PINAGMASDAN mabuti ni CJ ang reaksiyon ni Enrico. Nakita niyang natigilan ito sa isinagot niya.
“Sino nga uli?” pag-uulit nito.
He smiled softly then, “Girlfriend ko na si Ruth.”
“Ang pinsan ko?”
“Yap,” aniya kasabay ng isang tango.
Natigilan ito. May kung ilang sandali rin itong hindi nakakibo bago, “H-How? I mean, bakit hindi ko alam?”
“Hindi ko gustong ilihim sa’yo ang relasyon namin ng pinsan mo, okay,” aniya.
“Alam ba ni Tito Alejandro ang tungkol sa inyo?”
Umiling siya.
“Tsk, tsk, hindi maganda iyan ha. Tell him as soon as possible, nag-iisang unica hija niya si Ruth at hindi niya ikatutuwa kung malalaman niyang may nobyo na pala ang anak niya ay hindi niya pa alam,” payo ni Enrico.
“Ikaw? Hindi ka ba magagalit sa akin? Sa amin ni Ruth?” tanong niya sa kaibigan.
[mycred_sell_this]
“Kung ipagpapaliban mo pa ng isang minuto ang paglilihim mo sa relasyon ninyo ng pinsan ko, magagalit talaga ako ng sobra sa’yo,” nakangiting sagot nito.
“Ang ibig bang sabihin niyan ay hindi ka kontra sa relasyon namin ni Ruth?”
Tumawa ito.
“Sino naman ako para tutulan ang relasyon ninyo? As long as you love my cousin, and as long as she loves you, walang problem sa akin,” nangingiting sagot ni Enrico.
He smiled then, “Thanks, dude.”
KANINA pa hindi mapakali si Ruth. Mas tense pa siya kumpara kay CJ na nasa tabi niya at prenteng nakaupo sa kanilang sofa habang hawak nito ang isang kamay niya. Nasa sala sila at hinihintay ang pagbaba ng kanyang Papa. Ang Papa niya na lamang ang hindi nakakaalam ng relasyon nila ng nobyo. Nauna nang nasabi ni CJ kay Enrico ang tungkol sa kanila.
“Bakit hindi ka mapakali diyan?” natatawang puna ni CJ sa kanya.
“Hindi ko lang kasi alam ang magiging reaksiyon ni Papa tungkol sa atin e,” aniya.
Hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kanyang mga kamay. Tila ba sinasabi nito na huwag siyang mag-alala at magiging maayos ang lahat.
“Hindi ba’t mas ako nga dapat ang mag-alala sa magiging reaksiyon ng Papa mo? Kasi kung sakaling hindi niya ako magugustuhan para sa’yo, e, di bigo akong babalik ng Amerika,” anitong pinisil ang tungki ng kanyang ilong.
Napangiti siya.
“E, paano kung hindi kontra sa atin si Papa, babalik ka pa rin ba ng Amerika?” tanong niya.
“Yeah,” sagot nito.
Nabahiran ng lungkot ang kanyang mukha.
“Pero babalik din naman agad ako e,” bawi agad nito. Dinala nito sa mga labi nito ang kamay niyang hawak pa rin nito. “At kung papayag si Mama Melinda, sasabihin ko na mag-i-stay na ako rito for good.”
“Talaga?” nanlalaki ang mga matang tanong niya rito.
“Iyon ay kung papayag kang magpakasal sa akin,” nakangiting sabi nito.
“K-Kasal?”
“Bakit ayaw mo ba?”
“Hindi pa nga natin nasasabi kay Papa ang tungkol sa atin ay kasal na agad. Gusto mo bang mag-freak out ang Papa kapag binanggit mo sa kanya ang salitang kasal…”
“Kasal? Sino ang magpapakasal?” buhat sa likuran nila ay tanong ni Don Alejandro.
Mabilis siyang napalingon. Si CJ ay nanatiling hawak ang kamay niya. Kakikitaan ito ng kumpiyansa sa sarili. Hindi nito nilingon ang kanyang Papa.
“Ahm, Papa…”
“Ano ba itong sasabihin mo sa akin hija at –” Kusa ng huminto ang kanyang Papa sa pagsasalita. Nang huminto ito sa tapat nila ay agad nitong napuna ang magkahawak nilang kamay ni CJ.
“Ano ang ibig sabihin niyan Ruth?” tanong ng kanyang Papa. Maang itong nakatingin sa kanya.
Napalunok siya. Hindi niya mabasa ang reaksiyon ng mukha nito. Basta pinaglilipat-lipat lamang nito ang tingin sa kanilang dalawa ni CJ.
“We have to tell you something, Papa,” aniya. Pinisil niya ang kamay ni CJ. Tinanguan at nginitian naman siya nito.
“I am waiting Ruth,” naiinip na pakli ng kanyang Papa.
