The Witness
Alas otso na ng umaga, malapit na sa destinasyon si Enrie Liccardo. Bagama’t labag sa kanyang kalooban na iwan si Eliza sa isang estranghero, wala siyang pagpipilian. Negosyo ay negosyo para sa kanya. Kinalma lang ni Enrie ang sarili at nagtiwala na susundin ni Eliza ang mga utos niya. Dumating na ang tamang panahon na hinihintay ni Enrie na makilala ang taong gustong maging bahagi ng kanyang mga negosyo. Pagbaba ng kanyang sasakyan, nakita niya kaagad ang pangalan ng kumpanya sa gusali.
“Villanueva’s Group of Companies. Villanueva?” Tanong na naglalaro sa isip ni Enrie. Naalala niya si Leandro. Villanueva ang apelyido nito.
“I don’t want to think that Leandro is related to this company,” patuloy sa pagsasalita ang isip ni Enrie.
“Come on, Sir Enrie!” Inimbitahan siya ng private secretary niya. Pumasok sila sa building. Binati agad sila sa reception.
“Good Morning, Sir Enrie Liccardo. This way,” sabi ng bumati sa kanila.
Nakilala agad siya ng mga taong naroon. Sino ba naman ang hindi makikilala sa yaman na meron siya. Ang iba’t ibang kumpanya at negosyo niya ay nakakalat sa buong Pilipinas. Lumabas siya ng Maynila, para makilala si G. Roberto Villanueva ang taong gusto siyang maging business partner. Sumunod naman siya at ang secretary niya. Nakarating na sila sa ikalabing walong palapag ng gusali. Muli silang binati ng isang dalaga.
“I’m sorry, Sir Enrie, but Mr. Villanueva will be late for just a couple of minutes,” pagsusumamo ng babae.
“Where is he? Time for me is gold!”
“He called, he just came back here in Manila from the province, but he wanted me to give you this.” Hindi sumagot si Enrie. Naisipan niyang basahin ang ibinigay sa kanya ng personal assistant ni Roberto habang naghihintay. Tumango lang siya.
“Thank you! Please have a seat.” Nanatili sa loob ng opisina ang personal assistant ni G. Roberto Villanueva, pati na rin si Enrie at ang kanyang sekretarya. Makalipas ang ilang minuto, dumating na rin si G. Roberto Villanueva.
“Oh, I’m really sorry to keep you waiting, Mr. Liccardo.” Sinalubong siya ng matanda.
“It’s okay, Mr. Roberto Villanueva, I—“ Natigilan si Enrie, nang makita niya ang mukha ni G. Roberto Villanueva. Hindi siya maaaring magkamali, ang matandang nasa harapan niya ay ang taong kasama ni Eliza, nakaraan ng tatlong taon. Bumilis ang tibok ng puso ni Enrie. Mabilis sumagi sa kanyang isipan ang nangyari noon.
Kasama ni Enrie ang kanyang matalik na kaibigan sa kabilang panig ng Iloilo— sa isang isla. Nagpaalam si Enrie sa kanyang mga kasamahan, para umikot sa lugar. Ngunit, sa kanyang obserbasyon, hindi niya inaasahan ang isang kakila-kilabot na pangyayari.
“Maawa ka sa akin!” Narinig ni Enrie ang magandang boses, ngunit may halong takot. Pinakinggan niya ito at tinunton kung nasaan ito. May nakita siyang maliit na kubo.
“Maawa ako sa iyo? Ikaw, hindi ka ba naaawa sa kalagayan ng anak ko? Diba sabi ko sa’yo, layuan mo ang anak ko! Anong ginagawa mo? Hindi ko alam kung bakit nababaliw ang anak ko sa iyo. Mangkukulam ka ba? Ginayuma mo ba siya?” sigaw ng matanda. Kitang-kita sa mga mata ni Enrie ang kalunos-lunos na dalaga habang nakasilip ang kanyang mga mata sa isang maliit na butas.
“Iniwan ko na siya, kahit masakit sa akin Don Roberto! Ginawa ko ang lahat para lumayo sa kanya!” Sinakmal ng matanda ang mukha ng babae. Gusto sana siyang tulungan ni Enrie kaso may kasamang armadong lalaki ang matanda.
