Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 12

“SUCCESSFUL naman ang first day ng event, sabi mo. Bakit mukha yatang malungkot ka?” tanong ni Chikki kay Anastacia nang magkita sila nang gabi ring iyon. Inanyayahan niya ito sa condo para doon magpalipas ng gabi. Kailangan niya ng kausap, kung hindi, siguro ay mababaliw siya.

“Chikki, bakit ganoon? Pitong taon na…ang tagal-tagal-tagal na…bakit parang kahapon lang ang lahat?”

“Uy,” untag sa kaniya ng katabing kaibigan. “Umiiyak ka ba nang lagay na ‘yan?”

Hindi niya ito sinagot.

“Don’t tell me na affected ka pa rin kay Carlo? Sabi mo nga, pitong taon na, hindi ba. It’s quite a long time.”

Hindi na niya napigilan ang pagbabagsakan ng mga luha. Kaliwa’t kanang kamay ang pagpapahid niya sa magkabilang pisngi. “Alam mo ‘yung tipong sobra kang nasasaktan at gusto mo na lang tumakbo para takasan ang lahat? ‘Yung lahat ng nangyayari sa paligid mo, pinababayaan mo na lang hoping that one day, matatapos rin ang sakit. At nang akala mong tapos na, you finally said thank God, naka-move on na ‘ko! It’s over! The pain is over! Pero hindi eh…it’s just so painful to wake up one day and realize that everything is still there. Lahat, nandoon pa rin. ‘Yung sakit, ‘yung hirap, ‘yung depression…lahat-lahat, naroon pa rin pala…”

“Tasha…”

“Ang hirap, Chikki. Sa araw-araw na lang, wala na ‘kong ibang hinintay kundi ang gumabi. Halos hatakin ko na ang mga araw para makalimutan ko ang lahat pero sa huli, babalik lang ang sakit? Ganoon-ganoon lang?”

“Bestfriend, ayokong makialam sa’yo but eversince, iisa naman ang problema mo eh. If you will just take time to listen, maaayos ang lahat…”

Maang siyang napatingin sa kaibigan.

“Kung nakinig ka lang sa akin noon na harapin mo ang problema, hindi mo sana kinailangang tumakas kasama si Carlo. At kung hinarap mo lang ang lahat ng tao sa paligid mo noon, kung naging mas matapang ka lang sa halip na takasan ang sakit, hindi sana ganito kahaba ang naging paghihirap mo. I don’t want to blame you, Bff, because at one point, I know you turned into someone that is better than you were years back. But this time, try to face your fears. Harapin mo ang takot at sakit because at the end of the day, you’re still gonna face it. Huwag kang matakot dahil hindi kita iiwan, I’ll be with you all the way, my bestfriend.”

Napayakap siya nang mahigpit kay Chikki kasabay ng isang mahabang hagulgol. Pinalaya niya lahat-lahat ng sakit na nararamdaman sa dibdib and to her surprise, she felt better.

 

SECOND day ng volunteer project ng LSPCO. Kasalukuyang nag-iikot si Tasha para kunan ng larawan ang mga batang kumakain. Bahagi ito ng report na ibibigay niya kay Signore Flaviano. Kung ipalalathala ito sa diyaryo o company’s newspaper ay hindi niya alam. She was just doing her protocol.

Isang malakas na iyak ang kumuha ng atensiyon niya. Nilapitan niya ang kumpol ng mga bata sa mesang nasa bandang dulo. Isang batang lalaki na siguro ay nasa tatlo o apat na taong gulang ang umiiyak. Nang tanungin niya ay pautal itong sumagot. Ayaw daw nitong kumain.

“Bakit ayaw mong kumain, bebe? Hindi ka lalaki agad niyan,” sabi niya rito sabay haplos sa ulo nito.

Muling umatungal ng iyak ang bata. This time, tinatawag na nito ang mama nito. Bahagya siyang nataranta. Mabuti na lamang at may lumapit na isang babaeng nagpakilala bilang Geleen. Bantay raw ito ng mga bata at umalis lang saglit para kumuha ng tubig.

“Pasensiya na, Ma’am. Tatlong araw pa lang kasi itong batang ito dito. Iniwan ng nanay niya diyan sa may pintuan. May sulat na nagsasabing hindi na nito kayang buhayin ang bata kaya ipinagtiwala na rito.”

