Sylvia (Chapter 6)

Dahil sa kamuntik nang pagkalunod ni Cita sa pool, nagyaya agad si Sylvia na makauwi. Hindi naman maubus-ubos ang paghingi ni Lupen ng paumanhin sa nangyaring aksidente sa pool. Wala talagang dapat na sisihin. Walang may gusto sa pangyayari. Nakukuha pa ngang magyabang sa kanila ni Cita, habang nakataas na hinihilot nito ang kaliwa nitong paa. Mabuti na lamang daw at may lahi rin silang mga manghihilot. At may sa pusa raw siya.

Hindi malaman ni Sylvia kung matatawa, o magagalit dito. Si Lupen, agad na binalingan ang binatilyong boy. Di raw ito dapat na nalilingat, kapag gayung may tao pa sa pool. Pero, kahit galit na galit si Lupen, di pa rin ito bakas sa maamo nitong mukha. Nakatungo lamang ang ulo ng boy, habang nakikinig sa mga sinasabi ng amo nito.

Matapos makapagbihis si Cita, pinalulan na sila sa kotse ni Lupen. Mabuti na lamang daw, walang masyadong masamang nangyari kay Cita. Kundi’y siya ang malalagot. Lalo sa ama nito. Habang nasa daan, muling sumibol sa isipan ni Sylvia ang nabanggit ng mama ni Lupen. Tungkol sa kasalukuyang kinakakaharap na problema ng pamilya ng mga ito. Walang ibang nabanggit si Lupen na may kaugnayan sa banggaan nilang mag-ama, habang nasa loob siya ng tahanan ng mga ito kanina. Kung iyun lamang na sinabi ni Lupen noong isang linggo, tila mahirap paniwalaan. Bakit, pagriresaynin lamang sa trabaho ng papa niya, kinakailangan pa na lisanin niya ang San Quentin. Gaano ba ang bigat ng dosis ng problemang iyon? Tila gamundo naman ang bigat niyon?

Nakadama ng kaigtingan si Sylvia. Baka natsitsismis na siya? Ng sinomang nakakakita sa ginagawa niyang kusang paglapit-lapit sa anak ng amo niya? Napakabagsik pa naman ng papa ni Lupen. Hindi rin malayong dahilan, na dahil lamang sa kaniya, kung bakit kailangang pabalikin nito sa Maynila ang panganay na anak. Ngunit, imposible namang ang hidwaan ng magkatunggaling ama sa impluwensiya ng pulitika lamang ang maging rason ng matandang doktor. Ikinikintal ng isip niya ang mga nakapangingilabot na panganorin sa mga painting na iyon. At ang kamuntik nang pagkalunod ni Cita sa swimming pool. May gumapang na kilabot sa katawan niya. Nagtatahi-tahi sa isipan niya ang pangit na mga imahen. Sakaling lumala ang hidwaang namamagitan sa mag-ama. Sakaling yumabong gaya ng rosas ang relasyon nilang dalawa ni Lupen.

Disyembre 9, alas otso ng gabi. Biglang dumating si Dr. Degarma sa drug store. Bakas ang galit sa mukha ng matanda. Nagkataong wala noon si doktora Degarma. May dinaluhan itong emerhensiyang pagpupulong sa San Quentin General Hospital nang hapong iyon, sabi nina Tess at Flor na karelyebo. Hindi pa ito bumabalik.

Nagtaka si Sylvia. Madalang pa sa patak ng ulan kung dumapo sa drug store ang matandang Degarma. At nag-aapoy ang mukha nito, pag-ibis na pag-ibis pa lamang sa kotse nito. Pag-upung-pag-upo ni Dr. Degarma sa tabi ng counter, agad siyang tinawag nito. “Sylvia, halika rito, kakausapin kita.”

Paglapit niya ay agad din siyang pinaupo nito. Naupo siya sa isa pang silyang nakabalagbag sa tabi ng counter. “Bakit po, sir?” ipinalagay niya ang loob niya sa harap ng matandang amo.

“Nasabi ba sa iyo ni Lupen ang tungkol sa problema namin?”

Hindi gustong makialam ni Sylvia sa hidwaan ng mag-ama. Kaya, nagmaang-maangan siya sa pagagot. “S-Sir, wala pong sinasabi sa akin si Lupen.”

“Hindi ka ba nagtataka, kung bakit itinanong ko sa iyo?”

