ILANG metro mula sa puwesto ni Clarabelle ang papalabas na kotse ni Bodhi. Kabisado at kilala na ng dalaga ang kotse ng binata kaya alam niyang kay Bodhi iyon. Sinubukan pa nga niyang kumuway sa lalaki ngunit mukhang hindi nito nakita ang kanyang pagkaway. Isa pa’y gabi na nang mga oras ding iyon. Halata rin sa takbo ng kotse ni Bodhi na nagmamadali ito.
Ang dahilan naman kung bakit siya naroon malapit sa condominium building na tinutuluyan ni Bodhi ay balak niyang bisitahin ito. Plano niyang dalhan ng dinakdakan ang binata. At kanina lamang niya rin iyon niluto.
Muli niyang pinatakbo si Medusa upang sundan si Bodhi. Nais malaman ni Clarabelle kung saan ang tungo ni Bodhi at bakit tila nagmamadali pa ito.
Makalipas ang halos kalahating oras na pagsunod ni Clarabelle sa binata’y huminto rin sila sa isang napakalaking bahay. Nasa loob ng isang pribadong subdivision ang bahay na iyon at muntik pa siyang hindi papasukin kanina ng mga guwardiya dahil wala siyang sticker para sa malayang paglabas-pasok sa pribadong subdivision. Mabuti na lamang ay nakalusot ang dahilan niyang magde-deliver siya. Upang maniwala ang dalawang guwaridya’y ipinakita pa niya ang dalang pagkain.
Kaya ngayon ay nakatayo na siya sa harap ng bahay nila Bodhi. Batid ni Clarabelle na iyon mismo ang bahay ng binata pati ng mga magulang nito dahil sa nakaukit sa puting gate ang ‘Fuentes Residence’.
Ngunit hindi bakante ang tapat ng gate nina Bodhi dahil may isang magandang babae ang nakatayo roon at mukhang kanina pa naghihintay sa binata. Pakiramdam ni Clarabelle ay sinaksak nang paulit-ulit ang kanyang puso nang makita ang mabilis na pagbaba ng binata mula sa kotse upang salubungin ang magandang babae. Sinugod kasi ng babae si Bodhi ng yakap na agad namang tinugunan ng huli.
Nais sana niyang pangatwiranan ang nakikita na baka kapatid lamang o pinsan ni Bodhi ang kayakap ngunit batid din niyang kalokohan lang na isiping ganoon nga. Una sa lahat ay sinabihan na siya ng mama ni Bodhi tungkol sa napipisil nitong maging asawa ni Bodhi. Pangalawa, nag-iisang anak lang ang binata kaya paano nito magiging kapatid lang ang babaeng kayakap?
Kaagad na bumalisbis ang luha ni Clarabelle dahil sa matinding selos na kanyang nararamdaman nang mga oras na ’yon. Hindi pa man nakikilala ni Clarabelle ang babaeng kayakap ni Bodhi ay alam agad ng dalaga na malaki ang ipinagkaiba nila. Babaeng-babae ito kumpara sa kanya na parang maton kung gumalaw. Simple lamang ang hitsura ng babaeng kayakap ni Bodhi ngunit naging sapat na iyon upang ilabas ang gandang taglay nito. Nakasuot ang babae ng isang bulaklaking bestida at mayroon itong tuwid at napakahabang buhok. Mukha ring matangkad ang babae.
Napatingin siya sa dalang ulam. Umatras na ang loob niya na ibigay pa iyon kay Bodhi. Kaya naman iniliko na niya si Medusa at muling pinatakbo.
Habang nasa daan ay laman ng isipan ni Clarabelle ang mga nangyari sa kanila ng binata pati na ang katotohanang hindi siya kayang mahalin nito. Oo nga naman. Siya lang naman kasi itong nag-assume at nagpumilit ng sarili kay Bodhi. Hindi ba’t bago pa lamang may mangyari sa kanila’y inamin na nitong wala siyang mapapala? Pero nag-initiate pa rin siya.
Walang kasalanan si Bodhi kung bakit siya nasasaktan ngayon. Siya ang may kasalanan at may kagagawan ng lahat kaya tama lang na maranasan niya ang madurog ang puso. Kaya sa simula pa lang, talo na siya.
Parang tinangay na lamang ng hangin ang kumpiyansang natitira kay Clarabelle nang makita niya kung gaano magmadali at yakapin ni Bodhi ang fiance nito.
Dahil sa naisip ay bigla niyang pinaharurot si Medusa. Gusto niyang maglasing. Gusto niyang mabaliw para mabawasan kahit paano ang sakit na nararamdaman.
PAGDATING sa Venus’ Heaven ay agad na nagtungo si Clarabelle sa counter upang kumuha ng isang bote ng vodka.
Si Rui ang naka-schedule ngayon na magbantay sa bar kaya nagulat ito nang makitang naroon siya at balak laklakin mag-isa ang vodka.
Nakakalimang shots na siya nang lapitan siya ng kaibigan. “I was surprised when Cassie told me that you’re here,” saad nito kasunod ang pag-upo sa tabi niya. “Ano’ng nanayari? Obvious kasi na balak mong maglasing.”
Dahil sa tanong na iyon ni Rui ay muli na namang bumalong ang luha sa mga mata ni Clarabelle. Hindi siya nagpigil ng nararamdaman. Pakiramdam niya, si Rui ang tamang tao upang iyakan at labasan ng sama ng loob. Isama na ring medyo may tama na siya sa alak.
