When the Bad Boy Met His Match Chapter 16 (Misery for Love)

NAKIKITA niya si Radge at kaykisig nito habang lumalakad papalapit sa kanya. Umangat ang kamay nito na animo’y inilalahad upang abutin niya. Walang pag – aatubiling inabot naman niya iyon subalit nagitla siya nang maglagos ang kanyang kamay sa palad nito. Muli niya itong inabot subalit hindi niya ito magawang hawakan. Nagsimulang bumalong ang kanyang mga luha. Nang muli niyang tingalain ang nakalahad na kamay ni Radge ay wala na iyon. Unti – unting lumalayo ang imahe ng lalaki hanggang sa tuluyan na itong naglaho sa kanyang paningin.

“Radge!” Hindik na hindik siya habang sumisigaw.

“Ma’am…Ma’am…” Mahinang tapik sa mukha ang nagpabalikwas sa kanya.

Nang magbalik ang kanyang diwa ay muli niyang naalala ang panaginip at muli ay napahikbi siya.

“Ma’am, saan po ba tayo pupunta? Nawalan kayo ng malay at wala naman akong mahingan ng tulong kaya…”

“N-nasaan po ba tayo?” tanong niya habang nililinga ang paligid.

“Hindi pa po tayo gaanong nakalalayo sa Café na pinanggalingan ninyo. Saan po ba kayo pupunta?” Tanong ng driver na may bahagyang pag – aalala sa tinig.

Nang maalala ang dahilan ng kanyang pagsakay sa taxi na iyon ay muling sumikdo ang dibdib niya. Nang tunghayan ang relong pambisig ay lalo na siyang nanlumo. Baka kung napaano na si Radge! Kailangan niyang makita ito sa lalong madaling panahon!

“Manong, pakihatid po ako sa St. Jude. Parang awa niyo na po, bilisan natin!”

 

HALOS HINDI niya maihakbang ang mga paa habang naglalakad papasok sa pasilyo ng ospital. Ibig niyang makita agad si Radge pero may kung anong pumipigil sa kanya na magmadali itong makita. Sa likod ng isip ay natatakot siya sa posibleng nangyari sa binata.

Awtomatiko siyang naglakad patungo sa silid na kinaroroonan ni Radge. Tila iyon na ang pinakamahabang sandali sa kanyang buhay. Kasabay ng pagbayo ng dibdib ay ang masaganang luhang naglalandas sa kanyang mga pisngi. Nang sa wakas ay marating ang silid na sinabi ni Ingrid ay napahinto siya. Sa labas ay naroon ang ilang taong hindi man niya kilala ay batid niyang kaanak ng lalaking minamahal. Sa namumugtong mata ng mga naroon ay lalong ibayong takot ang kanyang nadama.

Unti – unti ay kumilos ang kanyang mga kamay upang buksan ang pintuan ng silid. Pinaghalong amoy ng gamot at bulaklak ang bumungad sa kanya pagbukas niyon. Ilang hakbang pa ang kanyang ginawa nang sa wakas ay tumambad ang nakahigang katawan ni Radge sa kamang nasa sulok ng silid. Nakasuot ito ng hospital gown at ang tila halos walang buhay nitong katawan ay nakakabitan ng napakaraming tubong hindi niya nauunawaan kung para saan. Isa lamang ang kahulugan ng mga iyon at hindi niya iyon kayang tanggapin.

Hindi niya maikilos ang kanyang mga paa sa matinding sakit na nadarama sa mga sandaling iyon. Tila ba naparalisa na nang tuluyan maging ang utak niya at walang anumang rumerehistro roon.

“Dati naman kaming masaya. We were actually planning to get married when you came. Now, look at him. Look where your stupid love brought him.” Nagbalik ang kanyang diwa nang marinig ang tinig ni Ingrid na nasa kanang bahagi ng kama ni Radge. Hindi ito nakatingin sa kanya at sa halip ay kay Radge ito nakatunghay habang buong kapaitan na nagsasalita.

Wala siyang naitugon dito. Ano nga ba ang maaari niyang isagot? Na bago pa man ito ay siya ang unang babae sa buhay ni Radge? Na ayon na rin sa binata ay siya ang tunay na mahal nito? Wala siyang lakas upang magsalita at ang pakikipagpalitan ng argumento ang pinakahuling bagay na nanaisin niya sa mga oras na iyon.

