Words I Couldn’t Say Yet (Chapter 5)

COME in.”

Sa unang tingin ay hindi aakalaing lalaki ang nakatira sa condo unit na iyon. Pinaghalong lilac at puti ang tema nito, mula sa mukhang bagung-bagong couch hanggang sa mga kagamitan. Kulay puti ang makapal na kurtina na tumatakip sa sliding door na gawa sa salamin samantalang kulay lilac ang dingding at center table.

Hindi kaya iba ang gender preference ni Chef? Hindi niya napigilang tanong sa sarili. Bukod kasi sa magandang disenyo ng loob ng bahay ay hindi rin ito makakakitaan ng kahit na anong bahid ng dumi. Walang mga maruming damit, mga magazine o anumang mga gamit na nakakalat sa paligid. Medyo nanliliit nga siya sa sarili dahil sa totoo lamang ay mukhang mas malinis pa at organisado ang binata kaysa sa kanya.

“Maupo ka muna, kukunin ko lang ‘yung mga ingredients sa kitchen.” Bago ito tumuloy sa kusina ay hinawi muna nito ang kurtina at binuksan nang bahagya ang sliding glass door. May maliit na balkonahe roon at hindi siya nakatiis na hindi lumabas at tingnan mula roon sa ika-sampung palapag ang naggagandahang liwanag ng lungsod.

Napabuntung-hininga siya. Matagal na niyang pangarap na ganoo’ng klaseng tanawin na kanyang mapagmamasdan gabi-gabi. Ipinangako niya iyon sa kanyang ina, na darating ang araw na ibibili niya ito ng isang unit sa isang kilalang condominium at magkakape sila sa veranda tuwing gabi habang nakatanaw sa malawak ng lungkod. Kaya hindi siya sumusuko kahit pa mahirap ang trabaho sa restaurant para maituloy ang pag-aaral ng culinary arts kahit pa paunti-unti para lamang matupad niya ang pangarap para sa pamilya. Pero huli na. Sayang at hindi na iyon makikita pa ng Ina.

Nahinto ang kanyang pangangarap nang bigla niyang siyang makarinig ng yabag sa kanyang likuran. Alam niyang si Chef Ram na iyon kaya mabilis siyang pumasok at isinara ang pinto.

“Good evening, hija.”

Sa halip na ang masungit na boss ay isang matandang babae ang nabungaran niya. Mas maliit ito sa kanya ng limang pulgada, maputi na ang lahat ng buhok. Hindi rin ito kaputian at sa unang tingin pa lamang ay mahahalata mo na maganda ito noong kabataan.

“Are you my apo’s girlfriend?” magiliw nitong tanong habang todo ang pagkakangiti sa kanya na tila ba nakakita ng dating kakilala.

“Momu!” Mula sa kusina ay humangos si Chef Ram sa sala. May dala itong isang tray na may dalawang mug ng umuusok na tsokolate at isang slice ng carrot cake. Agad nitong inilapag iyon sa center table at dinaluhan ang matanda. “What are you doing here? It’s late, you’re supposed to be sleeping now.”

“Sino ba itong magandang dalaga na kasama mo?” mahina nitong tanong na kay Ally pa rin nakatingin. “Ipakilala mo naman ako sa kanya, apo ko.”

Napailing na lang si Chef Ram bago inalalayan ang Lola nito palapit sa kanya. “Momu, this is Ally,” pagpapakilala nito. “Ally, this is Momu Fely, my grandma.”

Malugod na inilahad ng matanda ang kamay nito. “Pleasure to meet you, Ally, hija. Sa wakas, may ipinakilala nang girlfriend itong nag-iisa kong apo!”

 Napatingin siya kay Chef Ram, na noon ay walang karea-reaksiyon ang mukha. Hinintay niya ang pagsalungat nito pero hindi iyon nangyari.

“She’s not my girlfriend, Momu.”

“Why not, hijo?”

Napailing na lang si Ram at napangiti. “I think it’s time for you to go to bed now. Maaga pa ang appointment natin kay Doc bukas,” marahang sabi ni Chef Ram. Bahagyang inilapit pa nito ang bibig sa tainga ng matanda.

Wala na rin namang nagawa ang lola kundi sumunod sa apo. Pero bago ito tuluyang tumalikod ay hinawakan pa muna nito ang kanyang kamay.

