The Second Mrs. Guillermo (Chapter 82)

PAGKATAPOS ng mga narinig ni Carson kay Richard tungkol sa kung sino ang ama ni Andres ay pinili niyang magkulong na muna sa kanyang opisina. Doon siya nagmuni-muni at pilit na tinatanggap ang lahat. Pilit niyang nilabanan ang nararamdamang galit sa ginagawang paglilihim ni Elysse sa kanya.

Nasa ganoon siyang sitwasyon nang biglang tumawag si Manang Zenny sa cellphone niya.

“Carson, nawawala si Elysse!” Puno ng pag-aalala sa boses nito. “Lumabas lang ako sandali para magpunta sa nurse station pero pagbalik ko, wala na siya.”

Kahit pa nga nagagalit siya kay Elysse ay binundol pa rin ng takot ang kanyang dibdib. Kaya naman nangako siya sa matanda na hahanapin niya si Elysse pati na si Andres.

Siya naman ang kumontak kay Joey. Ito ang tauhan niyang nakasunod kay Elysse palagi.

“Tatawag na po sana ako sa inyo, sir pero naunahan niyo ako.”

“Nasaan ka? Si Elysse, nawawala.” Seryoso siya nang sabihin iyon at pinipigil ang pag-aalala.

“Iyan na nga po, sir ang dahilan kung bakit balak ko pong tawagan kayo. Sinundan ko po si Ma’am Elysse. Nakarating kami rito sa simbahan ng Quiapo pero bigla na lamang may tumigil na itim na van para damputin siya. Sinundan ko sila hanggang sa malaman ko kung saan nila dinala si Ma’am Elysse.”

“Good, Joey. Paki-send mo sa akin ang eksaktong location nila at susunod ako d’yan. Please, Joey. Protektahan mo si Elysse. Sisiguruhin kong hindi ka magsisisi sa ibabayad ko sa ’yo pagkatapos nito.”

“Yes, sir. Mukhang nandito rin ang anak ninyong si Andres. Makakaasa po kayo, sir.”

Makalipas ang halos dalawang oras na pagmamaneho’y narating din ni Carson ang sinabing lugar ni Joey. Sa tingin pa niya ay dulong parte na iyon ng kamaynilaan.

Dinala siya ng lokasyong ibinigay sa kanya ng tauhan niya sa isang malaking pagawaan ng hollow blocks. Medyo malayo na iyon sa hi-way. Bago pa man niya matumbok sa palikong daan patungo sa direksyon ng pinagdalhan kina Elysse ay kapansin-pansing wala nang kabahay-bahay sa daan. Medyo liblib sa lugar na iyon.

Iniwan niya ang kotse sa likod ng isang itim na kotseng batid niya ay pagmamay-*ri ni Joey. Minabuti niyang iwan doon ang kotse nang sa gayon ay hindi iyon makaagaw ng pansin dahil ang sabi rin sa kanya ng tauhan niya ay may tantiya ito na pitong katao ang mayroon doon.

Tinatahak na ni Carson ang talahiban nang makarinig siya ng isang malakas na putok na lalong nagpasikip ng kanyang dibdib. Mas binilisan pa niya ang bawat hakbang. Hindi niya madalas gawin ang pagdarasal subalit sa mga oras ding iyon ay iyon lamang ang tangi niyang ginagawa sa isipan.

Napakatindi ng takot at pag-aalala ang kanyang iniinda sa mga oras na iyon.

‘Oh, God! Hintayin niyo lang ako, Elysse! Parating na ako para iligtas kayo.’

 

SABAY-sabay na napalingon sina Elysse sa ilang putok na nagmula sa labas.

“Letse! Akala ko ba, maayos niyong nadala rito ’yan? Bakit parang nasundan yata kayo?” galit na tanong ni Celestine kay Jarren.

Mabilis namang lumabas si Richard upang alamin kung ano ang nangyayari. Kaya sina Celestine at Jarren na lang ang naiwan.

Silang mag-ina naman ay napaupong muling sa sahig saka maghigpit na nagyakap. Takot na matamaan ng bala ng baril.

Mayamaya pa’y sumungaw si Carlo sa pinto. “Nasundan tayo pero ang sabi nag-iisa lang. Hinahanap na siya ng mga tauhan natin.”

“Bantayan mo ’yang dalawang ’yan, bilin naman ni Celestine kay Jarren bago ito sumama kay Carlo.”

Iyon naman ang kinuhang pagkakataon ni Elysse upang kausapin si Jarren upang kunin ang loob nito.

“Patakasin mo na kami, Jarren. Maawa ka naman sa anak mo. Kahit dito na lang sana makabawi ka sa anak mo.”

Tiningnan nito si Andres nang walang emosyon. “Hindi ko pinangarap na magkaroon ng anak. Para sa akin ay wala akong anak. Kaya kahit anong gawin mong pagmamakaawa sa akin ay hindi gagana.”

Sasagot na sana siya nang muli silang magulat sa putok ng baril sa labas. Kahit paano’y umaasa si Elysse na tulong ang hatid ng mga putok na iyon. Umaasa siyang si Carson ang kumakalaban sa mga tauhan ni Celestine.

Isang mabilis at malakas na katok ang narinig pa nila mula sa labas ng kuwatong iyon na agad namang hindi na napag-isipan ni Jarren na tanungin kung sino man iyon. Kaya hindi na nito inaasahan ang pagpukpok ng isang baril sa mukha nito.

