“MANANG Selma, ang ate po? May dala akong oranges, paborito niya,” sabi ni Elysse sa punong mayordoma ng pamamahay ng mag-asawang Guillermo.
Tanghali na nang mga oras na iyon at naisipan niyang bisitahin at kumustahin ang nakatatandang kapatid na si Elizabeth. Matagal na ang huling beses na nakasama at naka-bonding ang kapatid mula nang magpakasal ito kay Carson Guillermo— the most handsome, powerful and eligible bachelor of their batch during their college days. Katunayan nga niyan ay high school pa lamang siya nang makilala mula sa malayo ang lalaki.
Noong isang araw ay biglang nagpakita ang kanyang kapatid ngunit mabilis lamang.
“Hindi pa rin po nakakauwi, maʼam, eh,” sagot ng mayordoma sa tanong niya.
Buhat sa sinabi nitoʼy nahinto siya sa paglalagay ng mga prutas sa loob ng refrigerator. “Bakit? Saan siya nagpunta?”
“H-hindi ko po alam. Basta maaga po siyang umalis kaninang umaga.”
Mabilis siyang dumukot sa bulsa upang ilabas ang cellphone at hanapin ang contact number ng kanyang ate. Sinubukan niyang tawagan si Elizabeth ngunit ilang ring na ang kanyang naririnig ay wala pa ring sumasagot.
Nang ilang segundo na ang nakalilipas at negatibo pa rin ang tawag ay nagdesisyon na lamang siyang padalhan ng mensahe ang kapatid na nagsasabing siya ay nag-aalala na at hinahanap na ito. Sinabi rin niyang kapag nabasa nito ang kanyang mensahe ay kaagad siyang tawagan.
Pagkatapos niyon ay nagpasya na siyang hanapin si Elizabeth. May isang lugar na nagpapakita sa kanyang isipan na siguradong matatagpuan niya roon ang hinahanap.
Mabilis ang takbo ng kanyang minamanehong kotse. Wala siyang pakialam kung mahuli man dahil sa over speeding. Tanging ang layunin lamang niya ay ang matagpuan agad ang sariling kapatid.
Labis-labis ang kanyang pag-aalala para kay Elizabeth dahil noong huli niyang makita ito ay hindi maganda ang lagay nito. Kusang bumalik sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nilang magkapatid, dalawang araw ang nakalilipas…
“Oh, ate? Napadalaw ka?” Sinalubong ni Elysse ng yakap si Elizabeth nang makita ang kapatid na nakatayo sa kanilang sala.
Naramdaman niya ang marahang pagganti ni Elizabeth sa kanyang yakap ngunit kaagad rin itong kumalas sa kanilang pagkakayakap saka umupo sa isang sofa.
“Na-missed lang kita, kapatid ko. Alam mo namang ikaw na lang at ako ang natitira sa pamilya natin, ʼdi ba?”
Sinundan niya ang kapatid at kagaya nito ay umupo siya sa tabi ni Elizabeth sa sofa.
Kung sa bagay, matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita ng kapatid upang magkamustahan.
Mula kasi nang makabalik ito kasama ang asawang si Carson mula sa Amerika ay naging madalang na rin ang naging pagkikita nilang magkapatid. Ang bagay na iyon ay nauuwaan niya. Magkaiba na sila ng buhay na tinatahak ngayon. Kung siya ay abala sa sariling career bilang fashion designer, ang kapatid naman niya ay sa buhay may pamilya na nakatuon.
“Gusto mo bang makita si Andres? Ipatatawag ko—” tukoy niya sa batang halos ituring niyang sariling anak.
“H-hindi na, Ely. Hindi rin naman ako magtatagal. Dinala ko lang dito si Mojo. Iʼm on my way to leave,” agap ng ate niya.
“Pero—”
“Next time na lang na pagdalaw ko. Babawi ako.” Pagkasabi niyon ay iniumang nito ang kanang kamay upang damputin ang handbag na Louis Vuitton.
Nahagip naman ng kanyang paningin ang nagkukulay ubeng pasa sa braso ng kanyang kapatid. Mabilis niyang hinablot ang braso nito.
“Ano ʼto, ate? Bakit ka may pasa?”
“H-ha?” Lumarawan ang pagkagulat sa mukha ni Elizabeth kasunod ng pagsulyap din nito sa pasa sa sariling braso.
“Si Carson ba ang may gawa sa iyo niyan, ate? Did you two fight?” pag-uulit niya sa tanong.
Nakita niya ang mabilis na pag-iwas ng tingin ng kanyang kapatid. “H-hindi.” She smiled a little. “Bakit naman kami mag-aaway ni Carson? Maayos na maayos kami.”
Lalong nagsalubong ang kanyang mga kilay. “If thatʼs so, where did you get that bruise?” Muli niyang sinulyapan ang braso nito kung saan naroon ang pasa ng kapatid.
“Maybe… I j-just bumped into something, I donʼt know.”
She looked at her face intentionally. She knew that her sister didnʼt telling the truth. But she chose not to ask more questions about it.
