Sylvia (Chapter 7)

Malamig ang simoy ng hangin na itinutulak ng katamtamang pag-alon. Nagsisimula pa lamang sumilay ang mapulang araw sa dakong silangan. Ngunit, marami nang tao sa dalampasigan.

“Narinig ko minsan, pinag-uusapan niyo ni Cita na may nagpapadala sa iyo ng mga rosas,” nahihiyang sabi ni Rambo habang magkatabi silang nakaupo sa ibabaw ng batuhan. “Wag ka sanang magalit kung naitanong ko.”

Tumikhim si Sylvia. “Ba’t naman ako magagalit? Dalaga pa naman ako,” sabi niyang nakataas ang noo. “Pride naming mga babae ‘yun. At least, may humahanga. Kahit patago.”

Napangiti si Rambo. “Sobra sa ganda ka kasi.”

“Kaya, kailangan, guwapo rin siya kahit paano,” biro rin niya rito.

Natural ang mga tugon ni Sylvia kay Rambo. Mula pa nang unang araw na magkurus ang landas nila. Kaya hindi niya ito maaaring dayain. Ni ang takasan. May kalahating oras din silang nanatili ruon. Kuwentuhan, tawanan. Lahat, tungkol sa trabaho nila. Buong tiyaga nilang pinanuod ang isang langkay ng maagang mga mangingisda na namumukot sa baybayin. Hindi kalayuan sa batuhang iyon.

Habang pinagmamasdan ang grupong iyon ng mga mangingisda, nadarama ni Sylvia ang kapayakan ng uri ng pamumuhay ng mga tagaruon. Ang kinalakihan ni Rambo. Masasaya at puno ng pag-asa ang mga mukha ng mga kalalakihan. Gayundin ang kanilang mga asawa habang nagtutulung-tulong sa paghatak para maiahon ang mahabang lambat. Paahon sa buhanginan. Ang maliliit na mga anak ay tila di napapagod sa pagtulong na may kasamang paglalaro sa tubig. Nasisiyahan si Sylvia sa kaniyang pinapanuod.

“Maganda pala talaga rito sa inyo,” nagiginhawaan niyang papuri sa masisipag na mga taga-Aplaya. “Ang sarap-sarap samyuin ng sariwang hangin sa tabing-dagat. Napakalinaw ng tubig. Kuntento ang mga tao. Mas masarap sigurong maglunoy sa tubig kahit malamig.”

“Gusto mo na ba?” tanong ni Rambo.”Mauna ka na, manghuhuli muna ako ng mga ulang sa dako ruon.” Itinuro nito ang bunganga ng ilog na nasa dako pa ruon ng dalampasigan.

Banayad ang wawa. Natantiya niya na may kalaliman ang lulusungan ni Rambo. “Sige, pero, mag-iingat ka, ha. Pihong malalim ruon,” paalala niya rito.

Natawa lamang sa kaniya si Rambo. “Ha, ha, ha! Wag kang mag-alala, duon ako inihagis ng tatay ko pagkapanganak sa akin.” Pagkasabi niyon, naghubad ito ng t-shirt. Nagsuot ng goggles, saka dumayb agad sa tubig hawak ang sigkaw at pana.

Siya naman, naka-shorts na lumakad pababa sa madulas na batuhan. Pagsayad-pagsayad pa lamang ng mga paa, halos mapasigaw siya. Mala-yelo sa lamig ang tubig. Sumisid agad siya para mawala ang ginaw niya. Ilang segundo siyang di nahinga sa ilalim ng tubig. Pikit ang mata, hindi gumagalaw. Anupa’t ilang segundo ring tumigil ang pag-inog ng mundo.

Sa muling pag-angat ng kaniyang ulo, nadama niya, para siyang isang bagong nilalang. Malayo sa kabihasnan. Sa magulong siyudad. Ang pagtampisaw sa malinis at malamig na tubig-dagat ay nakapagdudulot sa katawan niya ng ibayong ginhawa.

Mayamaya, natanaw niya si Rambo sa di kalayuan. Umaahon na ito at may huli nang mga ulang. Parang malalaking hipon rin pala ang mga nahuli ni Rambo. Buhay ang karamihan. Tumatalon sa fishnet ang mga lamang-dagat. Niyaya siya ni Rambo. Mag-aagahan daw sila ng adobong ulang. Umahon agad siya sa tubig. Gusto niyang makita kung paano lutuin iyon.

Pagkatapos nilang kumain, ipinakilala siya ni Rambo sa mga magulang nito. Kararating lamang ng mga ito buhat sa bulungan. Mababait at maalalahanin ang mga may edad na ring mga magulang ni Rambo. Walang iniba sa mga magulang niya kung trumato ng panauhin. Pakiwari niya, isa siyang prinsesang napadpad sa maliit na dampa sa tabing-dalampasigan. Pagkatapos niyon, naglalakad-lakad silang nakayapak sa mahabang dalampasigan.

“Wala ka bang naaala sa dagat na ito, kapag nasa San Quentin ka?” tanong ni Sylvia kay Rambo. “Ako, hindi ko na malilimutan, lalo na ang pangalan nina tata Cris at nana Ela.”

“Iba ang buhay sa San Quentin. Katuparan ng pangarap dito,” matalinghagang ani Rambo. “Duon, trabaho. Dito, pahinga. Kung puwede nga lamang paglapitin ang dalawang puso, at wag nang magkawalay pa sa tuwina. Bakit mo naitanong?”

“Wala. Natutuwa lang kasi ako sa iyo.”

“Saan?”

Ngumiti si Sylvia. “Sinlawak mo kasi ang dagat na iyan.”

“Kailangan ko pa bang lumawak sa mundo mong pinasok ko?”

