Siguro ay habambuhay nang tatatak sa isip niya ang maraming pagkakataong nasaksihan niya kung paanong sinikap ng inang paramihin ang mga tanim nitong calamansi, dalandan at suha noon. Siguro ay ang mga tanim ang nagsisilbing paalala rito ng tungkol sa pamilya nitong pinagmulan.

Sayang at maaga itong nawala sa mundo dahil kasama na rin nitong naglaho ang malaking bahagi ng puso niya.

Huminga muna siya nang malalim bago sinagot ang tanong ng abuelo. “Five years ago, ‘No. May gusto ba kayong tukuyin?” Umayos siya sa pagkakaupo at saka nag-cross leg.

“Start packing your things, Stacey. You’ll be leaving for your country this Saturday morning.”

Kumunot ang noo niya at ilang saglit siyang natigagal habang si Flaviano ay nakatutok ang mga mata sa dokumentong kaharap nito. Para lang itong nagkuwento ng isang ordinaryong topic sa kakilala samantalang siya ay mabilis na mabilis ang tibok ng puso sa mga sandaling iyon.

Pilipinas—ang kaniyang bansang pinagmulan. May puwang pa kaya siya roon?

“What made you think I would want to come home, Nonno? Maraming trabaho dito. Christmas season is fast approaching at walang patid ang prenotations natin sa hotel. I should—”

“C*zzo, bella! Stop arguing with me!”

Nanahimik siya nang bahagyang magulat. Kapag ganoong naglilitanya na ng Italianong expletive ang matanda ay hindi na siya kumikibo. He had mild stroke just three or four months ago. Hindi makabubuti kung makikipagdebate pa siya rito ngayon.

“Pinadala ko na ang Zia Barbara mo sa orange farm just this morning, kaya ang mga Ate Marieta mo naman ang tatao sa Inn. Silang dalawa ang bahala sa iiwan mong trabaho rito. May mga assistant naman at kayang-kaya nila ang lahat. Sakaling magkaproblema, si Salva at Pierre ang pupunta…” Ang Zia ay Italian word na ang katumbas ay tiyahin.

“Madalas na akong sakitan ng dibdib at kapag nangyayari iyon, natatakot akong baka hindi ko na maibalik ang aking paghinga…”

“Please naman, Nonno—”

“Cut the drama, Stacey! Ascoltami and you really listen very well!”

Nagyuko siya ng ulo. Itinikom ang bibig at nakinig nang mabuti rito.

“Alam kong araw-araw ay inihahatid na ako ng aking mga paa sa hukay and soon, I’ll be gone. Bago man lamang ako mawala sa mundo ay gusto kong makagawa ng mabuti para sa ibang tao. Well, for me, to attain peace as well. Buong buhay ko ay wala akong ibang inintindi kundi ang sarili ko, ang mga negozio. Maging ang mama mo, si Bessilda, ay napabayaan ko…”

Awtomatikong nangilid ang luha sa mga mata ni Anastacia pagkarinig sa pangalan ng kaniyang ina. Gayon man ay hindi niya magawang konsolahin ang abuelo dahil kasalukuyang nag-le-lecture ito. He knew him very well at ito ang taong wala kahit kapirasong ka-drama-han sa buhay. Madali itong magalit at sobrang istrikto. Sa loob ng pitong taon ay nakasanayan na rin nilang magkakapatid ang ugali nito.

“You will go back to the Philippines because your mom’s memories are buried there. Natatandaan kong paslit pa lang ‘yan ay pangarap na niyang makatulong sa mahihirap at dahil mahal niya ang bansang ‘yan, diyan mo tutuparin ang pangarap ng iyong ina. You will be dealing with certain people to conduct feeding programs and other livelihood projects for the less fortunate Filipino children. I’ll go into details tomorrow kapag kaharap na natin ang mga kapatid at mga zio mo.”

Umikot ang mga mata niya sa narinig. Hindi halos makapaniwala. “Uuwi ako sa Pilipinas to conduct livelihood projects and feeding programs? Why can’t we just look here, instead? Marami rin namang—”

“Were you listening, Anastacia? I’ve already stated my reason why I chose that country. Alam kong tulad ng mama mo ay matigas rin ang ulo mo pero hindi sapat na dahilan ano man ang dinanas mo sa Pilipinas para hindi mo na maisipang bumalik doon! Kung nabubuhay si Bessy ay tiyak na hindi iyon papayag na dumito ka.”