“Tinawagan kita dahil sa tingin ko ay karapatan mong malaman ang lahat pero sana ay umakto ka ng normal sa harap ng mga kamag – anak ni Radge. Alam nilang hindi maglilipat taon ay ikakasal na kami at huwag mo sanang sirain ‘yun.”

Bumuka ang kanyang mga labi upang magsalita pero walang lumabas na tinig doon. Totoo ang sinabi ni Ingrid. Masaya naman talaga ang pagsasama ng mga ito bago siya dumating. Tila siya kontrabidang umeksena sa isang pelikula at inangkin ang bidang lalaki roon. Kasabay ng guilt ay ang matinding sama ng loob sa lahat ng nangyayari.

“Ano ba sa tingin mo ang dahilan kung bakit ako ang narito sa tabi ni Radge at hindi ikaw? Ako ang tinawagan niya bago siya tuluyang mawalan ng malay, Trixia. And I hope that is clear to you. Mahal ako ni Radge at ang tanging dahilan na nag – uugnay sa inyo ay ang nakaraan na hindi niya nagawang takasan.” Umangat ang tingin niya mula kay Radge patungo sa mga mata ni Ingrid.

“A – ano ang ibig mong sabihin?” Sa wakas, sa namamaos niyang tinig ay nagawa niyang magsalita.

“I knew everything about you and Radge. He told me what happened between the two of you even before you showed up. Nang magkita kayong muli sa kasal ni Ricci ay saka lang nagkaroon ng mukha ang mga kuwento niya, but just the same…he was just guilty for what he has done and that’s all into it. Stop dreaming, Trixia. It’s over.” Matalim ang mga matang wika nito.

Ang tinitimping hinanakit ay kumawala sa kanyang pagpipigil. Lumapit siya sa binata at saka humagulgol nang malakas. Yumakap siya rito at tumangis na tila ba iyon na ang huling sandaling makikita niya ito.

“Radge! Radge, gumising ka! Sabihin mo ang totoo! Sabihin mong mahal mo ako please! Radge!”

Mahal siya ni Radge. Ibinubulong ng puso niyang magtiwala siya sa mga pangakong binitiwan nito.

‘I love you, Trix. If moving on means forgetting everything about you, I’d rather not breathe.’

Mahal siya ni Radge. At panghahawakan niya ang gahanip na pag – asa ng pangakong iyon.

‘I don’t wanna see you cry again. When you feel like crying, remind yourself that I love you.’

Mahal siya ni Radge at ipaglalaban niya ito. Nang maramdaman ang paglapit ni Ingrid ay galit na hinarap niya ang babae.

“Huwag mong tangkaing palabasin ako sa silid na ito lalo’t higit sa buhay ni Radge dahil hindi mo iyon magagawa! Sapat na ang mahabang panahong ipinahiram ko siya sa’yo at ngayon ay kailangan ko na siyang bawiin!”

“How dare you! You don’t own him!” Histerikal na sigaw ni Ingrid.

“At hindi mo rin siya pag – aari! Hindi magiging pag – aari kahit kailan!” Hinawakan niya ang kamay ni Radge bago muling nagpatuloy, “…dahil hanggang humihinga siya…habang pumipintig ang puso niya…ako lang ang babaeng mamahalin niya…” Kasunod niyon ay ang mahabang pagtangis na halos ay pumugto sa kanyang hininga.

 

WALA SIYANG tulog at pagod na pagod na ang kanyang katawan pero ang lahat ng iyon ay walang halaga. Kailangang narito siya sa tabi ni Radge paggising nito. Kailangang siya ang unang mabungaran pagmulat ng mga mata nito. Umalis si Ingrid matapos ang ilang palitan nila ng salita pero nadarama niyang simula pa lang iyon ng lahat. Mas higit niya itong dapat katakutan dahil may pagbabanta sa mga mata nito.

“Radge! My God, honey, what happened?!” Ang mga dumating ay patakbong lumapit sa binatang nakahiga sa kama. Umiiyak ang babae at nakaalalay naman dito ang kasama nito. Ilang sandali rin bago ito napayapa at saka siya napansin.

