ALLADIN’s POV
Kung tama nga ako sa nararamdaman ko, siya nga ang Genie na hinahanap ko.
Napatingin ako sa notebook na hawak ko at binuklat ang bawat pahina nito. Nang mga oras na iyon, tila ba may kung anong meron sa bawat salitang nakasulat doon. Para bang ang lahat ng pangyayaring naroon ay may kinalaman mula sa aking nakaraan.
Nagkita kami ngayon ni Sigfrid at masayang-masaya ako.
Hindi ko akalaing magkikita pa kami matapos niyang bawiin sa akin ng Diyos.
Napakunot ang noo ko sa linyang iyon.
“Ibig bang sabihin ay matagal ng patay si Sigfrid?” bulong ko sa aking sarili. Kung gayon nga, posible nga kayang mabuhay na magmuli ang isang ordinaryong taong namatay na? Ngunit paano nga ba siya namatay?
Bigla akong nakaramdam ng pagkirot sa aking sintido at isang imahe ng lalake ang nakita ko mula sa aking utak. Masaya itong nakangiti tangan ang isang bungkos ng tulips. Kasabay ng imaheng iyon ay ang pagkirot ng aking dibdib.
Muli kong itinuon ang aking mata sa pagbabasa sa mga nakasulat sa notebook ni Genie. Maraming bagay akong hindi maintindihan.
Kahit na kailan talaga ay hindi lumilipas ang isang araw na hindi ako binubwisit ni Hell.
Mabuti na lang at nandito si Heaven. Hindi niya ako pinababayaan.
“Ngayon, sino naman si Hell at sino naman si Heaven?” Bumuntong hininga ako pagkaraan ay tumayo upang kumuha ng maiinom. Isinandal ko ang aking puwitan sa pasimano ng lababo at ipinagpatuloy ang pagbabasa.
Sa dami ng impormasyong nakakalap ko ay hindi ko pa rin mahanap ang sagot sa katanungan ko. Hindi ko pa rin lubos na maunawaan kung sino ba talaga si Genie at bakit ganoon na lang ang nararamdaman kong makasama siya habang buhay.
Sino nga ba ang mag-aakalang ang demonyong kagaya ni Hell ang siyang magliligtas ng buhay ko? Sino nga bang makakapagsabing ang lahat ng oras na ginugol ko makasama lang muli si Sigfrid ay isa lamang ilusyong nilikha ng kasamaan. Isang demonyo at isang anghel, ang paglalaban ng liwanag at dilim. Sa pagwawakas, naiwan akong mag-isa sa pagkawala ng demonyong si Hell at pagtatapos ng misyon ni Heaven dito sa lupa.
“Misyon?” Halos bumaligtad ang sikmura ko sa muling pagkirot ng ulo ko. Nabitawan ko ang hawak kong libro at natabig ang basong nakapatong lang sa tabi ko. Halos hindi ko alintana ang sakit nang maapakan ko ang nagkalat na bubog sa sahig dahil sa mga alaalang unti-unting bumabalik. Para akong nasusuka sa bilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap, ang mga katanungan ko ay unti-unti nang nasasagot.
“Nais kong ipadala ka sa lupa upang bantayan ang isang nilalang. Ikaw ang siyang magsisilbing kaniyang anghel dela gwardiya. Subalit nais ko ring iyong tandaan na hindi ka maaaring lumagpas sa hangganan ng iyong misyon. Pakatatandaan mong lagi iyan.”
“Kung ano man ang inyong nais, Panginoon. Kinalulugod kong tupdin ang inyong utos.”
***
“Genie, ako ito, si Gabriel. Nasa tabi mo lang ako palagi at mananatili ako habang buhay.”
***
“Tu… tulong…”
“Malapit ka ng mamatay. Nakikita mo na ako.” Binunot ko ang espada mula sa aking tagiliran at walang pag-aalinlangang itinarak ito sa kaniya. “Hayaan mo at aalagaan ko si Genie.”
Unti-unting nandilim ang aking paningin at tuluyang nawalan ng malay.
