DUGO!
Sindak na napaurong mula sa kinatatayuan niya si Joy nang makita ang nagkalat na dugo. Pulang-pula ito habang nasa sahig na kawayan ng kanilang bahay. Bukod sa buo ito ay tila may buhay…
At humihinga!
“Ano ito?” tanong niya sa sarili na nanginig sa takot. Lalo na nang tuluyan siyang mapasandal sa dingding at hindi na nakagalaw. “Saan galing ang dugong ito?”
Nanlaki ang mga mata niya ng lalo pang lumakas ang paghinga ang dugo. Umusad na rin ito papalapit sa kanya. Napasigaw na siya sa takot. Gusto niyang tumakbo at lumayo pero hindi naman siya makakilos.
“Itay… Inay… tulungan n’yo po ako. Saklolo!”
Bumilis ang paggalaw ng dugo. Makaputol-litid na ang ginawa niyang pagsigaw nang tuluyan ng itong nabuo.
Nagmistula itong malaking halimaw na may mata at bibig. At ngayong nasa harapan na niya ay naghanda para siya ay sakmalin.
“Itay… Inay..!”
Iyon ang huling salitang naisigaw niya bago siya nilamon ng halimaw na dugo.
“JOY, anak,” sigaw ng Ina ni Joy na si aling Josefa. Kanina pa siya nito niyuyugyog para magising. “Gumising ka, Joy! Gising!”
Dahil patuloy siya sa pag-ungol ay napilitan na ang kanyang ama na si mang Galo na kagatin ang hinlalaking daliri sa paa. Naisip nitong gawin iyon para magising siya mula sa bangungot.
Tila naramdaman niya ang malakas na pagkagat ng kanyang ama at bigla siyang napaigtad sa pagkakahiga.
“Joy, anak,” usal ni aling Josefa na nasapo ang sariling dibdib. “Mabuti at nagising ka na!”
“Binangungot ka, Joy,” sabi ni mang Galo na umupo na sa tabi niya. Sinabi nito ang ginawa sa kanya kaya siya nagising. “Kinabahan kami ng nanay mo.”
Bumangon siya at yumakap sa mga magulang. Pagdaka’y ikinuwento niya ang nakakatakot na panaginip.
Kapwa nawalan ng kulay ang mukha nina mang Galo at aling Josefa nang magkatinginan. Halata niyang natakot ang mga ito.
“Para pong totoo ang panaginip ko,” sabi niyang nagpatuloy sa pagkukuwento. “Akala ko po ay totoo akong nilamon ng halimaw na dugong iyon.”
“A-ang sumpa,” garalgal ang boses na sabi ng kanyang ina. “Alam kong iyon ay ang sumpa ang lola mo, anak.”
“Inay, nakakatakot po,” sabi niyang muling yumakap kay aling Josefa. “Ayaw ko pong mangyari ang sumpa.”
Hinagod ng ama niya ang kanyang likod.
“Huwag kang mag-alala, Joy. Hindi mangyayari ‘yan basta hindi ka iiyak.”
“Itay..?” anas niyang napatingin sa ama. Alam niya ang tungkol sa tinutukoy nito. Hindi kasi naglihim sa kanya ang mga magulang at hindi rin nagkulang sa pagpapayo. “B-baka po may mangyayaring masama…”
Nangilabot siya. Hindi niya naiwasang matakot. At batid niyang iyon din ang nararamdaman ng mga magulang niya.
“Hindi ka puwedeng umiyak, Joy,” sabi ng kanyang ina. Hinagod-hagod nito ang likod niya. “Ginawa namin ang lahat para maging masaya ka mula pagkabata at ni minsan ay hindi ka umiyak. Kaya sikapin mong hindi ka iiyak.”
“Opo, itay at inay,” sabi niyang bumuntung-hininga. “Sisikapin ko po para walang mapahamak. Para hindi po mangyaring ang sumpa ni Lola Esmeralda.”
Sabay na tumango sina mang Galo at aling Josefa.
“NGAYON lang nangyari kay Joy ang ganyan, Galo,” sabi ni aling Josefa sa asawa ng sila na lamang dalawa ang magkasama. “At ako’y natatakot para sa anak ko.”
