When the Bad Boy Met His Match Chapter 1 (The Bad Boy)

PROLOGUE

“I DON’T really understand why you need to do that, son. You have all the riches in the world and yet, you don’t want to enjoy it.” That was his father delivering his usual dialogue.

“Pa, just let me have the life I want to, okay. Noon ay halos ipagtulakan n’yo akong magbago, remember? Ngayon namang wala na kayong problema sa akin, hindi pa rin kayo kuntento. What is it really that you want from me?” He frowned.

“But your father is right, honey. You don’t need to mess up your life, for Pete’s sake!”

‘Mess up your life,’  iyon ba sa tingin ng mga ito ang ginagawa niya sa buhay niya?

Madalas ay nagtataka siya sa mga magulang. Noong nag – aaral pa lamang siya ay wala na siyang ginawa kung hindi ang magpasakit ng ulo ng mga ito. Bakit nga, halos araw – araw ay ipinapatawag ng eskuwelahan si Mr. at Mrs. De Vera para lamang papirmahin sa kung anu – anong memorandum of agreement na may kinalaman sa kanya.

Hindi iilang beses na sumakit ang ulo ng mama niya sa tuwing mapapasangkot siya sa gulo at hindi na rin niya mabilang ang ulit na umiyak ito para lamang magtino siya. Nag – iisang anak siya at halos lahat ng luho niya ay sinusunod ng mga ito. Iyon nga lamang at nang mga panahong kailangan pa niya ang kalinga ay saka naman hindi niya maramdaman ang presensiya ng mga magulang. Iyon marahil ang dahilan ng pagnanais niyang mapansin at gumawa ng mga bagay na alam niyang hindi mababalewala ng mga ito.

Ang lahat ng iyon ay tapos na. Ang bawat sakit ng ulo na ibinigay niya sa mga magulang ay natumbasan na niya ng maraming pagbabago. Mula nang maka – graduate siya ng kolehiyo sa kursong Business Administration ay nagsimula na siyang magpatakbo ng isa sa mga negosyo ng angkan.

Pag – aari ng mga De Vera ang pinakamalaking restaurant sa bayan ng Bauang, La Union. May walo itong sangay sa mga karatig lugar na pinamamahalaan ng kanyang mama. Mr. De Vera was also into real estate at bukod doon ay may bakahan din ang ama na siyang kasalukuyang pinagkakaabalahan nito. Siya naman ang pinagtiwalaan nitong mamahala sa dalawang rice mill sa Maynila at ekta – ektaryang patanimanan ng calamansi at kape sa probinsiya.

Maayos na ang lahat sa buhay niya pero hindi pa rin siya masaya. May bahagi pa rin ng puso niya ang hindi sumasabay sa pag – inog ng kanyang mundo. Kung kailan niya haharapin ang dahilan niyon ay hindi rin niya alam. Hindi niya alam o sadyang hindi niya ibig na alamin dahil nangangahulugan iyon ng muling pagbabalik sa masakit na nakaraan. Napabuntong – hininga siya nang hindi na niya nagawang takasan ang daloy ng mga alaala.

Chapter 1

“MAY I repeat to the class, anyone who will be caught cheating will be suspended for three days. Do you hear?”

“Yes, ma’am.” ang sagot ng buong klase.

Napasimangot siya. Hayun na naman sa harapan nila ang teacher nila sa Economics na tila lagi na lamang nananakot sa araw – araw na klase nila. Kung bakit naman tila utu – uto ang mga kaklase niya na patuloy na umaayon dito ay hindi niya alam.

“Do you have a problem, Mr. De Vera?” Hindi na bago ang eksenang iyon dahil araw – araw din naman siyang tinatanong nito kung ano ang problema niya. Tumayo siya saka ngumiti ng matamis sa guro.

“Do I look like I have problems, madam?” He grinned.

“Then, why are you smiling, little boy?” Inalis pa nito ang dalawang patong yatang salamin bago muling nagsalita.

