When Love Collides (Epilogue)

Author's Note

Maraming maraming salamat po sa mga nagbabasa ng mga story ko. Sana po 'wag kayong magsawang magbasa. God Bless all po!

――*☆*――*☆*――*☆*――

NAKALIPAS ang limang buwan, hindi pa kinasal si Milandro at Myra. Inasikaso muna nila ang lahat ng kanilang kailangan. Binigyan talaga ni Milandro ng oras ang magiging kasal nila ni Myra. Malalaki at kilala ang mga tao na magiging bisita nila.

Bumalik na ang dating yaman nina Myra. Binuksan muli ng kanyang ama ang kanilang kumpanya. Malaking tulong ang sampung milyon na binalik nila sa kanila. Lalo na, tumulong pa si Milandro sa kanila.

Sa Maynila gaganapin ang kanilang kasal. Napili ni Milandro ang Manila Cathedral para sa simbahan at ang Manila Hotel para sa kanilang reception. Pero may dalawang araw pa bago ang kanilang kasal. Niyaya ni Milandro si Myra na bisitahin ang kaniyang tatlong matatalik na kaibigan.

“Saan tayo pupunta?” tanong ni Myra at yumakap siya sa braso ni Milandro.

“Sa mga kaibigan ko. Ipakikila kita sa kanila.”

“Nahihiya ako,” malambing na tugon ni Myra.

“Huwag kang mahiya, hindi ka naman nila kakainin ng buhay,” biro ni Milandro.

“Palabiro ka talaga,” sumimangot si Myra.

“Pikon ka naman,” biro muli ni Milandro.

“Milandro!”

“Biro lang,” ‘saka niyakap ni Milandro si Myra. Pagkatapos hinalikan niya ito sa noo. Sumakay na sila sa sasakyan ni Milandro. Umalis na sila sa condo unit nila. Hindi pa nakikita ni Myra ang tunay na bahay ni Milandro sa Maynila. Pati ang resthouse ni Milandro sa batangas.

“Mukhang malayo ang biyahe natin,” sabi ni Myra.

“Medyo. Pero, may gusto din akong ipakita sa ‘yo doon. Ipikit mo na muna ang mga mata mo. Gigisingin na lang kita kapag nandoon na tayo.” Hindi siya sinagot ni Myra. Tiningnan ni Myra ang mga bulaklak na nasa likuran ng kotse. Mababango at magaganda.

“Mukhang, espesyal talaga sila sa ‘yo.”

“Oo,” seryosong sagot ni Milandro. Hindi na kumibo si Myra. Napansin ni Myra ang mga mata ni Milandro. Naisip ni Myra bigla, sila kaya ang sinasabi ni Milandro noon sa kanya? Pumikit na lang si Myra.

 

Lumipas ang oras.

“Nandito na tayo,” gising ni Milandro kay Myra. Hindi napansin ni Myra na siya’y nakatulog talaga. Huminga nang malalim ang dalaga. Nagulat pa siya nang makita niya ang paligid. Nasa sementeryo sila.

“Ano ang ginagawa natin dito?”

“Hindi ba sabi ko sa ‘yo, ipapakilala kita sa mga kaibigan ko.”

“P—Pero…”

“Dito sila natutulog. Sila ‘yung sinasabi ko sa ‘yo na nauwi sa malagim na trahedya. Si Clara, ang unang babaeng inibig ko. Pero alam kong hindi kami pwede dahil may tinitibok ang kanyang puso. Minahal siya ng matalik kong kaibigan, pero ang mahal ni Clara ay yung tunay na pag-ibig niya. Nahulog ang loob ko kay Clara dahil ako ang naging sandalan niya. Naging tapat na kaibigan na lang ako sa kanilang tatlo, pero hindi ko inaasahan ang isang pangyayari. Mahabang kwento, pero naka-move on na ako sa sakit. Nang dahil sa ‘yo, gumaling ang malaking sugat sa aking puso.”

“I’m sorry!”