Lumaki silang magkapatid na sobrang malapit sa isaʼt isa at kilala niyang maingat ang kapatid sa lahat ng bagay kaya talagang hindi siya kumbinsido sa rason ng kanyang ate. Pero dahil nasa pagitan na ng mag-asawa ang problema ay hindi muna siya makikialam, huwag lang niyang makikitang umiiyak ang kapatid nang dahil sa lalaking iyon.
“Siya nga pala, talaga bang hindi ka na magpapakita kay Andres?” tanong niya.
“Hindi na, may pupuntahan pa kasi ako. Sa susunod na lang. Paki-hi mo na lang ako sa kanya.”
MULING nagbalik sa kasalukuyan si Elysse nang makita niya ang traffic lights na nagkulay berde.
Ilang sandali na lamang ay siguradong makakarating na siya sa lugar kung saan alam niyang madalas magtungo ang kapatid sa tuwing may problema ito o may dinadamdam.
Makalipas ang mahigit kalahating oras ay narating din niya ang lupa ng kanilang mga magulang. Sa dulo niyon ay may mataas na bangin. Ang lugar na iyon ay matagal nang pagmamay-ari ng kanilang mga magulang. Binili iyon ng mag-asawang Dela Serna upang paminsan-minsan naman ay makakapag-relax sila sa magagandang tanawin at sariwang hangin. Ang malawak na lupaing iyon ay napaliligiran sa ibaba ng matataas na mga puno at masusukal na daan.
Hindi siya nabigo nang makita niyang naka-park ang sasakyan ni Elizabeth hindi kalayuan mula sa kanyang kotse. Mabilis niyang inihinto ang sinasakyan. Kaagad niyang tinungo ang kotse ngunit wala pala roon ang hinahanap.
Mabilis niyang inilibot ang paningin sa buong paligid at sa dulo ng bangin ay doon niya natagpuan si Elizabeth na nakatayo. Kahit nakatalikod ang kapatid mula sa kanya ay halata pa rin sa anyo nito ang pag-iyak dahil na rin sa panginginig ng mga balikat nito.
“Ate!” malakas niyang tawag upang agawin ang atensyon nito. “Bakit ka nandʼyan? Baka mahulog ka!”
Nababahala siya dahil napakalakas ng hangin nang mga oras na iyon.
Kaagad naman ang ginawang paglingon nito sa kanya. Halata sa mukha ni Elizabeth na hindi siya inaasahang makikita roon.
“Ate, umalis ka na dʼyan. Baka mahulog ka at sure akong masisira ang beauty mo kapag nangyari ʼyon,” muling pangungumbinsi niya at sinamahan pa ng pagbibiro dahil hindi na nagugustuhan ni Elysse ang pakiramdam sa kinakatayuan ng kanyang ate.
Masyado na itong nasa dulo at nakababahala na iyon.
“Ate Beth…” she called her again. She tried to be calm.
Ilang segundo ang lumipas, imbes na sagutin ang pagtawag niya ay mapait lamang itong ngumiti saka nagsalita sa hangin.
“Iʼm sorry…”
Hindi man narinig ni Elysse ang boses ng kapatid nang magsalita ito ay naunawaan pa rin niya iyon.
Ang sumunod na eksena ay hindi niya lubos na inaasahan. Sinaklot ng takot ang kanyang dibdib. Halos hindi na rin niya naunawaan ang mga nangyari. Ilang segundong hindi niya naigalaw ang sariling katawan sa nakitang mabilis na pagbagsak ni Elizabeth sa bangin. Para bang sa isang iglap ay nagkaroon siya ng mga mabibigat na bakal sa magkabilaang paa. Hindi agad niya nagawang kumilos. She also felt her body trembling.
“Ate…” mahinang namutawi sa kanyang bibig ang katagang iyon.
Ang napakabilis na tibok ng kanyang puso lamang ang siyang naririnig bukod.
Hanggang sa dahan-dahan ang ginawa niyang paghakbang palapit sa pinanggalingang direksyon ng kanyang ate. Ang mabagal at marahan niyang paghakbang ay unti-unti ring bumilis.
Napaluhod siya kung saan tumalon ang kanyang kapatid. Unti-unti ay tumimo sa kanyang isipan ang ginawa Elizabeth nang ni ano pa man ay wala na siyang nakitang bakas ng katawan ng kanyang ate. Tanging ang paglipad ng mga nabulahaw na ibon at ang makulay na gubat na lamang ang kanyang nakikita.
“Ate!”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Aguy ely kung tunakbo ka agad at hinawakan mo ate mo edi di niya nalaman na anjan ka hahaha di sana nakatalon kung nayalap mo agad at nilayo sa bangin pero yan ang plot e hahaha so ano na ganap sayo eli kawawa naman si baby di mo naisip selfish ka talaga
Bakit feeling ko hindi patay si elizabeth bagkus ay may nakakuha sa kaniya well wala naman sinabi kung sa ilog dagat ba siya nalaglag nakalagay lang is kakahuyan meaning sa magubat na lugar well basa ka pa girl para malaman mo hahaha 🤣 Siguro si Andrew ay anak ni Elizabeth aba di pala siya nagpalaglag good job un if ever nga 🥰