GUMISING ako nang maaga dahil sa flight ni Brandon. Syempre gusto kong magpaalam sa kanya.
“I call you once na nandoon na ako. Be a good girl, hon.” Mabilis niya akong hinalikan sa labi.
“I’m always a good girl, hon. Take care, okay?” Niyakap ko siya nang mahigpit.
Hindi na ako pinasama ni Brandon sa airport kaya inihatid ko na lang ng tingin ang sasakyang sinasakyan niya.
Nang makalayo na ang kotse ay agad akong pumasok sa bahay, umakyat papunta sa kwarto, at nagpalit ng damit. Nagmamadaling kinuha ko ang aking cellphone sa ilalim ng matres ng kama. Doon ko kasi ito itinatago, mahirap na at baka galawin na naman ni Brandon itong cellphone ko.
Binuksan ko ang cellphone ko at pagkabukas nito ay dumating ang sunud-sunod na mensahe galing kay George.
Can I call you?
Hey, I have news. Isang mahalagang balita.
Iyan ang ilan sa mga mensahe ni George. Hindi ko na itinuloy ang pagbabasa sa mga mensahe niya at tinawagan ko na lang siya. Ngunit nakakailang ring na ay hindi pa rin siya sumasagot. Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero wala pa rin. Itinigil ko na ang pag-contact sa kanya at lumabas na lang ng bahay. Ito rin naman kasi ang plano ko, ang puntahan si George sa opisina niya para magkausap kami ng personal.
Nang makarating ako sa opisina nina Geroge ay agad ko siyang hinanap, pero sinabi ng receptionist na wala raw siya.
“Ganoon ba? Hindi kasi siya sumasagot sa mga tawag ko,” sabi ko sa babae.
“Pasensiya na po, ma’am. Marami rin kasi siyang ibang inaasikaso kaya hindi siya makapag-focus sa isang kaso lang. Pero sigurado naman po ako na inaayos din niya `yung iyo.”
“Its okay. Ta-try ko na lang ulit siyang tawagan mamaya.”
Tinalikuran ko na ang babae at nagulat ako nang may biglang sumulpot sa harapan ko.
“Wala si George, eh! But I can help you.”
“Anak ng—! Sino ka naman?” mataray na tanong ko nang makabawi sa pagkagulat.
“Ram Joshua Crisostomo.”
Inilahad niya ang kamay niya sa harapan ko para makipagkamay pero tiningnan ko lang `yon at tinaasan ko siya ng kilay. Ngumiti naman nang alanganin ang lalaking kaharap ko at binawi na ang kamay na parang napahiya.
“Ang sungit mo naman, miss.”
Tinalikuran ko na siya at maglalakad na sana palabas ng opisina nang muli siyang humarang sa harapan ko.
“Okay! Okay! I’m sorry! Agent din ako rito. I’m George’s cousin,” pagpapakilala niya saka ngumiti nang malapad.
“Okay. So, can I go now? Tutal wala naman ang taong pakay ko rito.”
Iba ang naba-vibes ko sa lalaking `to! Nakakairita kasi `yung ngiti niya, parang may ibang kahulugan.
Tumabi naman ang lalaki kaya agad na akong naglakad. Nang makalagpas ako sa kanya ay narinig ko pa siyang nagsalita. “Ang sungit, `no?” Saka siya tumawa. Hindi ko alam kung sino ang kausap niya, baka `yung babae na kausap ko kanina.
Hindi na ako nag-abala pang lingunin ulit siya at nagdiretso na lang paalis. Naisipan ko na lang na pumunta sa boutique. Akin naman ang shop na `yon kaya malaya akong puntahan ang lugar na `yon. Kahit ba nakaramdam ako ng hindi maganda noong punta ko sa shop ay gusto ko pa ring pumunta roon.
“Good morning!” batik o sa mga empleyado.
“Good morning, Ma’am Angel. Ang aga niyo po, ah?” nakangiting bati rin ng isang empleyado.
“Wala naman kasi akong gagawin sa bahay. Anyway, kamusta naman itong shop? Kayo, kamusta rito?”
Naglakad-lakad ako para tingnan ang mga gowns at dresses na ginagawa ng mga empleyado ko. Ngayon ko lang napasok ng buo ang shop na `to pero pakiramdam ko’y kabisado ko na ang bawat sulok nito. Para bang ang tagal ko na rito.
Habang naglilibot ay nakita ko ang isang empleyado na inaayos ang iba pang gown na idi-display.
“Ang gaganda ng mga gowns, `no, ma’am? Alam niyo po bang ang dating may-ari nito ang nag-design ng mga `yan? Sobrang dami niya pong nagawang designs kaya maraming pagpipilian ang kung sino mang mamimili rito,” sabi ng empleyadong babae.
“Oo, tama ka. Ang gaganda nga ng mga ito.” Hinimas ko muna ang isang gown saka muling tiningnan ang babae. “Ano’ng pangalan mo?”