“Masaya na ako. Alam kong masaya sila para sa akin. Nawala silang tatlo sa buhay ko, ikaw naman ang naging kapalit. Ikaw na makakasama ko habang-buhay, Myra.”

Hindi naiwasan ni Myra ang maluha. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ni Milandro sa tatlo niyang kaibigan. Pinunasan ni Milandro ang luha ni Myra, ‘saka siya ngumiti.

“Halika na,” anyaya ni Milandro. Tumango na lang si Myra. Bumaba na sila sa sasakyan. Pinuntahan na nila ang mga puntod ng kaibigan ni Milandro na sina Enrie, Liyu, at Clara.

“Sila ang matatalik kong kaibigan. Si Enrie parang kapatid ko na. Si Clara at Liyu ang magkasintahan.”

“Paano sila namatay?” tanong ni Myra. Tumahimik bigla si Milandro. Hindi siya kumikibo.

“Ayaw ko ng alalahanin pa.” Nilapag ni Milandro ang mga bulaklak. Nagsindi din siya ng kandila.

“Enrie, Clara at Liyu. Nakikita niyo ba ang babae na nasa tabi ko? Siya si Myra, ang babaeng makakasama ko habang-buhay. Alam kong dinala niyo ako sa kanya. Sobrang miss ko na kayong lahat.” Lumuha ang mga mata ni Milandro. Hinagod ni Myra ang likod nito.

“Kung sana narito pa kayo, makikita ko ang wagas ng ngiti niyo sa kasal namin.”

Nang biglang umihip ang hangin. Napapikit si Milandro. Naramdaman niya ang presensiya ng kanyang mga kaibigan. Napangiti si Milandro habang umiiyak.

“Alam niyo kung gaano kayo kahalaga sa akin. Muli, magpapaalam na muna ako sa inyo. Ipapakita ko sa mapapangasawa ko ang resthouse ko, kung saan kayo nakatira.”

“Resthouse?” nagtataka na tanong ni Myra. Tumango si Milandro.

“Ayaw ko sanang bumalik doon, pero nais kong malaman mo ito,” paliwanag ni Milandro.

Umalis na rin sila sa puntod ng mga kaibigan ni Milandro. Dumiretso sila sa resthouse na sinasabi niya. Maayos at maganda pa rin ito. Inaalagaan ng caretaker. Nilibot ni Milandro si Myra sa resthouse. Pati sa tabi ng dagat.

“Parang dito ko gustong mamuhay, Milandro,” sabi ni Myra.

“Bakit?”

“Tahimik. Parang walang problema. Ang gandang pagmasdan ng paligid.”

“Gusto mo ba talaga dito?” seryosong tanong ni Milandro. Tumango si Myra.

“Basta, ‘wag tayo sa resthouse. Bahay ng mga kaibigan ko iyon. Magpapatayo na lang tayo ng bago,” ngiting sabi ni Milandro.

“Talaga, Milandro?” nagagalak ang puso ni Myra.

“Oo naman, basta gusto mo.” Yumakap nang mahigpit si Myra sa kanya. Niyakap din siya nang mahigpit ni Milandro. Sabay nilang pinanood ang paglubog ng araw sa dagat. Nang sumapit na ang dilim, bumalik na sila sa Maynila.

 

MASIGABONG palakpakan ang naririnig sa loob ng Manila Cathedral. Natapos na rin ang seremonya ng kanilang kasal. Nandoon ang kanilang buong pamilya. Ang kanilang mga kaibigan. Sa trabaho. Mga empleyado nila. Masayang-masaya si Milandro at Myra. Walang papantay sa mga ngiti nila sa kanilang mga labi. Pati ang kanilang mga mata ay nag-uumapaw sa saya.

Samantala, si Trixie at Jeffrey tuluyan ng nagbago. Naging silang dalawa na at sa susunod na taon sila naman ang ikakasal.

Naging maligaya silang lahat.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When Love Collides (Epilogue)

2 Responses

    1. OMG! Soreh, hindi ko napansin. Si Liyu, nickname ni Leandro. Liyu kasi tawag ko sa kanya sa imagination ko, hahahaha! short for Leandro. HAhaha!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.