“NAG-WALK OUT ka?!” malakas na sabi ni Chikki nang marinig ang kuwento ni Tasha. Ipinagkibit-balikat lang niya iyon. “Pero bakit? Nakakahiya naman doon sa kausap mo.”
“Actually, yes. Hindi ko pa nga siya natatawagan until now. I don’t know what to tell her.” Sinulyapan niya ang kaniyang cellphone sa ibabaw ng table. It was dead. Pinili niyang patayin na lang iyon maghapon kaysa marindi sa mga tawag ng Chloe.
“Wrong move, girl. Mali ang ginawa mo.”
“Maiisip ko pa ba kung ano ang tama at mali sa ganoong situwasyon? Si Carlo iyon, Chiks, si Carlo! Naririnig mo ba ‘ko?”
“Alangan namang hindi e um-e-echo sa lakas ang boses mo, ano!” Halos ay lumitaw ang eyeballs ng kaibigan habang nagsasalita ito. “Teka nga muna, ano naman kung siya si Carlo? Eh ikaw naman si Stacey Silvano, hindi ba! Anastacia del Mar no more, remember? Ang sabi mo, patay na si Tasha. Bakit nagmulto ka yatang bigla?”
Napamata siya sa kaibigang naglilitanya. Oo nga naman.
“Kung totoong wala na ang Tasha na hibang kay Carlo, ang dapat na lumitaw sa meeting kanina ay si Stacey Silvano. Pero waley. Ang dumating doon ay ang duwag na si Angge. Nag- appear, disappear, bakla, tomboy! Grabe, nakakahiya ka, girl!”
Na-down siya sa sagot ng kaibigan but sad to say, she had to accept it. Tama ito. She should not have walked away. Sana ay hinarap niya si Carlo sa halip na nagtago mula rito.
“Hindi na ‘ko nakapag-isip nang maayos…nataranta kasi ako. The last thing I’d expect to happen during my stay here was to see him again.No-nooooo!”
Saglit na hindi kumibo si Chikki pero ang facial expression nito ay napakaingay. Obvious na hindi ito naniniwala sa kaniya.
“Hindi mo siya gustong makita, Bff? Seryoso?” tanong nitong nang-iintriga ang anyo.
Inirapan niya ito.
“See? Alam mo, kilala kita, girl. Kahit bumayad ka pa ng doctor at baligtarin ‘yang ilong mo, o kaya ay ituwad ang mata mo, makikilala ko pa rin ang mga reaksiyon mo.”
Ganoon ba siya ka-predictable? Wala sa loob na nahaplos niya ang mukha.
“Aminin mo, gusto mong makita si Carlo kanina, ano?”
Muli niya itong inirapan. “Excuse me. The answer is a big no!”
Umingos si Chikki. “Try mong dagdagan ang inom ng kape para nerbiyosin ka kahit kaunti, ‘Te. Ang lakas ng loob mong magsinungaling sa bestfriend mong inaanak ni Madam Auring. Suma-langit nawa ang kaniyang soul.” Nag-Amen gesture pa ito habang nakatingin sa ceiling.
“Chiks, puwede ba. Seven years is seven years and I don’t intend to see him anymore. Malay ko ba namang nandoon sa meeting ang lalaking iyon kanina?”
“Hindi ako kakagat sa sinasabi mo pero teka, bakit nga pala nandoon si Carlo sa pinuntahan mo? You mean, may link kayo ngayon? Hindi kaya itong project ng lolo mo ang daan para magkita ulit kayo ni mahal? Grabe, hindi ko ito kakayanin, Bff! I can not!”
Itinulak niya ito habang emote na emote sa mga pinagsasasabi.
“I can not-can not ka diyan! Tigilan mo nga ako!” inis niyang sabi habang nakaturo pa rito ang kaniyang point finger. “Ito ang tandaan mo, Chiks…I’m not going to do any project with him, okay. Kung siya lang din ang makakasama ko sa mga project, uuwi na lang ako ng Milan sukdulang magalit pa si Nonno sa’kin!”
“Weh?” pang-iinis na hirit pa rin ng kaibigan. “Hindi ka talaga sininok? Walang kilig? Promise?”
“Tseeeee!” Tinalikuran niya ito bago pa nito mabuking ang nasasaloob niya.
KAHARAP ni Tasha ang sariling repleksiyon sa salamin. Katatapos lang niyang maligo at nagpapatuyo na siya ng buhok nang maalala ang nangyari kanina sa opisina ni Mrs. Bernal.
Tama si Chikki, hindi siya dapat naduwag. Hindi niya dapat tinakbuhan ang unang pagkakataon na magkikita sana sila ni Carlo makalipas ang pitong taon.
‘Matagal mo nang iniisip kung ano ang reaksiyon niya sa oras na makita ka ngayon, hindi ba? Ibang-iba ka na, Anastacia…malayo sa babaeng binalewala niya noon.
Pero bakit ka umatras? Bakit mo pinagtaguan si Carlo? Ang tanga-tanga mo talaga…’ gigil niyang kausap sa sarili.
Seven years ago, she was just like a useless rag to Carlo, a piece of evil. Suklam na suklam ito sa kaniya kaya naman winalang-halaga siya nito ganoon rin ang pinagsamahan nila. Naniwala ito sa lahat ng ibinibintang sa kaniya ng mga tao sa paligid at hindi siya nito binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. That broke her into pieces. Hindi lang puso niya kundi ang kaniyang buong pagkatao. She was completely destroyed and Carlo let it to happen to her.
At ang mga pangako ni Carlo? Lahat ng mga iyon ay tinangay ng hangin kasama nito. Lahat iyon ay naglahong parang bula sa isang iglap at hindi na niya inabutan kung saan man napadpad.
‘Stop crying, mahal. It pains me to see you like this…’
Paano ba niyang makakalimutan ang mga salitang paulit-ulit na sinasabi ni Carlo noong mga panahong mahal pa siya nito? He was her only protector. Ito lang ang nagtatanggol sa kaniya noon. Pinaniwala siya nitong hindi siya dapat mag-alala dahil naroon ito para sa kaniya. Naniwala siyang hindi siya nito iiwan. Ito lang ang kakampi niya…pero sa huli, ito rin pala ang maglulugmok sa kaniya sa sakit at pagdurusa…
Pinahid niya ang mumunting luhang kumawala sa mga mata niya. This was the reason why she didn’t want to come home. Dahil maaalala lang niya ang lahat—lalo na si Carlo.
‘Stop crying, Stacey. Chikki was right after all. Wala na si Tasha. Ikaw na si Stacey ngayon at wala kang kilalang Carlo Eruel dela Peña…tandaan mo ‘yan…’
Awtomatiko rin siyang napatango sa sinabi niyang iyon sa sarili. Nayakap niya ang sariling katawan nang maramdaman ang panggabing hangin na nagmumula sa bukas na bintana.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Have courage girl prove to carlo na mali sya ng inaakala about you….. Na sya ang me kasalanan sau