Whatever It Takes to Love You (Chapter 7)

Bookmark (0)
Please login to bookmark Close

My BookmarksShare

  • No bookmark found

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

WALA nang nagawa si Sharina kundi ang magpatianod na lang sa daloy ng mga pangyayari. Hindi na niya magawang umatras dahil ilang araw na lang ang nalalabi para sa ibinigay na ‘chance’ ni Mrs. Canonoy.

Nang hapong iyon ay pinag-usapan nilang tatlo kung paanong isasagawa ang social experiment. May kilala raw si Vince na maaaring tumulong sa kanila pagdating sa pagbi-video hanggang editing. Sa pagitan ng pagpaplano ay sumisimple ng pagpaparamdam si Vince sa kanya na hindi niya alam kung ikaiinis o ikatutuwa niya.

Bagong salta siya noon sa unibersidad nang una niyang makilala si Vince. Varsity player ito ng basketball team ng Architecture habang siya naman ay kasali sa cheergroup ng Accounting. Doon sila unang nagkakilala nito. Dalawang buwan lang siya nitong niligawan at agad na niya itong sinagot.

Dahil cute at very charming si Vince, maraming mga babaeng umaaligid dito pero sa simula ay hindi nito pinapansin ang mga iyon. Mahigit isang taon na silang magkarelasyon nang magsimulang magloko si Vince. Sa umpisa ay nahuli lang itong may ka-text pero nang lumaon ay nababalitaan na niyang may idini-date itong kung sino-sinong babae. Hanggang isang araw, siya mismo ang nakahuli rito habang kahawak-kamay ang isang estudyanteng natatandaan niyang taga-Engineering Department.

Dahil huli na ay umamin naman si Vince pero siya pa rin ang itinuro nitong dahilan kung bakit nahumaling ito sa iba. Sobrang busy raw kasi ng schedule niya at wala siyang panahon dito—na kung tutuusin ay posible ngang totoo. Gayonman, para sa kanya ay walang sapat na dahilan para sa pambababae. Mabilis siyang nakipag-break rito kahit mahal na mahal niya ito noon, maisalba lang ang pride at reputasyong iniingatan niya.

Sa kabila ng lahat ay patuloy pa rin siyang kinukulit ni Vince pero hindi na siya nagpauto rito. Sinukuan na niyang matagal na ang ilang ulit nitong panloloko sa kanya.

“Okay na lahat. Pati bus driver, may kilala rin ‘yung tropa ko.”

Napatingin si Sharina sa nagsalitang si Vince. Nakangiti ito habang titig na titig sa kanya.

“Thank, goodness! Mabuti na lang at naisipan kitang lapitan, Vince,” anang tuwang-tuwang si Mikaela.

“Oo nga, at salamat din sa’yo. So paano, bukas na lang?” anito kay Mikaela bago bumaling sa kanya. “Puwede ba tayong lumabas tonight para inspirado naman ako nang kaunti, Babe?”

Sinikap niyang ngitian ang lalaki. “Saka na lang, Vince. Mas importante itong problema ni Mik. Oras na matapos ito, saka natin ‘yan pag-usapan, okay.”

Pumayag naman ito matapos magkibit ng balikat. Ilang sandali pa ay naghiwa-hiwalay na sila.

PRENTENG nakaupo sa kanang bahagi ng bus ang magkaibigang Sharina at Mikaela habang sa kaliwang bahagi naman ay naroon si Vince. Sa upuang nasa harap at likuran nito ay naroon ang dalawang taong siyang nagko-cover ng experiment. Dahil kilala ng kasamang kaibigan ni Vince ang bus driver ay hindi sila tini-ticket-an ng konduktor na kasama nito.

“Vince, ang bagal mo naman,” bulong ni Mik nang ang pangatlong babaeng nakatabi ni Vince ay makababa nang wala itong ginawa.

“Teka naman, ang hirap kaya,” ganting bulong nito na tila nag-iisip. Napatingin ito sa paparating na babaeng naka-mini skirt at saka ito sumulyap sa kanila. “Babe, walang selosan ha,” pahabol nitong bulong bago tumayo at tumabi sa babaeng naupo sa unahan nito.