Hindi na lang siya kumibo hanggang matapos ang lecture ng abuelo. Wala rin naman siyang magagawa.

 

SEVEN years ago, kasama ang mga kapatid na sina Luisa at Marieta ay lumipad patungo ng Italia si Anastacia. Kasama nila si Pierre, ang pinsan ng kanilang ina.

The first meeting happened early morning the next day in Milan. Alas-siyete ng umaga ay pinababa na sila ni Pierre para sa isang almusal. Bago lumabas ng silid ay binilinan sila nito. Maghanda raw sa pagharap sa kanilang lolo at ipinauuna na nito ang paumanhin sa bagay na hindi nila maintindihan kung ano.

They instantly understood what he meant when they met the old man. Strict at authoritarian ang dating ni Signore Flaviano Silvano. Dumadagundong sa buong komedor ang malakas nitong boses. Kabadong-kabado siya nang magsimula itong magsalita. Ang akala niya kasi ay hindi na ito magta-Tagalog dahil sinimulan nito ang pag-uusap sa wikang Italiano. Nakahinga lang sila nang maluwag na nang magsimula itong managalog.

Sinimulan nito ang pag-uusap sa pagpapakilala kung sino ang mga Silvano sa buhay nilang magkakapatid. Binanggit nito ang pangalang Fabrizio Silvano, ang ama raw nito na isang Italiano. Ang ina naman nito ay isang half-Filipina at half-Irish na ang pangalan ay Roberta Welsh. Dalawang magkapatid ang mga ito at kapwa lalaki. Si Valerio, ang nakababata rito ay nagkaanak ng dalawa, sina Salvatorre at Pierre. Filipina rin ang napangasawa nito. Si Flaviano naman ay nagpakasal kay Leonor Dumayan, isang Filipinang nagpunta ng Italia para magtrabaho. Nag-iisang babae ang anak ng mga ito at iyon ay ang kanilang ina, si Bessilda Dumayan Silvano.

Teenager na ang mama niya nang magkaroon ng seryosong problema ang mag-asawang Flaviano na humantong sa paghihiwalay. Muli kasing nag-asawa si Flaviano at nagkaroon rito ng dalawang anak na lalaki, bagay na hindi matanggap ni Leonor. Kaya naman tangay si Bessilda ay nagpasya itong umuwi ng Pilipinas nang lingid sa kaalaman ni Flaviano.

Tinikis ni Flaviano si Leonor dahil sa galit nito. Hindi tumanggap ni kusing na sustento ang mag-inang nasa Pilipinas. Pagkatapos ng dalawang taon ay sumunod si Flaviano pero hindi na ito kinilala ng mag-ina. Noon ay may sarili ng orange farm sa Sagada si Leonor at sa murang edad ay tinuruan na nito ang kaniyang mama. Tahimik na namuhay sa sariling bansa ang mag- inang Leonor.

Disiotso si Bessilda nang pumanaw si Leonor. Agad na umuwi si Flaviano para kunin ang anak pero dahil malaki ang hinanakit ay hindi na rin niya ito nakumbinsing magbalik ng Italia. Noon ay nobyo na nito si Romeo, ang kaniyang ama.

Inamin ni Flaviano na ipinadukot nito ang kaniyang ama noon sa pag-aakalang kung matatakot si Romy at lumayo kay Besilda ay muli nitong maisasama pabalik ng Italia ang anak. Ang diumano’y peklat sa kanang pisngi ng ama ay dulot ng marahas na hakbang na iyon ni Flaviano.

Ngunit hindi natinag ang mama niya, sa halip ay sumama ito sa kaniyang ama at sinabi ngang nagdadalantao ito nang mga panahong iyon. Lumuwas ng Maynila ang dalawa at doon nakipagsapalaran sa buhay. Nang lumaon ay nakabili ng kapirasong lupain ang mga ito sa Cainta at doon sila namuhay ng simple.

