TINANGGAP ni Allison ang pag-ibig ni Ram sa napakaraming kadahilanan. Isa sa mga iyon ay ang pangako ng binata na mas masaya at tahimik na buhay, na tinupad naman nito. Ano pa nga ba ang hahanapin niya? Mabait si Ram, maunawain. At kung mayroon siyang mairereklamo rito, iyon siguro ay ang masyado nitong pagmamahal na sa tingin niya ay hindi nararapat para sa kanya. At sa loob ng halos tatlong taon, minahal niya ang binata. Sinusunod niya ang gusto nito, sinasabi rito ang lahat ng plano at desisyon niya. Ganoon din naman si Ram sa kanya. Alam niya ang lahat tungkol dito. Sinasabi nito sa kanya ang lahat ng nararamdaman nito, maliban na lamang sa kung ano ang iniisip nito sa tuwing nakakanti ang paksang kasama ang pangalan ni Lance.
Hindi na kailangang sabihin ni Ram para malaman niya na hanggang ngayon ay may takot pa rin ito na baka dumating ang araw na bumalik si Lance at iwan niya ito, bagay na hindi niya maintindihan. Matagal na niyang ibinigay ang kanyang puso sa kasintahan at nangako siya rito na susuklian ang lahat ng pagmamahal at kabutihan nito. Lalo pa’t ito ang tanging tumulong sa kanya para hindi tuluyang malugmok sa sakit ng nakaraan.
Ilang linggo pa lamang matapos ang military enlistment ni Lance nang mabalitaan ni Allison ang magarbong engagement party nito at ni Yun Ree, na sinundan ng balita tungkol sa pagdalas ng pag-inom nito kasama ang mga kaibigan, ang hindi nito pagsipot sa mga music events at invitations dahil sa sobrang kalasingan. At sa hindi malinaw na kadahilanan, kanselado ang dapat sanang pinakabagong Kdrama nito. Ipinagpaliban din ang mga nakatakdang concerts ng grupo sa iba’t ibang parte ng Europa at maging ang Asian tour na dapat sana ay magaganap sa mga susunod na buwan.
Hindi alam ni Allison ang mararamdaman at iisipin sa mga nangyayari kay Lance. At kahit ganoon ang kinahinatnan nila, hindi pa rin niya maiwasang mag-alala rito. Hindi rin niya mapigilan ang sariling isipin na siguro kung pumayag siya sa gusto ni Lance noon na sumama sa Korea at magsimulang muli, hindi mangyayari ang lahat ng iyon.
Pero siyempre, wala na dapat sa kanya ang mga balita tungkol kay Lance at hindi na dapat niya iyon iniisip dahil matagal na rin naman mula nang huli silang magkita at magmakaawa itong sumama siya sa Seoul.
Ganoon na rin katagal simula nang pilitin ni Allison ang puso na ibuhos na ang lahat ng pag-ibig kay Ram. Mahal niya si Ram, walang duda. At kung may isang lalaki na alam niyang magmamahal sa kanya buong buhay, si Ram iyon at wala nang iba.
Pero ganoon yata talaga. Kahit gaano pa pilit ingatan at alagaan ang isang relasyon, darating at darating pa rin ang mga problema.
“Are we okay? May problema ba?” lakas-loob na tanong ni Allison kay Ram nang huminto ang kotse nito sa harap ng kanilang bahay.
“What do you mean?” balik-tanong ng kasintahan. Kagagaling lamang nila noon sa restaurant at kapwa sila tila naubusan na ng lakas at enerhiya dahil sa halos buong gabing event.
“Hindi ko alam pero para kasing ilang araw ka nang matamlay, walang kibo.”
“Pagod lang ako sa trabaho, Ally.”
“Sigurado kang sa trabaho lang o baka naman pagod ka na rin sa atin?” hindi niya napigilang sabi. Dahil hindi lang naman iyon ang unang pagkakataon na naging malamig ang pakikitungo ni Ram sa kanya. Naging madalang na rin ang paghatid-sunod nito sa kanya sa bahay at hindi na ito tulad ng dati na palaging nariyan sa tuwing kailangan niya ng tulong o ng kausap. Malaki ang ipinagbago ni Ram pero hindi niya ito makompronta dahil ayaw niyang tuluyang masira ang samahan nila na matagal nilang pinaghirapan.
