Sylvia (Chapter 5)

Sayang, di ako nakapagbaon ng bathing suit. Ang sarap-sarap pa naman sanang lumangoy sa swimming pool,” patawa ni Cita.

“Ba’t di kayo magbabad ni Sylvia?” sabi ni Lupen. “May extra swimsuits namang nakatabi si Rina. Bagong palit ang tubig niyang pool. Kalalagay lang ng chlorine, bago ako umalis kanina. Masipag ang bagong boy namin.”

“Wag na, Lupen. Nakakahiya naman,” mariing tanggi ni Sylvia. “Aywan ko kay Cita, baka gusto nitong mag-swimming mag-isa? Sabik ‘yan, e.”

“Sige, sir Lupen. Nang mapraktis ko tuloy ang butterfly stroke ko,” tuya nito kay Sylvia. “Isama mo na rin tuloy ang boy niyo. Para may life saver ako.”

“Ha, ha, ha, ha!” Napahalakhak nang husto si Lupen. “Wag kang mag-alala, mababaw lang ‘yan.”

Napatinghad si Sylvia sa mukha nito. “Ngayon ko lang narinig ang paghalakhak niya,” anas ni Sylvia.

Mayamaya, lumabas ang boy. Isinara nito ang mataas na gate. “Sir, wala po sina sir at ma’am. Namasyal sila, kasama si ate Rina,” salubong nito sa amo.

“Alam ko, tumeks sa akin si mama habang nasa daan ako. Mamimili pa raw sila ng handicraft sa Pampanga. Gagamitin ang pool, Manuel. Ikaw na ang bahala. Manuel, mga pharmacist sila sa botika. Kaya asikasuhin mo nang mabuti itong si Cita. Cita, ngayon ka na gagamit ng pool?” baling ni Lupen sa dalaga.

“Oo, sir. Maiwan na ako rito. Nasaan ba ang shower room? Magsa-shower muna ako siyempre.” Hinagilap ng mga mata ni Cita ang hinahanap. Itinuro ni Lupen ang isang maliit na pintuan, katabi ng maluwang na garahe. “‘Pasok ka na lang dun, hindi naka-lock ang shower room.”

Tumalikod ang binatilyong kasambahay. Pumasok ito sa servant’s quarter. Kasunod lamang iyon ng shower room. Paglabas nito, bitbit na nito ang itim na swimsuit ni Rina. Sandali lamang nag-shower si Cita. Lumabas agad ito na basa na ang katawan.

Naglakad si Sylvia sa tabi ng pool. Naupo ruon si Cita. Pinigilan niya ang sariling maakit sa kulay luntiang tubig na naging esmeralda sa tulong ng palyo ng mga matataas na puno sa tabi nito. Napadako ang tingin niya sa panlabas na mukha ng marangyang villa ng mga Degarma. Hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla na lamang bumilis ang mga tibok sa kaniyang dibdib. Napakaaliwalas naman ng panahon nang umagang iyon. Pero, bakit ba tila init na init naman ang katawan ni  Cita?

“O, Sylvia, c’mon, let’s get inside! I’ll show you something,” anyaya ni Lupen.

Nagulat pa siya sa boses ni Lupen. “A, e- s-sige. I-Ikaw ang bahala,” nauutal niyang sabi. Nauntol ang pagkamangha niya sa yaman ng mga Degarma. Kinakabahan na siya. Wala ruon ang mga matatandang Degarma. Baka kung ano na lamang ang isipin ng mga ito, kapag nalamang isinama siyang mag-isa ni Lupen sa loob niyon? Isa pa, si Rina, na nakababatang kapatid nito. Pareho silang babae. Baka-

“O, paano, Cita, maiwan ka muna namin ni Sylvia. Enjoy your swimming.”

“Sige, ok lang ako. Ingatan mo ang bes ko, ha!” Nakasayad na ang mga paa nito sa tubig.

Sa loob ng malaking sala, moderno ang appliances. Nagtungo agad sa kusina si Lupen para gumawa ng maiinom nila. Sinadya nitong iwanang mag-isa ang dalaga. Naiwan pang nakatayo si Sylvia. Di siya nakatiis na dakuin ang malaking salaming durungawan. Nakaharap iyon sa swimming pool. Mula ruon, malinaw niyang natatanaw ang bes na naglulunoy na sa pool. Magkasingkatawan pala sina Cita at Rina. Di kawasa, may dumapyong malamig na hangin sa kaniyang pisngi. Hinaplos niya ang mga braso. Naka-on pala ang centralized airconditioning unit sa sala. Malamig, ngunit, parang biglang nakulob ang pakiramdam niya. Napansin niya, hindi nabubuksan ang durungawan. Napahalukipkip siya. Sinimulan niyang igala ang mga mata sa kabuuan ng sala. Namangha siya sa mga klasikong obra ng mga kilalang pintor. Lahat, nasa narrang dingding. May mga Pieta nina Michaelangelo at Mantegna. Van Gogh. Crucifixion. El Greco. At Mother and Child ni Jose Hoya. Iisa ang mensahe ng mga dibuho. Lahat, pawang may temang malungkot. May pagkamisteryoso.

“Mahilig ka pala sa sining.” Nagulat siya sa biglang pagbungad ni Lupen. May kasama na itong isang matandang maid na may dalang bandeha. May tatlong tall glass ng malamig na orange juice. Nabungaran kasi siya na nakatingala pa sa mga painting.

“Medyo,” baling niya rito. “Naging paborito ko kasi ang Humanities.”

Nakangiting inilapag ng kasambahay ang dalawang baso sa lamesita. Pagkuwan, inatasan ito ni Lupen. “Aling Ine, pakilabas na lang ho ang isang baso, ruon sa nasa pool.” Walang atubiling sumunod ang kasambahay.

