“NANDITO na pala ang mga pulis. Bakit ang tagal ninyo? Hulihin niyo ang lalaki na iyan,” turo ni Trixie kay Milandro.
Nagtinginan ang mga pulis at sila ay natawa sa sinabi ni Trixie. Nagkadikit ang mga kilay ni Trixie. Pinag-krus niya ang kanyang mga kamay sa ilalim ng kanyang dibdib.
“May nakakatawa ba sa sinabi ko? Hindi ako nakikipaglaro sa inyo,” bulyaw niya sa mga pulis.
“Walang nakikipaglaro sa ‘yo, Trixie. Myra, halika na dito sa tabi ko,” nagsalita si Milandro. Tinulak ni Myra si Jeffrey. Mabilis siyang tumakbo sa tabi ni Milandro. Niyakap siya ng binata.
“Akala ko talaga hindi magiging epekto ang ginawa natin,” sabi ni Myra kay Milandro.
“Maaari ba ‘yun? Kapag ako ang nag-plano, asahan mong magtatagumpay tayo.” Hinaplos ni Milandro ang likod ni Myra.
“A—Ano ang ibig sabihin nito?” nagtatakang tanong ni Trixie.
“Hindi maaari ‘to!” Tatakbo sana palabas si Jeffrey, pero hinarangan siya ng mga pulis.
“Saan ka pupunta?” tanong sa kanya ng mga pulis.
“Wala akong alam diyan. Nadamay lang ako,” sinubukan magpaliwanag ni Jeffrey. Galit na galit si Trixie. Ganun din si Myra. Lumapit si Myra kay Jeffrey at sinampal niya ng malakas.
“Ang kapal ng mukha mo!” sigaw ni Myra kay Jeffrey.
“M—Myra—“
“Pinagkatiwalaan kita sa buong buhay ko, ganito lang pala ang gagawin mo sa akin. Ginamit mo lang ako sa lahat. Kayamanan ko lang pala ang gusto mo sa simula pa lang. Kayong dalawa ni Trixie ang sumira sa buhay ko. Hindi lang ako ang sinira niyo, pati ang magulang ko. Ang sasama ninyo. Daig niyo pa ang demonyo!” Pinagsusuntok ni Myra ang dibdib ni Jeffrey. Sa sama ng kanyang loob, lumuluha na ang kanyang mga mata. Pinigilan siya kaagad ni Milandro.
“Huminahon ka lang, Myra. Pagbabayaran na lang nila sa batas ang ginawa nila sa ‘yo at sa pamilya mo.”
“Wala kayong karapatan na hulihin ako. Wala kayong ebidensya sa akin,” nagpupumiglas si Trixie. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa lobby. Pero, nilagay pa rin ng mga pulis ang posas sa mga kamay ni Trixie.
“Sandali, hindi tama ‘to. Myra, ha*** ka! Papatayin talaga kita kapag nakaalis ako sa police station!”
“Ikulong niyo ang babae na ‘yan. May bago na naman siyang kaso. Nagbibigay siya ng death threat kay Myra,” dagdag ni Milandro. Kinaladkad si Trixie ng mga pulis. Pati si Jeffrey. Pero bago tuluyan na umalis si Jeffrey, lumuhod siya sa harapan ni Myra. Umiiyak.
“Patawarin mo ako, Myra.” Nagmamakaawa si Jeffrey. Hinarap siyang muli ni Myra.
“Tao lang ako, Jeffrey. Nasasaktan din. Mapapatawad kita pero hindi ngayon. At kahit mapatawad kita, kailangan mong pagbayaran ang ginawa mo sa magulang ko. Sa pagsunod mo sa utos ni Trixie. Kayo ang dahilan kung bakit natalo ng malaki ang aking magulang sa casino. Pinaglaruan niyo sila gamit ang mga tao na nagtatrabaho sa casino. Niloko niyo sila. Napakasakit ng ginawa niyo sa akin. Sariwang-sariwa ang sugat na ginawa niyo sa aking puso.”
“Wala kang ebidensya!” sigaw pa rin ni Trixie.
“Hindi nagsisinungaling ang mga cctv footage. Nakalap na ang lahat ng cctv footage sa mga pinaggagawa ninyo,” sagot ng pulis na may hawak kay Trixie.