***
Nang magising ako ay puting kisame ang kaagad na tumambad sa aking paningin. Nilibot ko ng aking mga mata ang paligid at si Mr. Lawrence ang kaagad na nakita ko. Kausap nito ang isang doktor ngunit ilang sandali pa at napasulyap ito sa akin.
“Alladin!”
“Mr. Lawrence…”
Pinilit kong maupo upang kahit paano ay hindi naman ako maging pabigat sa ibang tao.
“Mabuti naman at nagkamalay ka na.”
Lumapit din ang doktor sa akin at sandaling sinuri ang aking pulso.
“Anong ginagawa ko rito?”
Tumingin si Mr. Lawrence sa doktor at tumango lang ito. Tila naintindihan naman ng doktor ang nais nitong iparating kaya nagpaalam na itong aalis na muna at babalik na lang.
“Huwag kang mag-alala. Ayos naman ang lagay mo. May sugat ka nga lang sa talampakan kung kaya mahihirapan kang maglakad ng maayos.”
Napatingin ako sa aking paanan na may benda pa at doon ko lang naalala ang mga nangyari.
“Paano n’yo nalaman kung nasaan ako?”
“Hindi na mahalaga iyon ang importante ay nasa ayos ka na.”
Ngumiti ako sa kaniya nang maalala ang babaeng kumupkop sa akin.
“Sinabi n’yo po ba kay Mama ang nangyari?” tanong ko at umiling ito.
“Nakatitiyak akong mag-aalala ang iyong ina, isa pa alam kong hindi mo rin nais iyon hindi ba?”
“Salamat po, Mr. Lawrence.”
Bumuntong hininga ito at taimtim akong tinitigan.
“Sabihin mo nga sa akin, ano ba ang nangyari?”
Sandali akong nag-isip kung tama lang bang sabihin ko sa kaniya ang aking mga nalaman. Iniisip ko pa kung akma bang malaman niya kung sino talaga ako at kung anong klaseng nilalang ako. Kung sasabihin ko sa kaniya, ano kaya ang kaniyang magiging reaksyon? Tatanggapin niya pa rin kaya ako bilang isang ordinaryong tao o kamumuhian dahil sa matinding kasalanang aking ginawa?
“Kung hindi ka komportableng magkwento sa akin ay ayos lang, Alladin. Ibig bang sabihin niyan ay nakakaalala ka na?” tanong niyang muli at tanging tango lang ang aking naisagot.
Sa ngayon, ang tanging katanungan na lang ang nananatili sa akin ay ang tungkol sa batang lalake. Kung totoong ako siya, ibig sabihin ay ako ang batang iyon sa aking nagdaang buhay. May kinalaman kaya ito sa aking kasalukuyan?
“Mr. Lawrence, nais ko pa rin pong ituloy ang napag-usapan natin. Gusto ko pong malaman kung ano ang kinalaman ng aking nakaraan sa kasalukuyan.”
“Makakaasa kang tutulungan kita sa abot ng aking makakaya. Isa pa, interesado rin akong malaman kung hanggang saan aabot ang aking kakayahang alamin ang mga nangyari mula sa nakaraan.”
“Salamat nang marami, Mr. Lawrence. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob.”
Nang matapos ang usapan naming iyon ay kaagad na rin naman siyang umalis. Ibinilin niya sa aking hindi ko na kinakailangan pang mag-alala tungkol sa mga expenses at bills sa ospital dahil siya na ang bahala roon. Nais niya lang ay makatulong at tuluyan na akong gumaling.
***
Makalipas ang tatlong araw ay nakalabas na rin ako ng ospital. Naiayos ko na ang aking sarili at handa na rin akong hanapin si Genie ngunit sa pglalakad ko sa pasilyo ng ospital hindi ko akalaing siya ang magiging tulay ko palapit sa babaeng aking sinisinta.
Ang kaniyang tindig na hindi maipagkakailang makapangyarihan.
Ang matalim niyang tingin.
“Gabriel…”
“Hell…”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Yung nabasa ko na ang huling kabanata pero inulit ko lang hahaha wala namiss ko kasi si Alladin kaya pretty please otor more updates hehe salamat po😘