“I’m expecting to see more of you, hija. Madalas mo akong dalawin, ha?”

Tumango na lamang siya at ngumiti. Sa itsura kasi nito at sa napakaganda nitong ngiti ay parang isang malaking kasalanan na tanggihan ito.

~~

NAUPO si Ally at sinundan ng tingin ang mag-lola hanggang sa makapasok na ang mga ito sa kuwarto. Ilang sandali pa ay nakita niyang dumilim na ang silid at lumabas na mula roon si Chef Ram.

“Pasensiya ka na kay Momu, sabik kasi sa kausap ‘yon. “ Naupo ito sa pang-isahang upuan sa tabi niya, kinuha ang isang mug at iniabot sa kanya. “She just got back from Sydney last week. May check-up siya bukas sa St. Margaret kaya hindi ako makakapunta sa restaurant nang maaga.”

Wow, may ganoong parte pala sa pagkatao ang kanyang boss dahil akala niya ay puro kasungitan lamang ang alam nito. Hindi tuloy niya maiwasang humanga rito – pero slight lang naman.

“Here.” Isang paper bag ang inabot nito sa kanya. “Nandiyan na lahat ng ingredients na kailangan. Give it to Maynard, he’ll know what to do.”

Bahagya niyang sinilip ang laman niyon – tatlong pakete na iba’t-iba ang kulay at laki at dalawang maliit na brown envelope Sinubukan niya itong amuyin pero agad niya iyong inilayo sa ilong dahil sa tapang ng amoy.

Nang tingnan niya si Chef ay seryoso lamang ito sa paghigop ng tsokolate habang nakatingin sa inilapag niyang paper bag sa ibabaw ng mesa.

“Okay ka lang, Chef?”

Tumango ito pero sa itsura pa lang ay halatang-halata na may gumugulo sa isip nito. Siguradong nag-aalala ito sa nakatakdang check-up ng Lola nito kinabukasan. Gusto niyang magtanong tungkol doon pero ayaw naman niyang lumabas na pakialamera. Napatingin na rin tuloy siya sa hawak niyang mug at doon na lang ibinaling ang saloobin.

“Ahm…aalis na rin ako, Chef. Medyo late na rin,” aniya matapos makita sa relo na malapit nang mag-alas dose ng gabi.

“You haven’t eaten your carrot cake,” seryoso nitong sabi sabay abot sa kanya ng cake na nakalagay sa itim na platito. “Eat. Don’t worry, ihahatid kita hanggang sa bahay mo.”

~~

TAHIMIK na naghihiwa ng sibuyas si Ally nang biglang lumitaw sa kanyang tagiliran si Kris. Abala na ang kusina nang mga oras na iyon dahil ilang minuto na lamang ay magbubukas na ang restaurant.

“Aba, isang malaking himala, hapon na, hindi pa nagpapakita si Chef Ram.”

“Nasa ospital,” wala sa loob niyang sabi habang abala sa ginagawa. “Binabantayan ang Lola niya sa ospital.”

Napatingin sa kanya si Kris. “Uy, updated! Close na kayo ni Chef?”

Pinanlakihan niya ng mata ang kaibigan. “Shh, baka may makarinig sa’yo,” bulong niya rito, pilit na itago ang pamumula ng mukha. “Nabanggit lang niya sa akin minsan.”

Kakaiba ang ngiting itinugon ni Kris. “So, close na nga kayo?”

Umiling siya pero hindi siya sumagot. Ano nga ba ang isasagot niya roon? Siyempre, ang talagang sagot naman doon ay hindi – na totoo naman. Hindi pa naman niya masasabing ‘close’ na sila ni Chef Ram, por que nakatuntong na siya sa condo nito tatlong linggo na ang nakararaan, nakilala na niya si ‘Momu’ at naihatid siya sa bahay ay close na sila kaagad.

Pero sa tinagal-tagal nilang kakilala si Chef, wala pa silang nabalitaang inihatid nito sa bahay, siya pa lang. Dapat na ba siyang kiligin? Well, aaminin naman niya na kinilig siya nang slight. Lalo na noong-

“Uy, Ally! May tawag ka sa telepono!” malakas na tawag sa kanya ni Maynard. Nakatayo ito sa may pinto ng kusina, hawak ang handset ng wall telephone.