“Bitawan niyo ako!” Nagwawala si Trixie. Wala na rin nagawa si Jeffrey, kundi ang sumama sa mga pulis.
“Magsasalita ako. Aaminin ko ang lahat, Myra. Ayokong mabulok sa kulungan,” pahabol na sabi ni Jeffrey kay Myra.
“Ha*** ka, Jeffrey! Isa kang taksil!” sumigaw muli si Trixie.
Habang kinaladkad ng mga pulis si Trixie at Jeffrey. ‘Sakto naman ang pagdating ng mga magulang ni Myra. Kasama ang mga magulang ni Trixie. Isang malakas na sampal ang binitawan ng ina ni Trixie sa kanya.
“Bakit mo nagawa sa kanila ang bagay na ito?” Lumuluha ang kanyang ina sa matinding galit na nararamdaman niya.
“Pumayag kami na magtrabaho si Myra sa iyo dahil gusto ng pinsan mong mabayaran ng maayos ang naging utang ng kanyang magulang, pagkatapos ikaw pala ang may sala. Pinanood ko ang lahat ng cctv footage, ganyan ka ba namin pinalaki?” Ang taas ng boses ng kanyang ama.
“Anak,” bati ng magulang ni Myra sa kanya. Lumapit si Myra at niyakap niya ang kanyang magulang.
“Ayos ka lang ba?” tanong ng ama niya sa kanya. Tumango lang si Myra.
“Nakakahiya ang lahat ng ginawa mo, Trixie. Dahil lang sa inggit mo sa pinsan mo, gumawa ka ng kasalanan. Hindi kita tutulungan. Tikman mo ang paghihirap na ginawa mo kay Myra,” galit na galit ang ama ni Trixie.
“Dad, parang-awa niyo na.” Lumuhod si Trixie sa ama nito.
“Lumayo ka sa akin, wala akong anak na katulad mo,” sigaw ng ama ni Trixie sa kanya. Parang gumuho ang mundo para kay Trixie habang nagmamakaawa siya sa kanyang ama. Nag-uusap si Myra at ang kanyang magulang. Tinawag ng magulang ni Myra si Milandro.
“Kayo po, kung ako po ang tatanungin niyo napakabuti ng puso ng anak niyo,” magalang na sabi ni Milandro.
“Sigurado ka ba anak sa desisyon mo?” huling tanong ng kanyang ama.
“Yes, dad.”
“Okay, wala kaming magagawa ng mommy mo. Tutal, kadugo natin si Trixie. Maaaring tama ka anak, magiging payapa lang ang kalooban mo kung maayos na lang ang lahat.”
“Salamat, dad.”
Lumapit ang ama ni Myra sa ama ni Trixie. Pinigilan ng ama ni Myra ang ama ni Trixie. Silang dalawa ang magkapatid.
“Maawa ka na sa anak mo, kinausap na kami ni Myra. Hindi na siya magsasampa ng kaso laban sa kanila.” Mulagat ang mga mata ni Trixie sa kanyang narinig. Nagkaroon ng pag-asa ang mukha ni Jeffrey.
“Kalimutan na lang daw natin ang lahat ng nangyari. Mas importante sa anak ko ngayon ang kasalukuyan.” Saka sila lumingon kay Myra.
Nakita nilang naglalambingan si Myra at Milandro. Humagulgol sa iyak si Trixie. Mabilis siyang tumayo at lumapit kay Myra. Lumuhod.
“Patawarin mo ako, Myra. Patawad.”
“Tumayo ka na, Trixie. Kahit ano pa ang nagawa mo sa akin, tapos na ang mga ‘yun. Magsimula ka na lang ng bagong buhay. At huwag ka ng gagawa ng kasamaan.”
“Pangako, hinding-hindi na. Masakit pala kapag itatakwil ka ng iyong pamilya. Ayaw ko ng mangyari ulit ‘yun.” Hagulgol pa rin sa pag-iyak si Trixie.
“Mabuti ang puso ng iyong anak,” sabi ng ama ni Trixie sa ama ni Myra.
“Swerte kami sa kanya, kahit nag-iisa lang namin siyang anak.”
