MAAGANG umuwi si Clarabelle ngayon mula sa coffee shop dahil wala na ring humpay ang kanyang bahing. Pinili na lamang niya ang umuwi para maidala na si Pretzel sa bahay. Gaya ng kanyang inaasahan, walang tao sa bahay nila nang siya ay dumating.
Bago niya iwan si Pretzel sa kuwarto ni Claudette ay siniguro muna niyang maayos ito at may makakain.
Pagkatapos maayos ang rabbit, nagtungo naman siya sa kanyang sariling silid upang uminom ng gamot na para sa allergy niya. Subalit sa kamalasan ay naubusan na pala siya ng gamot. Mabuti na lamang ay mayroon pa siyang nasal spray. Ngunit, hindi pa rin iyon sumapat. Nabawasan lamang ang kati ng kanyang ilong at lalamunan ngunit hindi naman din nawala nang tuluyan.
Kaya naman binilinan niya si Caleb na dumaan muna ng gamot bago umuwi dahil kumpara kay Claudette ay mauuna itong umuwi.
“’Ayan kasi, ate. Nagpumilit ka pa kasi. Tingnan mo, pulang-pula na ang ilong mo,” sermon nito nang iabot ang gamot sa kanya.
“Okay lang ako. Mawawala na rin ’to kapag nakainom na ako ng gamot.”
- KINAGABIHAN ay maraming beses na nagtalo sa isip ni Clarabelle kung padadalhan niya ba ng mensahe si Bodhi upang ayaing lumabas. Oo, siya na ang gagawa ng first move. Para kay Clarabelle, wala nang babae o lalaki sa panahon ngayon. Lahat ay pantay na. Kung ano ang kayang gawin ng mga lalaki ay kaya na ring gawin ng mga babae and vice versa.
Mayamaya pa ay nagdesisyon na siyang ituloy ang balak. Hindi rin naman kasi siya patatahimikin ng kalooban kung hindi niya susubukan. Tumipa siya.
Hi! Clarabelle ito.
Halos dalawang minuto rin ang lumipas bago siya nakatanggap ng reply mula sa binata. Na-excite siyang basahin.
Hello, Bella! Kumusta? Kumusta na si Pretzel?
Maayos na siya. Kumakain na rin nang maayos.
That’s good to know.
‘That’s good to know.’ Ano ba magandang sabihin kay Bodhi para hindi maputol ang kanilang pag-uusap? Napakagat labi siya. Ang hirap naman dugtungan niyon!
At dahil wala na siyang maisip na sasabihin sa lalaki’y, ginawa na niya ang pinaplano.
Bodhi, puwede ka ba sa Saturday night?
Tinitigan niya ang screen ng cellphone. Kabado sa bawat segundong pumapatak sa kung ano ang isasagot sa kanya ni Bodhi. Pero ang segundo naging minuto. Ang minuto naging isang oras.
Kaysa mainip sa paghihintay sa reply ng binata’y nagpasya na lang siyang lumabas ng silid para magluto ng hapunan. Total naman ay maaga siyang nakauwi kaya imbes na si Claudette ang magluluto ay siya na lamang.
Binuksan niya ang ref at inalam kung ano ba ang maari niyang lutuin para sa hapunan. Nakakita siya ng carrots, patatas at karne ng baboy. Sa huli ay napagpasyahan niya na lang na magluto ng caldereta. May nakita rin siyang isang lata ng liver spread na sakto naman para sa lulutuin niya. Ang nawawala lamang sa ingredients niya ay ang green olives. Pero sabi ni Jeffrey, ayos lang naman daw kahit walang green olives. Mayroon namang siyang green peas na nasa de lata at puwede namang iyon na lang ang ihalo kaysa sa olives na wala siya.
Kay Jeffrey din siya natutong magluto ng mga ulam na gusto niyang malaman gaya ng pork caldereta. Si Jeffrey ang takbuhan niya sa mga ulam na hindi siya sanay lutuin. Sa pagbi-bake lang kasi siya natuto dahil kumuha siya ng two years course niyon habang nagtatrabaho siya. Naisip kasi ni Clarabelle na kung nais niyang lumago ang negosyo ay kailangan niyang aralin mismo kung paano gawin ang kanilang paninda. Inaral din niya ang paggawa ng iba’t ibang klase ng pagtitimpla ng kape.
Pagkatapos makapagluto ay nagsaing na rin siya. Pagkasalang ng sinaing ay iniwan na niya iyon sa rice cooker. Naisipan ni Clarabelle na umakyat muli ng kuwarto dahil naalala niyang naiwan pala roon ang cellphone.
Patakbo siyang bumalik sa kuwarto habang sabik malaman kung may sagot na ba si Bodhi sa tanong niya. Pero nanghina siya nang malamang wala pa rin palang sagot ang binata.