Iyon ang buhay na nakagisnan nilang magkakapatid. Iminulat sila ng ina sa isang simpleng buhay na hindi man nakaluluwag ay hindi naman kinakapos. Ang pagtitinda ng kahel, dalandan at calamansi ay naging bahagi na ng kaniyang kabataan. Nasaksihan niya kung paanong sinikap ng ina na makapagtanim ng calamansi at kahel sa likod-bahay nila noon pero dahil hindi makabuhay dahil sa klima ay ipinasya na lang nitong humango sa mga malalaking supplier na nakilala nito.

May nahihimigan siyang galit sa boses ni Flaviano habang nagsasalaysay ito ng mga pangyayari pero dama niya ang pagsisisi sa kabila niyon.

The original plan was to only introduce them to their grandfather, but everything had changed after talking to the old man. Hindi nangyari ang kanilang pag-uwi makalipas ang dalawang linggo. Sa halip ay inasikasong lahat ni Pierre ang kailangan nilang tatlong magkakapatid para makapamuhay nang maayos sa Italia. Ikinuha sila nito ng Italian language tutor at makalipas ang isang buwan ng madibdibang pag-aaral ay ipinasok naman sila nito sa isang international school.

Si Luisa ay kumuha ng kursong akma sa secretarial course na tinapos nito sa Pilipinas. Si Marieta ay kumuha ng Turismo (Tourism) at siya naman ay kumuha ng Fotografia (Photography) sa scuola superiore (fifth year in senior high school). Nag-aral din siya ng Laurea Magistrale in Economia e Management (Master of Science in Economics and Management) kaya naman nang makatapos ay agad na siyang napasabak sa pagma-manage ng isa sa tatlong hotel ng mga Silvano.

Tandang-tanda pa niya. Isang beses lang sa loob ng pitong taon siya pinakinggan at binigyan ng sariling pagpapasya ni Flaviano. Ito ay nang tanungin siya ng abuelo kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay: ang magtayo ng negosyo sa Pilipinas o mag-aral sa Italia at hawakan ang negosyong pag-aari ng mga Silvano. She chose the latter.

Flaviano had been a good provider and a real grandfather to them, except for the fact that he really was a strict person. He was a perfectionist in the truest sense of the word. Madaling magtaas ng tinig sa kaunting pagkakamali pero nakapagtatakang malapit ang kalooban nilang magkakapatid rito. Marahil ay dahil para na rin nilang kasama ang ina kapag nakakausap ito. He was full of stories during his daughter’s childhood, mga bagay na ipinagkait ng mama nila. Ang natatandaan lang nila ay nang sabihin ng inang nasa malayong lugar ang pamilyang pinagmulan nito at saka na lang raw nila malalaman ang lahat pagtuntong nila sa tamang edad. Sayang at wala na ito nang mangyari ang malaking rebelasyong iyon.

Bukod sa pagkamatay ng ina, isang dahilan kung bakit tinalikuran ni Stacey ang sariling bansa ay dahil sa kaniyang ama. She wouldn’t like to remember anything that would link her to the most painful battle she had in life. At iyon ang mangyayari oras na umuwi siya sa Pilipinas.

Hindi niya malilimutan ang araw na nagbalik siya sa bansa, dalawang buwan mula nang mapadpad siya ng Italia. Sabik na sabik siyang makita ang ama noon. Ang huling pagkakataong nakausap niya ito ay nang magpunta siya ng Mindoro para sana magpaalam rito pero sa halip ay si Marsha ang inabutan niya  roon. Sinita niya ito tungkol sa mga nalaman niya kay Clifford at nagkaroon sila ng matinding pagtatalo. Sinabunutan siya ni Marsha at ipinagtanggol niya ang sarili, aktong inabutan ng kaniyang ama.

Hindi na nito tinangkang magtanong at sa halip ay madaling dinaluhan si Marsha. Haplos ang namumulang braso ng anak ay matigas ang mga boses nito nang magsalita. ‘Mas makabubuti sigurong huwag ka na munang pumarito, anak. Hindi yata kayo talaga magkakasundo nitong kapatid mo kaya kung maaari ay sa Maynila ka na muna. Paggaling ko ay agad kitang pupuntahan.’

