The Fallen Angel – Chapter 1

“Ipinatatawag ninyo raw po ako, Panginoon?”

“Halika. Lumapit ka.”

Lumapit si Gabriel gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya.

“Alam mo ba ang ibig sabihin ng bawat kandilang nakatirik sa silid na ito?”

“Hindi po.” Sandali siyang tumahimik bago muling nagsalita. “Subalit kung inyo pong mamarapatin, nais ko pong malaman kung para saan ang bawat kandilang narito.”

Maya-maya pa’y namatay ang apoy ng isa sa mga kandilang naroon.

“Sandali lamang po at aking sisindihan ang namatay na kandila.”

“Huwag ka ng mag-abala pa, Gabriel. Ang bawat kandilang iyan ay siyang buhay ng bawat nilalang sa lupa.”

“Ibig po bang sabihin ay…”

Tumango ang Diyos at ilang sandali pa at nahawi ang mga ulap at ipinakita nito kay Gabriel kung kaninong buhay ang kandilang namatayan ng apoy.

Habang pinagmamasdan ang batang babae, hindi naiwasan ni Gabriel na mapaisip. Kung bawat tao sa mundo ay magwawakas, ano pa ang silbi na nabuhay ang mga ito? Bakit kinailangan pa nitong magdusa sa malupit na tadhana kung wala rin palang saysay ang buhay nito sa mundo? Puro katanungan ang nasa kaniyang isip at puso at batid iyon ng Diyos kung kaya muli itong nagsalita.

“Nais kong ipadala ka sa lupa upang bantayan ang isang nilalang. Ikaw ang siyang magsisilbing kaniyang anghel dela gwardiya. Subalit nais ko ring iyong tandaan na hindi ka maaaring lumagpas sa hangganan ng iyong misyon. Pakatatandaan mong lagi iyan.”

“Kung ano man ang inyong nais, Panginoon. Kinalulugod kong tupdin ang inyong utos.”

Matapos ang pag-uusap na iyon ay biniyayaan siya ng Diyos ng kakayahang bumaba sa lupa upang bantayan ang babaeng hindi niya akalaing babago sa kaniyang kapalaran.

***

“Genie, Genie! Halika na at mahuhuli ka na klase mo!”

Nagmamadaling sumakay si Genie sa kanilang kotse habang lulan nito ang kaniyang mga magulang. Masaya ang araw na iyon para sa kaniya dahil araw iyon ng kaniyang kaarawan. Nagpasya sila ng kaniyang mga magulang na sa pagsapit ng kanilang uwian ay mamamasyal sila bilang regalo sa kaniya.

“Ma, saan po tayo pupunta mamaya?” tanong niya.

“Isa iyong sorpresa.” Ngumiti ang kaniyang ina habang nakatingin sa kaniyang ama na kasalukuyang nagmamaneho ng kanilang sasakyan.

“Excited na po ako.”

Napangiti naman si Gabriel habang pinagmamasdan ang batang babaeng magiliw na nagmamasid sa kalsada.

Ilang sandali pa ay nakarating na rin si Genie sa kaniyang eskwelahan kaya naman nagpaalam na siya sa kaniyang mga magulang. Kinintalan niya ng halik ang dalawa bago umalis ang mga ito.

“Genie, happy birthday.” Kaagad siyang sinalubong ni Vienna dala ang isang regalo at masayang inabot ito sa kaniya.

Tuwang-tuwa siyang kinuha iyon mula sa kaibigan at binuksan ito. Isang coloring set ang laman nito na siyang labis na ikinatuwa ni Genie. “Salamat, Vienna.”

“Tara na at malapit na magbell,” yaya nito sa kaniya pagkaraay magkahawak kamay silang pumasok sa loob ng kanilang classroom.

Nagpasya naman si Gabriel na maiwan sa labas at taimtim lang na nahiga sa malawak na damuhan sa kanilang paaralan. Nakatingin siya sa langit habang iniisip ang saya ng buhay niya sa kaharian ng Diyos.

