“SINO siya, Myra?” curious na tanong ni Jeffrey habang nakatingin kay Milandro.
Nasa kabilang mesa si Milandro at umiinom ng kape at nagbabasa ng dyaryo. Hindi rin napansin nina Jeffrey at Myra, na sinusulyapan sila ni Milandro kapag hindi sila nakatingin sa kanya. Isa sa istilo ni Milandro ay magbasa ng dyaryo o libro kapag may sinusundan ang kanyang mga mata.
“Sa tingin ko ay hindi siya isang masamang tao. Gusto lang niya akong tulungang makalabas sa hotel ni Trixie.”
“Bakit? Anong nangyari sa iyo? Tignan mo ang sarili mo?”
“Mahabang kwento, Jeffrey. Isa lang ang sasabihin ko sa ‘yo. Ako ang ginawang kabayaran ng mga magulang ko, dahil sa utang ng tatay ko sa kanila. Alam kong labag ito sa kalooban ng mga magulang ko, dahil alam nilang dinaya sila sa casino. Pero wala akong magagawa, kung hindi ibayad ang sarili ko. Kundi makukulong ang mga magulang ko.” Palagay ang loob ni Myra kay Jeffrey dahil sabay silang lumaki at may pagtingin sila sa isa’t isa.
“Hindi ko siya gusto. Ako na lang ang magbibigay ng sampung milyon kay Trixie.”
“Saan mo kukunin ang sampung milyon? At sa tingin mo papayag si Trixie? Alam mo naman na gustong-gusto ka niya simula bata pa tayo.” Napatitig si Myra kay Jeffrey. Huminga nang malalim si Jeffrey. Alam ni Jeffrey na hindi papayag si Trixie kahit may sampung milyon pa siya.
“Mananatili pa kami ng isan buwan dito. Itatanong ko kay Milandro kung pwede mo ba akong puntahan?” Sa wakas ay ngumiti ng napakaganda si Myra. Sakto namang nakatingin si Milandro sa kanilang dalawa. Tumibok ang puso ni Milandro. Umiwas siya ng tingin kay Myra. Kumunot ang noo niya at nagbasa ulit ng dyaryo. Pero hindi nawala sa isip niya ang ngiti ni Myra.
“Bakit siya nakangiti? Parang tuwang-tuwa siyang makita ang lalaking iyan? Sino ang lalaking iyan sa buhay niya?” Nagsimulang mag-isip si Milandro.
“I still don’t think so, Myra. After a month, saan ka niya dadalhin? Habang nandito ka, anong gagawin niya sa iyo?” Nag-aalala si Jeffrey. Hinawakan niya ang mga kamay ni Myra. Hindi nila pansin na nakatayo si Milandro sa gilid nila.
“Hindi ba ang sabi ko sa iyo, huwag mo siyang hahawakan dahil pagmamay-ari ko na siya.” Hinila ni Milandro si Myra mula sa pagkakaupo. Napatayo si Myra sa lakas ni Milandro. Ganun din si Jeffrey, matapang niyang hinarap si Milandro.
“Sa ngayon ikaw ang bumili kay Myra. Hahayaan ko lang dahil alam naming dalawa ni Myra, na hindi papayag si Trixie kung ako ang bibili sa kanya. Kapag nabigay mo na ang sampung milyon kay Trixie, babawiin ko sa iyo si Myra. Ibabalik ko ang sampung milyon na ibibigay mo kay Trixie.” Nag-aapoy ang mga mata ni Jeffrey. Tumawa naman si Milandro. Nagtaka si Myra.
“Anong akala mo? Ganun lang kadali na bawiin si Myra sa akin? Paano kung ang hilingin kong kabayaran sa kanya ay ang pakasalan ako at magiging asawa ko siya, may hahabulin ka pa ba?” Seryosong tinitigan ni Milandro si Jeffrey. Nanlambot naman ang katawan ni Myra sa narinig niya mula kay Milandro.
“Anong sabi mo? Hindi ako–”
“Tapos na ang pag-uusap niyo ni Myra. Kailangan na niyang magpahinga. Hindi ka ba naaawa sa kalagayan niya?”
Tiningnan ni Jeffrey si Myra mula ulo hanggang paa. Nakayapak lang si Myra at may mga sugat sa paa. May bahid din ng dugo ang damit niya. Naawa si Jeffrey kay Myra. Hindi pa rin niya alam kung ano ang nangyari kay Myra.
“Umalis ka na, Jeffrey. Ayaw kitang madamay sa gulo ng buhay ko,” pakiusap ni Myra.
“Sa tingin mo ba matitiis kita? Huwag kang matakot, dahil darating ang araw na—”
“Huwag matakot? Si Myra? Hindi niya kailangang matakot sa akin dahil hindi ko siya ipapahamak. Ikaw ba, kaya mo ba siyang iligtas sa sitwasyon niya ngayon?” sabat ni Milandro. Parang sinampal nang malakas ang mukha ni Jeffrey sa sinabi ni Milandro. Ang totoo, wala ngang magawa si Jeffrey. Huminga nang malalim si Milandro. Sumagi sa kanyang isipan na ang lalaking ito ang nagpangiti kay Myra.