“Ako yata ang dapat magtanong sa `yo n’yan.” Hindi itinuloy ni Ram ang pagbukas ng pinto ng sasakyan. Tiningnan siya nito at kinunutan ng noo. “In fact, isa lang `yan sa matagal ko nang gustong itanong sa iyo pero hindi ko maitanong dahil natatakot ako sa puwede mong isagot.” Huminga nang malalim si Ram at saka tumingin sa kanya.
“Ram…”
“Alam mo kung bakit ako tahimik nitong mga nakaraang araw? Dahil alam kong naapektuhan ka sa engagement niya at simula nang malaman mo ang tungkol do’n, may nagbago na sa atin. Ngayon, itinatanong mo sa akin kung bakit madalas akong tahimik at walang kibo? Halos hindi na ako makatulog sa kaiisip kung may rason pa ba para ituloy ito o mas mabuti pang pakawalan na lang kita kasi parang wala na rin naman, eh. Gaano na ba tayo katagal? Two years? Almost three? Pero sa totoo lang, hanggang ngayon, pakiramdam ko parang hintayan lang ako ng bus para sa `yo na narito ka ngayon pero pansamantala lang. Naghihintay ka lang ng tamang bus na kailangan mo at sa oras na dumating iyon, sasakay ka na at iiwan mo na lang ako.”
Nakita ni Allison ang malungkot nitong mga mata. Alam niyang matagal na nitong pilit iniiwasan ang paksang iyon at aaminin niyang matagal na rin niyang sinusubukan na ibigay rito ang buong pag-ibig na matagal na niyang naibigay kay Lance at dama niya ang hirap na tinitiis nito para lamang sa kanya.
“Siya pa rin talaga, `di ba? Siya pa rin ang mahal mo hanggang ngayon?” Nakangiti si Ram pero kabaligtaran ang nakikita niya sa mga mata nito. Huminga ito nang malalim bago nagpatuloy.
“Ram, ikaw nga ang pinili ko, hindi ba?”
“Ako nga ang pinili mo pero siya pa rin ang nandiyan sa puso mo.”
“A-ano ba `yang sinasabi mo?” mahinang tanong ni Allison na para bang kinukumbinsi ang sarili na mali si Ram, na wala na siyang nararamdaman para sa dating kasintahan at nakalimutan na niya ito.
“Do you really love me? I mean, do you really actually have loved me?”
Huminga muna siya nang malalim bago sumagot. “Yes.”
“If I ask you to marry me now, Allison, would you say yes?”
Inilagay ni Ram sa kamay niya ang isang pulang kahon. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa palad ang kahon na may lamang singsing na may kumikinang na bato. Hindi siya nakagalaw at pakiramdam niya ay parang may mabigat na batong nakadagan sa kanya.
“Will you marry me, Allison?”
“Of course,” walang kagatol-gatol niyang sagot.
“Really?” Sa simula ay nanlaki ang mga mata ni Ram dahil sa pagkagulat pero agad rin iyong napalitan ng mapait na ngiti. “What if, bigla siyang bumalik sa buhay mo at sabihing mahal ka pa rin niya hanggang ngayon? I’m sure, mababale-wala na ang tungkol sa atin, hindi ba? Kakalimutan mo na ako, `di ba?” nanlulumo at halos pabulong nitong tanong. “What if, Allison? Gusto kong malaman kung ano’ng mangyayari sa oras na bumalik siya at bawiin ka niya sa akin. Paano ako?”
Napanganga si Allison sa tanong na iyon, na sinamantala ng binata. Mabilis siya nitong hinawakan sa batok at kinabig palapit. Mabilis na sinakop ng bibig ni Ram ang kanyang mga labi na hindi niya naiwasan. Naramdaman niya ang paghigit ng hininga nito, kasabay ng mariing halik, na para bang nagpaparusa. At nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay tinitigan lang siya nitong mabuti. Kapwa sila humihingal, kapwa namumula at parehong mabilis ang tibok ng mga puso. Pilit na iniangat ni Ram ang kanyang mukha para matingnan siya nito sa mga mata.