Nagsisimula na bang makaramdam si Bodhi sa kanya kaya nagsisimula na rin itong umiwas? Mabilis ba siya masyado? Na-turn off kaya si Bodhi sa kanya?
Nalukot ang mukha ni Clarabelle sa naisip. “Shocks!” Napasabunot siya sa sariling buhok na nakapusod.
Natulala ang dalaga at sandaling nag-isip ng susunod na hakbang. Mula sa kawalan ay lumipad ang kanyang tingin sa laptop na nakapatong sa kama. Binuksan niya iyon at nagtungo sa social media site. Tinipa niya ang pangalan ni Bodhi. Magbabakasakali siyang may malamang impormasyon tungkol sa lalaki.
Naramdaman niya ang pagpintig ng kanyang puso nang makita na ang gwapong mukha ng binta sa profile nito. Nakasuot ito roon ng eyeglasses gaya ng nakagawian nito. Pinindot niya ang zoom sa picture nito upang mas makita pa nang malinaw ang larawan ni Bodhi.
Makalipas ang halos dalawang minutong pagtitig sa litrato ng lalaking kanyang pinagnanasaan ay nagtungo naman siya sa information nito. At ano’ng tuwa ng kanyang puso nang mabasang single pa ang status ng lalaki.
Gaya rin ng iba niyang alam ay nakalagay sa profile information ni Bodhi na isa itong veterinarian. Nalaman din ni Clarabelle na mahilig mag-explore ng pagkain si Bodhi. Sa nalaman ay may nagliwanang na ideya sa utak niya.
‘Magpapaturo ulit kay Jeffrey magluto.’
Pagkatapos magbasa ng mga detalye tungkol sa lalaki ay nagtungo naman siya sa timeline nito. Madalas na post ng binata ay ang mga picture ng mga hayop na naging pasyente nito. Pero mayroon ding sariling alagang aso si Bodhi, isang Labrador. Masasabi niyang si Bodhi ang owner dahil sa hashtag na nakalagay sa caption ng post.
Napahinto naman ang dalaga sa isang litrato ni Bodhi na kuha sa isang restaurant. Nasa harapan nito ang dambuhalang burger. Sa tantiya pa nga yata niya ay nasa twelve inches ang burger na nasa harapan nito.
Kitang-kita sa larawang iyon ang malaking ngiti ni Bodhi. Tingin pa ni Clarabelle ay nahuli lang tumatawa si Bodhi ng kumukuha ng litrato. Napakagwapo ni Bodhi sa kuhang iyon. How she wish na sana ay makita niya nang personal ang mga ngiting iyon mula kay Bodhi.
Nang dahil din kay Bodhi kaya nagkaroon na rin ng interes si Clarabelle na i-follow sa mga social media si Zach Efron. Ni wala nga siyang hilig sa mga artista noon.
Muli siyang nagpatuloy sa pag-stalk sa profile ng binata. Nagtungo siya sa photo album nito saka inisa-isa pa ang mga larawang na roon. Humanap siya ng litratong maari niyang gawing wall paper ng phone.
Habang abala ay hindi naman napansin ni Clarabelle ang biglang pagpasok ni Claudette sa silid niya. Napakislot siya nang makarinig ng malakas na pagsinghap mula sa kanyang likuran. Wala sa loob na napahawak siya sa kanyang dibdib dahil tinatahip iyon sa kaba.
“Claudette!” saway niya sa kapatid. “Papatayin mo ba ako sa nerbiyos?!” singhal pa niya.
“Sorry! Hindi ko sinasadya. Bukas naman kasi ang pinto mo kaya hindi na ako kumatok.” Tuluyan na itong lumapit sa kanya at ang mga mata’y nasa screen ng kanyang laptop.
Tila doon naman niya naunawaan kung saan ito nakatingin kaya itiniklop niya ang laptop.
“Si ate naman! Itatago pa. Eh, nakita ko na nga!” pang-aasar nito.
“A-ang alin?”
Napangisi ito. “Hindi ka puwedeng mag-artista, ate. Kaya itigil mo na ’yang pagmamaang-maangan mo.” Inginuso nito ang direksyon ng laptop. “Sino ’yong lalaking ’yon?”
“W-wala. Napadaan lang ako sa—”
“Sasabihin ko kay papa na may boyfriend ka na!” Pagkasabi niyon ay tumakbo ito at mabilis na nawala sa kanyang harapan.
Ilang segundo bago mag-sink in sa utak niya ang huling sinabi ni Claudette ay doon naman siya nagkukumahog na habulin ang kapatid.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Hahaha ang dame ko tawa sayo Ara grabe ka hahaha peronakakainis si bodhi kasi Di agadnagreply. mga lalaki talagapaasa hahaha🤣 hahaha loko talaga si audette
May mga sekretong hindi na dapat maungkat🤫🤣