“Hindi ikaw ang babae para sa anak ko. Hindi ikaw ang sisira sa buhay niya at sa yaman na mayroon kami. Patayin mo ang babaeng iyan!” utos ng matanda sa kasama. Napahawak si Enrie sa kanyang dibdib. Parang dinudurog ang kanyang puso sa kalupitan na kanyang nasasaksihan. Itinutok ng lalaki ang baril sa babae.
“Mamatay man ako ngayon, hindi mo pa rin mababago ang pintig ng puso ng anak mo para sa akin!” Naging matapang ang mga mata ng babaeng nagmamakaawa kanina lang.
“Patayin mo na iyan! Hihintayin na lang kita sa labas!” utos muli ni Don Roberto sa kanyang kasamang armadong lalaki. Lumabas ang matanda. Nakatutok pa rin ang baril sa babae. Noon lang nagkaroon ng pagkakataon ang babae na lumaban. Sinipa niya ang armadong lalaki sa maselang bahagi ng katawan nito. Tumakbo ang dalaga.
“Habulin mo!” gulat na sabi ni Don Roberto. Hinabol ng lalaki ang babae. Binaril niya at tinamaan ang dalaga. Nahulog ito sa hindi naman kalaliman na bangin, ngunit, nauntog ang ulo ng dalaga sa malaking bato at dumugo.
“Ano? Patay na siya?” tanong ni Don Roberto.
“Patay na siya!” sagot ng armadong lalaki. Kumuha ng camera si Don Roberto. Ibinigay niya ito sa armadong lalaki para kunan ng litrato ang dilag. Nanginig ang katawan ni Enrie sa nakitang insidente. Pagkatapos, sinigurado ni Enrie ang pag-alis ni Don Roberto. Mabilis siyang nagpadulas sa bangin. Agad niyang nilabas ang radyo na nasa maliit niyang bag. Tumawag siya sa mga kaibigan para humingi ng tulong. Sinuri ni Enrie ang dalaga. Tinamaan ito ng baril pero bahagya lang. Pero, masama ang ayos ng ulo nito. Inilapit ni Enrie ang tenga niya sa kaliwang dibdib ng dalaga. Narinig ni Enrie ang tibok ng puso nito kahit mahina.
“Yes, Mr. Liccardo, what are you trying to say?” tanong ni Roberto kay Enrie. Naputol ang lahat ng alaala sa kanyang isipan.
“I need to go, may emergency sa bahay ko. I’ll bring these documents with me,” mabilis na sabi ni Enrie at agad na tumayo.
“O—Okay!” tanging sabi ni G. Roberto.
“Let’s go!” anyaya ni Enrie sa kanyang sekretarya. Sa kanyang pagmamadali, natamaan niya ang picture frame na nasa mesa ni Ginoong Roberto. Nahulog ito sa sahig. Pinulot niya ito at nagulat siya sa nakita.
“Why? Kilala mo ang nag-iisang anak ko?” tanong ni Roberto.
“N—No! I’m sorry, but I have to go back now to Cebu.” Mabilis na kumilos si Enrie. Siya ay balisa. Hindi niya inaasahan na si Leandro ang lalaking pinakamamahal ni Eliza.
“I was wrong. Sana sinama ko na lang si Eliza.” Malaki ang pagsisisi ni Enrie kung bakit niya iniwan si Eliza. Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone at tinawagan si Manang Lita.
“D**n it! Answer the phone!” Nanginginig ang mga kamay ni Enrie habang nasa loob sila ng elevator.
“Sagutin mo ang telepono, Manang Lita! Please…”
“Hello?”
“Manang, where is Eliza? Is she in her room?” agad na tanong ni Enrie.
“Iho, huwag kang magalit sa akin, pero hindi ko siya napigilang sumama kay Leandro.”
“Ano? Manang, hanapin mo sila, babalik na ako diyan.” Pagkatapos ay pinutol niya ang pag-uusap nila ni Manang Lita.
“I hope Leandro doesn’t say anything to her that Eliza might remember something. Kaya pala sobrang interesado si Leandro sa lupain ko at kay Eliza, kilala niya ang babaeng nasa harapan niya,” bulong ng isip ni Enrie.
“Hindi ako papayag!” biglang bulalas ni Enrie. Nagulat ang sekretarya niya.
“Are you okay, Sir Enrie?” Tiningnan lang ni Enrie ang sekretarya niya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Nakakatawa ang author’s note nagtanong pa e hahaha ge basa lang aq