“Ako po si Yuka,” nakangiting pagpapakilala ng babae. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Maganda si Yuka at mukhang masayahin.
“Nice to meet you, Yuka.” Ngumiti ako. “So, wala ba tayong designer ngayon? Sabi mo kasi ay noon pa ang mga designs na `yan.”
“Meron po. Actually, ako po `yung bagong designer.”
“Oh. Aabangan ko ang mga designs mo, Yuka, at sana’y magkasundo tayo. Kailan ka ba nagsimula rito?”
“Sa tingin ko po’y magkakasundo tayo,” magiliw na sagot niya. “Magse-seven months pa lang po ako rito.”
“Good morning, ma’am!” May isang babae ang pumasok sa kinaroroonan namin ni Yuka, si Ronna.
“Good morning din, Ronna.” Nginitian ko siya saka muling bumalik sa pagtingin-tingin sa mga gowns. Kinausap ko si Ronna nang hindi nakatingin sa kanya. “So how’s the shop, Ronna?”
“Ayos naman po, ma’am. Marami po kasi tayong clients.”
Humarap na ako sa kanya. “Maganda kung gano’n. By the way, saan nga pala ang opisina ko? Hindi kasi naituro sa akin ni Brandon noong unang beses na nagpunta kami rito.”
Itinuro naman sa akin ni Ronna ang opisina ko. Nagpasalamat ako saka naglakad papasok ng opisina. “Ayusin natin ang shop. Iba na kasi ang itsura nito, mas gusto ko `yung dating ayos.” Wala sa sariling nasabi ko.
“A-Ano po `yon, ma’am?” Natigilan naman ako sandali at napatingin sa dalawang staffs na kausap ko. Ano nga ba `yung sinabi ko? At bakit ko nasabi `yon? Isa pa, ano ba `yung tinutukoy ko na “dating ayos”? Eh, isang beses ko pa lang naman itong nakikita, pangalawa pa lang ngayon.
Nagkatinginan sina Yuka at Ronna na tila naguguluhan sa sinabi ko kanina. “N-Nevermind.”
Nang makapasok ako sa loob ng opisina ay pinagmasdan ko ang buong paligid. Biglang may pumasok na eksena sa isip ko kasabay ng pananakit ng aking ulo.
“Ah!” Napahawak ako sa ulo ko at napaupo sa sofa na naroon.
Isang eksena sa loob ng opisina na ito ang nakikita ko. Hindi ganito ang ayos ng kwarto na `to. Nakikita ko rin ang sarili ko na nakaupo sa isang upuan at may hawak na sketch pad. Nakaramdam ako ng kakaiba. Para bang… dati na akong nagpapalipas oras sa kwarto na `to.
Kumirot pa ang ulo ko kaya napahawak ang dalawa kong kamay rito.
“Ronna!” pagtawag ko sa isang babaeng staff pero mukhang hindi ako narinig. “Ronna!”
Ilang segundo pa’y bumukas na ang pintuan ng opisina ko. “M-Ma’am! Bakit po? A-Ano pong nangyayari sa `yo?” Halata ko sa boses nito ang pagkataranta.
“I-Ikuha mo `ko ng maiinom. Dali!”
“Sige po! Sige po!” Nagmamadaling lumabas si Ronna.
Naiwan niyang bukas ang pinto at sa hindi malamang dahilan ay napatingin ako roon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang babae na nakatayo sa labas ng opisina ko malapit sa may pintuan, at nakatingin siya sa akin!
Isang eksena na naman ang lumabas sa isip ko. Magulo. Malabo. Basta ang alam ko lang ay may kausap akong babae sa labas ng opisina na `to.
Luminaw nang kaunti ang mukha ng babaeng nakatayo ngayon sa labas ng opisina ko at lumakas ang tibok ng puso ko nang makilala ko ang mukha niya! Siya ang babaeng kausap ko sa eksenang lumabas sa isip ko! Malabo ang mukha ng babae sa isip ko pero ewan ko ba, may pakiramdam ako na siya ang babaeng `yon!
Nakita kong humahangos si Ronna papasok sa opisina ko, at nang madaanan niya ang babae ay bigla itong naglaho.
“Ma’am, heto po ang juice.”
Inabot ko ang juice at kinikilabutang muling lumingon sa labas ng opisina. Wala na roon ang babae. “R-Ronna, nakita mo ba `yung babae kanina sa labas ng opisina?”
“Po? Si Yuka po ba ang tinutukoy mo?” balik na tanong ng babae.
“Hindi! May isa pang babae sa labas ng opisina. Dinaanan mo pa nga siya, eh. Hindi mo ba siya napansin?”
“M-Ma’am, tayong tatlo lang po nina Yuka ang narito,” kinakabahan ang boses ni Ronna.
“Naka-skirt siya na brown at floral blouse na kulay dilaw ang suot niyang damit. Customer ba natin `yon?”
Hindi sumagot si Ronna kaya napatingin ako sa kanya at nakita kong nanlalaki ang mga mata niya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