Parang kinurot ang puso niya sa awa. Anong buhay kaya ang sasapitin ng batang ito kung ganito pang kaliit ay tinalikuran na  ito ng mga magulang nito?

“Kaya pala parang namumukod siya sa lahat. Wala bang age bracket sa ampunang ito?” usisa niya kay Geleen.

“Meron po, Ma’am. Special case lang po si Ark kaya napasama dito. Iyak kasi nang iyak e baka mahawa po ‘yung mga kasama niya. Saka Ma’am, mahilig pong mag-draw ang bata kaya naisipan kong i-request sa management na payagang makasali. Pero after the program, ibabalik ko na rin siya sa room niya.”

Napangiti siya. “Ganoon ba? O sige, pakainin na natin para makasali siya sa painting session mamaya,” aniya pero iyak pa rin ng iyak ang bata. Hinahanap talaga nito ang mama nito. Nakita niyang gustong-gusto nitong yumakap kay Geleen pero inaalis ng babae sa pagkakayakap ang mga kamay ni Ark. Marami kasi itong hawak na bata kaya naiintindihan naman niyang kailangan nitong hatiin ang oras at atensiyon nito sa lahat.

“Hello, Ark! Do you like this?”

Mabilis na napalingon si Tasha sa nagsalita. Hindi niya inaasahang si Carlo iyon. Hawak nito ang isang artwork ng eroplano na animo nasa ibabaw ng mga ulap. Maliit lang iyon, siguro’y 5” x 8” ang sukat.

Biglang napahinto sa pag-iyak si Ark. Ngayon ay nanlalaki na ang mga mata nito habang nakatingin sa artwork. Ilang saglit pa ay napapangiti na ito. Bahagya siyang nainis dahil hindi man lang siya pinansin ng lalaki. Ang buong atensiyon nito ay nasa bata.

“Ano’ng name mo po?” narinig niyang tanong ni Carlo sa bata. Sinasadya nitong mamopo para mahawa si Ark. Kapansin- pansin kasing hindi ito marunong gumamit ng po at opo at masagwa iyong pakinggan sa edad nito.

“Wow, Ark po? What a cute name,” pakli ng ngiting-ngiting si Carlo nang magsimulang makipag-usap dito ang bata. This time ay sinulyapan siya nito habang nakangiti pa rin ang mga mata.

May kung ilang saglit na gusto niyang isiping para sa kaniya ang ngiting iyon pero hindi, alam naman niyang hindi.

“Ikaw po? Ngalan mo po?” tanong ni Ark na napagaya na kay Carlo.

‘Ang cute…’ sa loob-loob niya nang makitang nakikipagkuwentuhan na talaga ang bata. Kumandong pa ito kay Carlo na ngayon ay siyang nakaupo sa upuan ng bata.

“My name is Carlo.”

Tumango-tango ang bata. Bigla siyang kinutuban nang tumingin ito sa kaniya at ituro siya kay Carlo. “Asawa mo po?” inosente nitong tanong.

Hindi niya inaasahan ang pilyong ngiting ibinigay ni Carlo sa bata. Madali niyang inalis ang pagkakatingin sa mga ito pero kumapit ang bata sa braso niya at pilit siyang hinahatak palapit kay Carlo.

“Mama ko po…Mama ko po ikaw…pede?”

Nanlaki ang mga mata niya sa gustong mangyari ng bata.

Hindi niya alam kung paanong mag-re-react sa sinabi ni Ark.

“Mama ko po ikaw? Papa ikaw?” halinhinang tanong ni Ark sa kanilang dalawa.

“Sure, sure,” game namang sabi ni Carlo at saka bumaling sa kaniya. “Let’s give this one to the child…” maikli nitong sabi. Napatango na lang siya nang muling kulitin ni Ark.

Tuwang-tuwang nagtatalon ang bata at bumaba sa pagkakakandong kay Carlo. Mabilis itong yumakap sa kaniya. “Mama! Mama! Yehey, Mama!” nagtatatalon pa nitong sabi. Nang humarap kay Carlo ay dito naman naglambitin ang bata. “Papa!” sabi nito.

“Okay, son, kumain ka na. Papa and Mama will be happy to see you eating.”

