Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 3

ILANG sandali nang nakatitig si Carlo sa kaharap na mga article clips pero hindi pa rin ma-absorb ng utak niya ang nakasaad roon. O sadyang ayaw lang iyong tanggapin ng isip niya?

Malinaw. Nakasulat nang maayos sa mga artikulo ang pangalan ng babaeng hinding-hindi niya malilimutan sa buong buhay niya—si Anastacia ‘Stacey’ Silvano na walang iba kundi si Anastacia ‘Tasha’ del Mar. Kasama nito sa mga larawan ang lalaking nakita niyang kausap nito noon. Nakaakbay ang lalaki kay Anastacia at mukhang masayang-masaya ang dalawa habang nagsasagawa ng mga feeding program. Sa isang larawan naman ay isang matandang banyaga rin ang katabi nito, perhaps the father of the old husband.

Agad niyang tinawagan sa telepono si Revan at tinanong rito ang tungkol doon pero tila nagulat pa ito sa sinabi niya. Ni hindi raw nito tiningnan ang nasa loob ng envelope kaya wala raw itong kinalaman kung si Tasha man ang babaeng nasa pictures doon. Kinantiyawan pa siya na may problema daw ba sakaling si Tasha nga ang nasa mga larawan. Umaatras na daw ba siya dahil doon? Dahil affected pa rin siya when it came to Anastacia?

But was he really affected? Ano naman sa kaniya kung si Anastacia nga ang nasa mga larawan? Tapos na sila nito. Matagal na. Buhat nang tuluyan nitong alisin ang maskara ng pagpapanggap nito ay tuluyan na niya itong inalis sa kaniyang buong sistema.

Napadiretso sa pagkakaupo si Carlo nang may kung anong pumitik sa kaniyang sentido. Accepting this project would mean welcoming drastic changes in his life. Would he be ready for it? Would he allow it to happen?

Ilang ulit siyang napailing. No. Never again. Noon naman tumunog ang cellphone na nasa ibabaw ng kaniyang mesa.

 

INIP na muling sinulyapan ni Anastacia ang kaniyang twirl-gold plated Gucci watch. Nasa opisina siya ni Mrs. Bernal. Ito ang president ng Hope Foundation o HF at ayon kay Mr. Castro ay ang siyang pangunahing taong kailangan niyang kausapin para sa implementation ng kanilang mga plano.

Twenty minutes na siyang pinaghihintay ni Mrs. Bernal. Ang sabi ng sekretarya nitong si Chloe ay may kausap pa raw ito sa loob ng opisina at tatawagin na lang siya kapag sinabi na ng ginang. Hindi na niya mapigil ang pag-alsa ng mga kilay niya sa sobrang inis. Ayaw na ayaw niya ng pinaghihintay dahil mahigpit ang disiplina niya sa oras, bagay na natutunan niya sa Italia. Doon ay walang inaaksayang oras ang mga tao. Lahat ay nakatuntong sa numero.

Nilibang na lang muna niya ang sarili sa pagpi-Facebook sa hawak niyang mobile phone. Kahit paano ay lumipas ang oras niya katitingin at ka-la-like sa mga larawang i-t-in-ag sa kaniya ni Chikki. Mga old photos nila ang mga iyon na puro nakakatawa. Nag-iwan siya ng mga nakakatawang komento sa mga iyon.

“Sorry Sir Rev, pero busy pa ang mommy mo. Kadarating lang ni Mr. dela Peña dito, late nga eh.”

Pagkarinig sa apelyidong binanggit ng sekretarya ni Mrs. Bernal ay mabilis na lumipad ang tingin ni Tasha rito. ‘Sa dinami- rami naman ng apelyido sa mundo, dela Peña pa talaga?! Seriously?!’ reklamo ng isip niya.

Oh, well, bakit ba ganoon na lang ang reaksiyon niya? Surely, marami namang taong may apelyidong ganoon.

‘Yeah, right,’ sa loob-loob niya habang itinutuloy ang pag-scan ng FB images na i-t-in-ag ng bestfriend na si Chikki.

Makaraan ang ilang minuto ay nilapitan siya ni Chloe. “Ma’am, puwede na raw po kayong pumasok sabi ni Ma’am Mina.”

Inayos niya ang sarili at saka tumayo. Ngumiti siya rito. “Thank you ha. Akala ko ay aabutin na ‘ko ng hapon dito,” birong-totoo niya rito.

“Sorry po, Ma’am. Late din po kasi si Sir Carlo kaya hindi agad sila nakapag-usap nang maaga ni Ma’am Mina.”

Napatda si Tasha sa narinig na pangalang sinabi ni Chloe. Tila alingawngaw iyon sa pandinig niya at pakiramdam niya ay may matigas na bagay na pumukpok sa kaniyang ulo.

Kanina ay dela Peña, ngayon naman ay…Carlo???

“Did you just…say Carlo?” tanong niya habang ang kabog ng dibdib ay papabilis nang papabilis.

“Yes, Ma’am,” tila nagtataka namang sagot ng empleyada. “Yung artist na ka-meeting niyo po.”

Lalo nang naghabulan ang paruparo sa sikmura niya pagkarinig sa salitang ‘artist.’

“You mean…C-Carlo dela Peña?”

“Exactly! Si Sir Carlo Eruel dela Peña po. Kilala niyo siya, Ma’am?”