“Hindi ko na yata kaya ang sakit, Rui!” palahaw niya. Mabuti na lamang ay malakas ang maharot na musikang lumalabas mula sa kanilang sound system. Walang makakapansin na siya ay umiiyak na parang baliw. Maganda rin ang puwesto nila sa taas. Medyo malayo sa marami.
Yumakap siya kay Rui upang sa balikat nito siya umiyak. Pakiramdam niya’y sasabog na ang kanyang dibdib sa sobrang pagpipigil ng luha.
“Sige lang. Umiyak ka nang umiyak kahit hindi ko alam kung ano’ng dahilan.” Hinaplos nito ang kanyang likod.
“Ang t*nga-t*nga ko! Sinabi niya na sa ’kin na hindi niya ako magugustuhan pero sumige pa rin ako,” aniya sa pagitan ng pagpalahaw. “I-binigay ko pa rin lahat!” Suminghot siya.
“A-akala ko, no’ng may nangyari sa amin, m-may magandang magbabago sa relasyon namin. Iyon pala, wala! Nagpakaengot ako kay Bodhi, Rui! N-nang makita ko siyang may kayakap na ibang babae kanina, g-grabe, Rui. Para akong pinukpok ng martilyo sa dibdib.” Ramdam ni Clarabelle ang pagsisimula ng pagsakit ng kanyang lalamunan dahil sa pag-iyak. Pero wala siyang pakialam.
Kumalas siya sa pagkakayakap mula sa kaibigan saka tinungga ang bote ng vodka. Nagpatuloy siya sa pagsasalita na hinayaan naman ni Rui. Kung mayroong bagay na gusto si Clarabelle kay Rui ay ang pagiging good listener nito.
“Alam ko naman na, eh. Kasi kinabukasan pagkatapos may mangyari sa amin ni Bodhi, dumating mama niya. K-kinausap niya ako at sinabing may babae na silang napili para ipakasal ka Bodhi pero b-binalewala ko pa rin ’yon.” Muli na naman siyang ngumuyngoy at pagkaraa’y nagsalita muli. “Alam mo ba, R-Rui? Nakita ko ’yong babae. Ang layo niya sa akin. Sobrang ganda at… At ang hinhin. S-samantalang ako, napagkakamalan pang tomboy.”
Hinaplos-haplos ni Rui ang kanyang braso na para bang sa pamamagitan niyon ay mababawasan ang sakit na kanyang nararadaman.
“Ang akala ko, s-sapat na ’yong mga ginawa ko para a-ako ang piliin ni Bodhi. Rui, ano’ng gagawin ko? Siya ang first love ko at h-hindi ko na naiisip na makakalimutan ko pa siya.” Muli siyang pumalahaw ng iyak dito.
“Eh, ’di ahasin mo!”
Pareho silang napalingon sa nagsalita. Si Piper pala! Kanina pa ba ito roon?
“Kanina ka pa ba riyan?” Si Rui ang nagtanong.
“Medyo.” Nagkibit balikat ito saka umupo sa kanyang tabi. Napagigitnaan na siya ng dalawa.
“Bakit ka nandito? Hindi mo pa schedule, ah.”
“Wala lang. Dapat ba may dahilan ang pagpunta ko rito? Saka kailangan ni Clara ang tulong ko kahit hindi niya ako i-message o tanungin.” Nakangisi ito.
Napailing si Rui at hindi na nagsalita pa. Habang siya naman ay panay pa rin ang punas ng luha. Bahagya na rin siyang kumalma dahil nailabas na niya kay Rui ang hinaing.
“Hindi ba, ang sabi mo, may nangyari na sa inyo?” Hindi siya kumibo subalit nagpatuloy pa rin ito. “Eh, naibigay mo na rin pala ang puri mo, bakit hindi mo pa ituloy? I quote what his mother’s said lang ha, “Napiling babaeng ipapakasal.” Meaning, hindi pa kasal. May chance ka pa kay Bodhi. Kung makaiyak ka, parang mag-asawa na sila.”
“Eh, iyan din ang sinabi ko no’ng una pero nang makita ko silang magkayakap, natakot ako, nasaktan ako. Paano kung hindi talaga ako ang piliin ni Bodhi kahit ano’ng gawin ko?”
“Eh, ’di bawi ka ng lang next life. ’Yan ay kung bubuhayin ka pa ulit ni Lord. Malamang sa next life mo, magiging kabit ka na makuha lang si Bodhi.”
Nagsimula na naman siyang pangiliran ng luha sa mga sinabi nito.
“Ano ba ’yang mga pinagsasabi mo kay Clara?” saway ni Rui kay Piper. “Hindi nakakatulong ’yan.”
“Ang sinasabi ko lang naman dito sa kaibigan natin, Rui. Iiyak na lang ba siya komo may pakakasalan nang ibang babae itong si Bodhi? May magagawa ba ang pag-iyak at paglalasing niya?” Pumalatak ito. “Hindi pa ito ang oras para mag-iiyak na siya. Kailan siya kikilos para makuha ang pag-ibig niya? Kapag huli na? Kapag nakapirma na ng certificate of marriage si Bodhi? Naku. Ang akin lang, nasimulan mo naman nang akitin at ibigay ang sarili sa lalaking ’yon, bakit hindi mo pa itodo? Kung kinakailangang kidnap-in ang lalaking mahal mo, gawin mo.”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Hype Ang payo mo piper hahahaha
May sa ahas yan si piper kaya ganyan yang baliw na yan eh🤣