“Sino ka? Ano’ng nangyari sa anak ko?” simulang tanong nito.

Sasagot sana siya nang bumukas ang pintuan ng silid at iniluwa noon ang doktor na may kasamang nurse. Halos sabay – sabay silang tatlo sa paglapit sa dumating.

“Mr. and Mrs. De Vera?” Bungad ng doktor kasabay ng pag – abot sa kamay ng mag – asawa.

“Kumusta po ang lagay ng anak namin?” tanong ni Mr. De Vera.

“His vital signs are stable…but he’s in coma. I’m sorry but his head seriously hit the…”

“Oh no…no way, doc! What do you mean?! Please tell me he’s okay! Mabubuhay ang anak ko hindi ba?!” histerikal na si Mrs. De Vera at siya naman ay napapikit na lamang sa mga naririnig.

Radge pleaseplease

“How I wish I could say that, Misis. But I don’t want to give you false hopes. It’s been two days now since the accident and he’s still not awake. Let’s just pray. Miracles do happen, anyway.” Iyon lang at tumalikod na ang doktor.

Napaupo siya sa matinding paghihirap ng loob. Milagro? Iyon na lamang ba ang pag – asang mabuhay si Radge? Doon na lamang ba niya iaasa ang lahat? Tila napakaliit ng pagitan ng buhay at kamatayan sa tingin niya. Tila ba ang bawat nilalang ay may kani – kanyang pangalan sa isang pisara na sa oras na kunin ito ay dagli iyong mabubura. Sa ganoon lang ba magwawakas ang lahat? Ganoon na lang ba?

Tila kandilang nauupos ang pakiramdam niya sa sarili. Hindi niya magawa ang kumain maging ang matulog sa pagbabantay sa binata. Ibig sana niyang magpakilala sa mga magulang ni Radge subalit tila gaya niya ay wala rin sa sarili ang mga ito. Si Mrs. De Vera ay wala ring ginawa kung hindi umiyak sa bisig ng asawa. Kung hindi marahil sa pampakalma na ibinigay ng doktor ay hindi ito magagawang ilabas ng kabiyak upang saglit na makapagpahinga.

Nang mapag – isa ay hinawakan niya ang mga kamay ni Radge. Masuyo niyang pinaglandas ang tingin sa maamo nitong mukha na bagaman natutulog ay nagbabadya ng paghihirap. Ang sala – salabat na tubo na nakakabit sa katawan nito ay ang tanging pag – asang pinanghahawakan niya upang magdugtong ng buhay sa lalaking kanyang minamahal.

“I love you, baby…” At muli ay ang pagbalong ng tila walang pagsidlan niyang luha.

“I love you so much that I couldn’t live each day without you. Sabi mo, mahal mo ‘ko. Alam mong duwag ako ‘diba. Alam mong takot akong mag – isa. You promised to love me everyday…make it happen, Radge…make it happen…” Ang mahina niyang hikbi ay naging hagulgol hanggang maging panaghoy na dalangin niyang nawa ay makaabot sa pandinig ng Maylikha.

Nasa ganoon siyang ayos nang maramdaman ang bahagyang pagpitik ng mga daliri ni Radge. Nakasilip siya ng pag – asa dahil doon. Maliksi siyang tumayo upang tumawag ng nurse sa labas ng silid. At nang muling magbalik ay tila may pagkalaki – laking kamay na dumakot sa kanyang dibdib pagkakita sa lalaki.

“HE’S NOW in stable condition. I don’t know how this happened. Hindi ko rin ito lubusang maipaliwanag. Mula sa pabago – bagong vital signs ay naging normal na iyon sa loob lamang ng ilang sandali at ngayon nga ay nagising na siya. This is indeed a miracle, Mr. and Mrs. De Vera. Radge fought for his life and he made it.” Napapikit siya sa narinig na sinabi ng doktor.

Radge will live. Kahit isang sandali ay hindi sumagi sa isip niya na totoong mawawala ito. Hindi siya nito kayang iwan…alam niya iyon…nadarama niya iyon. Lalapit na sana siya upang magpakita kay Radge nang biglang sumalya ang pintuan. Tuluy – tuloy si Ingrid sa paglapit sa binatang nasa higaan at walang babalang pinaghahalikan ito.

