The Second Mrs. Guillermo (Epilogue)

A SOLEMNLY and simple garden wedding. Iyan ang naganap pagkatapos ng dalawang buwang preparasyon sa kasal nina Elysse at Carson.

Ilang beses mang sinubukan ni Carson na kumbinsihin siyang gawing magarbo ang kasal nila ay hindi talaga siya pumayag. Para kasi sa kanya ay mas nakakapagod at magastos ang ganoon. Ngunit kahit pinili niya ang huwag sundin ang sinabi ni Carson ay maganda pa rin ang kinalabasan ng kanilang kasal. Nasunod pa rin naman kasi ang pinapangarap niyang garden wedding. Hindi man naging magarbo ang gastos ni Carson sa kanilang kasal ay nagmukha pa ring ganoon ang hitsura dahil sadyang mahusay ang nakuha nitong wedding coordinator.

Soft blush pink, ivory pink, soft gold at dusty rose. Iyan ang mga kombinasyon ng mga kulay sa kasal nila Elysse at Carson. Syempre pa ay napuno rin ng maraming bulaklak ang kanilang kasal na siya ring ginanap mismo sa Dela Serna Valley. Iyon kasi ang napagdesisyunan nilang dalawa na Carson na ganapin sa Pilipinas ang kanilang kasal nang sa gayon ay makadalo rin ang mga kamag-anak ni Carson sa tunay nitong ina. Mas ginusto rin ni Elysse na doon ang gawing venue ng kanilang kasal dahil may paniniwala pa rin siya na naroon lamang din ang kaluluwa ng kanyang Ate Elizabeth.

At ang isang bagay pa na hinding-hindi niya kinalimutan sa kanyang kasal ay ang malaking litrato ng kanyang anak na si Andres. Ininilin niya sa wedding coordinator na itayo iyon sa bandang gilid ng mga upuan para sa mga dadalo sa kanilang kasal. Sa ganoong paraan kasi ay pakiramdam ni Elysse na kasama pa rin niya sa napakaimportanteng araw ng kanyang buhay si Andres.

Dumalo rin ang ilang kilalang personalidad at mga kasosyo ni Carson sa industrya ng pagnenegosyo. Hindi rin nawala ang ilan pang mga kaibigan nila. Naroon din si Marian kasama ang asawa’t anak nito na ngayon ay may apat na buwan na. Ito ang tumayong maid of honor niya.

Hindi rin nawala sa inimbitahan nila si Manang Zenny at ang buong pamilya nito. Halos hindi naman niya pakawalan ang matanda sa higpit ng kanyang pagkakayakap dito. Paulit-ulit ding sinabi ni Elysse na kung gaano niya na-miss ito.

Nakita rin niyang namasa nang bahagya ang mga mata ng matanda nang muli nitong masilayan ang kanyang mga anak na sina Andrew at Andrea.

Ngayon, sa saliw ng kantang Can’t Help Falling in Love, sa bersyon ni Haley Reinhart na isinalin sa pianissimo ay marahan siyang humahakbang sa medyo bali-baliko at makitid na daan patungo sa kinatatayuan ni Manang Zenny.

Wise men say

Only fools rush in

But I can’t help

Fallin’ in love with you

Nang makarating kay Manang Zenny ay ito na mismo ang humawak sa kanyang kamay upang marahang ihatid sa mismong altar kung saan matiyagang naghihintay ang kanyang groom. Subalit, bago iyon ay ilang sandali pa muna siyang tinitigan ng matanda. Titig na tila mismong ina niya ang kanyang kaharap. Titig na kaytagal na rin niyang hindi nakita. Masayang-masaya ang mukha nito na bahagya pang naluluha. Hindi man nito sabihin ay halatang masaya itong masaksihan ang pag-iisang dibdib nila ni Carson. Pagkaraa’y inakay na siya nito upang ihatid kay Carson.

Oh, shall I stay?

Would it be a sin?