Umiling si Sylvia. “Hindi po. Bakit naman po?”

“Nanliligaw ba sa iyo si Lupen?”

Biglang nagulumihanan si Sylvia. Parang may kumurit sa puso niya. Di siya agad nakasagot.

“May asawa na si Lupen, Sylvia.”

Napatda siya. “S-Sir?” Gusto na niyang lisanin agad ang tabi ng amo. Hiyang-hiya sa sarili.

“May relasyon na ba kayo? Sinabi sa akin ng boy namin, isinama ka raw niya sa bahay nung isang araw. Tutoo ba iyon, Sylvia?”

Mabilis ang sagot niya. “Dalawa po kami ni Cita na inimbitahan niya, sir.” Hindi niya matagalan ang titig ng papa ni Lupen. Parang natutunaw siya sa harapan nito.

Nagpatuloy ang matanda. “Hindi makakabuti sa isang dalagang katulad mo ang pumatol sa isang lalaking may asawa. Payo ko, iwasan mo siya habang maaga pa.”

Napatungo si Sylvia. Parang ama niya ang nagsasalita. Hindi niya gustong marinig pa ang mga idadagdag nito. Hindi lamang niya maibulalas, hindi pa nga nakakapagtapat sa kaniya si Lupen.

“Ikinasal sila ni Mikaela ng isang huwes sa Quezon City. Hindi ba niya sinabi sa iyo?” Malumanay na ang tinig ng matanda.

Nag-angat siya ng ulo. Magagalit ba siya, o lalong mahihiya? Kahit iyung huling pangalang sinabi nito, ayaw na sana niyang marinig. Hindi napigilan ang sarili, tumindig siya, at magalang na nagpaalam sa matanda. Bumalik siya sa kaniyang pinupuwestuhan. Nakatayo na sa harapan ang ilang mga customer. Walang kaalam-alam si Cita sa napag-usapan nila ng matanda. Wala sa loob niya ang ginagawang pagdispensa ng mga gamot sa kaniyang hinaharap na mga customer. Hindi pa nakakahalata si Cita. Hanggang sa lumisan si Dr. Degarma.

Paglabas galing sa trabaho, niyaya niya si Cita na dumaan muna sa katabing convenience store. Taka ang bes niya nang bayaran niya ang isang case ng canned beer. “Malayo pa ang birthday mo, a,” ani Cita. “May problema ba?”

Hindi siya umiimik, hanggang makalabas sila ng tindahan. Hanggang duon, hindi niya ipinapahalata ang bigat ng nararamdaman. Pumara agad siya ng dumaang traysikel.

Sa apartment. Hindi mapigilan ang matinding galit, naglalatang ang dibdib niyang ibinuhos ang hinanakit. Napilitang tumagay si Cita. Sa kauna-unahang pagkakataon, naibukas niya ang hinggil sa magkasalungat, hibang na paninindigan ng mag-ama sa mga pinagsisilbihang makapangyarihang mga pulitiko sa San Quentin.

Pagkaubos ng tig-isang lata, nagbukas ulit si Sylvia. At ng isa pa ulit. Lasing na ang dalawa. “Ikaw kasi, sabi ko naman sa iyo, duda ako kay sir Lupen.” Waring sinisisi pa siya ni Cita. “Kaya pala shy-type, ‘yun pala, may lihim na kalansay na ikinukubli.”

Napahikbi si Sylvia. “Hu, hu, hu, ikaw ang maysabi na type na type niya ako! At saka, wala naman siyang ipinagtatapat hanggang ngayon. Pati ang mga rose na iyon.”

“Paano ‘yan? E, di- sagutin mo na si Rambo.”

Lumagok ng beer si Sylvia. Ipinahid niya ang likod ng palad sa namumulang pisngi. “Hindi, Cita. Hindi pa ako lubos na naniniwala sa papa ni Lupen. In fairness pa rin sa kaniya, gusto ko, sa bibig niya mismo manggaling ang katutohanan.”

“Ganun pala, bakit di na lang natin ito ituloy bukas.”

Naghunos-dili si Sylvia. Napatitig siya sa namumungay na mga mata ng bes niya. Napayakap siya sa balikat nito. “Salamat, bes.” Pabukang-liwayway na nang matapos ang inuman nila.

Magtatanghaling-tapat nang bumangon sa kama ang dalawa. Kabila ng talinghaga ng buhay, may bagong sigla si Sylvia nang bumangon mula sa pagkakahimbing na may hilahil. Parang hindi siya natinag ng maaanghang na sinabi ng ama ni Lupen. Siya pa ang nagluto ng agahan.