“I love you. Ako na siguro ang pinakamaligayang tao sa mundo kapag pinakasalan mo ako. Pero hindi ko alam kung magiging masaya ka sa desisyon mong `yan habang-buhay. At ayokong mangyari na kasal ka nga sa akin pero hindi ka naman masaya… na ako nga ang kasama mo pero ang puso mo, nasa kanya. Hindi ko kaya `yong gano’n, Ally. Mas gugustuhin ko nang pakawalan ka na lang kaysa sa ipilit ko ang sarili ko sa `yo.”
“Ram, hindi mo naman kailangang ipilit ang sarili mo sa akin. Ikaw ang mahal ko. Bakit ba hanggang ngayon, hindi ka pa rin naniniwala sa akin? Hindi ko na alam ang puwede kong gawin para lang patunayan sa `yo na ikaw na ang mahal ko ngayon at hindi siya–”
“Gustong-gusto kong maniwala na mahal mo nga ako at ako lang, pero paano ko gagawin `yon kung hindi ko `yon maramdaman?”
Wala nang naitugon si Allison dahil kahit siya, alam niya sa sariling totoo ang sinabi ni Ram. Na siguro nga, nasasabi niyang mahal niya ito pero hanggang doon lang. Siguro nga, may mga pagkukulang siya rito bilang kasintahan na kailanman ay hindi na niya kayang punuan.
“I’m sorry, Ally, but I think this is it for us.”
“ARE you breaking up with me?” halos pabulong na tanong ni Allison.
“Yes. Alam kong matagal mo nang gustong makipag-break pero hindi mo lang magawa dahil naaawa ka sa `kin, `di ba? Kaya ako na lang ang makikipaghiwalay para hindi ka na mahirapan at para hindi ka na ma-guilty dahil hindi lang naman ikaw ang nahihirapan sa sitwasyon nating dalawa, Ally. Pati ako.”
“Pero sabi mo noon, kahit ano ang mangyari, hindi mo ako iiwan, `di ba?” naiiyak niyang tanong.
Tumango-tango si Ram. “Sabi ko sa iyo noon, maghihintay ako kahit gaano katagal… kahit gaano kahirap hanggang sa mahalin mo rin ako. Kahit araw-araw nasasaktan ako sa tuwing tinitingnan kita dahil siya ang nakikita ko sa mga mata mo, handa akong tiisin lahat kasi mahal kita at umaasa pa rin ako na darating ang panahong malilimutan mo rin siya. Alam mong kaya kong masaktan nang paulit-ulit para sa iyo pero sobrang sakit pala `yong ginagawa ko na lahat para mahalin mo ako nang buo pero wala pa rin. `Yong pilit mo nang sinusubukan na mahalin ako pero wala pa rin. Minsan nga, gusto ko nang magalit sa `yo pero kahit `yon, hindi ko kaya dahil masyado kitang mahal.”
“Hindi ko alam na all along, ganyan ang nararamdaman mo, Ram. Hindi ko sinasadya na masaktan ka nang ganyan. I’m sorry.”
“Ako ang dapat na humingi ng tawad sa `yo. Lance was right. I should have set you free a long time ago.” Hinaplos ni Ram ang magkabilang pisngi niya na basa na ng mga luha. Umiling ito at pilit na ngumiti.
Si Allison naman ang umiling-iling. “Ram, alam kong hindi ako naging perfect girlfriend sa `yo. Marami akong pagkukulang at marami akong excess baggage. I’m really sorry kung may mga pagkakataon na hindi ko napapahalagahan lahat ng ginagawa mo para sa akin… I’m sorry kung naging selfish ako. Just give me a chance to prove to you that I can change for you.”
“Ally, baby… You know that you don’t have to ask for another chance. I am willing to give you all the chances in the world because I love you.” Ginagap ni Ram ang mga kamay niya at hinalikan ang mga iyon. “Pero pareho lang tayong masasaktan kung ipipilit pa natin ito.”
