“Sali ako sa inyo.”
Napalingon ang mga batang masayang naglalaro ng taguan sa ilalim ng maliwanag na buwan. Sandali silang nagtinginan bago sinagot ang nagsalita.
“Hindi pwede. Ayaw ka naming kalaro.”
“Sige na. Gusto ko lang naman kayo maging kaibigan.”
“Ayaw namin maging kaibigan ka!” Lumapit ang batang halos kasing taas lang niya at tahasan siyang itinulak dahilan ng kaniyang pagkakabuwal.
Napatingin si Caim sa brasong nasugatan nang makaramdam ng hapdi roon.
“Sabi ng nanay namin ay huwag kaming makikipagkaibigan sa ‘yo,” sabi ng isa pang batang lalake na matalim ang mga matang nakatingin sa kaniya mula sa kaniyang likuran.
Sino ba kasing makikipagkaibigan sa isang demonyo?
Isa kang halimaw.
Isa kang salot sa bayang ito.
Hindi man isatinig ay batid ni Caim ang nilalaman ng mga isipan ng mga ito. Batid din niya ang galit sa mga puso nito.
“Hindi ako isang demonyo. Hindi ako halimaw. Wala naman akong ginagawa sa inyo. Gusto ko lang naman kayong maging kaibigan.” Halos gumaralgal ang boses ni Caim dahil sa labis na lungkot at sakit na kaniyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay hindi niya na mapipigilan ang kaniyang mga luha ano mang oras.
Tila nagulat naman ang mga batang naroon nang marinig ang kaniyang sinabi dahil sigurado silang sa isip lang naman nila iyon sinabi ngunit malinaw na binigkas iyon ni Caim. Nakaramdam sila ng takot at nagsisigaw.
“Ahhh! Totoo nga isa kang demonyo.”
“Halimaw!”
Nagtatakbo sila paalis at kumaripas pauwi sa kani-kanilang mga bahay kaya naiwang tulala si Caim doon. Akmang hahakbang na siya papalayo nang makarinig siya ng boses mula sa kaniyang likuran.
“Gusto mo tayo na lang ang maglaro?”
Nanlaki ang kaniyang mga mata at kaagad na napalingon dito. Isang batang babaeng may malapad na ngiti at mga matang kumukutitap ang kaniyang nakita. Kaagad na napawi ang kaniyang lungkot at nabuhayan nang marinig ang sinabi nito sa kaniya. Kaagad siyang ngumiti nang ubod nang tamis at magiliw na sumagot sa tanong nito.
“Sige!”
Ilang minuto silang nagtakbuhan at nagtatawanan bago makaramdam ng pagod. Naisipan nilang maupo sa ilalim ng puno ng Acacia at doon prenteng sumandal.
“Huwag mo na lang pansinin ang mga ‘yon. Ganoon lang talaga ang mga ‘yon. Pero panigurado balang-araw kakalaruin ka rin nila,” sabi nito.
“Kailan naman ang balang-araw na iyon?” tanong niya.
“Malay mo bukas na agad.”
Napayuko siya nang maalalang muli ang mga sinasabi nito tungkol sa kaniya.
“Gusto ko lang naman magkaroon ng mga kaibigan.”
“Ako. Kaibigan mo na ako.” Kaagad siyang napalingon nito at ang ngiti nitong kay tamis ang sumalubong sa kaniya. “Iyon ay kung papayag ka?”
Dahil sa labis na tuwa ay napatayo pa siya. “Oo naman! Ikaw ang aking unang kaibigan.”
“Talaga? Wala nang bawian ‘yan ha? Magkaibigan na tayo mula ngayon habang buhay.”
“Pangako. Magiging mabuti akong kaibigan sa ‘yo.”
Sabay silang nagtawanan hanggang sa napagpasyahan na nilang umuwi sa kani-kanilang tahanan.
Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ng kasiyahan si Caim sa kaniyang puso. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon siya ng kaibigan. Halos walang paglagyan ang kaniyang tuwa dahil sa pakiramdam na sa wakas ay may tumanggap na rin sa kaniya.
“Ama, nandito na po ako.”
Napalitan ng gulat at takot ang kaniyang mukha nang bigla siyang hablutin ng kaniyang ama at mariing hinawakan sa braso.
“Hindi ba at sinabi kong hindi ka maaaring lumabas ng bahay?”
“Patawad po, Ama.”
“Wala ka talagang silbeng bata ka! Bakit ba kasi ipinanganak ka pa sa mundong ito? Bakit ba kasi hindi na lang ikaw ang nawala?!”
Nanlaki ang mga mata ni Caim nang marinig iyon sa ama. Ilang beses niya na bang narinig iyon? Subalit sa tuwing aalingawngaw iyon sa kaniyang pandinig tila ba bago na lang ng bago palagi.
“Bakit ba lagi na lang kayong galit sa akin? Bakit ba hindi ako pwedeng lumabas ng bahay? Gusto ko lang naman magkaroon ng kaibigan.”
Natigilan ang kaniyang ama bago humagalpak ng tawa.