“Kinabahan din ako, Josefa. Malakas ang kutob ko na may bagay na nangyayari at hindi niya maiiwasang umiyak.”
“Diyos ko naman,” bulalas niyang nasapo ang sariling dibdib. “Huwag naman sanang mangyari. Natatakot ako, Galo. Baka pati tayo ay madamay sa sumpa.”
“Dugo!” anas ni mang Galo. “Ang dugong nakita ni Joy sa kanyang panaginip ay bahagi ng sumpa ng kanyang Lola Esmeralda. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari pagkatapos niyang umiyak pero ang dugong iyon ay mananaig.”
Hindi niya naiwasang umiyak. Napayakap siya kay mang Galo.
“Hindi puwedeng umiyak si Joy,” sabi niyang humagulhol. “Hindi puwedeng nangyari ‘yon!”
BAGAMA’T nag-iisa ay masaya si Joy habang naliligo sa batis. Sanay na siya sa buhay na kinalakihan niya.
Mula pa sa kanyang kamusmusan ay sa malayong kagubatan na sila nanirahang mag-anak. Sinadya kasi ng mga magulang niya na mailayo siya sa mga tao para maingatan.
Hindi lingid sa kanyang kaalaman na hindi siya puwedeng umiyak dahil sa sumpa ng kanyang Lola Esmeralda. Sa galit kasi nito sa Ina niya dahil nagpakasal sa kanyang ama, na mula sa angkang kinamumuhian nito ay sa kanya ipinataw ang galit.
Hindi daw siya puwedeng umiyak dahil sa kanyang mga luha ay magmumula ang malagim na kamatayan!
Labis iyong kinatakutan ang ama at ina niya dahil nagawa pang magpakamatay ng kanyang lola. Kaya nga napilitang ilayo siya sa mga tao upang magawa ang lahat ng paraan para hindi siya umiyak.
Na, nangyari naman!
Sa loob ng labing-walong taon niya sa mundo ay ni isang luha ay walang pumatak mula sa kanyang mata. Napagtagumpayan ng kanyang mga magulang na pasayahin siya sa buong buhay niya.
Kaya naman balewala sa kanya kung wala man siyang naging kaibigan kahit isa. Wala man siyang maging ibang kasama maliban sa mga magulang ay masaya pa rin siya.
Tulad na lamang ngayon, malulutong ang halakhak niya habang nagtatampisaw sa batis. Masayang-masaya siya sa paglalarong mag-isa at tila walang kapaguran sa paglangoy.
Hindi nga niya namalayang may dumating na estranghero. Nakatayo na pala ito sa gilid ng batis at pinapanood siya. Nagulat na lamang siya at natigilan sa gitna ng tubig.
“Hi! How are you, Miss Beautiful?” sabi nitong ngiting-ngiti. Ipinamulsa nito ang kaliwang kamay habang hawak pa rin sa kanan ang mahabang baril. “Hindi ko inaasahang may makikita ako rito sa gitna ng gubat na isang napakagandang dalaga. Teka! Hindi kaya isa kang diwata?”
Napalunok siya saka patingalang napatitig sa mukha ng lalaki. Ang totoo ay nakadama agad siya ng paghanga dito. Ibang-iba ito sa hitsura ng kanyang ama.
Alam niyang napansin nito ang kanyang reaction. Mahina itong tumawa. Pagkuwa’y tila lalo itong nagpapogi sa harap niya. Iniliyad pa ang dibdib at tumayo ng tuwid.
“Tagarito ka ba, Miss?” tanong nito na lalong lumuwang ang pagkakangiti. Lalo naman itong naging guwapo sa paningin niya. “Sinong kasama mo sa lugar na ito?”
“Sino ka? Paano ka nakarating dito?”
“Dito siguro ako dinala ng mga paa ko para makita ang kagandahan mo. Napakasuwerte ko. Puwede ka bang makilala?”
Nginitian niya ito. “Ako si Joy. Ikaw?”
“Joy. Dapat ka ngang maging masaya dahil maganda ka. Napakaganda mo, Joy.”