Of, if I can’t help

Fallin’ in love with you

 

Like a river flows

Surely to the sea

Darling so it goes

Some things are meant to be

Nang makarating sila ni Manang Zenny sa mismong altar, nakita niya ang pagkislap ng mga mata ni Carson habang nakatitig sa kanya. Na para bang wala itong ibang nakikita nang mga sandaling iyon kundi siya lamang. Sa mga sandaling iyon ay pinipigil naman niya ang sariling mga luha sa pag-aalalang baka masira ang kanyang make up. Ngunit nang kanya namang tingnan sa mga mata si Carson ay ito naman ang pinangingiliran ng mga luha. Magkagyunpama’y kapwa sila may mga ngiting para walang nang bukas.

“Hindi niyo alam mga, anak kung gaano ako kasaya na makitang sa huli ay nakamit din ninyo ang pag-ibig ng isa’t isa. Congratulations sa inyo, Elysse at Carson.” Iyon ang maramdaming sinabi ni Manang Zenny sa kanila bago nito tuluyang ibigay ang kanyang palad kay Carson.

“Maraming salamat din po sa lahat, manang,” gumagaralgal naman niyang sagot sa matandang itinuring na ring parang isang ina. At bilang tugon ay nakangiting tinanguan lang siya nito dahil nagpipigil din ng sariling mga luha.

Take my hand

Take my whole life too

Oh, for I can’t help

Fallin’ in love with you

Nang mahawakan ni Carson ang kanyang palad ay mahigpit nitong hinawakan iyon na para bang bigla na lamang magbababago ang kanyang isipan sa pagpapakasal dito at tatakbo na lamang palayo sa kasalang iyon. Ginantihan niya naman iyon nang marahang pagpisil upang maging assurance dito na kahit sa panaginip ay hindi siya magbabago ng desisyon.

“Elysse, sa totoo lang, maraming beses kong inaral ang vow ko,” panimula nito nang bigyan na sila nang pagkakataong ilahad ang mga pangako nila sa isa’t isa. “Bago ako matulog sa gabi, binabasa ko muna ang mga sasabihin ko sa ’yo rito, and before I came here, I surely knew to myself what I had to say. But now, hindi ko na makapa sa isip ko mga sasabihin ko. All the words that I memorized months ago are gone the moment I lay my eyes on you walking slowly down the aisle.”

“Ely, I promised that I would be your moon and stars as the night’s darkness. I promised to be your husband who will love you forever and stand by your side no matter what. Dahil naging liwanag kita nang mga panahong sobrang dilim na nang lahat sa akin. Ikaw lang ang nanatili sa tabi ko nang mga panahong akala ko, wala nang pag-asang sumaya ako. You teach my heart how to love again. You teach me to be brave and face all the darkness that I’ve been afraid of. At habang naglalakad ka na patungo sa akin, mas lalo ko ring nakikita nang malinaw ang masayang buhay sa hinaharap na kasama ka. Araw-araw akong magpapasalamat sa Diyos na nagkaroon ng ikaw na para sa akin. Ely, you’re not just my love, you’re my home. I love you so much…”

Habang pinakikinggan ni Elysse ang vows ni Carson ay tuluyan nang pumatak ang kanyang mga luha, luha ng ligaya. Nag-aalala mang baka masira niyon ang kanyang mascara ay hinayaan na lamang niya.

Ilang beses naman siyang napalunok muna dahil sa medyo nagbara ang kanyang lalamunan habang pinakikinggan ang mga pangako ni Carson sa kanya.

“Nakakainis ka!” aniya habang medyo natatawa. Siya naman ang magbibigay ng pangako para dito. “Hindi ka prepared sa vows pero pinaiyak mo ako.”

Natawa na rin si Carson sa kanyang sinabi. Maging ang crowd ay natawa na rin.

“Carson, alam ng Diyos kung gaano kita minahal mula sa malayo. Minahal kita nang ako lang ang nakakaalam. Ngayong abot kamay na kita, hinding-hindi ako magsasawang mahalin, unawain at pagsilbihan ka. Handa akong matawag na pangalawang Mrs. Guillermo mo mahalin ka lang nang wagas at habang buhay. Carson, you are my best adventure, my favorite chapter, and my happy ending. Mahal na mahal din kita.”