“Kaibigan? At sino namang matinong tao ang kakaibiganin ang isang demonyong kagaya mo?”
“Hindi ako demonyo!”
Napataas ang kaniyang boses kaya ganoon na lang ang lalong pag-igting ng galit nito sa kaniya.
“At malakas na ang loob mong sigawan ako! Halika rito! Tingnan lang natin kung magkaroon ka pa ng lakas na sigawan ako! Hay*p kang bata ka!”
Kinaladkad siya nito at kaagad na inihagis sa kanto ng kanilang kusina. Kinuha nito ang isang patpat at malakas na inihataw sa kaniyang katawan.
“Patawarin ninyo po ako, Ama.” Hindi alam ni Caim kung paanong salag ang kaniyang gagawin dahil kahit anong gawin niya ay tuluy-tuloy ang paglapat ng patpat sa kaniyang balat. Halos mamaga na ang kaniyang katawan dahil sa mga latay na natamo at ang ilan pa ay nagiging sugat dahil sa lakas ng pagkakahataw nito sa kaniya.
“Kulang pa ‘yan sa ‘yo! Sa uulitin na lumabas ka ng bahay, hindi lang iyan ang aabutin mo!”
Ibinagsak nito sa sahig ang hawak na patpat bago naglakad palabas ng bahay.
Wala nang nagawa si Caim kung hindi mag-iiyak habang yakap-yakap ang kaniyang sarili. Nakataas ang kaniyang mga tuhod at nakasubsob naman ang kaniyang mukha sa pagitan nito. Awang-awa siya sa kaniyang sarili subalit wala siyang pagpipilian kung hindi manatili roon. Mahal na mahal niya ang kaniyang ama at alam darating ang araw at matatanggap din siya nito nang buong puso. Nauunawaan niyang may mga bagay na kailangan niyang isakripisyo sa oras na iyon upang maging masaya sa hinaharap kaya naman handa siyang maghintay kahit gaano katagal hanggang sa handa na itong maging ama sa kaniya.
***
Kinabukasan ay nakarinig siya ng kalabog mula sa kaniyang bintana. Dahan-dahan siyang bumangon kahit nananakit pa ang kaniyang katawan upang silipin ito. Nang buksan niya ang bintana ay ang matamis na ngiti ng kaniyang kaibigan ang kaniyang nasilayan.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya. “Paano mo nalaman ang bahay ko?”
“Hindi na mahalaga ‘yon. Gusto mo bang sumama sa akin? Aakyat ako ng bundok ngayon upang pumitas ng halamang gamot,” sabi nito.
Sandali siyang nag-isip.
“Sandali lang.”
Sinilip niya ang kaniyang ama na kasalukuyang natutulog sa sala nang mga oras na iyon. Kita niya rin ang ilang bote ng alak ang nagkalat sa sahig kung kaya nakasigurado siyang mahimbing ang tulog nito.
Kaagad siyang nagpalit nang pang-itaas at siniguradong mahaba ang manggas nito upang maitago niya ang mga pasa sa kaniyang katawan.
Ilang sandali pa ay lumabas na rin siya at sinalubong ito.
“Tara na?” tanong nito bilang paninigurado kung handa na ba siya.
Tumango siya at naramdaman niya ang kamay nitong kumapit sa kaniyang braso. Nakaramdam siya ng hiya rito kaya naman hiningi niya na lang dito ang tangan nitong bayong na tila naglalaman ng mga gamit panguha ng halamang gamot.
“Kaya ko na ‘to.”
“Ako na ang magbibitbit niyan. Ano pa at naging magkaibigan tayo kung hindi kita matutulungan hindi ba?” Ngumiti siya rito at kita niya ang pamumula ng pisngi nito. Marahil gaya niya ay nahihiya rin ito.
“Sige na nga.”
Masaya silang naglalakad paakyat ng bundok. May mga pagkakataong inaalalayan niya ito dahil may mga daang matatarik na kailangan ng matinding ingat. At makalipas lang ng isang oras ay naratint na rin nila ang kanilang paroroonan.
“Nandito na tayo.”
Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang ganda ng tanawin mula sa itaas na kanilang kinaroroonan. Halos abot na nila ang ulap at maging ang hangin doon ay sariwang malalanghap. Malamig din ang simoy ng hanging dumadampi sa kanilang mga balat.
Iyon ang unang pagkakataong nakaramdam siya ng kaginhawahan at kapayapaan sa kaniyang puso at ipagpapasalamat niya iyon habang buhay sa batang babaeng kasama niya at kauna-unahang kaibigan niya.
“Hinding-hindi kita sasaktan at iiwan. Pangako ‘yan,” sabi niya rito.
Tila naguguluhan naman ito ngunit nagawa pa rin nitong magsalita.
“Ano muna ang pangalan mo?” tanong nito at doon niya lang din napagtantong hindi niya pa rin pala alam ang pangalan ng kaniyang kaibigan.
“Caim. Iyon ang aking pangalan.”
“Ako naman si Genie. Kinagagalak kong maging kaibigan ka, Caim.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





