“PUMAPAYAG na ako!” biglang sabi ni Myra kay Milandro habang nakaupo siya sa kama.
“Papayag? Saan?” Nagtataka si Milandro. Wala siyang maisip kung ano man ang tinutukoy ni Myra sa kanya.
“Na magsilbi sa iyo habang buhay bilang asawa mo,” dugtong na sabi ni Myra. Biglang tumayo si Milandro mula sa pagkakaupo niya sa kama. Tinitigan niya si Myra.
Maaliwalas ang mukha ng dalaga. Nakangiti ang mga labi niya, na kahit walang lipstick ang mga ito ay kulay pulang rosas. Tumibok ang puso ni Milandro. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Dahil hindi biro ang gustong mangyari ni Myra.
Paano kung ang puso ni Milandro ay tumibok para sa ibang babae at hindi kay Myra? Napakurap si Milandro. Magsasalita na sana siya nang may kumatok sa pinto. Huminga siya ng malalim. Naglakad siya papunta sa pinto. Pero bago niya buksan ito, nilingon niya si Myra.
“Let’s talk later,” simpleng sagot niya, para hindi na rin mag-isip si Myra. Binuksan ni Milandro ang pinto at tumambad sa kanya ang dalawa niyang tauhan.
“Magandang gabi, Sir Milan!” bati sa kanya nina Robert at Cleo.
“Hindi ko inaasahan na mapapabilis ang inyong pagdating. Dala niyo na ba ang tseke na pinagawa ko sa inyo?”
“Opo, Sir Milan.” “Hintayin niyo na lang ako sa ibaba. Mag-uusap tayo sa labas. Magpapalit lang ako ng damit.” Utos ni Milandro sa kanyang mga tauhan. Ngunit, hindi namalayan ni Milandro na nasa likuran niya si Myra.
“Sino sila?” Napatalon si Milandro sa gulat.
“Ano ba, Myra! Papatayin mo talaga ako sa gulat,” gulat na sabi ni Milandro. Pinagmasdan siya nina Robert at Cleo mula ulo hanggang paa.
“Naku, Sir Milan. Kaya naman pala seryoso ka sa pagliligtas sa kanya, ang ganda-ganda niya,” nakangiting sabi ni Robert. Nginitian siya ni Myra na parang nagpapa-cute.
“Hi!” bati ni Cleo.
“Kamusta!” sagot ni Myra. Tapos inayos niya yung buhok niya sa likod ng tenga niya. Lalong nabigla si Milandro.
“Ang sabi ko, bumaba na kayo. Doon ninyo ako hintayin?” Pinagtabuyan ni Milandro sina Robert at Cleo. Tinawanan lang ng dalawa si Milandro. At saka mabilis na sinara ni Milandro ang pinto.
“Huwag kang makipagbiruan sa mga tauhan ko kung gusto mong manatiling asawa ko habang buhay,” supladong sabi ni Milandro kay Myra. Tawa nang tawa ang dalaga. Napatakip pa siya ng bibig habang tumatawa.
“”Bakit ka tumatawa? Diba sabi mo, handa kang pagsilbihan ako habang buhay bilang asawa ko. Kung ganun, sundin mo lahat ng utos ko. Huwag mong gawin ang mga bagay na ayaw ko. At saka-”
“Totoong asawa ba ito?” Pinigilan ni Myra si Milandro sa pagsasalita. Muling bumuka ang bibig ni Milandro. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
“Mukhang magiging asawa mo na talaga ako. Kung ganoon, huwag mo rin gawin ang ayaw ko!” Tumawa nang malakas si Myra.
Naramdaman ni Milandro na parang naglalaro lang si Myra. Sa inis ni Milandro, hinawakan niya si Myra at natumba sila sa kama. Nangibabaw si Milandro kay Myra. Nagtitigan ang mga mata nila.
“Paano kung totohanin ko na nga ang pagiging asawa mo, ibibigay mo rin ba ang ginagawa ng mag-asawa katulad nito?” Seryoso ang mukha ni Milandro. Sobrang bilis ng tibok ng puso ni Myra. Naramdaman ni Myra na bumigat si Milandro. Unti-unting lumalapit ang labi ni Milandro sa labi niya.
“M—Mila—” Hindi natapos ni Myra ang pagbanggit sa pangalan ni Milandro. Hinagkan ni Milandro ang mga labi ni Myra. Bumigat ang katawan ni Milandro habang nakapatong sa katawan ni Myra.