Kinagabihan, nasa drug store na naman si Rambo. May dala-dala itong bagong balita. Nakilala raw nito ang mga magulang ni Sylvia. Habang nagsasagawa ng follow-up coverage sa pinangyarihan ng labanan ng mga sundalo at isang grupo ng New People’s Army kamakailan. Nagkaruon ng ceasefire, sang-ayon kay Rambo.

“Mabuti at natigil din ang labanan duon sa amin,” natutuwang sabi ni Sylvia. Ngunit, biglang tumabang ang mukha ng dalaga.

Napansin iyon ni Rambo. “Bakit bigla kang nanamlay? May problema ba?”

Ngumiti pa rin si Sylvia. Pilit. “W-Wala.” Hindi siya kumikilos sa stool na inuupuan. Nahahabag siya sa kaniyang mga magsasakang mga magulang. Matatagalan pa, bago siya makabalik sa sityo Ilang-Ilang. Matutupad lamang iyon kung natupad na rin ang pangarap niyang makatagpo ng isang lalaking tutugon sa hinahanap niya. Si Rambo, hindi siya ang siyento porsiyentong tipong iyon.

“Kinukumusta ka nila. Ang sabi ko, ok ka naman sa trabaho mo. Kahit bago lamang nila akong nakilala, pinakain nila ako ng adobong tikling. Ang sarap, nuon ko lamang dinanas makapag-ulam ng ganun.”

Bahagyang natawa si Sylvia. Napukaw ang nahihimbing niyang mga himaymay. May buhay kung magkuwento si Rambo.

“Kapag ikaw naman ang nakarating sa amin, patitikimin kita ng luto kong masarap na adobong ulang. Iyun bang lobster. Tapos, magbababad tayo sa dagat,” patuloy nito.

Bigla, may kumisap na ideya sa isip ni Sylvia. Napatayo siya. Ipinatong ang dalawang kamay sa ibabaw ng counter. “O, sige, kailan ‘yun?”

“Wednesday. Kung gusto mo. Friday pa ang pasok ng diyaryo namin sa press. Puwede ka?”

“Hindi ako papasok sa Wednesday,” humahangos na sabi niya.

“Paano si Cita?”

“Huwag na natin siyang isama. Di ba, mas maganda kung ako lang ang isasama mo?”

“Ok. Dadaanan kita sa apartment niyo, early in the morning. Importante sa trabaho ang pag-a-unwind.”

“Asahan mo.”

Paglisan ni Rambo, ipinaglihim niya kay Cita ang imbitasyon nito. Abala ang bes niya sa pakikipaghuntahan kay doktora Degarma. Lunes nuon, ngunit, hindi dumarating si Lupen.

Nang sumunod na gabi, saka pa lamang sila nakapag-usap muli ni Lupen. Kinumpronta niya ito tungkol kay Mikaela. Itinanggi ito ni Lupen. Dahil lamang daw sa alitan nilang mag-ama sa pulitika ang dahilan, kaya siya sinisiraan ng sariling ama. Hindi talaga nakuntento si Sylvia sa katuwiran ni Lupen. Hindi maipinta ang pagdududang nakabalatay sa mukha niya. Hanggang sa harap ng pagkain nilang tatlo, ayaw niyang maniwala rito. May naiisip siyang paraan, para makaganti kay Lupen. Sakali mang nagsisinungaling ito.

Pag-uwi nila ni Cita, saka lamang niya sinabi ang planong istratehiya na pagpapaunlak sa imbitasyon ni Rambo. Kabisado ng bes niya ang Aplaya, ang lugar nina Rambo, sabi nito. Nasa dakong hilaga iyon ng San Quentin. “Ikaw ang bahala, kung saan ka maligaya,” anito habang nakahiga sila sa kama. “Pero, natitiyak mo kayang mapagseselos mo siya?”

“Until the truth has come out.” May hibo ang ngiti ni Sylvia.

“Pero, paano si Rambo?”

“Hindi mahuhulog ang loob ko sa kaniya.”

“Sigurado ka?”

“Si Lupen ang gusto ko. Siya ang mahal ko.”

Hindi alam ni Cita, halos sumabog ang dibdib ni Sylvia sa gagawin niyang iyon.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sylvia (Chapter 6)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.