When Love Collides (Chapter 13: Investigate)

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

BUMALIK sila sa steakhouse kung saan sila kumain. Hinatid ni Milandro si Myra sa isang lamesa na hindi naman kalayuan sa pwesto nila.

“Sumigaw ka lang kapag may masamang ginawa sa iyo ang lalaking ‘yan,” bilin ni Milandro. Napatawa si Myra.

“Ano ba? Lagi ka na lang tumatawa, hindi ko alam kung naglalaro ka lang o seryoso?”

“Milandro, ‘wag kang mag-alala. Walang gagawing masama sa akin si Jeffrey. ‘Wag kang magselos,” prangka na sabi ni Myra. Nagulat si Milandro.

“What? Ako, nagseselos? ‘Wag ka ngang mangarap diyan. ‘Wag kang masyadong magpantasya. Hindi ba pwedeng nag-aalala lang ako sa ’yo, ‘di ba?”

“Nag-aalala? Ganun din ‘yun, hindi pa kasi aminin na nagkakagusto ka na sa akin. Panay halik mo nga sa mga labi ko e,” diretsong sagot ni Myra. Tinakpan ni Milandro ang bibig ni Myra gamit ang kanyang mga palad.

“Huwag ka ngang maingay, baka may makarinig pa sa ’yo,” bulong ni Milandro at lumingon-lingon siya sa paligid. Biglang kinagat ni Myra ang kamay ni Milandro na tumatakip sa kanyang bibig.

“Aray!” napasigaw si Milandro. Napaupo siya sa tabi ni Myra. Sina Robert at Cleo, pinagmamasdan lang sila.

“Tingnan mo sila, pare. Ang cute nilang tingnan. Sa tutuusin bagay silang dalawa.”

“Sana nga, silang dalawa na lang. Para makalimutan na ni Sir Milan si Clara, ang kauna-unahang babaeng minahal ni Sir Milan. Pero, alam mo naman ang nangyari,” sagot ni Robert kay Cleo.

Hindi naman nagtagal, dumating na rin si Jeffrey. Hindi napansin ni Myra at Milandro si Jeffrey na nakatayo sa kanilang harapan dahil sa kanilang paghaharutan.

“Baka pwede ko nang makausap si Myra,” wika ni Jeffrey. Napatigil ang dalawa sa kanilang ginagawa. Tumayo kaagad si Milandro. Humarap ito kay Myra.

“Alam kong matagal mo ng kilala ang lalaking ito, Myra. Pero, hindi mo maalis sa akin ang pagdududa sa kanya. Wala akong tiwala sa kanya. Thirty minutes lang kayong mag-uusap.” Tumango lang si Myra kay Milandro.

Lumiit ang mga mata ni Jeffrey, dahil hindi man lang tumanggi si Myra sa trenta minutos. Hindi maaaring magkamali si Jeffrey sa nakikita niya kay Myra. Tingin niya’y umiibig na si Myra kay Milandro. Iniwan na rin sila ni Milandro. Pero pumunta lang si Milandro sa pang-apat na lamesa, kung saan naroon sina Robert at Cleo.

“Anong kailangan mo sa akin? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo, Jeffrey. Umalis ka na lang.”

“Dahil ba ayaw mo akong madamay sa gulo ng buhay mo na sinasabi mo? O, dahil nagkakagusto ka na sa lalaking iyan?” Nagkatitigan si Myra at Jeffrey. Pasilip-silip naman si Milandro sa kanila.

“Alam mo ba ang sinasabi mo? Kahapon lang kami nagkakilala ni Milandro. Paanong magkakagusto ako sa kanya?”

“Myra, pagdating sa pag-ibig walang oras o araw na pinipili yan. Maaaring hawak mo ang puso mo pero hindi mo hawak ang pagtibok nito. Walang katapusan ang tibok ng puso kahit natutulog ka pa. Umamin ka sa akin, gusto mo na ba ang lalaking iyan?”

“Iyan lang ba ang pag-uusapan natin? Iyan ba ang pinunta mo sa akin, Jeffrey?” Medyo tumataas na ang tono ng boses ni Myra.

“Boss,” tawag ni Robert kay Milandro. Tulala lang si Milandro na nakatitig kay Jeffrey at Myra.

“Wala na, malakas talaga ang naging tama niya sa babaeng nakita niya sa daan,” ngiting sabi ni Cleo kay Robert.

“Sshhh.. ‘wag kang maingay, baka palayasin tayo bigla.”

“Sige lang, pag-tsismisan niyo ako. Naririnig ko kayong dalawa,” biglang sabi ni Milandro. Biglang tikom ang bibig nina Robert at Cleo.

“Paano kung sabihin kong oo? Sasabihin mo ba sa akin ang totoo, Myra? Nasa kasagutan mo kung aalis na ako o hindi? Kung ipaglalaban pa kita sa kanya?” Hinawakan ni Jeffrey ang kamay ni Myra na nakapatong sa lamesa.

“Aba, sinabi ko nang huwag niyang hahawakan si Myra e,” gigil na sabi ni Milandro. Napatayo siya pero pinigilan siya ni Robert. Nakita ni Robert na tinanggal ni Myra ang kamay nito sa kamay ni Jeffrey.

“Huwag na, Sir Milan. Mukhang hindi naman nagustuhan ni Myra ang ginawa ng lalaking ‘yan,” paliwanag ni Robert. Umupo muli si Milandro.

“Gusto niyo na ba si Myra, Sir Milan?” dugtong pa ni Robert.