Saglit na natigilan si Tasha nang may kakaibang init na humaplos sa puso niya pagkarinig sa sinabi ni Carlo. Pilit niyang inignora ang kilabot na iyon sa kaniyang sistema. He was just doing it for the child and she should embrace herself for the sake of her pride.

Tila naghahanap lang talaga ng parental attention si Ark. Ang dami nitong nakain at halatang biglang sumigla ang bata. Hindi niya maiwasang makadama ng awa rito. Hindi magtatagal at uuwi na sila ni Carlo. Babalik sa normal ang lahat at mag-iisa na naman si Ark.

“Ang cute ng bata ano? Kaloka, ang kulit lang.”

Napasulyap si Tasha sa katabing nagsalita. Noon lang niya ito napansin. Wala ito sa unang araw ng event.

“Ops, sorry. My name is Karisma. PA ako ni Sir Carlo.” PA raw ni Carlo???

Wala sa loob na napasadahan niya ng tingin ang kaharap at saglit siyang natigilan. He looked so familiar. Sa ayos ay obvious namang binabae ito. Sagad sa ikli ang buhok nito at panlalaki naman ang gupit pero mahaba ang bangs na nasa isang side lang. Kulay purple iyon. May dalawang maliit na hikaw ito sa kaliwang tainga. Naka-sling bag na kulay brown at naka- rubber shoes ng puti. Simpleng collared shirt na kulay pink ang suot nito at itim na pantalon na tastas sa magkabilang tuhod.

Nginitian niya ito nang mapansing nakatingin rin ito sa kaniya. “Hi. My name is—”

“Stacey, right? Kayo si Miss Stacey Silvano?”

“Kami? Ako lang,” biro niya. Nagtaas ng kilay ang kaharap pero ngumiti naman. Obvious nga lang na fake iyon.

“So far ay smooth naman ang event. Medyo boring lang pero okay naman.”

Bahagya siyang natigilan sa komento nito. ‘May attitude…’ sa loob-loob niya.

Nang magkatinginan sila ulit ay tinumbasan niya ng  kaparehas na ngiti ang ibinigay na klase ng ngiti nito. Ano nga ulit ang tawag ni Chikki doon? Ah…puppy smile.

“Na-meet mo na pala si Karisma?” tanong ni Mrs. Bernal nang magkatabi sila nito. Tinanguan lang niya ang sinabi ng matanda. “Kumusta? Mahigpit ba?”

“Ano hong mahigpit?”

“Kay Carlo.” Inginuso nito si Carlo na nasa malayo at kausap ang batang si Ark.

“Balita ko kasi kay Chloe, bantay raw ni Carlo ‘yang Karismang ‘yan. Hindi raw makakasama sa atin ang nobya kaya pinasama na lang daw ng mommy ni Carlo ‘yan.”

“Mabuti at pumayag ang anak niya na magsama ng PA,” maikli niyang komento bilang tugon sa sinabi ni Mrs. Bernal.

“Nakisabay raw si Chloe sa kotse ni Carlo kanina sa pagpunta rito kaya narinig niya ang alitan ng dalawang ‘yan. Hindi yata informed si Carlo na sasama ‘yang si Karisma pero ang sabi ng Ateng ay mahigpit daw iyong utos ng mama ni Carlo para kay Carmi. Ano sa tingin mo ang ibig sabihin niyon?”

“Selosa si Carmi?”

Nagkibit ng balikat ang ginang pero nakaismid na bumulong. “Posible o baka naman ‘yung ina ang selosa dahil siya ang nagsugo kay Karisma. Kung hindi siguro papayag si Carlo ay baka magkaproblema at hindi pa matuloy ang participation niya sa event natin. Naku, gulo ‘yon!”

“Dapat pala ay huwag tayong lumapit kay Carlo at baka sabunutan na lang tayo ng Karismang ‘yan.”

“Naku, huwag kang papaapekto diyan. Tingnan mo nga at kuntodo iwas si Carlo. Pansinin mong tuwing magkakalapit sila ay masama ang tingin ni Carlo doon sa isa.” Tumawa ito at nahawa na rin siya. Sakto namang nang tumingin siya kay Carlo ay masama nga ang tingin nito sa PA nitong si Karisma.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 12

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.