“Mapursigi ka kasi. Kahit alam mong-”

“May nagpapadala sa iyo ng bulaklak?” patlang ni Rambo. “Wala sa akin ‘yun.”

Niyaya siya nito na maupo sa ilalim ng isang puno ng niyog. Hindi dumadaiti ang katawan ni Rambo sa kaniya. Nahahalata niyang umiiwas itong masagi siya. “Parang panaginip ang pagkakakilala ko sa iyo. Ang pagpaunlak mo sa unang imbitasyon ko.” Nagbabalik-tanaw si Rambo.

“Teka. Siyaynga pala, bukas, twentieth birthday ko. Ikaw naman ang iimbitahan ko. Huwag kang mawawala, ha,” untag niya kay Rambo.

“Sure, ako pa? Paunang maligayang kaarawan sa iyo, Sylvia.”

Ikalabinlima ng Disyembre.

Nagluto si Sylvia ng spaghetti at lumpiang shanghaii. Naghanda rin siya ng cheeze sandwich. At ang ipinagmamalaki niyang matamis na maja blanca, na natutuhan niya sa nanay niya.

Kaunti lamang ang inaaaahang mga bisita ni Sylvia. Ang dalawa sa kanila ay mga kaibigan at tatlong pinsan ni Cita. May kasama itong mga maliliit na mga anak. Sumaglit din duon ang mga kasamahan nila sa trabaho na sina Tess at Flor. Nagpatugtog ng musika si Cita sa cd player. Isa-isang pinagsayaw nito ang mga batang tuwang-tuwa. Napuspos ng kaligayahan si Sylvia kahit kaunti ang kaniyang mga panauhin.

Subalit, ang tuwa niya ay biglang nalambungan ng kagulumihanan. Magkasabay na dumating sa apartment sina Lupen at Rambo. “Oh, my God!” sambitla niya nang tumambad sa tapat ng pinto ang dalawang lalaki.

“Good evening, Sylvia. Happy birthday,” panabay ring bati sa kaniya ng dalawa.

“T-Tuloy na k-kayo.” Nalito siya kung kaninong pangalan ang unang babanggitin. Sumisikad sa dibdib niya ang pagmamadali. Kahimanawari sana, walang mangyaring hindi kaaya-aya sa gabing ito. Bakit kasi, naimbitahan pa niya si Rambo. Ang nais lamang niyang mangyari, makaramdam na insecured si Lupen kay Rambo. Dahil, pasasaan ba’t matutuklasan din nito ang ginagawang panunuyo sa kaniya ng reporter.

Napapamaang din ang mukha ng bes niya.

Ang dalawang lalaki ay naupong magkatapat. Si Lupen, sa mahabang sofa. Naupo si Sylvia sa tabi ni Rambo. Para magkapribasiya sa pag-uusap, binitbit ni Cita ang mga bata, dinala sa labas. Sumunod ang nakatawang mga magulang. Pagdaka, pumasok ulit si Cita sa loob.

“Ok itong place niyo, Cita,” si Lupen. “Cute siya, kahit maliit.”

“Gusto ko ngang lumipat sa malaki-laki , e. Kahit malayu-layo rito. Kaso, may three months advance pa kami ni Cita sa kasera,” sabad ni Sylvia.

May dinukot sa bulsa ng pantalon si Lupen. “Here”s my special gift for your birthday, Sylvia.” Nakangiting iniabot ang isang maliit na pulang jewelry box. May ribbon sa ibabaw.

Tumayo si Sylvia para abutin ang ibinibigay nitong regalo. Nagulat si Sylvia nang buksan ang box. “Wow! Ang mahal nito, a.”

Isa iyong 24 karat gold lady’s ring. Mabigat sa brilyante ang palamuti.

Halos mamuti ang buong mga mata ni Sylvia sa hawak na singsing. Ibinalik agad niya ito sa silidang kahon. Inilapag niya sa gitna ng lamesitang kaharap nila. Saka siya muling tumabi kay Rambo.  Ngunit, iniiwasan niyang maghagis ng tingin dito. Wala naman itong kaimik-imik habang nakatinghad sa nakabukas na pinto. Bigla yatang nalimutan niya ang planong paninikis sa mayamang panauhin. Na umaming sinasaklawan ng ama ang pribasiyang buhay.

“You know, Sylvia, lalo kang pumuti sa suot mo,” buong paghangang sabi ni Lupen. “Tamang-tama sa jeans mo.”

Isang matimyas na ngiti ang isinukli niya sa papuri ni Lupen. Pagkuwan, lumipat siya sa inuupuan nito. Halos magkiskisan agad ang mga siko nila ni Lupen. Sa pagkakadikit niya sa pinakaespesyal niyang panauhin.

Sa nakita, ipinagputing-tenga lamang iyon ni Rambo. Pagkuwan, mabilis na nagbaling ulit ito ng lingon sa nagsasayaw na mga paslit sa labas. Pangiti-ngiti ito habang nagsasaya sa panunuod sa kasiyahan ng mga nasa labas.

“Alam ko kasing hindi mo ako bibiguin, kaya pinaghandaan ko ang isusuot ko. At saka, ito rin ang suot ko nang magsimba kami ni Cita kanina,” buong lambing niyang sabi kay Lupen. Nakaligtaan na yata niya ang ipinagsasama ng loob, mula nang magbulgar ang ama nito na may isang third party.

“Really? Espesyal pala ako sa iyo,” ani Lupen.

“Very special ka sa akin. Even without this ring,” ulit ni Sylvia na nakatutok ang mata sa ibabaw ng lamesita. Pagkasabi, ibinaling niya ang tingin kay Rambo. Nahuli niyang kumunot ang noo nito. Nagsasalubong ang mga kilay.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sylvia (Chapter 7)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.