Umupo ito sa isang malaking bato na nasa gilid ng batis. “I’m Mckie. You can call me Mckie.”
Naglakad siya patungo sa tabi ng batis. Mas naging malapit ang distansya niya sa lalaki. Naibulong niya sa sarili na lalo itong guwapo sa malapitan.
“Puwede ba tayong naging magkaibigan, Joy?” tanong nito. “Don’t worry, mabait akong tao. Puwede mo akong pagkatiwalaan.”
Nakangiti siyang tumango. “Ipakikilala kita sa itay at inay ko. Mababait din sila at tiyak kong matutuwa sila dahil may mabait na akong kaibigan.”
“Sure, Joy. Nasaan ba ang parents mo? Halika. Puntahan natin sila.”
Mabilis siyang umahon sa batis. Dali-dali naman itong tumayo at inalalayan siya. Nakadama siya ng kasiyahan dahil sa ginawa nito. Naisip niya, isa nga itong mabuting tao.
AGAD na kinausap ng mga magulang si Joy pagka-alis ni Mckie. Halos tumagal din ito ng isang oras sa pakikipag-kuwentuhan sa kanya. Bagay na hindi nagustuhan ng mga ito.
“Iwasan mo ang lalaking iyon, Joy,” sabi ni mang Galo. “Huwag mo na siyang tatanggapin dito sa bahay.”
“Bakit po, itay? Mabait naman po si Mckie.”
“Hindi mo pa siya kilala, anak,” sabad ng ina niya. “Tiwalang-tiwala ka na agad sa lalaking ‘yon.”
Ngumiti siya. “Babalik po si Mckie, itay, inay.”
Nagkatinginan ang mga magulang niya. Saka sabay na muling tumingin sa kanya. Nasa mukha ng mga ito ang labis na pag-aalala.
“Anak, iwasan mo na siya,” sabi pa ng kanyang ama. “Huwag mo na siyang muling tanggapin dito sa bahay.”
“Ngayon palang po ako nagkaroon ng kakilala, itay. At ngayon lang din po ako naging totoong masaya. Kaya sana po ay hayaan n’yo akong makasama siya kapag pumasyal uli dito sa bahay.”
“Joy, isa siyang estranghero,” pahayag ni aling Josefa. “Baka sa una lang siya mabait. Ayaw naming mapahamak ka.”
Umiling-iling siya. “Huwag po natin siyang husgahan agad, itay, inay. Tiyak ko pong mabait si Mckie at gusto ko siya.”
“Diyos ko, anak,” bulalas ng ina niya. “Hindi tama ‘yan. Mali na agad kang magtiwala sa isang estranghero.”
“Gusto ko pong makilala ng lubos si Mckie,” sabi niyang tumingin sa malayo. Higit pang lumuwang ang pagkakangiti niya. “Hayaan po sana ninyo akong harapin siya.”
“B-Bahala ka, anak,” pabuntonghiningang sabi ni mang Galo. “Basta mag-ingat ka lang sa kanya.”
“Opo,” sabi niyang tuwang-tuwang yumakap sa ama. “Salamat po sa pagpayag ninyo.”
LIHIM sa kaalaman ni Joy ay seryosong kinausap ni mang Galo si Mckie. Nakiusap ito na huwag siyang lolokohin o saktan ang damdamin. Bagay na pinagdunahan ng kanyang ama dahil ngiti at simpleng tango lang ang naging sagot nito.
Naging babala naman ang bagay na iyon sa kanyang ina kaya lagi itong nagpapaalala at nangangaral sa kanya. Binalewala naman niya iyon at nagpatuloy siya sa pakikiharap sa lalaki, lalo pa’t napapadalas ang pagpasyal nito na totoong nagbibigay kasiyahan sa kanya.
Gustong-gusto niya ang ginagawa ni Mckie na tuwing may nakikitang bulaklak ay pinipitas at ibinibigay sa kanya. Ilang beses na din nitong sinabing mahal siya at nagawa pang magtanong kung may katuwang ang damdamin nito.
Pero kung kailang lubusan na siyang nagtiwala dito at natiyak sa sarili na mahal na ito ay saka nahayag ang panloloko nito.
