The Second Mrs. Guillermo (Chapter 45)

KINABUKASAN, tinupad nga ni Carson ang pangako nitong babawi sa kanilang mag-ina. Iginugol nila halos ang buong maghapon sa dagat. Bukod sa rest house na nakatayo sa private resort na iyon ni Carson ay mayroon din itong maliit na cottage malapit sa dagat. Doon sila nagpahinga at tumambay hanggang sa lumubog ang araw.

Naging sobrang saya ng araw na iyon para kay Elysse dahil sa nakikitang saya sa anak hindi lang para sa sarili. Mula sa cottage kung saan siya nakaupo ay kitang-kita at dinig na dinig niya ang malakas na pagtawa ni Andres habang kalaro si Carson sa mababaw na bahagi ng dagat.

Doon lamang niya nakita ang ganoong tuwa sa mukha ng kanyang anak. Tuwang kailan man ay hindi niya kayang ibigay.

Lihim siyang humiling sa langit. Na sana, sa paggising niya ulit bukas ay hindi magbago ang masayang takbo ng kanilang pamilya. Siguro, hindi na muna hihiling si Elysse na mahalin at suklian din ni Carson ang pag-ibig niya na iniuukol para dito. Makukontento na lang muna siya sa kung ano lang muna ang kayang ibigay sa kanya ni Carson.

“Ang sarap nilang pagmasdan, ano?” tanong iyon mula kay Manang Zenny. Hindi niya naramdaman ang paglapit nito. “Ikaw din. Matagal-tagal na rin ang panahong hindi kita nakitang ganyan kasaya.”

Malawak siyang napangiti saka bumaling dito. Wala na rin naman siyang balak pigilin pa ang nararamdaman.

“Ngayon ko lang po nakita si Andres na ganyan kasaya.”

“Tama ka. Ang laki rin ng naging pagbabago ng batang ’yan mula nang tumayong ama sa kanya si Carson. At ikaw, may mga nagbago rin sa ’yo,” makuhulugan nitong saad.

“Masayang-masaya rin po ako sa mga bagay na naitulong ni Carson sa amin, manang.”

“Iyon lang?” Hindi siya nakakibo saka seryosong napatitig sa matanda. “Siguro nga sa ibang tao maitatago at maitatanggi mo iyan, hija. Pero, sa tuwing titingin ka kay Carson, nakikita ko ang isang babaeng punung-puno ng pagmamahal hindi lang para sa sariling anak kundi para sa lalaking itinatangi niya. Nasasalamin sa mga mata mo pag-ibig na kailan man ay hindi ko nakita sa mga lalaking sumubok na pasukin ang puso mo.”

Muling itinuon ni Elysse ang mga mata kina Carson at Andres saka pinuno ng hangin ang sariling baga.

“Tama po kayo, manang. Mahal na mahal ko po si Carson. Pero mas mainam po na mahalin ko na lang siya nang ako lang ang nakakaalam. Okay na po ako ro’n.”

“Bakit naman?” Hinaplos nito ang kanyang buhok at napakasarap niyon sa pakiramdam. Sinubukan niya ring alalahanin sa isip ang huling beses na naranasan iyon sa sariling ina ngunit hindi na mahagilap pa ni Elysse ang alaalang iyon.

“Mahal pa po ni Carson si ate at kailanma’y hindi na mawawala iyon. Nabuntis lang po ako ni Carson pero hindi niya po ako mamahalin nang gaya kay Ate Beth,” malungkot niyang saad.

Nang dahil sa kanyang sinabi’y bahagyang napaatras si Manang Zenny upang titigan ang kanyang mukha at pagkaraa’y nagsalita itong muli.

“Siguro nga iyon ang nakikita mo ngayon pero huwag mong pangungunahan ang puso ni Carson, anak. Huwag mo ring alisan ng karapatan ang sarili mo na maniwala at magtiwala.” Bumuntong hininga ito. “Napakabuti mong tao at may malaking puso. Walang hindi kamahal-mahal sa ’yo, anak.”

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Elysse. Sana nga ay magbago pa ang laman ng puso ni Carson para sa kanya.

 

MARAHANG tumayo si Elysse mula sa kama ni Andres nang masigurong malalim na ang tulog nito. Plano niyang ayusin na ang lahat ng gamit nila dahil bukas na ang balik nila sa Maynila. Sa susunod na araw ay kailangan na ring bumalik ni Andres sa eskwelahan.

Pagpasok niya ng silid nila ng asawa’y, naabutan niyang may kausap sa cellphone si Carson. Mukhang seryoso iyon ngunit hindi niya marinig kung ano ang pinag-uusapan.

Nagpatuloy na lamng siya sa gagawin. Hawak na niya ang maleta nang magsalita sa kanya si Carson.

“You have to extend one more week here, hon.”

Napatitig siya sa asawa. Tama ba ang kanyang narinig? Mag-e-extend? “Ano? Mananatili kami rito?”

Tumango ito. “Yap. Magbakasyon kayo. Alam kong sabik pa rin si Andres sa dagat. Ikaw, on leave ka naman nang dalawang buwan kaya okay lang din sa ’yo ’yon.”

“Wait— paano ang pag-aaral ni Andres? Two days na siyang absent. Mahuhuli na siya sa mga lessons niya.” Kunot na ang kanyang noo.

“Pakikiusapan ko na lang ang—”

“I don’t do that, hon. Ayaw kong masanay si Andres sa mga special treatment. Saka na lang ulit tayo magbakasyon dito after ng school year niya. Mas mahaba ang panahong ’yon dahil two months ang bakasyon ng mga bata.”

“Ngayon pa lang naman tayo hihingi ng pabor sa school ni Andres, ’di ba? And, you have to refresh, to unwind. Mas mare-relax ka rito sa beach resort natin.”

Lalong nagsalubong ang mga kilay niya. She knows that there’s something wrong with Carson. That’s what her instinct says. Inilapag niya sa kama ang mga damit na hawak.

“Is there’s something wrong?”

“Wrong?” Tumawa ito nang bahagya ngunit pilit. “Nothing.” Nilapitan siya nito upang yakapin mula sa likod.

Hindi naman siya umiwas doon.

“Gusto ko lang na ma-relax kayo ng anak natin dito sa Palawan.”

Bumitiw siya sa yakap nito saka humarap nang tuwid dito. “Ayos lang kami ni Andres, hon. Sapat na ang ilang araw na nanatili tayo rito. Ayaw kong mahuli si Andres sa mga lessons niya—”

“Okay. Let’s hire a private tutor for him para sa mga lesson na hindi niya masasabayan sa school.”

Habang pinakikinggan ni Elysse mga sinasabi ng lalaki ay unti-unti na rin siyang naiinis. “Ano ba’ng problema? Bakit ipinipilit mo ’yan?”

Hindi kumibo si Carson sa tanong niya. Hindi rin niya mabasa ang emosyon sa mukha nito maliban sa pag-igting ng mga panga nito. Ilang segundo silang nagsukatan ng titig sa isa’t isa bago muling nagsalita si Carson.

“The news about our marriage has spread.”

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

The Second Mrs. Guillermo (Chapter 45)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.