The Lunatic Virgin Series Book 1: Clarabelle Cayetano (Chapter 9)

NAKAYUKO si Bodhi na tila may binabasa kaya naman ay hindi nito agad nakita ang pagpasok ni Clarabelle.

Nang mag-angat ito ng ulo ay kagyat na ngumiti sa kanya ang binata. “Ikaw nga. Akala ko kapangalan mo lang.” Masigla ang tinig nito.

“H-hi…” ‘Hi pa lang nasasabi ko pero nabubulol na ako.’ “Kumusta?”

“Ayos lang. Ikaw?” Sinulyapan nito ang dala niyang carrier.

‘Heto, sobrang nangungulila sa iyo!’ “Maayos lang din. Pero itong si Pretzel mukhang kailangan ng check up.”

Nilapitan siya nito saka kinuha ang carrier mula sa kanya. Ipinatong nito iyon sa bakal na mesa kung saan ine-examine ang mga hayop na may sakit.

Lihim niyang napag-aralan ang hitsura ni Bodhi ngayon. Akala ni Clarabelle ay gwapo na si Bodhi sa kanyang paningin pero ngayong nakasuot ito ng coat at eyeglasses ay lalong nagkaroon sa kanya ng appeal ang binata.

Sa ilalim ng coat ni Bodhi ay ang magenta polo shirt na naka-tuck in naman sa maong nitong pantalon. Nasa leeg naman ni Bodhi ang stethoscope. Ang buhok ng binata ay nakasuklay palikod kaya ang linis nitong tikman ay este, tingnan.

Bahagyang yumuko si Bodhi kaya naman napadako ang mga mata niya sa medyo maumbok nitong likuran. Magiging kasalanan ba kung dadapo ang mga kamay niya roon?

‘Eh, kung sa mga braso niya kaya? Puwede rin sa matigas niyang dibdib,’ aniya sa isip.

Gustung-gusto ni Clarabelle ang tindig at porma ng katawan ni Bodhi. Nasabi niya iyon dahil noong nasa condo siya nito’y napag-aralan na niya ang katawan ng binata habang abala ito sa pagtitimpla ng kanilang kape. Hindi malaki ang katawan ni Bodhi pero sigurado siyang matigas bawat muscle nito. Ayaw din naman niya sa sobrang maskulado na parang sasali na sa men’s body builder contest.

Habang pinakikinggan ni Bodhi ang katawan ni Pretzel gamit ang stethoscope ay nagkaroon siya ng pagkakataong titigan ang mukha ng binata. Ang mga mata nito’y tila palaging nakangiti na binagayan naman ng matangos na ilong at ang labi… Naikagat ni Clarabelle ang sariling ibabang labi.

‘Halikan ko kaya siya ulit tapos isip na lang ako ng ibang dahilan?’ saad ng malandi niyang utak.

Naipilig niya ang ulo. ‘Huwag, self. Ikalma mo ang sarili mo.’

Pero paano kaya kung hindi gentleman na tao si Bodhi tapos sumama siya sa condo nito nang gabing iyon, maaari kayang ang halik na pinagsaluhan nila ay napunta sa…

“Bella?”

“Kama— ay, h-ha?” Napakurap siya bigla. At nang bumalik ang utak niya sa earth, ang nagtatakang mukha na ni Bodhi ang bumungad sa kanya. “M-may sinasabi ka?”

“Kama? Kama ang huling kinain ni Pretzel?” Puno ng pagtataka ang mukha ni Bodhi.

“A-anong kama? H-hindi, wala. Wala akong sinasabing gano’n. Sabi ko, ano ’yong tanong mo? Hindi ko narinig, eh.” ‘’Yan! Puro kasi kahalayan!’

“Sabi ko, kailan pa huling kumain si Pretzel?”

“Kagabi hindi na siya kumain, hanggang kaninang umaga. Hindi rin siya dumudumi.”

Nakita niya ang pagtango ni Bodhi. Habang siya naman ay lihim na napadasal na sana, hindi napansin ng binata ang kanyang kawirduhan. Mabuti na rin palang nakasuot siya ng facemask. Na-realize kasi ni Clarabelle na nakakagat labi pa rin siya nang tawagin ni Bodhi.

Kahit paano’y napahiya rin siya. Ngayon lamang kasi siya nagkaganoon sa isang lalaki.

