When the Bad Boy Met His Match Chapter 17 (What If Love Is Not Enough?)

HINDI SIYA papayag nang ganoon na lang. Kung iniisip ni Ingrid na ganoon lang niya basta isusuko ang pag – ibig kay Radge ay nagkakamali ito. Walong taon niyang pilit na inalis sa sistema niya ang lalaki subalit hindi siya nagtagumpay. Ngayon pa bang naranasan na niyang muli kung paanong mahalin nito saka pa siya susuko?

She’ll never get tired of doing anything just to have Radge back. Alam niya sa puso niyang mahal pa rin siya nito. At kung nagagawa man ni Radge na iwasan siya ay tiyak na may magandang dahilan naman ito. Natitiyak niya ang bagay na iyon. She’ll never lose hope, not until he tells her to do it.

“Radge…” Mahinang usal niya sa pangalan nito. Hinintay niya munang gumabi at saka siya nagbalik sa ospital. Itinapat niyang walang tauhan ng ospital ang nasa nurse station saka siya maingat na pumasok sa silid ng binata.

Nang magmulat ng mga mata si Radge at nakita siya ay tila takot ang unang rumehistro sa mga mata nito at matapos iyon ay ang galit.

“Ano ang ginagawa mo rito?” Paanas na tanong nito. Hindi agad siya nakasagot.

Hindi niya lubos na maunawaan ang kalamigan sa tinig nito. Nagsisimula pa lang itong magtanong ay hindi na niya makuha ang magsalita. Basta na lamang siya umiyak dahil sa matinding hinanakit sa inaakala niyang pag – ibig nito.

“Ano ang ginagawa mo sa’kin? Kailangan mo ba akong paulit – ulit na saktan? Hindi ka pa ba napapagod, Radge?” aniya. Masikip na masikip ang kanyang paghinga.

“I’m sorry.” Napatda siya.

“I’m sorry? Ganoon lang ba iyon? Tapos na tayo nang ganoon kabilis?” Namamanghang tanong niya. Sana’y panaginip lang ang lahat…para hindi ganoon kahirap…hindi ganoon kasakit…

“Someday you’ll find someone that will love you more than I did. I’m so sorry, Trix.”

I did? Did he just use past tense?

“I didn’t mean it to happen. Hindi ko pinlano…hindi ko inakalang paggising ko ay…wala ka na pala dito…” patuloy na wika nito habang nakahawak sa kaliwang dibdid.

“Radge, this is impossible! I can give you time… I can give you forever if that’s what you need to realize everything…but don’t say goodbye. It’s killing me…” Bakasakaling may pag – asa pa. Miracles do happen right?

“Radge, please. I’m begging you. Alalahanin mo ang mga masasayang araw na magkasama tayo…ang mga pangako natin sa isa’t – isa…Alalahanin mong mahal mo ‘ko!” muling pagsusumamo niya.

Nang umiling nang paulit – ulit si Radge ay napalakas ang hagulgol niya. Kung mabibili lamang ang milagro ay uubusin niya ang lahat ng naipon upang magkaroon noon. Pero tila kabila pa ng imposible ang hinihingi niya.

Inipon niya ang lahat ng natitirang lakas at tinahak ang landas palabas ng silid ni Radge…palabas ng tuluyan sa buhay nito…Sa isip ay ang sumpang hindi na niya kailanman babalikan ang kabanatang iyon ng buhay niya.

Kung muli lang siyang babalik ay makikita niya ang pagluha ni Radge. At ang pagyakap dito ng ina nitong nakakubli lamang pala sa isang panig ng silid. Kapwa lumuluha ang mag – ina sa isang lihim na tanging sila lamang ang nakababatid.

 

“HAYOP ka, Martin! Nag-usap na tayo! Ipinangako mong hindi ka kikilos nang hindi ko alam! Ipinangako mong hindi mo ilalagay sa panganib ang…”

“Shut up, Ingrid! Nangyari na. Ang kailangan ngayon ay isipin natin ang mga susunod pang hakbang.”