“This is CJ –”
“I knew him. Kaibigan siya ni Enrico hindi ba?”
Kagat-labi siyang tumango.
“Don Alejandro,” wika ni CJ bago tumikhim. “Boyfriend po ako ng anak ninyo,” walang pasakalyeng sabi nito.
Sandaling hindi nakakibo ang don. Pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila. Kapagkuwan ay inihinto ang mga mata kay CJ.
“Boyfriend ka ni Ruth?”
“Yes, Don Alejandro,” sagot ni CJ.
“Since when? At bakit hindi mo nililigawan ang anak ko dito sa pamamahay ko?” mariing tanong ng Don kay CJ.
“Magda-dalawang linggo pa lamang po kami ni Ruth na magnobyo. I am very sorry, Don Alejandro. We didn’t mean to keep it a secret.”
“Oo nga po, Papa,” singit niya sa mga ito. “Matagal na niyang gustong sabihin sa inyo ang tungkol sa amin, pero ako lamang po ang tumatanggi.”
“But why?” kunot-noong tanong ng kanyang Papa.
“I always caught you on a bad mood. Lagi kayong tulala. Inisip ko na may problema kayo at hindi ko nais makadagdag pa sa dinadala ninyo kung ano man iyon,” paliwanag niya.
Napabuntong-hininga si Don Alejandro.
“Ikaw lalaki,” anang kanyang Papa kay CJ. “Mahal mo ba ang anak ko?” tanong nito.
Tiningnan ng diretso ni CJ ang kanyang Papa at pagkatapos ay, “Hindi ko siya liligawan kung hindi,” sagot nito. Nilingon siya nito at marahang pinisil ang kanyang kamay.
“At mahal ko rin po siya, Papa,” aniya.
“Well, kung mahal ninyo ang isa’t-isa ay wala na akong magagawa pa. Bagaman hindi ko gusto na niligawan mo ang anak ko sa kalye,” sabi ng kanyang Papa kay CJ. “At ikaw naman Ruth,” baling nito sa kanya. “Hindi mo dapat ginawa ang magpaligaw sa kung saan-saan.”
“Sorry po, Papa,” aniya.
“We’re very sorry, Don Alejandro,” pahayag naman ni CJ.
“Ano nga pala ang kasal na naririnig ko kanina?” tanong ni Don Alejandro sa kanila.
Nagkatinginan silang dalawa ng nobyo.
“I have a plan of marrying your daughter, Don Alejandro,” sagot ni CJ.
Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang nobyo. Bagaman nasisiyahan siyang marinig iyon mula rito ay hindi naman niya inaasahan na sasabihin agad nito iyon sa kanyang Papa.
“Ngayon ko lang nalaman na nobya mo na ang anak ko, tapos ay heto ka at sasabihin mo sa akin na gusto mong pakasalan si Ruth,” manghang wika ng Don.
“I just wanted you to know how serious I am with your daughter,” CJ said.
“Si Ruth ang magdedesisyon ng tungkol sa bagay na iyan,” sabi ni Don Alejandro.
“Are you serious?” tanong ni Ruth sa nobyo.
“Very,” sagot nito.
“Pero, ilang linggo pa lamang tayong magnobyo at hindi pa natin ganoong kakilala ang isa’t-isa –”
“Hindi batayan ang tagal o iksi ng panahon na pinagsama ng tao para hindi sila magsama na habang-buhay,” anito.
“Do you really love me that much, at ayaw mo na akong pakawalan pa?” pabiro niyang tanong rito. Bilang sagot nito ay dinala nito sa mga labi ang kanyang kamay.
“Eherm,” pagtikhim ni Don Alejandro.
Sukat doon ay biglang binaba ni Ruth ang kanyang mga kamay. Pero hawak pa rin iyon ni CJ.
“Let’s have a dinner. Nagpahain na ako kay Amparo.” Anang Don na nagpatiuna nang maglakad patungong dining area.
Bago sila tumayo ay binigyan siya ni CJ ng isang mabilis na halik sa kanyang labi. She smiled. She was happy.
PAGKATAPOS ng hapunan sa bahay ng mga Clemente ay sandali pang tumigil roon si CJ. Nakipag-kuwentuhan pa siya kay Ruth. Si Don Alejandro ay nagpaalam sa kanila na may aasikasuhin ito. Makalipas ang ilang oras ay nagpaalam na rin siya sa nobya. Nakita niya sa magandang mukha nito na ayaw pa siya nitong pauwiin.
He was whistling while driving back to Rancho Guevarra. Sumasabay sa kanyang pagpito ang kanyang mga daliri na tina-tap ang steering wheel. He was damn so happy.
“Malapit na Don Rodrigo…malapit na,” he whispered.