“Siya nga pala, ibabalik ko ang sampung milyon na hiniram mo sa akin. Kasalanan lahat ni Trixie, kaya wala kayong dapat bayaran.”
“Huwag na, ano ka ba? Ang importante—“
“Tanggapin mo na kapatid, para makapagsimula kayo ng bago ng asawa mo.”
Ngumiti sila sa isa’t isa. Nagkapatawaran na silang lahat. Tinanggal na rin ang mga posas sa kamay ni Trixie at Jeremy. Niyakap ni Trixie si Myra. Nakikita naman kay Trixie ang kanyang sinseridad. Umalis na rin ang mga pulis.
“Pasensiya na sa abala,” sabi ni Robert at Cleo sa mga pulis.
“Wala ‘yun, buti na lang family problem ang nangyari. Ang bait nung isang dalaga, pasalamat sila mabuti ang puso niya. Ang iba kasi, walang kamag-anak-anak. Aalis na kami,” paalam ng mga pulis.
“Sige po!”
Nang makaalis na ang mga pulis. Nagyaya ang ama ni Trixie sa loob ng hotel. Nagpahanda siya ng maraming pagkain. Kung titingnan sila sa isang mahabang lamesa, parang walang nangyari. Puro ngiti ang nakikita sa kanilang mga labi.
“Ang galing niyo talaga, sir. Bilib na bilib talaga ako sa ‘yo,” bulong ni Robert.
“Hay, sumipsip na naman ang higad,” biro ni Cleo.
“Ano ang sabi mo?” baling ni Robert kay Cleo.
“Hindi ko magagawa ang lahat nang ito kung wala kayong dalawa. At dahil diyan bibigyan ko kayo ng gantimpala.”
“Ano ‘yun, sir?”
“Itataas ko ang mga posisyon niyo.”
“Talaga sir? Hindi ka nagbibiro?”
“Mukha ba akong nagbibiro? Madali akong kausap kung ayaw niyo, ‘wag na lang,” pagbibiro ni Milandro kay Robert at Cleo.
“Naku, sir. Gustong-gusto namin ‘yan,” masayang-masaya na sagot ng dalawa kay Milandro.
“At…” biglang tumayo si Milandro. Nakuha niya ang lahat ng atensyon nila. Panandalian na tumahimik.
“Ayaw ko sanang sayangin ang pagkakataon na ito. Gusto ko sanang hilingin ang pahintulot ng magulang ni Myra. Nagdesisyon na kasi kaming magpakasal ng legal, papayag po ba kayo?”
“Oo naman, Milandro. Sa nakita namin sa ‘yo, alam kong hindi mo pababayaan ang anak namin,” masayang sagot ng ama ni Myra. Naluha naman ang ina ni Myra.
“Maraming salamat po!” malugod na pasasalamat ni Milandro.
“Paano ‘yan, Myra. Pumayag na ang iyong magulang. Ikaw naman ang tatanungin ko ngayon. Alam mo na, kahit wala akong dala na kahit ano sa ngayon. Sarili ko lamang ang nasa harapan mo. Gusto ko na sanang malaman talaga ang magiging kasagutan mo. Will you marry me?” kinabahan si Milandro. Matagal hindi sumagot si Myra. Nakatitig lang siya kay Milandro.
“Ano ba ‘yan, Myra. Ang tagal mong sumagot. Malamang ‘oo’ ang sagot mo. Bahala ka, aagawin ko si Milandro,” wika ni Trixie.
“Trixie!” sabay na sabi ni Jeffrey at ng kanyang magulang.
“Nagbibiro lang, masyadong seryoso na kasi.”
Ngumiti si Myra. Tumango siya kay Milandro.
“No. Say it, Myra. Gusto kong marinig ang sagot mo.”
“Yes.” Diretsong sagot ni Myra. Bahagyang napatigil at natulala si Milandro hanggang sa mahimasmasan siya, nabuhat niya si Myra sa tuwa.
“Thank you!” wika ni Milandro.
“Thank you din!”
“I love you!”
“I love you, too!” Naglapat ang kanilang mga labi. Nagpalakpakan ang lahat. Naging masaya ang lahat.
WAKAS!
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Hindi ganito ineexpect ko 🤣 pero Yan na Yun yeah na hahaha salamat