KINAGABIHAN ay kabadong-kabado si Sharina. Unang gabing kailangan niyang makaharap si Matteo. Pinagplanuhan na nila ni Mikaela ang mga gagawin niya pero kung bakit parang hindi niya pa rin alam kung saan magsisimula.
Nang marinig niya ang tunog ng kotse ay agad siyang sumilip sa bintana at tama ang kutob niyang si Matteo nga iyon. Ayon kay Mik-mik ay umalis ang kapatid at nagsabi sa mga magulang na gagabihin na ng uwi.
Ilang saglit pa ay narinig na niya ang pagbukas ng pinto sa katapat na silid. Huminga siya nang malalim habang ang mga mata ay mariing nakapikit. Lalabas na sana siya nang muli niyang marinig na nagbukas ang pinto sa labas. Biglang sumikdo ang dibdib niya. Baka nagpunta ng kusina si Matteo!
Dahan-dahan niyang nilapitan ang pinto ng silid at maingat na binuksan iyon. Walang tao sa labas. Binaybay niya ang mahabang pasilyo pero sa halip na bumaba sa hagdang nadaanan ay dumiretso siya sa gawi ng verandah. Dama niya sa balat ang bahagyang lamig ng hangin kaya naisip niyang doon nagtuloy ang lalaki. At hindi nga siya nagkamali dahil mula sa kinaroroonan ay dinig niya ang pagsasalita nito. He was talking to someone.
Huminto siya sa paglalakad at nagkubli sa mismong entrada ng verandah. Sinilip niya mula sa siwang ng manipis na kurtina ang lalaki at naaninag niyang nasa mismong railing ito. Sa cellphone pala ito nakikipag-usap.
Nagdalawang-isip siya kung lalabas siya at magpapakita rito. Ano naman ang sasabihin niya? Ano ang idadahilan niya kung bakit siya naroon? Kasalukuyang nagtatalo ang isip niya nang maulinigan niya ang sinasabi ni Matteo. Natigilan siya sa narinig.
“Nakausap ko na ang pari kaya huwag ka nang mabahala, okay. Yes, okay na. Everything is settled so you don’t need to worry.”
‘Pari? Para saan ang pari?’
“Hindi ba sinabi ko naman sa’yo na ako ang bahala. You know what, hindi mo kailangang mataranta, okay. I’d love to do everything on my own. Isa pa’y ako naman ang may gusto nito kaya ako na lang ang mag-aasikaso ng lahat.”
‘He’s talking to Carmen!’
“Go to sleep now and leave everything to me…No, you don’t need to come over. Just take a rest and regards to everyone there. Gonna talk to you tomorrow. Goodnight.”
Nanigas ang likod ni Sharina at pakiramdam niya’y nanghina ang kanyang mga tuhod. Malinaw ang mga narinig niya. Kausap ni Matteo ang nobya nitong si Carmen at pinag-uusapan ng dalawa ang tungkol sa kasal ng mga ito.
Dama niya ang pinong kurot sa dibdib sanhi ng narinig. Pakiramdam niya’y literal na hinahati sa maraming piraso ang puso niya. Itutuloy pa ba niya ang plano nila ni Mikaela kung ganitong planado na pala ang lahat para kay Matteo? Sa tingin niya ay wala nang makapipigil pa sa desisyon nitong pakasalan ang nobya kung ang pagbabasehan ay ang kombiksiyon sa boses nito.
“Sharina? What are you doing there?”
Gulat siyang napatingala sa kaharap. Dahil sa mga iniisip ay hindi niya napansing naroon na pala sa tabi niya ang lalaki.
“Ah…ano kasi…” pautal niyang sabi sanhi ng pagkabigla sa pagsulpot ni Matteo sa kanyang harapan.
“Madilim dito. Pupunta ka ba sa verandah?”
“O-oo sana…pero hindi na. Huwag na lang pala. P-papatulog na rin ako eh.” Tumalikod na siya pero mabilis siyang pinigil ni Matteo sa braso.
“Wait…matutulog ka na ba? Do you want to talk or—”
“No, I’m fine! Thanks for asking but I need to go now. Goodnight.” At may pagmamadali niya itong tinalikuran. Daig pa niya ang hinahabol ng kabayo sa pagmamadaling makabalik sa kanyang silid.
KINABUKASAN ay maagang gumising at naligo si Sharina. Pagbaba ng komedor ay nagisnan niyang si Mikaela habang kausap nito ang ina na naghahanda ng ibabaon nito. May picnic raw ito sa tabing-ilog kasama ng mga dating kaklase. Nang itanong ng mama nito kung bakit hindi siya kasama ay maagap si Mik-mik sa pagsasabing ayaw niya at napagkasunduan nilang sa pamimili na sa palengke siya sasama. Bagaman nagtataka ay hindi na nagkomento ang mama nito.
Hustong kalalabas lang ng bahay ni Mikaela nang makita niya si Matteo na pababa ng hagdan. Bagong paligo ito. Nakasuot ng puting polo shirt na may stripes na dark at light blue. Itim na fitted jeans ang pang-ibaba nito at sa paa naman ay leather sandals. Nalanghap niya ang mabangong amoy nito nang makalapit ito sa kanila.
“Where’s Mikaela, ‘Ma?” tanong nito sabay halik sa pisngi ni Marina. Ang isang kamay nito ay nakaakbay sa balikat ng ina.
“Aba’y kaaalis lang. Ang akala ko’y nagkausap na kayong tatlo,” anito na nakatingin sa kanya. Bigla siyang nalito, hindi alam ang isasagot sa mga ito.
“Akala ko ba’y mamimili kami ngayon sa bayan? Ipapasyal daw tuloy si Sharina.”
“E ‘yun nga din ang alam ko pero nagmamadaling umalis eh. Si Sharina na lang daw ang sasama sa’yo.”
Agad niyang naunawaan ang mga nangyayari. Pinlano ng pilyang si Mik-mik ang lahat ng iyon para mapagsolo sila ng kuya nito. Wala siyang masabi sa determinasyon ng kaibigan na magawa ang plano nila. Siya pa ba ang susuko?
“Ah, opo nga. Importante daw kasi ‘yung lakad niya, Ti—Mama, at hindi naman niya ako maisama dahil mas gusto kong…mas gusto ko po sanang magpunta sa bayan kaya—”
“Walang problema, hija. Pasensiya ka na kay Mikay kung ipinagtiwala ka na sa kapatid niya. Mapagkakatiwalaan naman itong aking anak.”
“Alam ko naman po iyon,” nakangiti naman niyang tugon. Hindi niya magawang sulyapan si Matteo sa takot na may mabasang disgusto sa reaksiyon nito. Napaigtad pa siya nang magsalita ito. “Ha?”
“Ang sabi ko, ready ka na ba? Can we go now?”
Napakurap siya habang nakatitig rito. Wala sa loob na napatango. Namalayan na lang niyang hawak na siya ni Matteo sa braso at iginigiyang palabas ng kabahayan.
Pakiwari ni Sharina ay nakaangat sa lupa ang kanyang mga paa habang nakaalalay sa kanya si Matteo. The feeling was indescribable. Hindi niya talaga magawang ipaliwanag kahit sa sarili.
Lumulan sila sa kotse nito at ilang saglit pa ay tinatahak na ang daan patungo sa pamilihan ng San Isidro.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