“Ouch! I’m no longer a little boy, ma’am. That one hurts!” Kunwa’y nasaktan pa siya na hawak ang dibdib. Nagtawanan ang buong klase.

“Really? Can you prove to me that you are not?” Hamon pa nito na salubong na ang kilay sa pagsasalita. Batid niyang ilang sandali na lamang at maiinis na naman nang tuluyan ang teacher niyang ito. Pinalaki niya ang mga mata na kunwa’y nagimbal sa narinig.

“In front of the class, Ma’am? I can’t!” Kinuha niya ang bag at madaling itinakip sa ibabang bahagi ng kanyang katawan. Muli ay umugong ang malakas na tawanan ng buong klase.

“I can’t believe this! You…you son of a…”

“Ops, ops mam, bawal yan…wag ninyong itutuloy…” Ang kamay niya ay umakto pang tila nananaway.

Hindi na nakatiis ang guro at kinuha nito ang librong makapal sa ibabaw ng table saka mabilis na inihagis sa kanya. Maagap naman niyang nasapo iyon at nahagip pa niya ng tingin ang papalabas at nagdadabog na guro. Naramdaman na lamang niya ang pagtama ng mga nilamukos na papel sa katawan at mukha niya. Gawa iyon ng mga kaklaseng sa halip na magalit ay tuwang – tuwa pa sa kanya dahil wala nang magaganap na test sa araw na iyon. Ang mga kaibigan naman ay nagsilapitan at saka isa – isang nag high five sa kanya. Nahinto lamang ang ingay nang umalingawngaw sa paligid ang malakas na tunog ng paging alert na sinundan ng malaking boses ng kanilang principal.

“Mr. Radge Paolo De Vera, bring your parents in my office first thing in the morning tomorrow. Again, bring your parents to my office tomorrow!” saka nawala ang tinig. Kasunod niyon ay ang ingay na hindi lamang sa classroom nila nagmumula kung hindi pati na rin sa labas ng kuwarto dahil marami na rin ang nakakakilala sa kanya. Sa halip na matakot ay buong giting pa siyang nagpunta sa harapan ng klase.

“Sure. Tomorrow, I’ll bring my mother….with plastic cover.” saka siya yumukod sa mga ito. Nakabibinging palakpakan at hiyawan ang umere sa paligid.

“INAY, huwag niyo na akong alalahanin. Kaya ko na po ang sarili ko.”

“Hindi maari ang gusto mo anak. Babae ka at hindi mo maiaalis sa akin ang mag – alala.” Umiiyak ang nanay niya dahil iyon ang unang pagkakataon na magkakahiwalay sila nang matagal. Nawalan ng trabaho ang tatay niya nang magsara ang kompanyang pinapasukan nito. Ang nanay naman niya ay mananahi ng maliliit na bilog na basahan na inilalako ng kanyang mga pinsang lalaki sa bayan.

Batid niyang hindi man sabihin ng mga magulang ay hindi na kaya ng mga itong pag -aralin siya. Nag – iisa lamang siyang anak pero sa hirap ng buhay, malaking gastos ang pagpapaaral sa kanya ng mga magulang sa eksklusibong paaralan ng bayan nila. Ang pampublikong paaralan kasi ay malayo at nasa kabilang bayan pa. Bago siya umuwi ay aabutin siya ng halos dalawang oras sa biyahe mula sa pampasaherong jeep hanggang sa bangkang maghahatid sa kanya. Idagdag pang madalang ang naglalabas ng bangka pagsapit ng alas – siyete ng gabi.

Nang nagdaang gabi ay narinig niyang may kausap na naman ang ama na pagbebentahan ng alaga nitong kalabaw. Nasaksihan niya kung gaano nito kamahal si Bullet at masakit sa kanyang isipin ang pagsasakripisyo na iyon ng kanyang Itay. Kaya naman kahit kalagitnaan pa lang ng taunang pampaaralan ay naisipan na niyang imungkahi sa ina na sa kapatid na lamang nito sa Maynila siya papag – aralin.

