When Love Collides

When Love Collides (Chapter 4: What is this feeling?)

“ANO? Hindi mo ako masagot, dahil lahat ng sinabi ko sa iyo ay totoo. Sa una ka lang magiging mabait sa akin, pagkatapos ng ilang araw—”

“Shut up! Imbes na magpasalamat ka sa mga ginagawa ko para sa ‘yo, kung anu-ano pang sinasabi mo. Oo, baka naaawa ako sa ‘yo, pero ‘wag mo akong husgahan agad dahil hindi mo pa ako kilala.” Hindi na pinatapos ni Milandro si Myra sa pagsasalita, agad itong sumagot. Nabigla si Myra sa sinabi ni Milandro, siya naman ngayon ang hindi makasagot.

“Alam kong hindi talaga tayo magkakilala pero tulad ng sinabi ko sa ‘yo, ayokong makakita ng mga taong natatapakan at minamaltrato.” Nagsalubong ang kilay ni Milandro.

“P—Pero, ang sampung milyon ay malaki, paano ko babayaran iyon?” Nag-iba ang aura ng mukha ni Myra. Naintindihan naman agad ni Milandro si Myra.

“Huwag mong isipin muna iyan, ang mahalaga ngayon ay matulungan kita. Sana lang matuto kang lumaban habang tinutulungan kita. Isipin mo na lang na kuya mo ako, malinaw ba?” sagot ni Milandro. Napatingin si Myra sa kanya. Nang biglang kinabog ni Trixie ang sasakyan ni Milandro. Binuksan ni Milandro ang bintana ng kanyang sasakyan.

“Hoy, Myra! Bumaba ka na diyan, hindi pa ako binabayaran ng lalaki mo. Hanggang sa wala sa kamay ko ang sampung milyon, hindi ka makakaalis sa hotel ko. Magtatrabaho ka pa,” sigaw ni Trixie. Bumaba si Milandro sa kanyang sasakyan. Pero hinarang siya ni Trixie.

“Get out my way!” biglang sabi ni Milandro kay Trixie.

“You know what? I like you—“

“I don’t like you. Sayang lang, maganda ka pero ang sama ng ugali mo,” inis na sabi ni Milandro kay Trixie. ‘Tapos umiwas siya kay Trixie. Binuksan ni Milandro ang pinto ng kanyang sasakyan kung saan nakaupo si Myra. Hinila niya si Myra palabas ng sasakyan niya. Napayuko na lang si Myra dahil pakiramdam niya ay wala siyang matinong mukha na maihaharap kay Milandro. Dahil ang turing niya sa kanyang sarili ay napakababa.

“Kung ‘yan ang gusto mo, Myra will stay at your hotel until I give you the ten million. Pero—” seryosong sabi ni Milandro.

“Pero?”

“Pero, sasamahan ko si Myra sa hotel niyo. Dito ako titira at si Myra lang ang gusto kong mag-asikaso sa akin habang nandito ako. Doon lang siya sa kwarto ko. Sa kwarto ko lang siya titira. Hindi siya p’wedeng utusan ng iba hanggat wala ang pahintulot ko. Ako lang ang dapat na alagaan niya, naiintindihan mo ba?” paliwanag ni Milandro. Nagulat si Myra at nagtaas ng mukha. Nanginginig si Trixie sa inis.

“Deal?” dagdag ni Milandro habang nakangiti. Hanga talaga si Trixie kay Myra. Naiinggit na naman siya sa nangyayari kay Myra, parang may superhero na biglang dumating sa buhay ni Myra. Kitang-kita ni Milandro ang galit sa mga mata ni Trixie.

“By the way, ayokong makita na sinasaktan mo si Myra. Huwag mong hawakan kahit isang hibla ng buhok niya,” dugtong ni Milandro kay Trixie.

“Aba—” Muli, hindi na naman natapos ni Trixie ang sasabihin nang magsalita kaagad si Milandro.

“Deal?” tanong ulit ni Milandro. Huminga nang malalim si Trixie.