“I’m not a bad person. One month pa kami dito, so I’ll let you visit Myra here, but you can’t take her out. Also, don’t ever touch her,” dagdag ni Milandro.
“Hindi. Umalis ka na lang Jeffrey. Ayokong bigyan ka ng gulo. Ayokong madamay ka sa paghihirap ko. Bumalik ka na lang sa ibang bansa at doon ka na lang. Kalimutan mo na ako,” pakiusap muli ni Myra kay Jeffrey.
“Myra..”
“Hindi kita deserve. Hindi mo kailangang maranasan ang paghihirap ko sa buhay, Jeffrey.” Napaluha si Myra. Hindi makapagsalita si Milandro. Ramdam niya ang sakit sa puso ni Myra. Napatunayan niyang mahal ni Myra si Jeffrey.
“Tumigil ka! May sarili akong desisyon sa buhay. Kaya nga ako umuwi dito sa Pilipinas para sa iyo. Kaya hindi ako susuko!” Hinampas ng kamao ni Jeffrey ang mesa.
“J-Jeffrey..”
“Tara na!” anyaya ni Milandro kay Myra. Napatingin si Myra kay Milandro.
Wala nang takot o pag-aalala na naramdaman si Myra sa mga kamay ni Milandro. Malayang sumama si Myra kay Milandro. Habang naglalakad sila patungo sa elevator ay lumingon ulit si Myra kay Jeffrey na nakangiti. Ang ngiti ni Myra ay tila sinabi kay Jeffrey na wala siyang dapat ipag-alala.
SAMANTALA sa loob ng opisina ng hotel. Nandoon si Lory ang secretary ni Trixie. Si Trixie ay naging matalik na kaibigan ni Lory mula pa noong mga bata pa sila.
“Bakit ba galit na galit ka? In fairness, sobrang gwapo ni Jeffrey sa kanyang pagbabalik. Pero, parang mas type ko yung nagtatanggol kay Myra. Iba yung aura niya sa lahat ng lalaking nakita ko,” kinikilig na sabi ni Lory.
“Tumigil ka Lory, hindi ako papayag na magkaroon ng happy ending si Myra.”
“Well, anong ginawa mo? Bakit ka pumayag na bilhin siya sa lalaking iyon? Ano ang pangalan niya?” Tumayo si Lory sa kinauupuan niya.
“Milandro.”
“Bagay sa kanya ang pangalan niya. Matipuno. Makisig. Moreno. Mabikas. Matangkad. Gwapo. At higit sa lahat, SUPERHERO. I think he has everything. Ang swerte talaga ni Myra,” ani Lory habang palakad-lakad sa harapan ni Trixie. Iniinsulto niya talaga si Trixie.
“Isang buwan pa sila dito. May pagkakataon pa akong gumawa ng plano para hindi matuloy ang pagbayad ni Milandro,” inis na sabi ni Trixie, saka siya umupo sa upuan niya. Lumapit si Lory at umupo sa table ni Trixie.
“Anong balak mo?”
“Aagawin ko si Milandro kay Myra. Aagawin ko siya!” seryosong sabi ni Trixie. Natawa si Lory.
“Ano? Anong nakakatawa sa sinabi ko?” Tinulak ni Trixie ang binti ni Lory.
“Yan ang dapat kong itanong sa iyo, niloloko mo ba ako, Trixie? Nakita ng mga mata ko na ayaw sa iyo ni Milandro. Tapos ‘yun pa ang balak mo? Baka itapon ka lang na parang basura ni Milandro. At saka paano na ang pinakamamahal mong si Jeffrey?” Tumawa si Lory.
“Lory!” sigaw ni Trixie.
“Ano? Nagtatanong lang naman ang tao!”
“Hindi na ako interesado kay Jeffrey. Mas interesado ako kay Milandro. Gusto ko siya!” Tumaas ang kaliwang kilay ni Trixie.
“Baguhin mo ang plano mo, bakit hindi ka na lang magpakabait kay Myra—”
“No way, Lory! Nababaliw ka na ba? Hinding-hindi ako magiging mabait sa babaeng iyon!”
“Hhmm.. pano kung si Jeffrey na lang gamitin mo,” mungkahi ni Lory.
“Ginagamit mo ba talaga yang utak mo? Kung gagamitin ko si Jeffrey, magiging happy ending pa rin ang buhay ni Myra!” Namilog ang mga mata ni Trixie.
“Ano na ang gagawin mo ngayon?”
“Pag-iisipan kong mabuti kung paano ko ulit hihilahin si Myra pababa?”
Hindi na naman natutuwa si Trixie sa bagong buhay ni Myra. Kahit anong mangyari kay Myra, laging namumuo ang inggit sa puso niya. Samantala sa labas ng opisina ni Trixie ay umalis na rin si Jeffrey. Umakyat na rin sina Milandro at Myra sa kanilang magiging kwarto.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Grabe nuknukan ng kainggetera nitong trixie na to infernes otor kuha mo gigil ko bwahahaha pangit lang pagkainggetera niya talangka ang ugali na nangunguna sa kaniya kaysa maging motivation ang inggit na nadadama hayy naku.
Nakakagigil po talaga yang Trixie na yan! Basta abanga po, hehe!