“Please, Ram…We can still make this right. I will marry you if you want me to.”
“Mahal mo ba ako?”
“Oo.”
“Mahal mo ba siya?” muling tanong ni Ram. Tuluyan na ring tumulo ang mga luha nitong halatang kanina pa pinipigilan. Isang halik sa noo ang ibinigay nito sa kanya at ito na mismo ang nagpahid ng kanyang mga luha.
“Ikaw ang pinipili kong pakasalan, Ram.”
Marahan itong umiling. “You cannot marry me if you are in love with somebody else, Ally. And I don’t want you to marry me for the wrong reasons because that would be unfair for the both of us. Ginawa ko na ang lahat pero kulang pa rin. At pakiramdam ko, kahit ano pa ang gawin ko, hindi ko kayang punan ang puwang sa puso mo dahil siya lang ang may kaya n’on. All I ever wanted was to make you happy and I was too foolish to believe that my love was enough for the two of us. Because you’ve always wanted more… so much more. “
“No, Ram. I don’t want anything now but to be with you because you are the right man for me.”
“No, I’m not.” Marahan itong umiling.
“Yes, you are.”
“No. You don’t deserve someone like me, Ally….” Umiling si Ram at mahinahong ibinalik sa maliit na kahon ang singsing at inilagay sa glove compartment ng sasakyan. “Someone who’s a fraud.”
“Ano’ng ibig mong sabihin, Ram?”
“I’m sorry. Akala ko kaya kong itago… Akala ko darating din ang panahon na makakalimutan ko rin pero hindi pala.”
May kung anong kinuha si Ram mula sa compartment, isang bagay na pamilyar sa kanya. Tiningnan pa muna niya si Ram bago kunin ang iniabot nitong cell phone na nakalagay sa asul na jelly case. Dahan-dahan niya iyong itinalikod at napanganga siya nang makita doon ang sticker ng Oeloun emblem. Muli siyang napatingin sa katabi. At muli, sa cell phone sa kamay niya. Agad na hinawakan ni Ram ang kamay niya pero mabilis siyang umiwas. Mas humigpit ang pagkakakahawak niya sa cell phone na para bang gusto niya iyong lamukusin. Sa lahat ng mga puwedeng mangyari, iyon ang hinding-hindi niya inaasahan.
“I’m so sorry…” Tumingin si Ram sa kanya at saka napapikit. “I was filled with anger that I impulsively sent those photos to a friend who works at a television network.”
Literal na naestatwa si Allison.
“I love you too much… I’ve made wrong decisions that if I could only turn back time, I could have done things differently. Siguro, dahil na rin sa ginawa ko kaya tayo nagkakaganito ngayon. Noon, hindi ako naniniwala sa karma. Pero ngayon, sa tingin ko, ito na ang karma ko. Alam kong noon ko pa dapat sinabi sa iyo ang tungkol d’yan pero no’ng sinabi mong mahal mo na rin ako, natakot na akong ipagtapat sa `yo ang lahat.” Huminga muna ito nang malalim bago nagpatuloy. “Natakot ako dahil alam ko na kapag nalaman mo ang totoo, iiwan mo ako at babalik ka sa kanya. Pero ngayon, na-realize ko na malaman mo man o hindi, gano’n din naman… Iiwan mo rin ako sa huli.”
Nanatili lang na nakatitig si Allison sa mga mata ni Ram at pilit inuunawa ang mga sinabi nito. Agad rin siyang nagbaba ng tingin dahil pakiramdam niya ay parang hindi niya ito kilala. Kaya pala labis ang pag-aalala ni Ram sa kanya noong nangyari ang eskandalo. Kaya pala ginawa nito ang lahat para siguruhing walang mangyayaring masama sa kanya dahil gusto nitong pagtakpan ang nagawang kasalanan.