“Ha? Sino raw?” taka niyang tanong dahil sa buong dalawang taon niyang pagtatrabaho sa restaurant ay ngayon lamang siya nakatanggap ng tawag doon.

“Si Chef!”

Kakaiba ang tingin na ibinato sa kanya ni Kris na para bang nagsasabi na – ‘uy, phonepals na rin sila!’ Inilabas lamang niya ang kanyang dila bago lumapit sa pinto at kunin ang handset sa ibabaw ng mesa.

“Hello, Chef, b-bakit po?” mahina niyang tanong. “Yes, Chef…sige Chef.” Ilang sandali pa bago niya maibaba ang telepono. Napahugot siya ng hininga bago bumalik sa kaninang ginagawa.

“Oh, bakit ka tinawagan ni Chef?”

Umiling lang siya. “W-wala, may ibinilin lang.”

Iyon lamang ang naitugon niya sa tanong ni Kris at wala nang iba. Dahil iyon lang naman ang kaya niyang sabihin. Paano ba niya sasabihin sa kaibigan na pinasusunod siya ni Chef Ram sa ospital para dalawin ang Lola nito? Dahil sigurado, sa oras na malaman nito na ilang beses na rin siyang dumalaw kay Momu simula noon ma-operahan ang matanda at ma-confine ito halos isang buwan na ang nakararaan ay kung anu-ano na namang tukso ang matatanggap niya mula rito.

Matapos niyang makilala ang Lola ni Ram ay parati na niya itong nakakausap sa telepono at makailang beses na rin siya nitong pinapunta sa condo para lamang makipagkuwentuhan. Sa simula ay hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pagkagiliw nito sa kanya pero nang ipaliwanang ni Chef ang dahilan ng lahat ay hindi na siya nakatanggi pa.

Momu Fely was diagnosed with diabetic cardiomyopathy, which runs in their family. Matagumpay man ang isinagawang operasyon, hindi pa rin iyon garantiya na tuluyan nang gagaling ang matanda. Sabi ng doctor, kailangan pa ring bantayan ang kagayan nito sa ospital at para na rin maipagpatuloy ang mahaba-habang gamutan.

“Teka, saan ka ba talaga pupunta?” kunut-noong tanong ni Kris nang magsimula na siyang maghugas ng kamay at magbilin kay Maynard ng mga kailangang gawin.

“May daraanan lang ako, babalik rin ako kaagad,” mahina niyang sagot. Kung bakit ba naman kasi hindi na lamang siya papuntahin ni Chef Ram sa ospital nang mag-isa. Tuloy, kailangan pa niya itong hintayin na daanan siya sa restaurant kahit oras ng trabaho at kailangan pa niyang mag-isip ng maganda at kapani-paniwalang alibi na sasabihin sa kaibigan.

“Ano ba kasi ‘yang daraanan mo? Ilang beses mo nang idinadahilan ‘yan pero hanggang ngayon, hindi mo pa rin sinasabi kung ano nga ba ‘yang dinadaanan mo na ‘yan.”

Umiling-iling siya. “Basta.”

“Hay naku, Ally. Kaunti na lang, maniniwala na ‘ko na may ginagawa kang kababalaghan.”

“Tulad ng ano?” natatawa niyang tanong.

“Baka superhero ka na pala at kaya ka parating umaalis ay para magligtas ng mga tao’ng naapi,” nakangiti nitong sabi. “O baka naman may kinakatagpo ka nang boylet na hindi mo sinasabi sa akin.”

Aaminin na sana niya na oo, isa siyang superhero pero –

“Come on, Ally. Let’s go. Hintayin kita sa kotse.”

Nanlaki ang mga mata ni Ally nang marinig ang boses ng kanilang boss, lalo na nang makita niya ang seryoso nitong mukha na bahagyang sumilip sa pinto ng kusina. Nang bumaling siya kay Kris ay kakaiba ang ngiti nito sa kanya. Sumunod ito sa kanya hanggang sa locker room kung saan naroon ang kanyang gamit. Napabuntung-hinga siya. Alam niyang wala na siyang kawala sa gagawing interogasyon ng kaibigan.

~~

SALAMAT.”