Pagdating sa bahay ng kaibigan ay wala pa roon ang huli. He shrugged his shoulders bago nagtuloy siya sa bar. Gusto niyang uminom. Gusto niyang mag-celebrate…sa nalalapit na kanyang tagumpay.
Nakakailang shot na siya ng alak nang dumating si Enrico. Agad itong naupo sa stool na katabi niya.
“Mukhang masaya ka a,” nakangiting puna nito sa kanya. Kumuha ito ng baso at nagsalin ng alak.
“We already told Don Alejandro about our relationship,” he said.
“Kaya ka ba nagce-celebrate? Dahil sa wakas ay hindi na lihim ang relasyon ninyong dalawa ng pinsan ko?” tanong nito.
He looked at him. Nakangiting nakatingin din ito sa kanya.
“What? Tititigan mo na lamang ba ako?” nakangiting untag nito sa kanya.
“Yeah, that…nagce-celebrate ako dahil sa wakas ay hindi na lihim ang relasyon namin.” Eksaktong tinungga ni Enrico ang alak sa baso nito kung kaya hindi nito nakita ang pagtaas ng sulok ng kanyang mga labi. Kapagkuwan ay siya naman ang tumungga ng alak.
WALANG pagsidlan ng tuwa si Ruth. Mahigit isang buwan na ang relasyon nila ni CJ at tila ba lalo nilang naipamamalas ang pagmamahal nila sa isa’t-isa. CJ was very attentive with her. And he was a gentleman through and through. Ni hindi pa nangyayaring lumagpas sa paghalik nito sa kanyang mga labi ang ginagawa nito sa kanya. Minsan nga ay gusto niyang mahiya sa kanyang sarili dahil siya pa ang nag-iisip na sana’y humigit pa sa halik ang gawin sa kanya nito.
Dinala siya ni CJ sa restaurant kung saan siya unang dinala nito. Very special sa kanya ang restaurant na iyon. Doon niya nalaman na may pagtingin ito sa kanya.
“Flowers for you,” nakangiting sabi ni CJ kasabay ng pag-abot nito ng bugkos na mga bulaklak.
Napangiti siya. Sa tuwing nagpupunta sila doon nito ay hindi pa nangyayaring wala siyang bugkos na mga bulaklak na sadyang ipinaayos nito sa mga staff roon para sa kanya.
“Thank you,” nakangiting sambit niya. Ipinaghila siya nito ng silya.
Nang makaupo ito ay agad na lumapit ang waiter. Tulad ng dati ang kanilang ini-order. Maya-maya pa ay masarap at masaya nilang pinagsasaluhan ang mga pagkaing inorder nila.
“Gusto mo mag-swimming?” tanong nito sa kanya. Pabalik na sila ng rancho.
“Some other time, hindi ako nakapagsabi kay Papa. Isa pa, wala naman akong baon na damit pampaligo,” sagot niya.
“All right, next time,” kibit-balikat na sabi nito bago ipinagpatuloy ang pagmamaneho.
“Hindi ka ba muna papasok sa bahay?” tanong niya kay CJ nang huminto ang kotse nito sa tapat ng kanilang mansiyon.
Nakangiting tiningnan siya nito. “Hindi na. Birthday daw ng isang katiwala ni Enrico kaya niyaya akong uminom,” sagot nito.
“Si Kuya Enrico talaga, tuturuan ka pang maging lasenggero,” nakangusong sabi niya.
Hinawakan nito ang magkabilang-pisngi niya. Bago pinagdunggol ang tungki ng kanilang mga ilong.
“Minsan lang naman,” anito kapagkuwan.
“Okay, ingat ka ha. Text me when you reached home,” aniya na binuksan ang pinto ng kotse.
“Bye,” anito.
“Bye,” aniya nang tuluyang makababa sa sasakyan. “I love you,” dagdag niya pa.
Napansin niyang natigilan ito.
“Hey, may problema ba?” untag niya rito.
Nakangiti itong umiling bago, “I love you too.”
She smiled.
Hinintay niya munang mawala sa kanyang paningin ang kotse nito bago siya pumasok ng gate.
ALAS-TRES pa naman ng hapon. Alas-singkpo ang usapan nila ni Enrico na pupunta sa bahay ng tauhan nito na may kaarawan. Bago siya makalabas ng Rancho Clemente ay may isang maliit na kalye siyang madadaanan. Sa halip na lumabas siya ay kinabig niya ang manibela sa kalyeng iyon.
Mula nang bumalik siya ng Buenavista ay noon lamang uli siya nagawi sa lugar na iyon. Sinuyod ng mga mata niya ang nadadaanan niya. Halos pa rin ipinagbago ang lugar na iyon. Parang hindi siya umalis sa lugar na iyon, labing-dalawang taon na ang nakakaraan. Maliban na lamang na kung dati ay puros may mga may tanim na palay. Ngayon ay bakante ang mga lupa. Kung may mga tanim man ay mangilan-ngilan lamang.