Ilang sandali pa ay nagsimula nang ‘magtrabaho’ si Vince. Nagkunwa itong natutulog at saka sumandig sa magandang babae. Mayamaya pa ay narinig niyang nagagalit na ang babaeng iyon kay Vince. Nang bumaba ito ay nag-iwan pa ito ng masamang tingin sa lalaki.

Pagbaba ng babae ay sumulyap si Vince sa kanila, nakangiti nang alanganin. Itinaas naman ni Mikaela ang kamay at nag-thumbs up dito sabay senyas ng ‘one down.’ Siya naman ay natatawa sa nangyayari. Hindi niya mapigil ang mapabungisngis nang makitang tila umuusok ang ilong ng babaeng iyon sa galit kay Vince. Makailang beses kasi nitong inalis ang ulo ni Vince pero inulit-ulit ng lalaki ang ginagawa na tiyak na ikinapikon nito.

Isa pang babae ang pumanhik at naupo sa mismong tabi ni Vince. Nang magsimula itong magtulug-tulugan at ulitin ang ginawa kanina ay napatawa na naman ang dalawang magkaibigan. Impit lang iyon dahil ayaw naman nilang masira ang konsentrasyon ni Vince sa ginagawa. Nang bumaba ang babae at lumingon ito ay naunahan nito ng pagsenyas si Mik ng thumbs up, kasunod ay ang tila peace sign nito na ang ibig sabihin ay number two.

“Teka naman, Mik, baka puwedeng pahingi muna ng pampabuwenas diyan. Pagod na ‘ko eh,” ani Vince nang muling lumingon sa kanila. Nakuha naman iyon ni Mikaela at agad na tumayo pero pinigilan niya ito at pinanlakihan ng mga mata. Gumanti lang ito ng panlalaki ng mga mata sabay bulong sa kanya. Dahil doon ay wala siyang nagawa. Tumabi na nga sa kanya si Vince at ang isang braso nito ay iniakbay pa nito sa kanya.

Sa simula ay naiinis si Sharina pero dahil kuwento nang kuwento si Vince, lumaon ay nawala na sa loob niya ang ginagawa nito. Sa mga sumunod na sandali ay tawa na lang siya nang tawa habang nag-iingay si Vince at ang dalawang kasama nitong nasa tabi naman ni Mikaela.

“Mikaela!” anang isang malakas na tinig sa gitna ng mainit na situwasyon ng bus na kinalululanan nila.

Tila iisang taong luminga ang lahat ng sakay na naroon at napatingin sa isang mataas na lalaking papalapit sa kanila—walang iba kundi si…

“Kuya Matt!” bulalas ni Mik-mik sabay tayo.

Si Sharina naman, dahil sa pagkabigla ay tila tuod sa pagkakaupo habang nakatanaw lang sa bagong dating.

Mabibigat ang mga hakbang ng papalapit na lalaki. At nang makalapit sa kapatid nito ay agad nitong hinaklit ang braso ni Mik bago tinapunan ng masamang tingin ang dalawang lalaking kasama ni Vince. Akmang tatalikod na ito nang mapasulyap sa kanya. Kumunot nang maigi ang noo nito at nagsalubong ang mga kilay. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at kay Vince. Noon lang niya napansing halos nakaangkala pala sa braso niya ang isang braso ni Vince. Bakit hindi niya iyon namalayan? Tila napapasong inilayo niya ang braso rito.

Nabigla siya nang sa isang iglap ay naroon na sa harap niya si Matteo at hinaklit ang kanyang braso. Akmang aalma si Vince pero inunahan na ito ni Matteo.

“Huwag kang pumalag, Boy, kung ayaw mong dalhin kita sa presinto.”

Nanlaki ang mga mata niya pagkarinig sa sinabi ng lalaki. Nang makatayo siya ay mabilis siya nitong binulungan sa tainga. “Talagang ginagalit mo ‘ko, Sharina. We’ll see this time…”

Tila may kung anong humagod na kilabot sa batok niya sa sinabing iyon ng lalaki.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Whatever It Takes to Love You (Chapter 7)

No time to Collect Free Denaro Coins?

Click Here

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Need Help?