“Isang buwan lang! Kapag lumipas ang isang buwan at hindi mo naibigay ang sampung milyon, ibabalik mo sa akin si Myra. Malinaw ba?” biglang sabi ni Trixie.

“Masyadong mahaba ang isang buwan, sampung milyon lang ang hinihingi mo. Kahit bukas na bukas din, pwede kong ibigay sa iyo. Pero sige! One month. Para makapagpahinga si Myra bago siya magtrabaho sa akin bilang personal secretary ko,” sagot ni Milandro kay Trixie.

Hindi makapagsalita si Myra. Naisipan ni Milandro na ayusin muna si Myra at kilalanin. Aalamin niya lahat ng nawala kay Myra. Tutulungan niyang makabangon si Myra at gusto niyang ipakita iyon kay Trixie. Pero may iba ding pinaplano si Milandro para sa pamilya ni Trixie. Gagamitin niya ang kanyang kakayahan bilang may-ari ng isang kumpanya ng mga pribadong imbestigador. Pakiramdam ni Milandro ay may nangyaring kalokohan sa pamilya ni Myra.

“Okay, deal!” sagot ni Trixie. Naglakad siya palapit kay Myra.

“Ang swerte mo lang ngayon, pero ngayon lang ‘yan,” bulong ni Trixie kay Myra. Tapos tumakbo siya papasok ng hotel. Natahimik si Myra. Huminga siya nang malalim. Ganun din si Milandro. Narinig din niya ang bulong ni Trixie kay Myra.

“Tara na?” anyaya ni Milandro kay Myra. Nakatingin lang sa kanya si Myra.

“Ayan na naman ang tahimik mo. Huwag kang mag-alala, wala akong gagawing masama sa iyo. Ang pagtulong ko sa iyo ay taos sa loob ko. Huwag kang matakot sa akin. Gusto lang kitang tulungan na makaalis sa impyerno na kinalalagyan mo.” dagdag ni Milandro kay Myra.

Pero, nakatitig lang sa kanya si Myra. Naiinis na naman si Milandro dahil hindi nagsasalita si Myra. Pinigilan niya ang sarili na magalit. Hinila na lang niya si Myra papasok ng hotel. Pero pinigilan siya ni Myra.

“Hindi ko alam ang—”

“Milandro de Mesa. You can call me by the name Milan, Clara,” sagot agad ni Milandro.

“Hindi Clara ang pangalan ko. Myra ang pangalan ko,” sagot ni Myra kay Milandro. Pumikit si Milandro. Parang nakita niya si Clara sa katauhan ni Myra.

“Come on, I’ll tell you my plans for helping you. Gusto ko lang makinig ka at sundin mo lahat ng gusto kong gawin mo,” seryosong sabi ni Milandro. Biglang niyakap ni Myra ang sarili. Hindi manhid si Milandro para hindi maintindihan ang mga kinikilos ni Myra.

“Huwag kang mag-alala, wala akong gagawin sa katawan mo.” Pagkatapos ay tumalikod si Milandro at ngumiti.

Pumasok si Milandro sa hotel ni Trixie, sinundan naman siya ni Myra. Medyo gumaan ang pakiramdam ni Myra kay Milandro. Nang biglang may humawak sa kamay ni Myra at napasigaw si Myra sa gulat.

Agad namang lumingon si Milandro para tingnan ang nangyari sa dalaga. Isang matipuno at gwapong lalaki ang nakahawak sa kamay ni Myra. Susugod na sana si Milandro dahil nakita niya ang gulat sa mga mata ni Myra. Nang biglang kausapin ng lalaki si Myra.

“Anong nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang itsura mo? Hinahanap kita at may nagsabi sa akin na nandito ka.” Hinawi ng lalaki ang buhok ni Myra na tumatakip sa pisngi. Tinitigan sila ni Milandro.

“Magsalita ka, Myra. Anong nangyari sa ‘yo? Dalawang taon lang akong nawala dito sa Baguio, bakit ka naging ganyan?” tanong ng lalaki kay Myra. Tumulo ang luha ni Myra.

