Words I Couldn’t Say Yet (Chapter 8)

HABANG pinagsasaluhan ang hapunan ay nagkuwento si Lance tungkol sa kung paano nabuo ang banda nito. Ni sa hinagap ay hindi nito naisip na mararating ng banda ang tagumpay na tinatamasa ngayon. Si Lance ang napili mula sa napakaraming nag-audition para maging lead vocals ng banda kaya naman agad nito iyong pinaunlakan dahil matagal na nitong pangarap ang ganoon. Kaya rin biglaan ang pag-uwi nito ng Korea tatlong taon na ang nakararaan dahil kinailangan sumailalim ng buong banda sa training at simula noon ay naging abala na ang grupo sa iba’t-ibang singing engagements at TV guestings na naging dahilan kung bakit hindi na ito nagkaroon ng pagkakataong makabalik ng Pilipinas.

“Being in a band has always been my dream. When I went to Manila, my plan was to study for just few months but then, I met you. I wanted to stay but I got an urgent call saying that I was chosen to be a part of a new rock band so I had no choice but to leave.”

Noon pa man ay aktibo na pala si Lance sa telebisyon sa Korea bago pa ito pumunta ng Maynila para mag-aral pero sadyang inilihim nito kay Allison ang tungkol doon dahil hangga’t maaari ayaw nito ng special treatment.

“Ah, I really missed the Philippines. The food, the places, the things we used to do. Remember those times when we watch movies and walk around the mall for hours? Ah, those were the moments that I miss the most. ”

Matagal na katahimikan ang namagitan sa kanila pagkatapos. Kasalukuyan na silang nakaupo sa wooden garden bench sa balcony ng kuwarto kung saan kitang-kita ang napakagandang tanawin ng lalawigan. Magkatabi sila ni Lance, nasa harap ang tig-isang baso ng red wine, kapwa nakatanaw sa malawak na kalangitan. Paminsan-minsang nagtatama ang kanilang braso at sa tuwing nangyayari iyon ay kinikilig siya na parang teenager. Hindi rin niya mapigilan na lingunin ito at pasimpleng titigan lalo na kapag napapangiti ito habang nagkukuwento tungkol sa naging buhay nito simula nang maging bokalista ng Oeloun.

Bogoshipo.”

Uminom ito ng wine, saglit siyang tiningnan at muling bumaling sa napakagandang tanawin ng siyudad. Sinabi iyon ni Lance nang hindi tumitingin sa kanya, na para bang wala siya roon at sinasabi lang nito iyon sa sarili.

Bogoshipo,” pabulong nitong ulit. Sa pagkakatao’ng iyon ay mataman na itong nakatingin sa kanya, naghihintay ng kanyang reaksiyon.

Pero ngumiti lang siya at tumingala sa langit dahil hindi niya kayang makipagtitigan rito. Narinig niya itong natawa at umayos ng pagkakasandal sa upuan. Naghikab ito at nag-inat, at saka dahan-dahang inilagay ang braso sa sandalan ng pahabang upuan. Wala itong anupamang sinabi, tahimik lang ito sa tabi niya habang manaka-naka ang pagdantay ng braso nito sa kanyang balikat. Lihim siyang napapangiti sa tuwing kunwari ay mag-iinat ang katabi pero mas lalapit lang pala ito sa kinauupuan niya, hanggang sa wala nang espasyo na namamagitan sa kanila. Tuloy, lalong hindi na siya makalingon rito dahil ilang pulgada na lang ang layo nito sa kanya.

“Do you remember the meaning of bogoshipo?” tanong ni Lance matapos huminga ng malalim. Inalis nito ang braso sa sandalan ng upuan.

Tumango siya. It means ‘I miss you’. Iyon ang isa sa ilang salitang natutunan niya noon mula kay Lance, na madalas nitong sabihin sa kanya noon, sa araw-araw, bago sila magsimula ng klase.

“So, what does it mean?” natatawa nitong tanong.

“I-I miss you,” mahina niyang tugon nang hindi tumitingin sa kausap.

 “Oh, really? You miss me?” Nagliwanag ang mukha ni Lance.

Natawa na rin siya dahil alam niyang binibiro na naman siya nito, na madalas nitong gawin noon. Alam niyang kulay kamatis na ang mukha niya kaya yumuko na lang siya pero agad na hinawakan ni Lance ang baba niya para pilitin siyang tumingin sa mga mata nito.

“Well…did you miss me?” ulit nito.

Nang tumango siya ay isang napakagandang ngiti ang nakuha niya mula sa binata at parang gusto na lamang niyang lumutang sa mga ulap.

“I’m really happy to see you again, Allison. Are you happy to see me?” may himig panunukso pa nitong tanong na lalo lamang nagpakaba sa kanya.

