Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 2

“MISS SILVANO, okay lang po kayo, Ma’am?”

Napadiresto sa pagkakaupo si Anastacia. Hindi niya napuna ang paglapit ng secretary ni Mr. Castro. Wala sa loob na tumango siya.

“I’m fine. Can I talk to him now?”

Tumango ang secretary kasabay ng isang ngiti. “Yes, Ma’am. Ang totoo ay kanina ko pa po kayo pinapapasok. Malalim po yata ang iniisip niyo.”

“Sorry. Pagod lang sa biyahe…”

Kahapon lang siya dumating ng Pilipinas. Tumuloy siya sa condotel na pag-aari ng kaniyang Ate Luisa sa Makati. Halos wala pa nga siyang tulog pero hindi niya maisantabi ang appointment kay Mr. Castro, ang contact ni Pierre na nag-aasikaso ng mga bagay na ibinilin ni Flaviano sa kaniya.

“Good morning,” nakangiting bati ni Mr. Castro. Pinaupo siya nito sa upuang kaharap ng office table nito. “Much as I want to talk to you and vividly give the details of our project, I’m afraid I have to leave earlier than I should, Stacey. Or shall I call you Miss Silvano—”

“No, it’s okay. Stacey is fine.”

“All right. As I was saying, here are the projects. Kompleto ang detalye sa loob. Lahat ay may permit at plantsado na. Nariyan rin ang contact persons at budget plan. Ang proceeds, coordinated na rin sa ating mga recipients. In short, implementation na lang talaga ang kailangan.”

Saglit siyang natahimik habang nakatingin sa patong-patong na folder na nasa harap niya. Napakurap-kurap siya.

“Miss Silvano?”

“Ah…yes? You were saying—”

“Sa tingin ko ay tama si Pierre. Hindi mo gusto ang project na ito.”

Kumunot ang noo niya at hindi sinasadyang napaangat ang kilay sa sinabi ng lalaki. Was she that obvious?

“Don’t get me wrong. I know you have nothing against this plan of your grandfather to help these people. Katunayan ay sinabi rin sa akin ni Pierre na may mga small non-profit organization kang sinusuportahan sa Milan. I heard that you’re also an active volunteer of UNICEF. I just think you have your own personal reasons kung bakit nasabi iyon ni Pierre.”

Nagkibit siya ng balikat bago napahinga nang malalim kasabay ng isang marahang pag-iling. “You may be right, Mr. Castro but don’t worry because I can do it. I just need some rest.”

Matapos ang pormal na paalaman ay dumiretso na ng uwi sa condo si Tasha. Natulog siya ng dalawang oras at pagkagising ay saka sinimulang i-scan ang mga dokumentong bigay ni Mr. Castro.

 

“HONEY, please take a rest. Katatapos lang ng series of meetings mo sa provincial branches, pumasok ka na agad. Baka naman kung mapaano ka na niyan.”

“Wala naman akong gagawin sa bahay. Ma-bo-bore lang ako and you know that.”

“Pero baka naman magkasakit ka kung ganyang inaabuso mo ang katawan mo…”

Lumagay si Carmi sa likod ni Carlo at saka siya minasahe sa batok pababa sa balikat at upper part ng kaniyang torso. Hinaplos niya ang kamay nitong nasa kaniyang balikat at saka iyon pinisil.

“No worries; I’m perfectly fine, okay.” Iginiya niya si Carmi paharap at bahagyang iniikot ang swivel chair para magkaharap sila nito. Itinukod naman ng dalaga ang dalawang kamay sa magkabilang arm rest ng upuan niya at saka ito yumuko sa kaniya. Hinagkan ang ibabaw ng kaniyang ulo at saka ngumiti. “Thank you,” aniya rito sa sinserong tinig.

“Okay, then, I’m leaving now. Just make sure to take your lunchbreak later.”

Tumango siya.

“Hey, I need to hear you say it…come on, Carlo, please…” naglalambing na sabi ng dalaga.

“Okay, okay. Opo na at hinihintay ka na ni Tito Ver,” aniyang ang tinutukoy ay ang ama nito.

Yumuko si Carmi at hinagkan siya sa pisngi saka tuluyang nagpaalam. Nakangiting sinundan naman niya ito ng tingin.

Dalawang taon na ang nakalilipas buhat nang makatapos sa pag-aaral si Carlo pero sa halip na gamitin ang kursong pinagtapusan ay ginugol niya ang oras sa pag-ma-manage ng kanilang family business.