Kitang-kita ni Milandro ang awa na nararamdaman ng lalaki sa kanya. Nang biglang hilahin ng lalaki si Myra at niyakap ng mahigpit. Parang biglang may kumurot sa puso ni Milandro sa kanyang nasaksihan. Hindi niya nagustuhan ang kanyang nakita.

“Sino ang gumawa nito sa ‘yo?” patuloy na tanong ng lalaki kay Myra. Nang biglang hinawakan ni Milandro ang kanang bisig ni Myra. Hinila ni Milandro si Myra mula sa lalaki.

“Jeffrey!”

“Sino ka? Bitawan mo si Myra?” galit na sabi ni Jeffrey kay Milandro. Babawiin na sana niya si Myra pero pinigilan siya ni Milandro.

“Bigyan mo ako ng sampung milyon, ibabalik ko sa iyo si Myra,” seryosong sabi ni Milandro kay Jeffrey. Nagkatitigan ang kanilang mga mata.

“Ano? Anong sabi mo?” Nagulat si Jeffrey.

Si Jeffrey ang childhood sweetheart ni Myra. Naghiwalay lang sila nang magdesisyon ang mga magulang ni Jeffrey na mangibang bansa para sa pag-aaral ni Jeffrey. Sa mga nangyayari sa buhay ni Myra, biglang dumating ang taong minahal niya.

“Sampung milyon? Myra, anong ibig sabihin nito? Matagal na kitang hinahanap sa social media, sa Facebook, sa email, pero hindi kita makita,” ani Jeffrey. Lalapit pa sana si Jeffrey ngunit hindi niya ito itinuloy.

“Huwag mong hawakan si Myra, dahil pagmamay-ari ko siya!” Malamig pa sa yelo ang ipinapakitang ugali ni Milandro.

“Milandro, hayaan mo akong magpaliwanag sa kanya. Pagkatapos, sasama na ako sa iyo!”

“Hindi ka sasama sa kanya! Kung gusto niya ng sampung milyon ibibigay ko sa kanya!” sabi ni Jeffrey. Nagulat si Myra. Kahit si Milandro. Kulang na lang malagas ang ngipin ni Milandro sa gigil. Nagkatitigan sina Milandro at Jeffrey. Parang may kung anong kuryenteng dumaan sa kanilang mga mata.

“Jeffrey, huwag ka nang mag-aksaya pa ng oras kay Myra. Binili na siya.” Lumabas si Trixie nang makita niya si Jeffrey sa labas. Napatingin si Jeffrey kay Trixie.

“Trixie?”

“Ay, oo nga pala. Hindi mo alam kung anong nangyari sa buhay ng pinakamamahal mong si Myra dahil iniwan mo siya,” umiling-iling na sabi ni Trixie. Nang biglang sumigaw si Myra.

“Tumigil ka! Tumigil ka!” Nagulat silang lahat. Binitawan ni Milandro ang braso ni Myra.

“Please, gusto ko siyang makausap,” naluluhang pakiusap ni Myra kay Milandro. Naawa si Milandro, hindi niya kailangang maging sakim. Ngunit nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso. Bigla niyang naalala si Enrie, ang nangyari sa matalik niyang kaibigan.

“Sige, pero sa loob ng hotel kayo mag-usap,” sabi ni Milandro kay Myra. Napangiti si Myra kahit na puno ng luha ang mga mata. Pakiramdam ni Milandro ay naulit na naman ang nangyari sa kanya noon. Namilog ang mga mata ni Trixie.

“Hindi maganda ang view dito, kasuklam-suklam!” sabi ni Trixie, siya ang unang pumasok sa hotel. Lalo kasing nakaramdam ng galit si Trixie kay Myra nang makita si Jeffrey. Si Jeffrey lang kasi ang minahal ni Trixie. Samantala, nagkasundo sina Milandro at Myra na kausapin muna ni Myra si Jeffrey.

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When Love Collides (Chapter 4: What is this feeling?)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.