“Alam kong mali pero sa tuwing kasama kita, sa tuwing nayayakap at nahahalikan kita, pakiramdam ko, walang mali sa ginawa ko. May mga gabi na hindi ako makatulog, dahil nakokonsiyensiya ako. Minsan, gustong-gusto ko nang magtapat pero palagi akong inuunahan ng takot. Believe me, Ally…I didn’t mean it. I just love you too much and I was so insecure. Noong makita ko ang mga pictures mo na kasama siya, sobrang selos ang naramdaman ko. Nagalit ako sa kanya dahil sa ginagawa niya sa iyo. Nagalit ako sa iyo dahil hindi ko maintindihan kung bakit mahal na mahal mo pa rin siya kahit nasasaktan ka na… At galit na galit ako sa sarili ko dahil wala akong magawa para ipagtanggol ka.”
Mabuti na lamang at nakaupo siya dahil pakiramdam ni Allison, biglang nanlambot ang mga tuhod niya at umikot ang kanyang paningin. Lalong lumakas ang pintig ng kanyang puso. At bigla, parang bumalik sa kanya ang lahat – ang huling pagkikita nila ni Lance, ang paglabas ng mga litrato nila sa Internet, ang galit na natanggap niya mula rito – Lahat ng iyon at ang sakit na kaakibat niyon ay bumalik sa kanya nang mga oras na iyon, at dumoble pa.
“Talk to me,” pakiusap ni Ram nang matahimik siya. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at pilit pinaharap ang mukha niya rito.
Umiling-iling lang si Allison matapos punasan ang luhang tumulo sa pisngi. Nang mga oras na iyon ay wala siyang iba pang nakayanang gawin kundi ang umiyak.
“Sabihin mo sa akin kung ano ang nararamdaman mo. Sigawan mo ako. Sampalin mo ako. Ipagtabuyan mo ako ngayon. Gawin mo.”
Ang totoo, gusto ni Allison na magalit kay Ram. Gusto niya itong sigawan pero para ano pa? Nangyari na, tapos na at kahit anong galit ang ibigay niya rito ay hindi na niyon mababago ang sitwasyon. A part of her wanted to slap him in the face and hate him but she just couldn’t. Sa kabila ng kasalanang nagawa ni Ram, hindi niya magawang kamuhian ito dahil bukod sa pagiging kasintahan, naging mabuting kaibigan niya ito at naging malaking bahagi ng kanyang buhay, lalo na nang mga panahong pakiramdam niya ay nag-iisa at kailangan niya ng kasama.
“If you are going to hate me for it forever, I will understand because I know I deserve it.”
Hindi nakasagot si Allison. Matagal siyang natahimik at nanatiling nakayuko. Ilang minuto pa ang lumipas bago niya nakayanang muling humarap kay Ram. Nang tingnan niya ang binata ay bakas na bakas sa mukha nito ang lungkot. May namumuo nang butil-butil na pawis sa noo nito, na dalawa lang ang ibig sabihin – ninenerbiyos ito o natatakot.
“Kasalanan ko kung bakit tayo nandito sa sitwasyong ito. Umasa ako na makikita mo ako kahit nga alam kong imposible. Pinilit kitang mahalin ako. Sinubukan ko pang sirain ang career ni Lance para lang mabaling sa akin ang atensiyon mo, pero wala pa rin. Kahit itinanggi na niya ang relationship n’yo, kahit na ipinagpalit ka na niya sa iba, wala, eh. Siya pa rin talaga ang mahal mo, `di ba? Kung puwede lang, gusto kong mahalin ka pa. Gusto kong higitan ang pagmamahal na kaya niyang ibigay sa `yo pero wala nang natira sa akin, Ally. Ubos na ubos na ako.”
Si Allison na ang mismo ang unang yumakap kay Ram at agad niyang naramdaman ang pagyugyog ng mga balikat nito. Mahigpit ang ginawa nitong pagyakap sa kanya, na alam niyang iyon na ang huli. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niya ang labis na sakit na nararamdaman ni Ram nang dahil sa kanya. Kung maaari lang niyang bawiin ang lahat at bumalik sila sa dati, gagawin niya iyon para mapawi ang sakit na idinulot niya rito.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