Nang matapat siya sa isang kubo ay inihinto niya ang sasakyan. Isang buntong-hininga muna ang pinakawalan niya bago siya bumaba ng kotse. Puros damo na ang harapan ng kubo nila. Maging ang kubo rin ni Linda.
Mapait siyang napangiti. Sa harap ng kubo na iyon siya naglalaro ng kotse-kotsehan na ginawa lamang ng kanyang itay sa pamamagitan ng lata. Sa kubo na iyon masaya silang namuhay ng kanyang inay na si Elizabeth at itay niyang si Antonio. Hindi niya napigilan ang pagsungaw ng kanyang mga luha. Larawan sila ng isang masayang pamilya. Kahit na payak lamang ang kanilang pamumuhay ay marangal naman na itinataguyod siya ng kanyang mga magulang. Trabahador si Antonio sa Rancho Clemente. Masikap at masipag ito. Ang kanyang inay naman ay magaling sa mga gawaing bahay. Ito ang lahat na nagpe-prepara sa mga pangangailan nilang mag-ama. Pero ang masaya nilang pamumuhay ay sinira ng isang makasariling tao – sinira ni Don Rodrigo Alejandro Clemente!
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Parang tape na nag-rewind sa isip niya ang pangyayaring naging huling pagkikita niya sa kanyang ina.
“Linda…” mula sa labas ay mahinang tawag ni Elizabeth. Muli nitong hinabilin si Carlo sa bahay ni Linda.
“Anong nangyari?” May pag-aalalang tanong ni Linda nang buksan nito ang pinto.
“Si Carlo?” sa halip ay pakli ni Elizabeth. Mabilis nitong isinara ang pinto.
“N-nasa itaas, nanonood ng telebisyon.”
“Diyos ko Linda,”nahahapong naupo si Elizabeth sa upuang kawayan. Nahilamos nito ang mga kamay sa mukha.
“Anong nangyari sa pag-uusap ninyo ni Don Rodrigo?”
“Kailangan kong makaalis ngayon din…aalis kami ni Carlo,” kababakasan ng takot ang boses ni Elizabeth.
“Aba’y bakit naman? Ano bang nangyari?” naguguluhang tanong ni Linda.
“Pakitulungan mo akong ayusin si Carlo. Aayusin ko naman ang mga gamit na dadalhin naming mag-ina,” pakiusap ni Elizabeth.
Naguguluhan man ay tumango si Linda. Sa nakikita nitong anyo kay Elizabeth ay natitiyak nitong may nangyaring hindi maganda.
Eksaktong hahawakan na ni Elizabeth ang pinto nang biglang mapaurong ito nang marinig ang pagkatok.
“Tao po!” tawag ng boses ng lalaki buhat sa labas.
“Diyos ko po!” mangiyak-ngiyak si Elizabeth.
“Buksan mo ang pinto,” utos ni Linda.
“Huwag!” mahinang awat ni Elizabeth.
“Sino ba –”
“Huhulihin nila ako,” hindi mapigilang sabi ni Elizabeth.
“Inay,” ani Carlo na kanina pa nakikinig sa usapan ng dalawa. Agad na nilapitan ni Elizabeth si Carlo.
“Carlo anak,” umiiyak na niyakap nito ang anak.
“Anong nangyayari inay? Si itay, makakalaya na ba siya?” tanong ni Carlo.
“Diyos ko!” usal ni Elizabeth. “Linda,” baling nito sa kaibigan. “Ikaw na ang bahala sa anak ko,” pakli nito na mahigpit na niyakap ang bata. “Kung anu’t-ano man ang mangyayari sa akin ay ikaw na ang bahala sa kanya.”
“Ano bang pinagsasabi mo?” naguguluhang tanong ni Linda kay Elizabeth na patuloy ang impit na pag-iyak.
“Inay,” umiiyak na rin si Carlo.
Lumapit si Linda sa mag-ina. Hinagod nito ang likod ni Carlo.
“Ano ba talaga ang nangyari? Nagkausap ba kayo ni Don Rodrigo? Bakit ka nagkakaganyan? Kilala mo ba kung sino ang kumakatok?” sunod-sunod na tanong ni Linda.
“Mangako ka Linda na kahit anong mangyari hindi mo pababayaan si Carlo.”
“Hindi ko maintindihan ang sinasa –”
“Alam ng Diyos na hindi ko sinasadya,” panaghoy ni Elizabeth. Si Carlo ay mahinang umiiyak sa nakikitang anyo ng ina.
“Ano ang hindi mo sinasadya?”
“Nasaktan ko siya!”
Next to: Thin Line Between Love and Hate (Chapter 9)
[/mycred_sell_this]
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Can’t open. It doesn’t proceed to the next chapter