“Art collector si papa. Kaya nasa San Fernando sila.” Lumapit sa kaniya si Lupen. “Hindi siya mabubuhay kung wala sila. Kung walang mga creator, at mga creation, mapupuno ng karahasan itong mundo, sang-ayon sa kaniya. Tama si papa. Imagine, kung wala tayong makikitang kagandahan sa paligid natin tulad ng mga iyan.”

“Pero, magulo pa rin ang daigdig,” giit ni Sylvia.

“Yeah, of course. Ha, ha, ha! Mahirap pa ring sagutin ang isang iyan. Kaya siguro puro melancholic ang subject ng mga collection ni papa.”

Naupo sila sa malambot na couch. Tatahip-tahip pa rin ang dibdib ni  Sylvia. “Wala kang balak bumalik sa Manila?” tanong niya rito.

“Hindi ko puwedeng iwanan ang isang pangarap ko rito.” Naulit ang minsang sinabi ni Lupen.

“Ano ba ang hinahanap mo sa isang babae?” Bigla ang tanong niyang iyon. Hindi inaasahan ni Lupen. Tumingin lang ito sa mukha niya. Sumimsim sa baso. Pagkuwan, napangiti ito.

Parang nahihila niya ang ibig ipahiwatig ni Lupen. Sadyang napakahiyain ng hombre. Sumimsim din siya ng juice. Kaunting lagok. Pagkuwan, mahinhing inilipag niya ang baso sa lamesita. Katabi ng baso ni Lupen. Napapangiti na siya. Sa wari niya, nagkakahulihan na sila ng loob. Kaya lamang, bakit antagal-tagal namang umimik nito? “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, a,” ulit niya.

Namutla si Lupen. Hindi pa rin umimik.

“Sabi mo, isa pa lang ang nakatanggap ng three roses mula sa iyo? Red ba sila? Siya ba ang naiwan mo sa Manila?”

Lalong napipi si Lupen. Iniba niya ang topic. Sa tingin niya, hindi pa nakatakda ang sandali para mapaamin nang minsanan ang napupusuang lalaki. “Siyanga pala, December na ngayon. Baka malimutan mo ang birthday ko, ha,” untag niya.

Bumalik ang natural na kulay ng mukha ni Lupen. “Maaari ko bang makalimutan. Ikaw pa?”

Biglang nagkambiyo si Sylvia. “May mga taong isinilang na maganda,” aniya.

“‘Gaya mo,” pahangos na tugon ni Lupen.

Natawa si Sylvia. “Palabiro ka rin pala.”

“Hindi. Tutoo naman, a.”

“May kinalaman sa art ang gusto kong tukuyin. Bakit kaya, hindi na lang tayo makuntento sa mga katulad natin? Sa mga kapuwa natin tao. Kaysa maging pulitiko?”

Napansin niya, nag-blush si Lupen. “Kailangan kong sabihin ‘yun. Dahil kaharap ko ang isang magandang babae. Iba ang pagtingin ko sa isang bagay na walang buhay. Sabi nga, bahala na ang mga mata natin, kung papaano siya kunin. Kani-kaniya tayo ng taste. Beauty is in the eye of the beholder.” Tumikhim si Lupen. “Pero, ‘yung tungkol sa huling sinabi mo, pag-iisipan kong mabuti.”

Namungay ang mga mata mata ni Sylvia sa unang sinabi ni Lupen. Napapalutang siya sa ikawalong ulap. Pinanatili niya ang kaniyang poise. “Nasa field ako ng Science. I’m more inclined to practical and positive results. Sa sining, they totally avoid it. I love nature. Sa kabilang banda, napakarumi ng pulitika.”

“Tama ka, Sylvia. Kung makikipagsayaw ako sa musika ng mga pulitikong kinagisnan natin, hindi ito magiging panghabambuhay. Ang pagtulong sa mga mahihirap na nananatili sa ibaba ang hindi dapat maging permanente. Ang mga pangarap ng marami sa lipunan, hindi kayang ibigay ng kung ilang termino ka lang pinapayagang magsilbi sa kanila. Para kainggitan ka lang nila sa tinatamasa mo habang nasa kapangyarihan. Pagkatapos ay nananatili pa rin sila sa kahirapan.”

Namangha si Sylvia sa talas ng mga pangungusap ni Lupen. Parang gusto na niyang maniwala sa kulay ng pulitika nilang mag-ama. Napatungo siya. Hindi niya sinasadya ang isang iyon. At tila iyon ang hinihintay na pagkakataon ni Lupen. Tinabihan siya nito. Nasorpresa siya sa ikinikilos nito. Hinawakan ang kamay niya na nasa ibabaw ng mga hita niya. Walang kibo, nakatungo pa rin siya, waring nahihiya. Nagpaubaya siya sa anumang susunod na ikikilos nito. Nagsara ang mga mata niya. Naramdamang nakalapat na ang mga labi nito sa bibig niya.

“Help!” Nagulantang silang dalawa ni Lupen sa matinis na boses ni Cita. Nag-unahan sila sa paglapit sa durungawan. Sa labas, nagpa-panic si Cita. Lumalangoy ito sa pinakagitna ng swimming pool, pilit na parang palaka.

“Pinupulikat ako!” Sumisigaw si Cita sa paghingi ng tulong. Parang tinatalian ang hininga ni Sylvia sa sinapit ng kaibigan. Mula sa kung saan, nakita nilang dumayb sa tubig ang binatilyong kasambahay. Saka pa lamang nakahinga nang maluwag si Sylvia. Napatda siya pagkakitang napadapa si Cita sa flatform. Parang walang nangyari. Smile pa ang bruha!

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sylvia (Chapter 5)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.