That day I met Hell. I knew for sure that he was the same boy I met in the past. That guy whom I stole his life in exchange for a life with Genie.
***
“Time of death, 3:00 pm.”
Tulala lang si Genie habang pinagmamasdan ang duguang kamay ng kaibigang si Caim. Hindi niya alam ngunit walang luhang gustong lumabas sa kaniyang mga mata ngunit hindi niya rin maipaliwanag ang bigat sa dibdib niya. Parang may nakabarang bato sa kaniyang lalamunan na gustuhin niya mang sumigaw ay hindi niya magawa.
Napalingon si Genie sa kabilang silid kung saan naroon ang isang nilalang na nakahiga sa kama at wala na ring buhay. Tanging ang isang pirasong papel lang ang kaniyang naging basehan sa pagkakakilanlan nito.
Amnon
Time of death: 3:00 pm
Lumapit siya rito upang matitigan nang malapitan. Hindi na niya ginawang tanggalin pa ang puting telang tumatakip sa buong katawan nito. Alam niya kasing malabong ito ang kaniyang matalik na kaibigan dahil kakikita lang nila noong umagang iyon. Hindi niya maiwasang mapaisip kung nasaan ang mga mahal nito sa buhay. Bakit ito nag-iisa? Wala na ba itong kamag-anak? O katulad lang din ni Caim ang buhay nito?
Muli siyang bumalik sa kabilang silid kung nasaan ang kaibigan. Doon lang unti-unting bumagsak ang luha mula sa kaniyang mga mata sa isiping kahit paano ay naroon siya para kay Caim. Hinding-hindi nito mararanasan ang mawala sa mundo nang nag-iisa.
Hinawakan niya ang kamay nito at hinaplos ang pisngi nito. Unti-unti niya itong kinintalan ng halik sa pisngi bilang tanda ng kaniyang pamamaalam.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, Caim. Paalam.”
***
Hindi alam ni Caim ngunit nakakaramdam siya ng poot sa kaniyang puso. Pakiramdam niya ay pinagkaitan siya ng langit na maging masaya. Una, namatay ang kaniyang ina. Ikalawa, tinuturing siyang demonyo at kakaiba ng mga tao dahilan para kamuhian siya ng ito. Maging ang sariling ama ay labis-labis ang galit sa kaniya na tila ba hindi siya nito itinuturing na anak. At ngayon, maging ang nag-iisang kaibigan niyang si Genie ay nakikita niyang mas masaya sa piling ng iba. Nakakaramdam siya ng inggit sa lalakeng kasama nito at masayang katawanan. Noon lang niya nakitang ganoon kasaya si Genie sa ilang buwan nilang naging maging kaibigan. Ngunit sino ang lalakeng iyon? At ano ang kaugnayan nito sa kaniyang kaibigan?
Kaya nabuo ang isang desisyon kay Caim. Buo ang loob niya nang umagang iyon na hindi niya na hahayaan pang maging miserable ang kaniyang buhay. Ito na ang una’t huling pagdaraanan niya ang galit sa kaniya ng mundo. Ngunit alam niya sa puso niyang kailangan niyang gumanti at ibalik sa maykapal ang sumpang kinamulatan niya.
***
Habang naglalakad ang lalakeng kanina lang ay kausap ni Genie ay walang kaabog-abog niya itong hinarang at kinompronta.
“Sino ka?” tanong nito sa kaniya. Makikita sa itsura nito ang pagtataka dahil sa kaniyang biglaang pagsulpot sa harap nito.
“Layuan mo si Genie.”
“At bakit ko naman iyon gagawin? Sino ka ba para utusan ako na gawin ang nais mo?”
Tinitigan niya ito ng seryoso at kinunutan ng noo.
“Isa pa tiyak kong malulungkot si Genie kapag ginawa ko iyon.”
Nag-igting ang kaniyang bagang sa narinig mula sa kaniyang kausap.
“Basta layuan mo si Genie!”
Himbis na tugunin ay ngumiti lang ito. Hindi nito pinansin ang sinabi niya at nagpatuloy lang sa paglalakad na labis na ikinainis ni Caim. Kaagad niyang binunot ang isang patalim sa kaniyang likuran at direktang itinarak sa likod nito.
“Hindi ko hahayaang agawin mo sa akin si Genie. Siya na lang ang mayroon ako!”
Sinubukan pa nito na humarap sa kaniya subalit muli niya lang itong sinaksak ng isa pa sa dibdib nito na siyang tuluyang nagbigay ng matinding pinsala rito.
