“STRANGE…” Kunot na kunot ang noo ni Carlo habang nakikinig sa sinasabi ni Revan. Tinawagan siya ni Tita Mina para pumunta sa opisina nito at pag-usapan ang tungkol sa detalye ng proyektong ini-o-offer nito pero hindi siya interesado. Wala talaga siyang planong tanggapin ang proyektong iyon. Pagdating ng hapon ay ang kaibigan mismo ang pumunta sa kaniya.
“Yes, pare. Nagtaka nga din ako. Hindi ko akalaing sasabihin niya iyon kay Mommy.”
“Perhaps, because of guilt?”
“Dunno. Baka naman talagang malakas ang tama sa’yo noon kaya ganoon.”
Hindi siya makapaniwala. Did Tasha really say those things? Na mabait siya at mapagmahal sa mga bata? At nasisiguro daw nitong hindi niya tatanggihan ang project kung para lamang sa dahilang iyon.
He was truly surprised. Naalala pa kaya nito ang ilang beses na pagbibigay nila noon ng mga pagkain at damit sa mga batang nanlilimos sa kalye? Iyon nga kaya ang ginawang batayan ni Tasha at sinabi nito ang mabubuting bagay na iyon tungkol sa kaniya sa mommy ni Revan?
Wala sa loob na napailing siya.
“Wait, pare, may sinabi pa nga pala si Mommy eh.” Bahagya itong nag-isip at saka pumitik sa hangin. “Sabi daw ni Baby Girl, she really wants to do the project with you but she asked Mom kung puwedeng ibang artist na lang ang hanapin dahil hindi ka na daw kagalingan sa pagguhit. Sorry pare ha, pero nabanggit lang ni Mommy. Ayaw nga ding ipasabi sa’yo dahil foul iyon.”
Nagpanting ang tainga niya sa narinig. Sa pagkakatanda niya ay pinuring lahat ni Tasha ang mga artwork niya noon. Isa lang ang hindi nito nagustuhan—ang ‘kabayo’ raw na iginuhit niya noon sa Michubichu—na ang subject ay walang iba kundi si Portia. But he knew she was just jealous that day. Ano at ngayon ay sasabihin nitong hindi siya mahusay?
“Believe me, pare. She even provided contacts to replace you. Marami daw mas magaling sa’yo dahil kinalawang ka na.”
“Kinalawang?” he parroted.
“Siguro ay gumawa siya ng research nang malaman niyang ikaw ang guest artist ng foundation. And see, ilang taon ka na nga bang hindi humahawak ng paint brush? Kinalawang means—alam mo na, parang nalaos na. Ganoon.”
He cracked his knuckles and grinned. “It was only like yesterday, pare. I could still do it if I’d want to.”
“Then prove it, pare. Kung ako sa’yo, huwag kang papayag nang minamaliit ng iba lalo pa at ng ex mo ang talent mo. Saka alam naman nating pareho na choice mo talagang hindi magpinta dahil—”
Hindi nagawang ituloy ni Revan ang sinasabi nang titigan niya ito nang masama.
“—dahil busy ka pero kung gugustuhin mo, maning-mani ‘yan, pare. Alam ko ‘yan, hindi ba?” Tinapik-tapik nito ang balikat niya.
Saglit siyang nag-isip, pagkuwa’y agad na nakabuo ng isang mabigat na desisyon. Marahas pa siyang napabuga ng hangin bago muling bumaling sa kaibigan. “Okay, pare. Tell your mom I’m accepting the project.”
“Oh, yebah!” Napasigaw sa tuwa si Revan at bahagya naman siyang nagtaka sa excitement na nakabadha sa mukha nito. Nang mapansin ang nakakunot niyang ekspresyon ay nag-peace sign ito.
“Sorry, pare. I’m just glad that you’ve finally decided to get back to your first love—to painting, I mean.”