Nang araw na iyon ay nagulat din si Mckie sa biglang pagdating ng estrangherang babae. Nang sandaling iyon ay nasa tabing-batis sila at magkayakap na nakaupo sa malaking bato.
“Mga hayop!” sigaw ng babae. “Totoo palang may kinalolokohan kang babae, Mckie. Mabuti pala at lihim kitang sinundan sa pagpunta mo rito. Taksil!”
Napatili siya nang sabunutan siya nito. Dahil sa matindi nitong galit ay pinagsasampal pa siya at itinulak.
“Lanie, tama na,” sigaw ni Mckie na niyakap at inilayo ang babae. “Tumigil ka na!”
“Asawa mo ako, Mckie. Karapatan kong saktan ang malanding babaing ‘yan. Kulang pa ang ginawa ko para magtanda siya.”
“Sinungaling!” sigaw ni Joy. “Mahal ako ni Mckie at wala siyang asawa…”
Tumayo siya.
“Ang sabi niya ay mahal ako at hindi ako lolokohin. Hindi ba, Mckie? Sinungaling ang babaing ‘yan.”
“Sabihin mo sa babaing ‘yan ang totoo, Mckie,” galit na sigaw ni Lanie. “Aminin mo sa kanya na ako ang asawa mo.”
“Joy, I’m sorry. Asawa ko si Lanie.”
Nanginig siya sa pagkabigla. Pakiramdam niya ay sasabog ang ulo niya. Hindi niya inaasahang maririnig ang bagay na iyon.
“Ngayon lang ako lubos na naging masaya, Mckie,” luhaang sabi niya. Ma-emosyon. “Akala ko’y magiging panghambuhay na at kailanman ay hindi ako luluha pero mali pala. Ang sakit… ang sakit-sakit!”
“Patawarin mo ako, Joy. I’m so sorry.”
Sumigaw siya sa matinding galit. Humagulhol siya ng malakas. Maigting na ikinuyom niya ang mga kamao. Halos naglabasan ang lahat ng ugat sa buo niyang katawan.
Iyon ang tagpong naratnan ni mang Galo at aling Josefa nang makalapit sa tabing-batis. Agad na nakadama ng takot ang mga ito.
“Anak,” bulong ng ina niya na agad umiyak. “Huwag ka nang umiyak…”
“Josefa, ang anak natin… lumuluha ng dugo!” bulalas ni mang Galo. “Diyos ko!”
Napa-urong sina Mckie at Lanie ng tila ibinubuhos ang masaganang dugo mula sa kanyang mga mata.
“My God!” naisigaw ni Lanie ng mabilis na nabubuo ang dugong nalalaglag sa kanyang mga mata. “Ano ‘yan?”
Hintakot na napa-urong si Mckie. Nanginig ito nang maghugis-halimaw ang dugo at nagkaroon ito ng bibig.
Tinakpan ng asawa nito ang mga mata, na tila ayaw ng makita ang nagaganap.
“Lanie, umalis na tayo,” sigaw ni Mckie na hinawakan sa isang kamay ang asawa. “Bilisan mo!”
Bago pa makakilos si Lanie para sundin ang asawa ay gumalaw na ang halimaw na dugo. Mabilis nitong nilamon ang babae.
Sa pagkasindak naman ay nabuwal sa lupa si Mckie. Nagsisigaw ito sa paghingi ng saklolo. Pero muling kumilos ang halimaw na dugo para ito ay lamunin din.
Nagsisigaw sa takot si aling Josefe saka bumagsak at nawalan ng malay-tao. Hindi na nito nasaksihan kung paanong nilamon ng halimaw na dugo si mang Galo — at isinunod ito.
“Huwag!” sigaw ni Joy, na wala ng control sa nalikhang halimaw. “Itay… inay…”
Sa pagluha niya ay nagpatuloy ang pagpatak ng dugo mula sa kanyang mga mata kung saan nanggagaling ang mga halimaw. At ngayon ay nagsimula nang maghasik ng lagim sa mundo.
Sino ang makapipigil sa pag-iyak ni Joy?
WAKAS
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
I think this kind of plot is not appropriate for a short story. Nakakabitin lang. 😅😅😅