 

Welcome to Our Beginning (Elysse and Carson)…

AT HABANG abala siya sa pakikipagkumustahan sa mga bisita ay hindi naman niya sinasadyang mahagip ng mga mata ang pasimpleng paglayo ni Carson kasama si Damien.

Kasalukuyan na silang nasa reception ng kanilang kasal nang sandaling iyon at ginanap iyon sa isang five star hotel.

Sinundan niya sina Carson at Damien. Base kasi sa anyo ng mukha ng kanyang asawa’y tila may seryosong bagay na pag-uusapan ang dalawa. Humantong naman ang dalawa sa bandang sulok ng reception hall kung saan walang gaanong tao at hindi masyadong napupuntahan.

Nagkunwa siyang nag-eestima ng mga bisita sa hindi kalayuan. Ngunit kahit tanaw niya ang dalawa’y hindi pa rin niya marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. Pasimple na lamang niyang inobserbahan ang mga mukha ng mga ito at bahagya siyang nagtaka kasabay ang pagkabahala nang makitang, unti-unting lumamlam ang mga mata ng kanyang asawa. Para pa ngang naiiyak ito bagay na kanyang pilit na inisip kung ano nga kaya ang maaring maging dahilan ng pagkakaganoon nito.

Mayamaya pa’y nakita niya ang pasimpleng pag-alis ni Carson sa tabi ni Damien. Nakita niyang tinungo nito ang exit door ng lugar. Siya naman ay sinundan ang asawa at bago pa man siya tuluyang makalabas ay nagtama pa ang mga tingin nila ni Damien. Tinanguan lamang siya nito kasunod ang pagtapon ng tingin sa pintong nilabasan ni Carson.

Sa paglabas niya sa reception ay agad niyang tinungo ang elevator sa malapit. Kasalukuyan iyong tumatakbo paitaas at batid ni Elysse na si Carson iyon kaya naman pinili na lamang niyang pasukin ang isa pang elevator na nagkataon namang bakante.

Tinungo rin niya ang floor kung saan naroon ang suite nilang dalawa kasama ang kambal pati na ang mga yaya ng mga ito. Dalawang kuwarto sa isang suite ang ginagamit nila habang hindi pa sila umaalis patungo sa kanilang honeymoon sa Maldives. Two days lamang ng plano nila roon dahil hindi nila kayang iwan nang matagal ang kambal. Isa pa’y sa Pilipinas muna nila panandaliang iiwan ang dalawang bata upang makasama rin ng mga ito si Manang Zenny.

Pagpasok niya sa suite nila ay agad na bumungad sa kanya sina Tina at Aida na abala ngayon sa pag-aasikaso sa kanilang mga anak upang matulog.

“Kumusta sila?” tanong niya sa dalawa.

“Maayos naman po, ma’am.” Si Aida ang sumagot. Mas bata ito nang kaunti sa kanya.

Ngumiti siya. “Kumain na ba kayo?”

Si Tina naman ang sumagot. “Opo, ma’am. Kumain po kami agad nang maihatid ang pagkain dito. Ang sarap po ng mga pagkain na inihanda sa kasal ninyo, ma’am,” masayang sambit nito na sinang-ayunan naman ni Aida.

“Mabuti naman at nagustuhan ninyo ang mga pagkain. Pagkatapos niyong mapatulog sina Andrew, magpahinga na rin kayo, ha. Uhm… si Carson ba nasa kuwarto namin?”

“Ay, opo. Hinalikan niya po sa noo ang dalawang bata bago pumasok sa kuwarto niyo. Parang ang lungkot nga po ni sir, ma’am, eh.” Gumuhit naman ang pagtataka at pag-aalala sa mukha ni Tina.

Hinawakan niya sa balikat si Tina. “Salamat sa concern mo. Pupuntahan ko nga siya ngayon.”