Natuklasan niyang wala palang imposibleng bagay sa mundo. Kahit gaano pa kahirap, nasa isip lang ang lahat ng iyon. Dahil oras na gustuhin mo ang isang bagay, magagawa mo iyon kung seryoso ka. Tulad ng pamamahala sa mga negosyo ng pamilya na noon pa ipinipilit sa kaniya ng ina. Dati ay puro pagpipinta lang ang nasa isip niya. Akala niya ay hindi siya mabubuhay kung hindi niya makakamit ang pangarap na iyon pero nagkamali siya. At natutuwa siyang nagkamali siya dahil kung hindi, siguro ay hindi niya maaabot ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Si Carmi ang nakasama niya sa lahat ng pagbabago sa buhay niya. She came just in time. Nang mga panahong iyon ay halos mawasak siya—dahil sa isang babaeng minahal niya nang husto pero pinaglaruan lang siya. Dumating si Carmi at sinagip siya mula sa pagkalunod. Binuo nitong muli ang pira-pirasong bahagi ng kaniyang pagkatao at bumangon sa matinding pagsubok na iyon sa kaniyang buhay. And now, after seven years, he had completely moved on.

Umingit ang pinto ng opisina at pumasok ang long time friend niyang si Revan. Now he was an architect and currently working for Miravilla construction firm. Kadarating lang nito matapos ang isang linggong vacation trip kasama ng pamilya.

“What’s up?” bungad nito.

Siya naman ay tumayo at tinungo ang maliit na ref sa likod ng opisina, kumuha ng dalawang canned beer doon at nang magbalik ay inihagis kay Revan ang isa.

“As usual…” aniya.

“You look tired, pare. Magbakasyon ka rin kasi—kayo ni Carmi.”

“Just a waste of time. Okay lang ako.”

“Are you, really?” Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa.

“Magsisimula na akong mapikon sa mga salitang ganyan, pare. This morning, it was Mama who delivered the same lines, then Carmi earlier, and now you’re here telling me the same thing.

Kayo ba, okay lang kayo?”

Tumawa si Revan at saka naupo sa upuang nasa harap ng kaniyang mesa. “Basta ako d’re, you can never fool me. Magagawa mong utuin ang lahat pati na ang sarili mo na masaya ka, na okay ka, but not me. I know you so well.”

“Alam ko na ang patutunguhan ng mga salita mo so swallow your tongue!” putol niya sa sinasabi nito. “Sobra ang puyat at pagod ko, okay. Pero ayos lang ako. Kaunting tulog lang ito at babalik din ang sigla ko.”

“Sinabi mo eh. Well, I won’t be long.” Binuksan nito ang canned beer at ininom. “Naparito lang ako para dito.” Iniabot nito sa kaniya ang isang envelope. Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ito. “See for yourself. Baka lang interesado ka.” Inginuso pa nito ang envelope sa kaniya.

Binuksan niya iyon at tumambad sa kaniya ang mga gupit-gupit na article clips, proposal letter at pictures. “Painting session with the less fortunate children? Para saan ito?”

“Ang kulit kasi ni Mama. Last week pa niya iniuungot sa akin ‘yan dahil alam niyang nagpipinta ka dati. Sinabi ko nang hindi ka na babalik sa pagguhit pero akala yata, ayaw ko lang siyang tulungan sa org niya. She asked your number, so at least, you can tell her I tried.”

Napailing-iling siya bago muling ipinasok sa envelope ang mga pictures. “Wala na rito ang utak ko, pare. Alam mo ‘yan.”

“Of course. Alam na alam ko, tinangay na ni Tash—”

“Pare, layas na! Marami pa ‘kong gagawin kaya tangayin mo na ito at umuwi ka na.” Tumayo siya at pabirong inihampas sa dibdib ng kaibigan ang envelope.

“Nope, I’m leaving this. Matanda na ako pero oras na makita ni Mama na dala ko pa rin iyan sa pag-uwi, baka ma-grounded ako for a week at wala akong magagawa.” He made a face at natawa siya.

“All right. Kung gusto mo, mag-se-selfie pa ‘ko with this envelope, basta umalis ka na lang pagkatapos. Ayos?”

“Sige, sige, pare. Then I’ll post it immediately on my IG. Come on!” Nag-pose ito na animo nasa harap na ng camera. Inulit naman niya ang paghampas ng envelope sa dibdib nito and this time ay mas malakas na iyon.

“Leave!” aniya rito na tinawanan lang nito. Ibinaba naman nito ang envelope sa table niya at nang-aasar ang mukhang tumalikod.

“Make your cellphone free around midnight, ganoong oras kasi kung tumawag si Mama!” pahabol nitong biro sa kaniya.

Tuluyan na itong nakalabas ng opisina niya at wala na siyang nagawa kundi ang mapailing na lang.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 2

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.