Hindi iyon inaasahan ni Jarren kaya hindi nito nailagan ang paghampas dito ng baril. Kaagad na bumagsak sa sahig si Jarren at takot na takot sila sa kung sinumang lalaking gumawa niyon kaya niyakap niyang muli si Andres.

Ngunit nabuhay ang pag-asa sa kanyang puso nang makita niya sa likuran ng naunang lalaki ay si Carson. Kaagad silang sinugod nito ng yakap.

“Sinaktan ba nila kayo?” tanong nito nang humiwalay sa kanila ng yakap. Agad naman niyang inilingan ang tanong nito.

Si Andres naman ay natuwa rin nang malamang si Carson pala yumakap dito.

“Daddy!” sigaw nito sabay iyak muli sa lalaki. Maging siya rin ay naluluhang muli.

“Sir, kailangan niyo nang magmadali. Baka may buhay pa sa mga tauhan nila at puntahan tayo rito,” saad ng kasamang lalaki ni Carson.

Sandaling lumibot ang paningin ni Carson at humantong ang mga mata nito sa bintanang tinanggalan niya ng jalousie. Agad silang hinila ni Carson doon.

“Mauna kang lumabas,” utos nito sa kanya na agad naman niyang sinunod.

Inalalayan siya nito upang makalusot sa bintana na matagumpay naman niyang nagawa. Pagkatapos ay isinunod naman nito si Andres at pagkaraa’y ito naman ang lumusot sa bintana.

“Joey, tara na!” tawag pa ni Carson sa lalaking kasama nito.

“Mauna na kayo, sir. Huwag mo na akong intindihin. Siguradong paparating na rin ang mga pulis na tinawagan ko. Aalalayan ko naman kayo hanggang sa makatakas.”

Tumango na lamang si Carson bilang tugon. Habang naroon sila sa sitwasyong iyon ay para namang may karera ng mga kabayo sa loob ng kanyang dibdib sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Nararamdaman na rin niya ang pagsagitsit ng sakit sa kanyang tiyan na kanina pa niya tinitiis. Ngunit buo ang tiwala niyang magiging maayos pa rin ang lahat.

Malalim na ang gabi nang mga sandaling iyon ngunit dahil sa posteng may ilaw ay nakikita pa rin nila kahit paano ang hitsura sa labas ng silid na pinanggalingan nila.

Nasa ganoon silang sitwasyon nang bigla na lamang may bumaril kay Joey. Dalawang beses iyon. Nagising na pala si Jarren at ito ang bumaril kay Joey. Sa pagbagsak ni Joey ay si Jarren naman ang mabilis na bumangon upang habulin sila.

Ngunit sadyang mabilis ang naging kilos ni Jarren. Naabutan sila nito at sabay na nagkatutukan ng baril sina Carson at Jarren.

Matalim ang mga tinging ipinupukol ni Carson kay Jarren habang ang isa’y nakangisi. Siya naman ay nag-aalalang nagpalipat-lipat ang tingin sa dalawang lalaki habang yakap si Andres.

“Carson!” tawag niya rito ngunit hindi siya nilingon ng lalaki.

May dinukot si Carson sa bulsa nito saka ibinigay sa kanya. Susi pala ng kotse nito iyon.

“Mauna na kayo ni Andres. Pangako, susunod ako. I just need to finish this one,” tukoy nito kay Jarren.

“Ayoko!” tutol naman niya. Hindi yata kaya ng loob niyang iwan ito roon.

“Please, Ely. Just trust me. Go!” Bahagyang nagtaas ang tinig nito kaya napilitan na siyang kunin ang susi upang sundin ito.

Muling nag-ulap ang mga mata ni Elysse habang lumalayo sa lugar na iyon. Abot langit ang kanyang pagdarasal na sana’y tuparin ni Carson ang pangako nitong susunod sa kanilang mag-ina.

Naging mahigpit din ang pagkakahawak niya sa kamay ni Andres, habang lakad at takbo ang kanilang ginagawa. Nahihirapan man dahil sa malaki niyang tiyan ay hindi na niya iyon ininda pa. Hindi rin sila tumigil kahit napakadilim na nang tinatahak nilang talahiban na daan. Masyadong makati roon at wala na siyang panahon pa upang indahin ang dulot ng matatalas na dahon. Maging si Andres ay tiniis ang sitwasyong iyon makatakas lang sila. Ang tanging important na lamang sa kanya nang mga oras ding iyon ay makaligtas ang kanyang mga anak.

Makalipas ang ilang minuto ay nabatid na ni Elysse na ilang dipa na lamang ang layo nila mula sa kotse ni Carson. At kahit pa nga madilim ay nagawa pa rin nilang makarating sa hi-way kung saan naroon ang kotse ni Carson.

Mayroon namang poste ng ilaw sa hi-way kaya nasisiguro niyang iyon nga Bugatti ni Carson.

“Dalian mo, Andres!” aniya sa anak saka ito pinagbuksan ng pinto ng kotse. Nang masigurong maayos nang nakaupo si Andres sa backseat ay siya naman ang sumunod na sumakay doon.

Saktong nabuksan na niya ang makina ng kotse nang biglang may mabilis na sumakay sa tabi niya. At ganoon na lamang ang naging takot niya nang makitang mayroon nang nakatutok na baril kay Andres at si Richard ang may hawak niyon.

“Sige. Magmaneho ka,” utos nito sa pormal na tinig.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

The Second Mrs. Guillermo (Chapter 82)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.