“G-Ge…nie…”
Iyon ang huling salitang lumabas sa bibig nito bago ito tuluyang nawalan ng malay. Doon lang din tila nahimasmasan si Caim at napagtanto ang bigat ng pagkakasalang kaniyang ginawa. Dali-dali siyang nagtatakbo tangan ang kaniyang patalim hanggang sa makasalubong niya ang kaniyang ama. Hindi nito pinansin ang kaniyang itsura at tila wala naman itong pakialam sa kaniya. Doon bumalik ang lahat ng sakit na dulot ng pagkawala ng kaniyang ina. Sinisisi siya nito araw-araw sa pangyayaring hindi naman siya ang may gawa. Ang kaniyang pagiging kakaiba sa lahat at tila isang sumpa sa kaniya. Halos hindi na siya makahinga dahil sa bigat ng kaniyang kalooban kung kaya nagpasya siyang tapusin ang sariling buhay kapalit ng kaligayahan nitong mamuhay ng wala na siya.
***
Napabalikwas ng bangon si Hell dahil sa masamang panaginip. Napahawak siya sa kaniyang dibdin dahil hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon. Nagpasya siyang bumangon at bumaba upang uminom ng tubig. Hindi maalis sa isip niya ang itsura ng isang batang lalakeng matalim ang mga matang nakatingin sa kaniya.
“Sino ka?” bulong niya sa sarili.
Huminga siya nang malalim at muling lumagok ng tubig mula sa baso. Naisip niyang isa lamang iyong panaginip na kailangan niyang palipasin. Naglakad siya patungo sa silid kung saan naroon si Genie at mahimbing na natutulog. Napangiti siya sa isiping maayos ang lagay nito nang mga nagdaang araw. Binuklat niya ang notebook na ibinigay sa kanila ni Mr. Lawrence na nakapatong sa lamesitang nasa tabi lang ng kama nito. Napahinto siya sa isang pahina nang makita ang isang pangalang hindi niya maipaliwanag kung bakit nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa kaniya.
Caim
Unti-unti niyang naalala ang espadang nakuha niya bago siya tuluyang nawalan ng malay. May nakaukit itong pangalan – Caim. Ito rin ang pangalang nasa notebook na iyon. Sinubukan niyang basahin ang nakasulat doon at nanlaki ang kaniyang mga mata.
Minsan akong nabuhay at hiniling na sana ay naging isang normal na nilalang na lang. Hindi sana ako pagkakaitan ng pagmamahal ng aking ama. Hindi sana ako katatakutan at aalipustahin ng karamihan. Hindi sana ako nagkasala sa babaeng aking minamahal. Ang babaeng unang tumanggap sa akin bilang ako.
Oo, ang kasalanang iyon ay walang kapatawaran. Mula sa nakaraan magpahanggang sa kasalukuyan ay nagkakasala pa rin ako sa kaniya. Pinaslang ko si Amnon. Pinaslang ko si Sigfrid. At hindi ako magdadalawang isip na muling pumaslang ng kung sino mang maglalayo sa kaniya mula sa akin. Subalit, sadya yatang hindi kami para sa isat isa dahil sa huli, upang maprotektahan siya, kinakailangan kong isakripisyo ang aking sarili para sa kaligtasan niya.
Nagpasya si Hell na punitin ang pahinang iyon dahil ayaw niyang masaktan lang si Genie sa oras na mabasa iyon. Batid niyang tiyak na iiyak ito nang iiyak at dadamdamin ang nakasulat doon sa oras na mabasa ito.
“Am…non.” bulong niya.
Hindi niya maipaliwanag subalit tila ba kilala niya ang pangalang tinutukoy nito. Para bang may kung anong enerhiyang nagdurugtong sa kanila ng pangalang binanggit nito sa sulat.
“Sino si Amnon?”
Kaagad niyang binulsa ang pahinang pinunit nang makitang gumalaw sa higaan si Genie. Dahan-dahan siyang lumabas ng silid nang masiguro niyang natutulog pa rin ito. Nagpasya siyang bumalik na sa sala at muling dinukot ang kapirasong papel na iyon. Tinitigan niya nang maigi ang pangalang nasusulat doon at pilit na inaalala kung sino iyon subalit bigo siya.
“Haayysss!”
Sa inis niya ay nagulo niya ang kaniyang buhok at sabay na sumalampak muli ng higa. Hindi mawala sa isip niya ang pangalang iyon sa utak niya magpahanggang sa tuluyan na siyang makatulog dahil sa antok.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