“Pero alam mong mahal ko si Radge! Why do you have to do that? Paano kung namatay siya dahil sa ginawa mo? Milagro lang na nabuhay siya at hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyan siyang napahamak!” Unti – unti ay kumilos ang mga kamay ni Ingrid at pinaghahampas nito ang dibdib ng lalaki.

“May sa pusa ang lalaking iyan at kung alam ko lang, sana ay sinindihan ko pa ang kotse niya para tuluyan na siyang namatay!”

“Walanghiya ka! Pagbabayaran mo ito! Hayup ka!” Isang malakas na sampal sa pisngi ang nagpatulig kay Ingrid at sapo ang kaliwang pisngi ay hindi maipinta ang pagkasindak na nakabadha sa anyo nito.

“Tumigil ka nga! Ano ba ang pinagsasasabi mo? Alam mong magiging bahagi ng plano si Radge kahit noon pa, hindi ba? Alam mo namang darating din ang bagay na ‘yan ‘pag tuluyan nang napasakamay niya ang lahat ng yaman ng matandang De Vera! Ano’t tila wala kang alam ngayon?”

“Sinungaling ka! Ginawa mo ito hindi para sa papa! Galit ka kay Radge dahil siya ang pinili ni Trixia hindi ba? Nagagalit ka sa kanya kaya mo siya tinangkang patayin nang mas maaga sa mga plano natin!”

“Oo! Inaamin kong totoo ang sinasabi mo. Gusto ko siyang patayin dahil sa ginawa niyang pang-aagaw sa nag-iisang babaeng natutuhan ko nang mahalin. Akala ko ay iba si Trixia and well, iba naman talaga siya sa mga babaeng nasa paligid ko kung hindi nga lamang dumating ang walanghiya mong nobyo!”

“Hayup ka talaga!”

“At kung mabibigyan ako ng pagkakataon ay muli kong pagtatangkaan ang buhay ng lalaking ‘yan, Ingrid. Kaya huwag kang magpakasiguro dahil babalikan ko pa siya.”

“You won’t do that. Subukan mo lang at habampanahon kitang itatakwil. Leave Radge alone. Kung kinakailangang ilayo ko siya ay gagawin ko para hindi na siya maging sagabal sa inyong dalawa ni Trixia. I’ll bring him to Australia I’ll make sure he’ll marry me bago kami bumalik dito.”

“Sige, gawin mo ang inaakala mong tama. At kung sa huli ay maubos na ang alas mo, narito lang ako para igawad sa kanilang mag-ama ang parusang matagal nang hinahangad ng papa.”

Makahulugan at mapanganib na ngiti ang gumuhit sa mga labi ng dalawa.

 

Seven months later…

“Jeda, ikaw na ang bahala sa gown ni Ms. Tessa ha. May importante lang akong lalakarin at kailangang nakaayos na iyan bukas ng hapon.”

“Opo. ‘Yung piña barong po ng groom, naka-set na din.”

Napangiti siya. Kahit mawala siya ng isang buwan ay alam niyang nasa maayos ang lahat. Eksperto na si Jeda sa pasikot – sikot sa Ladies and Gents at may mga pakulo pa ito upang makabingwit ng kliyente. Mula sa kaibigan hanggang sa mga pinsan ng kanilang mga customers ay sa kanila na rin nagpapa – arrange ng kasal.

“Hay ate, kailan kaya ako makapagsusuot ng wedding gown?” Napangiti siya sa hitsura ni Jeda. Tila ito nangangarap na ipinatong sa dibdib nito ang ipapalit sanang gown sa mannequin na nasa harap ng salamin ng boutique.

“Eh ‘di isuot mo na ngayon.” Nangingiting wika niya.

“Si Ate naman oh, siyempre dapat ay may groom ako ‘diba.”

“O siya sige, ihahanap kita para makapagsuot ka na ng wedding gown.”

Nagkatawanan silang dalawa ni Jeda sa sinabi niyang iyon.

“Ate…” pagkuwa’y sabi nito.

Luminga siya sa assistant na patuloy sa pag – ikot sa salamin habang kunwa’y nakasukat ang damit pangkasal dito.