Matagal na siyang hinihimok ni Tiya Belen na doon manirahan sapagkat wala na itong kasama sa buhay liban sa pinsan niyang si Madel. Anak naman ito ni Tiya Rosa na siyang bunsong kapatid ng kanyang ina at ni Tiya Belen. Gaya niya ay pinaaral din ito ng tiyahin at sa ngayon ay malapit ng maka – graduate ng kolehiyo.

“Nay, huwag kayong mag – alala, uuwi ako tuwing may pagkakataon. Isa pa, matagal ko ng pangarap ang mag – aral sa Maynila, ‘diba?”

“Oo nga anak pero ang usapan natin ay pagkatapos mo pa ng High School saka ka paparoon. Masyado pang maaga, bakit hindi mo pa tapusin ang Fourth Year?” Napahikbi na ito.

“Nay, ano naman ang ipinag – iba eh sa susunod na taon na rin naman iyon. Saka isa pa, maaga akong matututong manirahan sa Maynila kung ngayon pa lang ay doon na ako tutuloy. Huwag ka nang umiyak ‘Nay, mapapaayos naman ako doon eh.”

Pinilit niya ang hindi mapagaya dito. Ang totoo ay hindi rin naman niya gustong mapawalay dito nang maaga. Bata pa nga siya at maging sa pagtulog nga ay tinatabihan pa niya ito paminsan – minsan. Pero pag nahimigan ng nanay niyang nag – aalangan siya, tiyak na hindi na matutuloy ang kanyang plano. Siguradong paaaralin siya ng mga ito sukdulang maibenta ang lahat ng hayop nila sa bukid at iyon ang hindi niya gusto.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo, anak?” Tinitigan pa nito ang kanyang mga mata kaya pinasaya niya ang ekspresyon ng mukha.

“Sure na sure!” Nakangiti niyang sabi bago tuluyang yakapin ito nang mahigpit. Iwinaksi niya ang lahat ng alalahanin at itinuon ang isip sa kanyang mga plano.

MAAGA pa ay hinatid na siya ng mga magulang sa sakayan ng bus. Ilang oras din ang biyahe niya mula Hagonoy hanggang Maynila kaya minabuti niyang agahan ang lakad. Pasado alas siyete ng umaga nang marating niya ang bahay ng tiyahin. Nagulat pa siya nang abutang nakagayak ito.

“O, Trixia, nariyan ka na pala, hija.”

“Opo, maaga akong bumiyahe gaya ng sabi niyo.” Humalik siya sa pisngi nito saka nagmano.

“Tamang – tama. Halika at ihahatid na kita sa itaas upang maipanhik ang gamit mo. Mamaya mo na ayusin iyon dahil aalis tayo pagkakain mo. Halika na.” Inakay na siya nito papanik sa ikalawang palapag ng bahay.

“Aalis po tayo?”

“Naku eh pasensiya ka na anak kung hindi ko na nabanggit sa text. Alam mo namang hindi ako mahilig magpipindot eh. Tumawag kasi ako sa bayaw kong principal diyan sa eskuwelahang papasukan mo at sabi sa akin, ngayong umaga daw tayo magpunta dahil bibiyahe na siya mamayang hapon. May meeting yata ang mga opisyales ng paaralan at sa labas pa ng Maynila iyon gaganapin.”

“Ganoon po ba?” Ayon na lang niya dito. Okey na rin naman iyon sa kanya para maaga siyang makalipat sa paaralang iyon at hindi maiwan sa klase. Katatapos lamang ng ikalawang markahan at tamang – tama lang ang kanyang paglipat. Dala na rin niya ang mga kailangan para matanggap ng paaralang iyon. Kahit sabihin pang kilala ng tiya niya ang principal, mainam na ring hindi siya mapintasan ng mga ito, lalo pa at graduating na siya. Hindi lahat ng school ay tumatanggap ng graduating na transferees.