“Sa tingin mo? Magiging ganito ba ako kung hindi?” Tinitigan ni Milandro si Robert. Hindi nakakibo si Robert sa prankang sagot ni Milandro. Samantala, ganun din ang nangyayari kina Myra at Jeffrey.

“Oo, nagkakagusto na ako sa kanya. Kuntento ka na ba? Aalis ka na ba niyan, Jeffrey?” sagot naman ni Myra kay Jeffrey. Nanghina ang buong katawan ni Jeffrey sa sinabi ni Myra.

“Pero—“

“Mabait si Milandro. ‘Saka may pinagkasunduan na kami. Siguro, hindi naman masama na ibigin siya dahil hindi naman siya masamang tao. Aalagaan ko siya habang buhay kapalit ng pagligtas niya sa buhay ko sa lugar ng impiyerno,” paliwanag pa ni Myra.

“Hindi mo kailangan tanggapin ang kasunduan—”

“Tama na, Jeffrey. Ako ang may gusto at nagbago sa kasunduan naming dalawa. Ako ang pumili na habang buhay na magiging asawa niya. Siguro naman sapat na sa’yo itong dahilan para lumayo at iwanan na ako.” Seryoso ang mukha ni Myra. Tumayo si Jeffrey. Kinuyom niya ang kanyang mga kamao.

“Oo, aalis na ako. Salamat na lang sa lahat-lahat, Myra.” Bigla na lang umalis si Jeffrey at iniwan si Myra. Galit na galit si Jeffrey. Masakit sa kanyang dibdib. Pero wala na siyang magagawa pa sa naging desisyon ni Myra.

“Mukhang hindi natin mapag-uusapan ang dapat nating pag-usapan, Sir Milan?” sabi ni Robert.

“Hindi. Kailangan nating pag-usapan. Lapitan ko lang si Myra.” Dali-dali na lumapit si Milandro kay Myra. Umupo siya kaagad sa tabi nito.

“Are you okay?” tanong ni Milandro. Huminga nang malalim si Myra.

“Yes, I’m okay.”

“Dito ka muna, umorder ka ng pagkain mo. Kahit ano, basta kumain ka. Kakausapin ko lang ang dalawang tauhan ko, maaari ba?” pakiusap ni Milandro at tumango lang si Myra.

Tumayo na si Milandro at iniwan si Myra na nag-iisa sa lamesa. Lumapit sa kanya ang waiter. Nag-order na lang ng pagkain si Myra habang hinihintay niya si Milandro. Pero hindi pa rin mawala sa isipan ni Myra si Jeffrey. Nagdududa si Myra kay Jeffrey dahil kilala na niya ito simula nang bata pa sila.

“Heto na ‘yung pinahanda niyo sa amin, Sir Milan.” Inabot ni Robert ang isang sobre.

“Sinigurado mo bang peke lang ito?”

“Yes. Bakit nga ba peke? E, kayang-kaya mo naman magbigay ng sampung milyon,” sagot na lang ni Robert.

“Kaya nga ko kayo pinapunta ni Cleo dahil may susunod tayong plano. Kayong dalawa ang pinakamagaling sa mga tauhan ko, kaya may trabaho akong ibibigay sa inyo.”

“Salamat sa papuri, Sir Milan!” singit ni Cleo.

“Makinig kayong mabuti sa akin. Hanapan niyo kami ni Myra na titirhan dito kahit transient lang o kubo, basta malayo dito sa siyudad ng Baguio. Pagkatapos kong ibigay ang pekeng tseke na ito, itatakas ko na si Myra.”

“Pagkatapos?” tanong ni Robert.

“Gusto kong imbestigahan niyo ang pamilya ni Trixie. Sa ugali na pinakita sa akin ni Trixie, may posibilidad silang ginawang hindi mabuti sa pamilya ni Myra. O, sa iba pang mga taong nakapaligid sa kanila.”

“Masusunod, Sir Milan.”

“Sa ngayon, kumain at uminom muna tayo. Mauuna na akong magpasalamat sa inyong dalawa. Alam kong malulutas ninyong dalawa ang pinapagawa ko sa inyo.”

“Ibig sabihin, Sir Milan. Kapag nalaman na ni Trixie na peke ang tseke dapat alam niyo na ang masamang gawain nila?”

“Mismo! Kaya gustong-gusto kita, Robert. Ginagamit mo talaga ang utak mo. Cleo, ang gusto kong gawin mo ay ang suportahan at tulungan si Robert. Kayong dalawa lang ang inaasahan ko dito.”

“Walang problema, Sir Milan. Partner in crime kaya kami nitong si Robert. Pinagkakamalan ko na nga siyang bak–”

“Suntukin ko ‘yang nguso mo,” banat kaagad ni Robert kay Cleo. ‘Saka sila nagtawanan na tatlo.

“O siya, babalikan ko lang si Myra. Lalapit sa inyo ang waiter at kumuha kayo ng makakain niyo. Masarap dito ang steak nila. ‘Saka na tayo lilipat ng lugar. Tanungin natin si Myra kung saan magandang magpalipas ng oras. Kumuha na rin kayo ng kwarto sa hotel ni Trixie. Doon lang kayo mananatili hanggang hindi niyo nareresolba ang pinapagawa ko sa inyo. Naintindihan niyo ba?”

“Yes, Sir.”

Bumalik na si Milandro sa pwesto ni Myra. Tuwang-tuwa naman si Robert at Cleo sa bagong gagawin nila. Ang ikakasaya talaga nila, kasama nila mismo si Milandro.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When Love Collides (Chapter 13: Investigate)

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.