“Treat or kiss??” sabi ng cashier boy sa kanyang kasintahan na cashier din sa isang convenient store kung saan ako nakatambay nang gabing iyon.
Tatlong araw noon bago mag-undas kaya uso na naman ang treat or tricks. Ako na ang walang pakialam sa halloween dahil hate ko ang multo.
“Yuck!” sambit naman ng babae sabay pinandilatan ng mata ang kanyang jowa.
Alam kong mag syota sila dahil chismoso kasi ako. Joke lang, matagal na kasi akong tumatambay sa strore na iyon. Kilala na rin ako ng mga staff doon kaya nga kahit sarado iyon ay pinapapasok pa rin nila ako dahil alam nilang hindi na naman ako makatulog.
May sleeping disorder kasi ako at ghost phobia. Hindi ako makatulog sa gabi dahil pakiramdam ko kapag natulog ako ay hihilain ng multo ang mga paa ko pababa sa may higaan. Funny pero totoo, takot ako sa multo. Nakakahiya man dahil sixteen years old na ako at lalaki pa pero takot pa rin sa multo. Nagka-phobia kasi ako sa multo noong minsang mawala ako sa sementeryo at habulin ako ng kabaong. Eight years old pa ako noon at talagang hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Simula noon wala na akong matinong tulog dahil lagi kong napapaniginipan na may multo sa loob ng kwarto ko.
“Pa-kiss na kasi,” Pagpapatuloy ng harutan ng mag-syota. Sakit tuloy sa eyes, ako na kasi ang walang jowa at never pa nagka-girlfriend.
Hindi naman sa hindi ako gwapo, hindi sa pagmamayabang marami kayang nagko-confess sa akin sa school. Sadyang wala akong magustuhan sa mga babae sa school namin. Ang a-arte kasi nila. Ayaw ko ng babaeng maarte, gusto ko iyong simple lang, kahit hindi masyadong maganda atleast makakasundo ko.
“Parang katulad niya simple lang pero cute,” Biglang nabuong salita sa isip ko nang tumambad sa entrance door ng store ang isang babaeng may mahaba at itim na itim ang buhok. Naka bestida ito ng kulay puti. Maiksi lang ang kanyang dress, kita ang tuhod niya at binti. Maputi siya at makinis. Magkasing puti ang mukha niya pati ang mga kamay niya at binti. Oo, kita ko ang mukha niya dahil wala siyang suot na face mask.
“Parang sabog din, anong tingin niya sa sarili niya, android na hindi tatablan ng covid?” Napahalakhak ako sa sarili ko. Pero cute talaga siya lalo na nang tumingin ito sa akin at ngumiti.
“Diyos ko Lord, ang cute niya parang mga babae sa k-drama.” Kausap ko pa rin ang sarili ko.
Umupo ito sa may malapit sa akin at ngumiti ulit.
“Shit! Ang cute talaga niya,” Ngumiti ako pabalik sa kanya. Ang cute ng lips nito maliit ito at kulay pink, pati ang mata nito maliit at itim na itim ang kulay ng mata. Maliit din ang ilong nito at mukha.
“Hi,” bati nito sa akin.
“Hello,” bati ko pabalik kahit natatawa ako dahil parang ang feeling close naman nito sa akin.
“Nakikita mo ba ako?” tanong nito sa akin. Tuwang-tuwa ang hitsura nito.
“Oo naman,” tipid kong sagot.
“Ngayon mo lang ako nakita, o dati pa?” tanong nitong muli.
“Ngayon lang, bakit dati ka ba rito?” sagot ko.
“Oo, lagi akong pumupunta rito ng ganitong oras at tumatabi sa ‘yo,” Sabay ngiti nito.
“Eh? sigurado ka?” pagtataka kong sagot. “Ngayon lang talaga kita nakita rito.”
“Hindi mo talaga ako makikita dahil multo na lang ako,” saad nito habang nakangiti sa akin ang mga mata nito.
Napa-face palm ako. “Diyos ko, abnormal ka ba o naka-shabu? Paano naman magiging multo ang cute na katulad mo?”
“Cute na multo,” May tune ang boses nito at kumukurap-kurap pa ang mata nito.
NAPAHALAKHAK AKO NG MALAKAS
“Kung ikaw ang nakikita kong multo sa loob ng kwarto ko kahit gabi-gabi mo akong bisitahin,” saad ko rito.
“Eh, di bibistahin kita gabi-gabi,” Sabay ngiti nito.
“Oo ba, para naman hindi na ako napupuyat sa takot,” seryoso kong sagot. Totoo naman kasi na kung kasing cute niya ang multo sa kwarto ko hindi na ako matatakot.
“Kiss na kasi,” biglang sambit ng cashier boy sa girlfriend niya.
Sabay kaming napalingon ng cute na multo.
“Anong ginagawa nila?” tanong nito.
“Naglalandian,” sagot ko.
“Ha?” Sabay halakhak niya ng malakas. Pati halakhak niya cute rin.
“Joke lang miss, naglalaro sila ng ‘treat or kiss’,” saad ko rito.
“Treat or kiss? Paano ‘yon?” Natatawa-tawa pa ito.
“Parang treat or trick lang pero kiss ang trick,” sagot ko. “Gusto mo laruin natin?”
“Game,” excited niyang sabi.
“Sige treat mo ako ng chocolates,” kaagad kong sambit.
“Paano ‘yan wala akong pera? multo lang kaya ako,” Nag-puffy eyes pa siya.
“Wala kang pera? Edi kiss,” Sabay halakhak ko ng malakas.
“Ang daya, ayaw ko nga, iba na lang,” Pagpapa-cute pa niya.
“Mas madaya kang multo ka, sige ano na lang pangalan mo?” Bigla akong nagka-interest sa kanya kahit para siyang baliw.
“Yashy,” saad niya
“Yashy ang pangalan mo? tanong ko. Tumango siya.
“Ang cute naman ng pangalan mo Yashy,” Ngumiti ito sa akin.
“Syempre cute ako,” tugon nito sabay smile sa akin with peace sign na akala mo naman ay kukunan ko ng picture.
“Diyos ko, mahangin Yashy,” Napakamot-ulo ako.
“Ako naman, treat mo ako ng chocolates,” masayang tugon nito na parang batang excited sa chocolates.
“Kiss na lang, wala akong pera, eh,” Napahalakhak ako.
“Ang daya mo naman, manyakis na ‘to,” padabog nitong sagot.
NAPAHALAKHAK KAMING PAREHO
“Anong magagawa ko wala akong pera?” Face falm pa ulit ako.
“Sige na nga, ipikit mo ang mata mo,” sambit nito sabay ipinikit ko rin ang mata ko.
Habang nakapikit ako, naramdaman ko ang isang malamig na hangin na papalapit sa aking mukha. Isang malamig na labi ang dumampi sa aking labi. Para akong naging estatwang bato sa sobrang lamig. Nanginig ako. Wala pang isang minuto ‘yon pero para akong sisipunin dahil sa sobrang lamig.
Kasabay ng pagdilat ng aking mga mata ay siya naman pagkawala ng malamig na hangin na ‘iyon at ang paglalaho ni Yashy, ang cute na multo.
Bagama’t nagtataka at kinikilabutan ay natuwa naman ako sa nangyari. “Totoo nga kayang multo iyon o guniguni ko lang?” tanong ko sa aking sarili. Pag-uwi ko sa bahay ay nakatulog ako ng mahimbing. Napaniginipan ko si Yashy na binabantayan daw niya ako sa aking pagtulog. Nakangiti sa akin ang cute nitong mga mata.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Ang cute ng story. HAHAHA