May mga ilang katanungan pang ginawa si Bodhi sa kanya bago siya nito sabihang maghintay na muna siya sa labas.

Makalipas ang mahigit isang oras, lumabas si Bodhi hawak ang carrier ni Pretzel. Sa kabilang kamay nito ay isang kapirasong papel. Reseta pala iyon ng gamot ni Pretzel.

Bago umalis si Clarabelle sa clinic ay naglakas talaga siya ng loob sa sasabihin.

“P-puwede ko ba m-mahingi ang contact number mo?” ‘Yes! Nasabi ko.’ “A-alam mo na, in case na may itanong ako tungkol kay Pretzel.”

‘Talaga ba?’ pang-aasar ng kabilang bahagi ng kanyang utak.

“Oh, sure.” May malaking ngiti ito sa mga labi na nagpalantad ng mga mapuputi at pantay nitong mga ngipin.

Nang dahil din sa ngiting iyon ng binata sa kanya kaya mas lalong nahuhulog ang kanyang puso. Ngayon, sigurado na siya. Si Bodhi ang lalaking nais niyang makasama habang buhay. Kung hindi ay magkamatayan na.

Ano’ng tuwa naman ni Clarabelle nang maibigay ni Bodhi ang numero nito. Umalis siya sa clinic na iyon na may malawak na ngiti na siguradong hindi kita dahil sa suot niyang facemask.

‘Sana, sa susunod na punta ko rito, may goodbye kiss na!’

 

BAGO dumiresto ng Bella’s Cafe ay nagtungo muna si Clarabelle sa isang botika upang bilhin ang gamot para kay Pretzel. Isasama niya na rin ang rabbit sa shop. Bumili na rin siya ng mga pagkaing kailangan ng katawan ni Pretzel.

“Wow, Rabbit! Ang cute naman. Ano’ng name niya, ate?” tanong ng isang isa niyang waitress sa Bella’s Cafe na si Ingrid.

“Pretzel,” tugon niya.

“Bakit dala mo siya, ate?” Si Beverly.

“Ipina-check up ko. Eh, kaysa umuwi pa ng bahay, dumiretso na ako rito. Ipasok ko muna sa loob si Pretzel,” aniya saka pumasok sa loob ng opisina.

Pagbaba niya sa rabbit ay naalala niyang silipin muna ang contact number na ibinigay ni Bodhi sa kanya. Baka kasi nananaginip lang siya o baka hindi na-save sa cellphone niya ang number nito.

Nang makita niya ang kompletong number ni Bodhi ay kinikilig siyang napayakap sa cellphone.

“This is it!” kinikilig na sabi niya.

Masayang-masaya si Clarabelle sapagkat mayroon na siyang chance na makausap ang binata.

Bigla namang naputol ang kilig niya nang makitang may mensahe si Raffa sa kanilang groupchat na The Lunatic Virgin.

Larawan pala iyon na nakasakay na ito ng eroplano at mukhang nahuhulaan na niya kung saan ang tungo nito. Tumipa siya.

Clarabelle: Have a safe flight, babe! Pakabait ka ro’n.

Star: Saan ang punta mo?

Katana: Where you goin’?

Rui: Saan punta mo? Ingat ka na lang. 

Piper: Uy, sa’n gora ng prinsesa?

Si Summer, seen lang.

Raffa: Sa province ng lola ni mama. Sa Quezon Province.

Nakita niyang nag-react sina Summer, Rui at Star ng wow sa sagot Raffa.

Piper: That’s so, unusual. Si Raffa ba talaga ang kausap namin. 

Natawa siya sa sinabi ni Piper kaya nag-react siya ng laugh emoji sa sinabi nito. Kilala nga naman kasi nila si Raffa na masaya sa buhay sa Maynila at ni sa hinagap ay hindi nila naisip na magpupunta ito sa isang probinsya.

Clarabelle: Doon niya kailangang patunayan na hindi siya isang brainless beauty.

Anim na like emoticon ang nag-react sa sinabi niya.

Summer: Go, sis! Naniniwala kaming kaya mo. Ingat ka roon. ’Wag ka munang humanap ng boylet mo. Focus ka sa goal mo.

Piper: Korek!

Lahat sila ay nag-send ng heart emoticon para kay Raffa.

Raffa: Thank you, guys! Sa dulo ng message nito ay may tila naluluhang emoji.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

The Lunatic Virgin Series Book 1: Clarabelle Cayetano (Chapter 9)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.