“Ano ba ang pakiramdam ng ikinakasal?” Napalis ang ngiti niya sa tanong nito.

“Bakit sa’kin mo itinatanong? Ikinasal na ba ‘ko?” Kunwa’y balewalang sabi niya pero ang totoo ay ibig niyang magngitngit sa isang simpleng tanong na iyon.

“Ikaw naman kasi Ate, eh. Kung bakit hindi mo pa tanggapin ulit si Sir Martin eh halata namang mahal na mahal ka ng tao.” Matamang nakatitig si Jeda sa dalaga at mandin ay hinihintay ang isasagot nito.

“Alam ko. Pero wala naman akong nararamdaman para sa kanya. Ayokong pilitin ang sarili ko.”

“Naku, si Ate! Wari ka pa diyan eh! Ang sabihin mo, si Fafa Radge ang hinahanap – hanap mo! Aminin!”

“Tumigil ka! Wala akong pakialam sa lalaking iyon noh!”

“Kalimutan niyo na kasi si Fafa. Tiyak na sa mga oras na ito ay masaya na iyon sa piling ng kontrabidang si Ingrid! Mahigit anim na buwan na nang umalis siya patungong Australia ‘diba, Ate?”

“Oo. May – asawa na siya kaya simulan mo nang maglakad patungo sa tahian para makita ang gown ni Ms. Tessa.” Bahagya niya itong itinulak patungo sa back door at kinuha mula dito ang hawak nitong damit.

“Hay…Ano pa ang saysay ng wedding gown kung nasa Australia naman ang groom?”

Inabot niya ang isang throw pillow na malapit sa kinatatayuan saka ibinato kay Jeda. Malakas namang tawa ang itinugon nito.

Kasalukuyang isinusuot niya ang damit pangkasal sa mannequin na nasa harapan nang mapansin ang isang itim na kotse sa kabila ng salamin. Nasa kabilang kalsada iyon at nakahimpil sa mismong tapat ng boutique.

Lumabas siya upang sinuhin ang may – ari ng sasakyan subalit pababa pa lang siya sa tatlong baitang na hagdan ay umandar na ang sasakyan. Tinted ang salamin ng kotse at hindi man lamang niya naaninag ang sakay niyon. Napapantastikuhang napaisip na lamang siya.

 

“DAMN!” Nahati sa ilang piraso ang basong inihagis ni Ingrid. Galit na galit na hinarap nito ang nakahubad barong si Radge. Nakaupo ito sa kama at nakamasid sa basong napiraso sa sahig.

“What else do you need Radge! Ano pa ba ang gusto mo?!” Tanong nitong hindi alintana ang kahubaran.

“Stop it…” nanlulumong sagot ng binatang walang katinag – tinag sa pagkakaupo sa kama. Naihilamos nito ang palad sa sa mukha dala ng matinding inis na nadarama.

“Ano pa ba ang kailangan mo? Ginawa ko na ang lahat!”

“Ginawa mo nga ang lahat pero hindi mo man lamang ba naisip na hindi ko naman iyon hinihingi?”

“You’re talking nonsense, Radge! Alam mo ang kahihinatnan ng mga sinasabi mong ‘yan!” Napailing si Radge sa kawalan ng pag – asa.

“Hindi ko lubos na maunawaan kung bakit kailangan mong gawin ito, Ingrid! Maganda ka. Matalino. Bakit kailangan mong magpagamit sa isang maling gawain na gaya nito?”

“Hindi ko hinihingi ang opinyon mo. Pumayag na nga akong iurong ang kasal natin at sa halip ay ipinagamot muna kita dito. Hanggang ngayon ba naman ay may reklamo ka pa rin?”

“Pumayag na akong magpakasal sa’yo. Ang hinihiling ko lang ay kaunting panahon para gumaling muna sa karamdaman ko bago ang kasal. You wouldn’t expect me to walk down the aisle in a wheelchair, would you?”

Naupo si Ingrid sa kama saka masuyong hinaplos ang katawan ni Radge.