Pumikit si Myra at dinama ang bawat galaw ni Milandro. Ang tumatakbo sa isip ni Myra, kung dumating man sila sa bagay na iyon, ibibigay na lang niya ito sa kanya. Sa kalagitnaan ng kanilang mapusok na halikan ay may kumatok muli sa kanilang pintuan. Mabilis silang naghiwalay dahil sa gulat. Hindi sila makatingin sa isa’t isa. Mabilis na lumapit muli sa pinto si Milandro. Ang nasa isip niya ay sina Robert at Cleo.
“Hindi ba kayo makapaghi—” sigaw ni Milandro pero hindi niya tinuloy. Hindi ang kanyang mga tauhan ang nakikita ng kanyang mga mata, si Jeffrey.
“Nang dahil sa ’yo hindi natuloy—” Pinigilan ni Milandro ang dapat niyang sasabihin kay Jeffrey.
“Hindi natuloy ang ano?”
“Anong ginagawa mo dito? Manggugulo ka na naman ba?” Hindi sinagot ni Milandro ang katanungan ni Jeffrey.
“Gusto ko lang sana makausap si Myra, kahit sa huling pagkakataon lang. Gusto kong magpaalam sa kanya ng maayos, pakiusap!”
“Papayag lang ako, kung nakikita ko kayo,” seryosong sagot ni Milandro.
“Walang problema, kahit tumabi ka pa ni Myra,” seryoso rin na sagot ni Jeffrey.
“Maghintay ka na lang sa baba!” Saka sinara ni Milandro ang pintuan.
“Sino ‘yun?” tanong ni Myra. Pinagmasdan lang ni Milandro ang suot na damit ni Myra.
“Sumama ka sa akin. May binili ako sa iyong jacket, isuot mo ‘yun. May taong gustong kumausap sa ’yo.”
“Sa akin? Sino?”
“Huwag ka nang maraming tanong. Tara na, hindi naman kita ipapahamak. Hindi na rin ako magpapalit ng damit,” anyaya na lang ni Milandro kay Myra. Sumunod naman si Myra kay Milandro dahil buo na ang tiwala niya rito.
Habang nasa loob sila ng elevator. Sinusulyapan ni Milandro si Myra. Bigla na lang niyang hinawakan ang mga palad ni Myra. Nagulat si Myra.
“Huwag ka nang magsalita. Asawa na kita habang buhay ‘di ba?” pambara ni Milandro kay Myra. Magsasalita pa sana si Myra, kaso nagbukas na ang elevator. Hinigpitan lalo ni Milandro ang pagkakahawak sa kamay ni Myra. Lumabas at naglakad sila patungo sa lobby nang magkahawak kamay.
“Jeffrey?” banggit ni Myra. At saka niya tiningnan si Milandro. Nakita niyang nakatitig si Milandro kay Jeffrey.
“Siya ba ang taong kausap mo kanina sa labas ng kwarto? Siya ba ang taong gustong kumausap sa akin?” tanong ni Myra. Hindi sumagot si Milandro, tumango lang ito.
“Sir Milan, saan po tayo?” Binato ni Milandro ang susi ng kanyang sasakyan kay Robert habang nakatitig pa rin ito kay Jeffrey. Walang tiwala si Milandro kay Jefrrey.
“Sabi ko nga ako ang magmamaneho,” bulong ni Robert kay Cleo.
“Sino pa ba? E, halos ikaw ang kanang kamay ni Sir Milan,” tawa na sabi ni Cleo. Siniko ni Robert si Cleo.
“Ano ba?”
“Tingnan mo si Sir Milan. Sino kaya ang lalaki na tinititigan niya?”
“Aba, malay ko! Mukhang kilala siya ng napakagandang babaeng hawak ni Sir Milan.”
“Naku! Patay na. Ayaw na ayaw ni Sir Milan ang may nakikialam sa mga plano niya,” bulong ni Cleo kay Robert.
“Umalis na tayo!” biglang nagsalita si Milandro. Tumigil si Robert at Cleo sa pagbubulungan nila. Nakuha naman ni Jeffrey ang ibig sabihin ng mga mata ni Milandro na sumunod na lang siya sa kanila.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





2 Responses
Grabe pag open ko Ng libro nila Milan at Myra grabe tapos na pala ambilis haha salamat otor kaya Pala may new story ka na ulit hihi
Maraming maraming salamat din po! God bless you po, always!