Masamang-masama ang loob niya noon. Ang namumulang braso ni Marsha ay nakita nito samantalang ang anit niya na halos matungkaban na ng buhok sa tindi ng sabunot ni Marsha ay hindi nito alintana. Ang kalooban niyang sugat-sugat noon pa ay hindi rin nito nakita. At hindi na nito makikita pa dahil mas pinili nitong isarado ang pandinig sa kaniya. Hindi niya napigilan ang sarili at mapait ang tinig na nagsalita.

‘Alam ko namang kakampihan niyo ang magaling niyong anak, eh. Bakit, ‘Tay, kailan ba naman hindi? Mas mahal niyo siya kaysa sa’kin, hindi ba? Bakit? Dahil ba mas minahal mo rin si Tiya Rosa kaysa kay Nanay? Aminin niyo, ‘Tay! Siguro, kahit si Nanay ang kasama niyo sa buhay noon ay wala sa kaniya ang puso niyo kundi na kay Tiya! Kaya kapag nakikita niyo kaming nag-aaway ni Marsha, siya agad ang tinatanong niyo kung nasaktan siya. Ako, balewala sa inyo kung may masakit ba sa akin…o kung nasugatan ba ang damdamin ko sa mga pinagsasasabi ng magaling niyong anak

‘Hindi mo naiintindihan, Tasha. Ikaw ang mutya kong bunso, nakalimutan mo na ba—’

‘Intinding-intindi ko, ‘Tay! Huwag na kayong magkaila at basang- basa ko na ang kalooban niyo!’ umiiyak niyang sabi habang lumuluha.

 

Masakit ang huling tagpong iniwan niya sa Pilipinas pero tapos na iyon. Dalawang buwan na ang nakalipas at sa loob ng mga panahong iyon, walang oras na hindi niya na-miss ang ama. Wala na rin ang hinanakit niya rito at ang tanging natira ay ang pagmamahal niya. Kaya naman nang dumating ang Christmas break ay agad siyang nagpaalam kay Flaviano na uuwi ng  bansa.

Dahil walang komunikasyon sa ama, wala siyang choice kundi ang tawagan si Marsha. Sinabi niya rito ang tungkol sa kaniyang pag-uwi gayundin ang petsa ng pagpunta niya sa Mindoro para dalawin ang ama. Tulad nang dati ay wala pa rin itong interes sa pakikipag-usap sa kaniya. Pinagsalitaan pa siya nito ng kung anu-ano at sinabing hindi na siya kailangan ng tatay niya. Gusto sana niyang makipagtalo rito pero pinagbagsakan siya ng telepono ni Marsha. Hindi na niya ito nakausap mula noon. Hindi rin naman niya alam kung paanong makakausap si Hanna.

Nang makarating ng Mindoro, ang nadatnan niya ay ang totoong may ari ng bahay, si Benita, ang kapatid diumano ni Tiya Rosa. Hinding-hindi niya malilimutan sa buong buhay niya ang mga sinabi nito na tila umalingawngaw sa kaniyang pandinig.

‘Wala na sila rito, hija. Namatay na kasi si Romy kaya lumuwas na ulit sila ng Maynila…’

Namatay na kasi si Romy…Namatay na kasi si Romy…

Si Romy? Ang tatay niya? Patay na?

May kung ilang sandali rin bago nag-sink in sa utak niya ang ibig sabihin ng babaeng nakausap. Patay na raw ang tatay niya.

‘K-kailan pa? Paano’ng nangyari? Bakit walang sinabi si Marsha?’

Siguro ay inakala ng kaharap na hindi siya naniniwala kaya nag-offer pa itong sasamahan siya sa sementeryo para dalawin ang puntod ng kaniyang ama. Wala sa sariling sumama siya rito pero hindi pala kaya ng kalooban niya. Nang makita ang pangalan ng ama sa lapidang nasa paanan ng nitso ay kusang umatras ang mga paa niya. Hindi niya kayang tanggapin sa sarili na wala na ito. Hindi niya ito kayang harapin sa mga oras na iyon kaya naman patakbo siyang tumalilis.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 1

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

  1. Skit nman nun, imagine nmatay ang ama mo ng ndi mo man lng nkita even in his last hour at mging sa lmay ndi mo man lng nsilip.. i feel you girl

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.