Nang sulyapan niya si Chloe ay saka lang niya napansing titig na titig pala ito sa kaniya. Noon lang din niya na-realize na nakaawang ang mga labi niya sa pagkagulat. Itinikom niya ang bibig at saka ngumiti rito.

“C-can I go to the powder room first? I just need to freshen up,” aniya rito.

Ilang sandaling tinitigan siya ng babae bago ito sumagot. “Sa loob po ng opisina ni Mrs. Bernal, mayroon pong powder room.” “H-ha? Baka naman merong iba? I mean…gusto ko sana ay ready na ko when I get inside.”

“Pero naghihintay na po si Ma’am Min—”

“Two minutes, promise!” Nilaparan pa niya ang pagkakangiti. “Girl, I’ve actually waited for almost an hour and I’m just asking for only two minutes.”

“Pero—”

“Where is it, please?” giit niya habang nakaangat na ang isang kilay. Walang nagawa ang sekretarya kundi ang ituro sa kaniya ang daan patungo sa rest room.

 

PORMAL ang ekspresyon ni Carlo nang muling sulyapan ang ilang article clips na naglalaman ng mga larawan ng LSPuso Charity Organization. Positive. Confirmed. Stacey Silvano was the Anastacia del Mar that he used to know seven years ago. Si Orange…si Angge…si Tasha…the only girl he knew with many names—and sadly, with many faces too.

“This organization must be really good, hijo. Imagine, this is the first time na makakasama sa activities ang painting session. As an artist, alam mo naman siguro ang budget na kailangan sa pagpipinta at hindi lahat ng foundation ay maglalaan ng budget para sa ganyan.”

Marahan siyang tumango-tango, bagaman maraming bagay ang naglalaro sa isip niya. Sino ang tunay na may ari ng foundation na iyon? Ang Italianong sinamahan ba ni Tasha noon na nakita niya sa restaurant? Kung gayon ay mukhang mayaman na ang dalaga at ang naturang foundation ay isa na lang sa mga bagay na pinagkakaabalahan nito.

At bakit siya pa na dating may kaugnayan kay Tasha ang kinukuhang artist volunteer ni Mrs. Bernal para sa naturang project? What was this all about? May gusto lang ba itong patunayan sa kaniya?

“Tuwang-tuwa nga ako nang malaman kong sa dinami-rami ng mga charitable institution dito sa bansa ay ang HF pa ang napili ni Mr. Castro. Pinag-iisipan ko na rin ang merging na ini-o-o-offer niya and I’m planning to open this up in our next board meeting. Kaya pumayag ka na, hijo. Madali lang naman ito, one week lang then, tapos na. Ano ba naman ‘yung balikan mo ang dream mo kahit sa maikling panahon, hindi ba?”

Alanganin siyang napangiti sa sinabing iyon ni Tita Mina, ang mommy ng kaibigang si Revan. Kanina pa siya nito kinukumbinsing sumang-ayon sa proposal nito. The offer was tempting at gusto na niyang matukso pero malakas ang tanggi ng utak niya.

“You came here. That’s a positive sign that you’re going to pursue the project.”

“Tita, I only wanted to talk to you personally. Of course, gusto kong makausap kayo at personal na ipaliwanag kung bakit hindi ko ito magagawa.”

“Pero bakit, hijo? Isipin mo na lang na maraming bata ang nangangailangan nito.”

“Come on, Tita; painting is not a basic need—”

“Exactly! Pero hindi naman basic needs lang ang bumubuhay sa tao, Carlo. After a decent meal, gumagana ang utak. Nagtatrabaho ang imahinasyon. Matatapos ba sa pagkain ang buhay ng mga batang kapos-palad? Paano naman ang may mga talento? Ang mga batang gustong gumuhit…”

Now he wanted to blame himself. Hindi pala siya dapat nagpunta pa roon.

Bumukas ang pinto ng opisina at saglit na napatigil sa pagsasalita si Tita Mina. Bumungad sa pinto ang sekretarya nito.

“Ma’am!” bungad ng tila bothered na empleyada nito.

“O, Chloe! Didn’t I tell you to send her in already? Nasaan na si Miss Silvano?” Napakunot ang noo ng ginang. Bahagya pa itong dumukwang upang silipin kung may tao sa likuran ng kausap.

“E Ma’am, magbabanyo lang daw siya saglit pero nawala na po eh. Thirty minutes ko na siyang hinihintay kaya hinanap ko na pero wala na talaga. Walk out yata, Ma’am!”

“What?!” malakas na bulalas ng nagulat na ginang. Napatayo pa ito sa pagkabigla. Kakamot-kamot ng ulo ang sekretaryang walang maisip na isagot sa boss nito.

“Don’t worry, Tita, marami pa namang pagkakataon,” sabad ni Carlo na nagpalingon sa matanda. Apologetic ito.

“I’m so sorry about this, hijo. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at nawala ang bisita natin pero aayusin ko ito. I-re-sched natin ang meeting sa makalawa. Okay lang ba sa iyo?”

Marahan siyang umiling. “Tita, please consider other artists and kindly replace me. I’m willing to recommend someone.”

“Pero Carlo—”

“See you again, Tita,” maagap niyang putol sa gusto nitong sabihin. Hinagkan niya sa pisngi ang mommy ni Revan at saka magalang na nagpaalam rito.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Si Orange Book 4 (Version 2.0) Chapter 3

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.