Matapos ilagay ang mga gamit sa kuwartong inilaan nito para sa kanya ay bumaba na sila.  Magkasalo silang dumulog sa agahan na inihahanda ng kasambahay ng Tiya Belen niya na ipinakilala nitong Nana Mameng. Ang Ate Madel naman niya ay nasa unibersidad na pinapasukan nito at gabi pa daw ang uwi. Masigla siyang kumain habang nakikipagkuwentuhan sa kanyang Tiya Belen.

“WHAT do you mean last chance, Sir?”

Papasok sila ng tiya sa opisina ng principal nang marinig ang tinig na iyon ng isang matandang babaeng sa tingin niya ay kasing – edad ng kanyang ina. Doon ay nakita niyang may bisita ang principal. Hindi sila agad napansin nito dahil abala ito sa pagkausap sa mga bisita. Naroon sa harap nito ang tila mag – asawang nakikiusap dito. Batid niya iyon base sa naririnig na usapan. Wala naman kasing dibisyon ang tanggapan ng opisina at ang mismong working space nito. Mula sa sofa na kinauupuan ay tanaw niya ang mga nag – uusap. Doon sila pinaupo ng babaeng sumalubong sa kanila sa pinto.

“You heard me right, Mrs. De Vera. Sobrang sakit na ng ulo ang hatid ng anak n’yo sa paaralang ito. Ang mga guro ay ayaw ng tumanggap halos ng subject sa klase nila dahil sa kanya.”

“Pero Sir, wala naman akong sinabing masama…”

“Shut up, Radge!” Narinig niyang sigaw ng matandang lalaki. Pero ang estudyante ay hindi naman niya makita dahil natatakpan ito ng amang nakaupo sa tabi nito.

Naiinis siya sa naririnig. Siya ay heto at titiisin ang kahit anong hirap makapag – aral lang samantalang ang estudyanteng iyon sa harap ng principal ay malinaw na patunay ng isang taong pabaya. Hindi pa man niya nakikita ay may namuo ng inis sa kanya para dito.

Sa buong durasyon ng pag – uusap ay nakikinig lang siya habang ang Tiya Belen niya ay nagbabasa ng magazine. Narinig niyang binigyan pa ng isang pagkakataon ang estudyanteng nagngangalang Radge Paolo at matapos ay pinapirma sa isang Memorandum of Agreement ang mga magulang nito. Nang sa wakas ay matapos din ang pag – uusap ng mga ito at matapos kamayan ng matandang lalaki ang principal ay tinungo na ng mga ito ang pinto na malapit sa kanila. Nabigla siya nang sa pagharap ng mga ito ay mapagmasdan ang Radge Paolo na iyon.

Kulang yata ang adjectives na baon niya upang ilarawan ang lalaki. Kahawig ito ni Richard Guttierez lalo sa malapitan. Ang buhok nitong makapal ay may kahabaan at ang dulo niyon ay nakaipit sa tainga nito. Tama nga ang sinabi ng punong guro na hindi ito sumusunod sa alituntunin ng paaralan dahil hindi man lang ito nagpagupit ng tila ilang buwan.

Ang mga mata nito ay malamlam na nababakuran ng malalantik na pilik mata, may matangos ang ilong at may manipis na labing tila laging nakangiti.

Nakangiti?

Tumaas ang tingin niya sa mga mata nito at muntik na siyang matumba nang mapagtantong nasa tapat lang niya ito nakatayo habang siya naman ay nakikipagtitigan dito. At totoo ang nakikita niya, nakangiti nga ito sa kanya at kumindat pa.

“Hi, babe.” Pakiramdam niya ay singpula ng kamatis ang mukha niya lalo pa nang mapansing nasa harap na ng principal na si Mr. Pantua ang Tiya Belen niya at kumakaway sa kanya samantalang siya ay hayun at naiwang nakatunganga sa Radge Paolo na ito. Sa matinding pagkapahiya ay inirapan niya ang lalaki bago tumalikod dito nang tuluyan. Narinig pa niya ang malakas na halakhak nito bago ang pagsaway ng matandang kasama nito.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When the Bad Boy Met His Match Chapter 1 (The Bad Boy)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.