“How are you honey? You scared the hell out of me!” Tila hindi nito malaman ang gagawin kung hahalikan o yayakapin ang binata. Napatda siya sa kinatatayuan. Lalo na nang lumapit pa ang mga magulang ni Radge at gawaran ng halik sa pisngi ang bagong dating. Si Radge naman ay nakangiting nakamasid dito. Hindi nito napapansin ang presensiya niya pero… hindi ba siya nito hahanapin man lamang? Kusang kumilos ang kanyang mga paa upang lumapit sa mga ito.

“R – Radge…” tila isang eksenang napigil sa hangin ang kanyang paghinga. At ang paglingon ng lalaki ay tila ba napakatagal sa pakiramdam niya.

Nakangiti siya at inaasahan niyang iyon din ang isasalubong ni Radge sa kanya. Subalit sa kung anong dahilan ay walang bakas ng anumang rekognisyon ang mga mata nito. Ilang sandali siya nitong tinitigan at matapos ay saka ito napangunot ng noo.

“Yes, Miss?” wika nito na dagling nagpangiti kay Ingrid.

Tuluyan na siyang lumapit at hinawakan ang kamay nito.

“Baby, ako ‘to. Hindi mo ba ako nakikilala?”

Muli itong tumitig sa kanya at tila may nakiraang lungkot sa mga mata nito bago ito muling nagsalita.

“Oh, I’m sorry… T – Trixia?”

Yumakap siya rito ng buong higpit. Akala niya ay nakalimutan na siya ng binata.

“Thank God you’re now okay! Akala ko ay tuluyan ka nang mawawala sa akin!” Patuloy siya sa pag – iyak nang naramdamang walang reaksiyon ang katawan ng kayakap. Tumingala siya buhat sa pagkakayuko rito at saka siya tumunghay sa mukha ng binata.

“Radge? S – Something wrong?”

Hindi ito sumagot. Sa halip ay inalis nito ang kanyang mga kamay na nakahawak sa palad nito at saka nito iyon pinagsalikop.

“Manhid ka ba o sadyang tanga?! Can’t you get it? Hindi ka mahal ni Radge at ako lang ang tanging babaeng pakakasalan niya! Naiintindihan mo ba?!” pigil man ang lakas ng boses ni Ingrid ay tila umaalingawngaw iyon sa kanyang pandinig.

“Ano ba ang nangyayari dito? Radge, anak, alam kong hindi ito ang tamang panahon para pag – usapan ito pero hindi ba at kamakailan lang ay nagsabi ka na sa amin ng papa mo…”

Napatingin siya kay Mrs. De Vera nang magsalita ito. Nang matiyak na maayos na ang kalagayan ng anak ay muli itong nagbalik sa normal nitong kilos. Nakuha na rin nitong alamin ang pangalan niya at natuwa itong malaman na kasintahan siya ng anak nito.

“Ma, please…masakit ang ulo ko. Please send her out. I’ll deal with her some other time. Please send her out now.” Kulang ang salitang pagkagulat sa narinig niyang sinabi ng binata. Did he just say ‘send her out?’ Siya – na kasintahan nito at hindi si Ingrid?

“Radge, ano ba ang nangyayari? Mahal mo ako ‘diba? Nagkakaunawaan na tayo. Magkikita tau sa Café Eana pero hindi ka dumating dahil…dahil sa aksidenteng nangyari sa iyo. Now that you’re well, I’m here to take care of you.” nagsusumamong sabi niya.

“Hindi mo ba naiintindihan ang sinabi niya? Get out! Get out of our lives now!” Nang hawakan siya sa braso ni Ingrid ay hinintay niyang magalit si Radge pero nanatili itong walang imik. Ipinikit pa nito ang mga mata na tila ba ayaw siyang makita man lamang.

Kung hindi pa umawat ang mga magulang nito ay magpapatuloy si Ingrid sa pagtataboy sa kanya. Hindi na niya iyon nakayanan at mabilis niyang tinahak ang landas palayo sa lugar na iyon…palayo sa lalaking minahal ng lubos subalit hindi na yata napagod sa pananakit sa kanya.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When the Bad Boy Met His Match Chapter 16 (Misery for Love)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.