Gusto niyang barahin ito dahil wala naman itong kahilig-hilig sa mga ipinipinta niya noon pero hindi na niya nagawang kumibo. Na kay Tasha ang isip niya at kung paanong patutunayan ditong hindi kahit kailan kakalawangin ang kamay ng ex nitong si Carlo Eruel dela Peña.
“MALI talaga ‘yang plano mo, Bff eh. Imagine that, magdadala ka ng kung sinong Poncio Pilatong artist kay Mrs. Bernal para lang palitan si Carlo? Hindi ko talaga bet.”
Hindi pinansin ni Tasha ang paglilitanya ng matalik na kaibigang si Chikki. Ipinagpatuloy lang niya ang pagbabasa ng e-mail sa kaharap na laptop. Kahit nasa Pilipinas ay sinisiguro niyang nasusubaybayan pa rin niya ang galaw ng i-m-in-a-manage na hotel sa Milan. Thanks to Google Drive and other advanced programs; dahil dito ay namo-monitor niya ang estado ng bookings ng hotel.
“Hoy, pansinin mo naman ako! Pinapunta mo ba ‘ko dito para lang iburo?” Akmang isasara ni Chikki ang laptop kaya maagap niya itong pinigilan.
“Heto na, heto na! Nagmamadali ka naman kasi eh!” aniya rito. Inayos niya ang pagkakabuhol ng robang suot at saka tumayo, pagkuwa’y isa-isang inayos ang mga gamit. May appointment siya with Mrs. Bernal sa hapong iyon at hindi siya maaaring ma-late.
Papasok na siya sa silid niya para magbihis nang tumunog ang doorbell. Nagtataka man ay lumapit na siya sa pinto at binuksan iyon nang hindi na nag-abala pang tingnan ang peep hole. Nagulat siya nang mapagbuksan si Mrs. Bernal.
“Misis? What are you doing here?” gulat niyang tanong. Nakaroba lang siya dahil kaliligo lang niya kanina nang tumawag ang isang assistant sa hotel mula sa Milan. Napilitan tuloy siyang buksan ang e-mail nang hindi pa nagbibihis.
“Actually, kanina pa ako tumatawag sa’yo, hija. May pinuntahan kasi akong malapit lang dito at ma-li-late ako sa usapan natin kaya naman dumaan na ‘ko. Tinanong ko na lang kay Mr. Castro ang address mo since hindi kita ma-contact.”
“Pero hindi po tayo puwede dito—”
“And why not?” sabad naman ni Chikki habang tila Music teacher na kumukumpas sa harap ng klase nito. “May mini office ka naman dito. Mas convenient nga iyon eh. Dito na lang para hindi na tayo lumabas, narito na rin naman si Mrs. Bernal.”
“Pero—”
“Don’t worry, hija,” salo naman ni Mrs. Bernal. “I’ll give you time to change. Willing akong maghintay dahil halos dalawang oras pa naman para makapagbihis ka.
Exactly! Halos dalawang oras pa nga ang nalalabi para mag- ikatlo ng hapon. Ibig sabihin ay may oras pa para bumalik sa opisina nito si Mrs. Bernal. Paano nito nasabing ma-li-late ito sa orihinal na usapan nila?
Ngunit dahil mapilit ang matanda ay wala na ring nagawa si Anastacia. Napaatras na lang ito nang kusa itong humakbang papasok at yakagin ni Chikki sa mini office. Isinara na nito ang pinto nang muling may mag-doorbell. Dahil hawak pa ang seradura ay awtomatikong nabuksan ng dalaga iyon, ngunit kung gaano nito kabilis na binuksan ang pinto ay ganoon rin ito kabilis na napabitiw doon. Daig pa ni Tasha ang nakakita ng multo habang nakatulala sa kaharap na bisita—ang lalaking pinakaiiwas-iwasan niyang makita…walang iba kundi ang kumag niyang ex—si Carlo.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Xciting