Ngiti lang ang nakayanan ni Ally nang ihatid siya ni Chef Ram sa kanilang bahay. Tatanggihan sana niya ang alok nito pero mula sa pagdalaw kay Momu sa St. Margaret ay hindi na siya nakabalik pa sa restaurant dahil gusto ng matanda na manatili siya sa ospital para makipagkuwentuhan, hanggang sa hindi na niya namalayan ang oras. Alas nuebe na yata ng gabi sila nakaalis ng ospital at sa halip na pabalikin sa restaurant ay nagpumilit itong pauuwiin na lamang siya.

“I’m sorry kung pati ikaw naiistorbo dahil kay Momu. It has always been her dream to have a grand daughter. Ako lang kasi ang apo niya kaya wiling-wili siya sa iyo.”

“Okay lang, Chef,” simple niyang tugon. Bubuksan na sana niya ang pinto ng kotse nang muling magsalita ang katabi.

“I know it’s not okay, Ally,” anito. Bahagya itong ngumiti, na bihira na lamang niyang makita simula nang ma-operahan ang lola nito. “Masyado ka nang naaabala. ‘Yung oras na dapat nagpapahinga ka na o kahit nga nagtatrabaho pa, nakukuha pa ng pag-e-entertain mo sa kanya.”

“Nag-e-enjoy naman akong kasama si Momu.”

“Kahit makulit siya at madaldal?” natatawa nitong tanong.

Tumango siya. “Sanay ako sa makulit at madaldal. ‘Yung kapatid ko, tulog lang ang pahinga ng kakulitan at kadaldalan. At ang nanay ko noon, naku, madaldal rin ‘yon kapag hindi nagda-drama.”

Mas lalong napangiti si Chef Ram dahil doon. “Sige na, pumasok ka na sa loob, medyo late na rin, kailangan ko pang bumalik sa restaurant.”

“Okay, Chef, salamat. Ingat sa pag-uwi,” aniya matapos buksan ang pinto. Agad siyang bumaba mula roon.

Ngumiti si Ram at kumaway sa kanya bago paandarin nang tuluyan ang sasakyan. Siya naman ang napailing nang pumasok siya sa kanilang bahay. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon pero kung bakit ba ganoon na lamang ang kaba ng dibdib niya sa tuwing inihahatid siya ng kanyang boss.

“Ayii, si Ate, hinatid na naman ng boyfriend niya!” bungad ni Abby pagpasok niya sa pinto. Nakaupo ito sa sahig habang nasa harap nito ang laptop na nakapatong sa center table sa sala. Nagkalat rin sa mesa ang mga libro nito at iba pang gamit sa eskuwela, kasama ng isang mangkok ng chips at isang baso ng orange juice.

“Boss ko ‘yon,” paglilinaw niya. Bago makaupo ay kinailangan niyang tanggalin ang knapsack nito na nakapatong sa sofa.

“Eh bakit parati kang hinahatid pauwi? Ang bait-bait naman ng Boss mo!”

“Hay, p’wede bang ‘yang pag-aaral mo na lang ang intindihin mo?”

“Tapos na ‘kong mag-review, Ate,” nakangiting sagot ni Abby sa tanong niya kung bakit gising pa ito sa ganoong oras ng gabi. Isa-isa na nitong iniligpit ang mga nakakalat na gamit at inilagay ang lahat ng iyon sa loob ng knapsack.

“Kaya ba YouTube na naman ang inaatupag mo?” kunut-noo niyang tanong. Napatingin siya sa monitor ng laptop ng kapatid dahil sa lakas ng tugtog mula roon.

“Mukhang hindi na naman talaga ako makakapunta sa concert nila kaya dito na lang ako sa mga videos nagtitiyaga. Alam mo namang ito na lang ang kaligayagan ko sa buhay.”

Totoo naman. Wala naman siyang mairereklamo sa kapatid dahil mabait ito, masunurin at masipag mag-aral kaya naman hinahayaan na lamang niya ang tanging hilig nito – ang Oeloun. Minsan nga lamang ay hindi niya maiwasan na pagalitan ito dahil sa halip na makausap niya ito ay parati na lamang itong abala sa panonood ng paborito nitong K-Pop group.

~~

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Words I Couldn’t Say Yet (Chapter 5)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.