Halos palubog na ang araw nang magising si Gabriel. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa sarap ng kaniyang pagmumuni-muni. Luminga siya sa paligid at natagpuan si Genie na nakaupo sa isa sa mga swing kung saan madalas itong nagpupunta habang naghihintay sa kaniyang mga magulang. Ilang minuto pa ang lumipas ngunit wala pa rin ang mga magulang nito kaya nagsimula na siyang magtaka.

“Nasaan na kaya ang mama at papa niya? Mamamasyal pa sila.”

Isang oras pa ang lumipas hanggang sa isang guro ang lumapit kay Genie at kinausap ito.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan gayundin ang mga luha ni Genie. Humahagulgol ito ng labis habang pinagsusuntok ang guro. Siya ay tahimik lamang na nakatingin kay Genie hindi mawari ang mga nangyayari. Kitang-kita niya ang sakit sa bawat paghikbi ng batang babae gayundin ang lungkot sa mga mata nito.

“No! Mamamasyal po kami ngayon. Nagsisinungaling ka po teacher!”

Niyakap ng guro si Genie na siyang lalong nagpalakas ng iyak nito habang patuloy naman ang guro sa pag-alo sa kaniya.

Nang humupa ang ulan, tulala na ring naglalakad si Genie pauwi ng kanilang bahay. Pagkarating niya sa bahay tanging ang ina ni Vienna at si Vienna lang ang sumalubong sa kaniya. Ang ibang naroon ay may mga matang mapanghusgang nakatingin lang sa kaniya na animo’y wala na siyang magiging buhay sa mga susunod pang araw.

“Genie…” umiiyak si Vienna na yumakap kay Genie habang ang ina naman ni Vienna malungkot lang na nakamasid sa dalawa.

May ilang nakikiramay, at karamihan ay nakikiusyoso lang. Ang magulang ni Vienna ang siyang nag-ayos ng lahat para sa pag-aayos ng libing ng mga magulang niya gayundin sa lahat ng dapat pang ayusin para sa kaniya.

“Genie, uuwi na muna kami ni Vienna ha? Kaya mo bang mag-isa muna rito? Sandali lang naman at babalik din ako.”

Walang buhay na tumango si Genie dahil alam niyang may sariling buhay din naman ang pamilya ni Vienna na kailangan din nilang asikasuhin.

Nang mga oras na iyon, hindi alam ni Gabriel ngunit naroon ang pagnanais niya na yakapin si Genie. Gusto niyang maramdaman siya nito. Gusto niyang malaman nitong hindi ito nag-iisa at naroon lang siya at mananatili para samahan ito habang buhay kung kaya isang bagay ang kaniyang gagawin na siyang alam niyang labag sa utos ng Diyos.

Unti-unting nakatulog si Genie at doon nagkrus ang kanilang landas.

“Sino ka?”

“Genie, ako ito, si Gabriel. Nasa tabi mo lang ako palagi at mananatili ako habang buhay.”

“Pero hindi naman kita kilala. At saka paano ka nakapasok sa panaginip ko?”

“Mahirap ipaliwanag pero darating ang araw na magkukrus din ang ating landas. Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka. Gagawin ko ang lahat para lang makasama ka at sa araw na iyon, hinding-hindi ka na masasaktan dahil poprotektahan kita hanggang sa aking huling hininga.”

Nang magmulat si Genie ng mga mata ay naroon na ang ina ni Vienna. Ginigising siya nito at may dalang pagkain para sa kaniya. Dinampot niya ang kutsara at sinimulang kainin ang pagkaing nasa harap habang paulit-ulit na iniisip ang panaginip na hindi niya akalaing matutupad.



Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

The Fallen Angel – Chapter 1

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

  1. Ayyyiii nakakatuwa talaga ang nagaganap hahaha dito na mas maipapaliwanag ang nga ginawa ni Alladin nung si Gabriel palang siya

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.