“Kaya nga eh. Ginagawa ko naman ang lahat ng hiling mo. Pero sana naman ay hindi lang iyon ang maihanda mo sa panahong hinihingi mo sa’kin, honey. Sana naman ay matutunan mo na rin akong mahalin upang sa gayon ay maging maayos na ang lahat.” Nagsusumamo ang anyo nito na kulang na lang ay sambahin siya.

“Madaling matutunan ang magmahal, Ingrid pero depende iyon sa klase ng taong mahalin. Paano kitang pag-aaralang mahalin kung hindi mo magawang irespeto ang aking ama?”

“Oh please, Radge! Babalik na naman ba tayo diyan?!” Iritadong wika nito.

“Alam mong maysakit siya! Alam mong matanda na si papa and yet, you let Martin abduct him! Ilang buwan na siya sa poder ninyo. Gaano katagal ba ang plano niyong pahirapan ang papa! Wala ka man lang bang kahit kaunting awang nararamdaman para sa kanya?!”

Sa pagkaalala sa ama ay ibig niyang panghinaan ng loob. Ito lang naman ang tanging dahilan kung bakit pinagtitiisan niyang manatili sa poder ni Ingrid. Nagbanta ito na papatayin ni Martin ang papa niya sa oras na iwan niya ang babae. Kaya habang pinagtatagal niya ang panahon upang iantala ang kasal niya dito ay pinagtatagal din niya ang paghihirap ng ama. Pero wala siyang magawa doon. He needed to make sure of his family’s safety and of Trixia’s. Kung pakakasalan niya si Ingrid ay baka kung ano ang gawin ng mga ito sa kanyang mga magulang. Sa tantiya niya ay wala naman talagang balak ang mga itong pawalan ang kanyang ama. At natatakot rin siya para sa kaligtasan ni Trixia.

“Awa? Paano akong makararamdam ng ganoon kung buong buhay ko ay hindi ko naman iyon nakuha kahit kanino? Everybody thought I’m tough! Akala nila ay matapang ako, palaban at lahat na. Ang hindi nila alam ay ang hirap ng dinanas ko sa kamay ng sarili kong ama! Tell me, paano akong maaawa gayong ako itong dapat kaawaan, Radge?”

“Kung gayon ay subukan mong tahakin ang landas palayo sa kanya. Ang sabi mo ay hindi ka niya minahal dahil hindi niya kahit kailan pinahalagahan ang iyon ina. Bakit hindi n’yo iwan ni Tita Antonia si Tito Claudio kung gayon?”

Pagak na tawa ang narinig niya buhat sa babae. Tila ito baliw na natatawa at pagkatapos ng ilang saglit ay iiyak naman. Noong una ay nabigla siya nang malaman ang lihim na bumabalot kay Ingrid at Martin. Kalaunan ay naisip na rin niyang hindi naman iyon sapat para gumawa ang mga ito ng kabuktutan para lamang paluguran ang nag-iisang taong nasa likod ng lahat – si Claudio.

“You know I can’t do that, honey. Buong buhay ko ay namuhay ako sa luho at hindi ko kaya ang itakwil ng papa. Iyan ay kung bibigyan pa niya ako ng pagkakataong mabuhay sa oras na suwayin ko siya.”

Napapikit siya. Hindi niya yata makukuha sa ganoong taktika si Ingrid. Naisip niyang baka kagatin nito kung umakto siyang nakikisimpatya rito subalit base sa mga reaksiyon nito ay tila malabong mangyari iyon.

“Then leave my family alone! Huwag ninyo silang idamay dito! Huwag n’yo ring sasalingin si Trixia dahil wala naman siyang kinalaman sa lahat ng ito!”

Hindi na niya napigilan ang sarili. Nasusuklam siya kay Ingrid at Martin subalit higit ang kanyang pagkasuklam sa sarili dahil wala siyang magawa kung hindi ang manood sa mga nangyayari. Tila siya inutil na pinagmamasdan lamang ang inilalatag na plano ng mga ito laban sa kanyang pamilya at sa tanging babaeng pinakamamahal niya.

Malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Hindi lamang isa kung hindi dalawa…tatlo at higit pa.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

When the Bad Boy Met His Match Chapter 17 (What If Love Is Not Enough?)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.