Nagpaalam na siya sa mga ito at saka tinungo ang silid nilang mag-asawa. Naabutan niyang nakatayo sa may balkonahe si Carson na malayo ang tingin.

Marahan siyang lumapit dito. “Honey…” tawag niya rito saka marahang inihimlay ang ulo sa balikat nito.

Narinig niya ang pagsinghot nito na halatang nagpipigil ng luha. “She’s dead, Ely…”

Mula sa pagkakasandal sa balikat nito’y napatuwid siya ng tayo at naitutok ang paningin dito. Tila naman nahiya si Carson sa ginawa niya dahil napayuko ito.

“Atake raw sa puso ang ikinamatay niya. Sinubukan pa raw na isugod sa hospital si C-Celestine ng warden na nakabantay pero huli na.” Nang sabihin ni Carson ang mga huling salitang sinabi ay hindi naman nakaligtas sa kanyang pandinig ang pagkabasag ng boses nito.

Nakaramdam naman siya ng awa para sa asawa dahil kahit naman hindi naging maganda ang pananatili ni Celestine sa mundo nang nabubuhay ito ay hindi pa rin mawawala sa kanyang asawa ang malungkot sa nangyari sa babaeng kinilala nitong ina sa napakahabang panahon.

Niyakap niya ang asawa kasunod ng paghaplos sa likuran nito. Iyon naman ang kinuhang pagkakataon ni Carson upang mapaupo sa malapit na upuang naroon at tuluyan na ngang bumagsak ang mga luhang kanina pa nito pinipigilan.

Kagyat namang sumunod si Elysse sa asawa upang yakapin ang ulo nitong bagsak sa pagluha. Niyakap niya ito at hinayaang umiyak sa kanyang dibdib. Kapwa sila tahimik sa ganoong sitwasyon dahil alam naman ni Elysse na yakap at pagdamay lamang niya ay sapat na para sa asawa.

Alam niya na kahit hindi man sabihin ni Carson ay siguradong napamahal din sa kanyang asawa si Celestine.

Pagkatapos ng gabing iyon ay hindi na nila muling napag-usapan ang tungkol kay Celestine. Bagama’t kung minsan ay nahuhuli pa rin niyang tahimik at malungkot ang kanyang asawa’y ipinagdadasal na lamang niya na sana balang araw ay malampasan nito ang nararamdamang sakit.

Sa pagdaan naman ng mga panahon ay mas tumibay din ang kanilang pagsasama. Wala pa ring nagbabago at mas lalo pa ngang naging masaya ang kanilang relasyon. Mas lalo ring naramdaman ni Elysse kung gaano siya kamahal ni Carson ngayong mag-asawa na sila. Gabi-gabi nitong sinasabi sa kanya kung gaano siya kamahal ng lalaki at kung gaano ito kasaya na pagmamay-*ri na nila ang isa’t isa.

Sa ngayon ay wala nang mahihiling pa si Elysse malibang sana ay dumating din ang araw na tuluyan nang mawala ang lungkot ng kanyang asawa sa pagkawala ni Celestine. Masaya siya at natapos na rin ang matinding sakuna sa kanilang buhay. Ngayon ay kontento at masaya na siyang namumuhay kasama ang mga anak at si Carson. Sa susunod na buwan ay malalaman na nila ang kasarian ng susunod nilang baby.

 

The End

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

The Second Mrs. Guillermo (Epilogue)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

Medyo naiiyak ako habang ginagawa ko itong last part ng kuwento nina Elysse at Carson. Hindi ko kasi akalaing matatapos ko rin sila sa hinaba-haba ng panahong ginagawa ko ito. Lubos po akong nagpapasalamat sa mga taong sumubaybay sa kuwentong ito na kung minsan ay walang update sa loob ng isang linggo. Nagtiyaga po kayo at hindi nagsawa. Sana ay nakuha rin po ninyo ang satisfaction sa pagtatapos ng kuwentong ito. Sana po, sa mga susunod ko pang mga kuwento ay suportahan niyo pa rin ako. Maraming salamat po 😍

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.