Too Late (Chapter 11)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“CUT the ribbon, Baby,” bulong ng ina ni Dorothy at iniabot sa kanya ang gunting.

Ngayon ang opening nang binuksan niyang restaurant dito sa Pilipinas. At siya mismo ang magluluto ng mga magiging pangunahing pagkain dito.Nagpalakpakan ang mga tao matapos niyang gupitin ang ribbon. Nagsimula na ang kasiyahan. Madami ang pumunta sa opening ng kanyang resto. Ang mga dati niyang kaklase, mga kaibigan ng mga magulang niya at ang mga kaibigan ni Nathan.

“Flowers for you, beautiful.”

Napangiti si Dorothy nang abutan siya ng bulaklak ni Paulo.

“Thanks, Pau,” at inamoy niya ang bulaklak.

“You’re always welcome.” Humalik pa ang binata sa kanyang pisngi.

“Kumain ka na ro’n. Tingnan mo sina Kuya Nathan, nakakarami na,” turo niya sa grupo ng kanyang pinsan na maganang kumakain.

“Ikaw ba, kumain na?” tanong pa ni Paulo.

“Diet ako,” kunwari ay sabi naman niya.

“What? Ang payat mo na kaya,” komento ni Paulo.

“Joke.” Oo, pumayat na siya ngayon. Minabuti niyang ibahin ang lifestyle at maging healthy. Kapag natatapos ang kanyang klase ay nag-eehersisyo siya at sinisiguradong ang mga kinakain ay bawas na.

“Sorry pala at hindi ako nakapunta no’ng graduation mo. Hindi ako pinayagan ng manager,” sabi ni Paulo matapos lagyan ng isang hiwa ng cake ang kanyang pinggan.

“Okay lang,  ano kaba? Importante naman din `yong laro mo,” nakangiting ani Dorothy.

“Hi,Dorothy,” bati ng babaeng hindi niya matandaan ang pangalan.

Nahihiyang ngumiti naman siya.Nang makaalis sa harap niya ang dalaga ay pasimpleng nagtanong siya kay Paulo.

“Pau, sino nga iyon?”

“Ano kaba? Si Jhana `yon, girlfriend ni Gabriel. Parang magdadalawang taon ka lang nawala nalimutan mo agad. Siya pa nga nag-design nitong resto mo,” natatawang sagot nito sa kanya. Napailing naman siya, ang restaurant na ito kasi ay regalo lang ng kanyang mga magulang matapos niyang makapagtapos bilang isang chef.

Masaya ang lahat sa opening ng kanyang restaurant pero sa kabilang kalsada ay may isang sasakyan ang nakaparada at sa loob noon ay nagmamasid ang isang lalaki.

“Masaya na siya. Kinalimutan na talaga niya `ko.”Malakas na hinampas pa nito ang manibela bago pinaharurot palayo ang sasakyan.

Napalingon si Dorothy sa dilaw na sasakyan. Hinding hindi niya makakalimutan kung sino ang nag mamay-ari niyon. Sandaling bumilis ang tibok ng kanyang puso at nakaramdam ng lungkot.

“So ano’ng plano mo after this, Thy?” tanong ng kanyang pinsan matapos nilang magsikain at ngayon ay umiinom na lang ng alak at nagkwentuhan kasama ang ilan pang kakilala.

“Siguro kapag naging successful ito, mag-o-open ako ng isa pang branch,”sagot naman niya.

“Eh,ang plano mong sagutin ako, kailan kaya?” pasimpleng singit ni Paulo.

Naghiyawan ang mga nasa lamesa.Si Dorothy naman ay namula ang mukha sa hiya.

“Hoy, Paulo, tigilan mo nga iyang pasimpleng da moves mo,” sita naman ni Nathan dito na natatawa pa.

“Bakit nagtatanong lang naman, ah,” malawak ang ngiti ng binata.

Isang taon na halos siyang sinusuyo ng binata. Madalas itong tumawag sa kanya at magpadala ng kung ano-ano kahit na ba nasa UK siya at nasa Pilipinas ito.Masayang kasama ang binata, nakalimutan niya ang ilang malulungkot na alaala ng kanyang nakaraan. Kung tatanungin siya kung nasaan na ba ito sa kanyang puso ay masasabi niyang malapit na itong makapasok.

Kung kinaya ng kanyang dating nobyo ang makalimot nang ganoon kadali, bakit hindi siya? Kailangan niya ring maging masaya. Sino ba ang unang tumalikod sa kanila ni Greg? Oo siya nga pero sa isang bahagi ng kanyang utak ay umaasa siyang susunod ito ng UK at gagawa ng paraan upang magkaayos sila. Pero ano’ng ginawa nito? Lagi na lang siyang binabale-wala kaya panahon na upang siya naman ay sumaya.

“Lets go outside,” bulong niya kay Paulo na pinaglalaruan ang baso na may lamang alak.

“Sure.” At nagpaalam sila saglit sa mga kasamahan upang pumnta sa likod na bahagi ng restaurant kung saan maaliwalas at may mga halaman at upuan.

“Pau—” Naputol ang sasabihin niya rito nang bigla itong humarap sa kanya at niyakap siya nang mahigpit.

“Dorothy, mahal kita. Huwag kang mag-alala, handa pa rin akong maghintay kung kailan ako makakapasok sa puso mo.”

Natigilan siya at hindi malaman ang isasagot.

“Pau, alam mo ang nakaraan ko. Alam mo ang pinagdaanan ko at nagpapasalamat ako kasi you’re always there for me.” Tinugon niya rin ang yakap nito.

“Bubuo tayo ng mga bagong masasayang alaala kung pagbibigyan mo `ko,” sabi pa nito bago inalis ang pagkakayakap sa kanya at hinawakan ang kanyang dalawang kamay.

“Yes, Pau, sinasagot na kita,” nakangiting sabi niya rito.

“Really? Oh, thanks, Thy! I love you!” Sa sobrang saya ng binata ay hinalikan siya sa labi.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Too Late (Chapter 11)

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.