 Kimi siyang ngumiti. “Of course.” Bakit nga ba ganoon na lang siya kung titigan nito? Bakit nga ba pakiramdam niya ay may kahulugan ang bawat nitong sulyap at bawat nitong mga ngiti?

“Talaga? Totoo?”

Napatingin si Allison sa kausap, anyong gulat. “You speak Tagalog, now?”

Yeh…well, a little. I tried hard to learn English and Tagalog…so when we meet again…ako want we understand each other.”

Mas lalapit pa sana sa kanya si Lance pero biglang tumunog ang kanyang cellphone. Biglang kumunot ang noo nito at napatingin sa bag niya sa ibabaw ng mesa. Nagmamadali niyang kinuha ang cellphone sa loob ng bag at tiningnan kung sino ang tumatawag. Nang malamang si Abby iyon ay tumayo siya pero bigla nitong hinawakan ang kanyang kamay.

Weh?” kunut-noo nitong tanong.

“Phonecall,” tugon niya sabay bawi sa kanyang kamay at lumayo siya rito bago tanggapin ang tawag. Tinanong ng kapatid kung nasaan na siya, kung ano ang ginagawa niya at kung talagang kasama niya si Lance. Wala naman siyang pagpipilian kundi sabihin rito ang totoo – na kausap pa niya ang binata at kung hindi pa dahil sa tawag na iyon ay malamang na nakapagtapat na si Lance ng pag-ibig sa kanya. Pero siyempre, hindi na niya isinatinig pa ‘yung huli.

Habang kausap ang kapatid ay napatingin siya kay Lance at hindi niya inaasahan na diretso lang itong nakatingin sa kanya, walang kangiti-ngiti ang mukha. Agad tuloy siyang nagpaalam kay Abby at bumalik na agad sa kanina niyang kinauupuan. Nginitian pa niya si Lance nang ibalik niya ang cellphone sa loob ng bag.

“Boyfriend?” tanong nito matapos uminom ng wine. Sa himig ng pagtatanong nito ay halatang hindi nito nagustuhan ang pagtanggap niya ng tawag.

Umiling siya. “It was my sister, who, by the way, is a huge fan of your group. I’m sorry if it’s too much to ask but she requested a video greeting from you and…your autograph for her birthday,” natatawa niyang sabi.

“No problem.” Ngumiti ito pero agad ring nagseryoso. “So, wala boyfriend?” mapanuri nitong tanong.

Umiling siya.

“Good. Ayoko ikaw may other boyfriend, arasso?”

Natawa siya. “Wae?” biro niyang tanong sa salitang Korean. Nakita niya itong napailing at natawa rin.

“Because I don’t want to share, arasso?” medyo may kalakasan nitong sabi na para bang naiinis sa sarili, kahit pa nakangiti pa rin ito.

Nanlaki ang mga mata niya at literal na napanganga. Tama ba ang dinig niya? Nagsalin si Lance ng red wine sa baso nito, tumayo at tumingala sa langit. Napatingin naman si Allison sa iniinom niyang red wine. Lasing na ba siya o si Lance ang lasing na? Ano ba ang mga sinasabi nito?

Inilapag ni Lance ang hawak na baso sa mesa at muling naupo sa tabi niya. “Remember this?” Itinaas ni Lance ang kaliwang kamay at pinakita sa kanya ang suot na kulay itim na braided leather bracelet. “You gave this to me before I left, remember? I always wear this because I don’t want to forget about you.”

Oo, naalala niya iyon dahil iyon ang paborito niyang bracelet na ibinigay niya rito bilang kapalit sa ibinigay nito sa kanya noon. Napatingin tuloy siya sa sariling kamay at nagulat pa nang makita na suot-suot pa rin niya ang bigay na bracelet ng binata. Napangiti rin si Lance nang mapansin iyon.

“Do you remember my promise?”

Marahan siyang tumango. How could she forget? “Well, I remember that you didn’t keep it,” mapait niyang tugon. “I actually waited every single day for your e-mail.” Sa pagkakataong iyon ay nakayuko na siya dahil hindi na niya napigilan ang kanyang mga luha.

“Mianhae…really, sorry. Everything just happened too fast and the band became too busy that I hardly had time for myself. I’m sorry if I was not able to keep in touch. I tried at first, believe me. Gusto ko bumalik for you but because of my job, coming back became too risky.” Naupo si Lance sa tabi niya.

“Hindi mo naman ako kailangang bumalik. A single e-mail would suffice, Lance.”

“I know.” Umiling-iling ito. “I don’t know, I guess I didn’t want to bother you, I didn’t want you to always think and worry about me…”

“Well, worried about you just the same. When I didn’t hear from you, I couldn’t stop thinking whatever happened to you.”

That made Lance smile. “I do too, Allison. You’re always in mind, believe it or not. You were my inspiration. You heard my songs, right? I wrote them thinking about you.”

Kinunutan niya iyon ng noo. Hindi niya napigilang matawa dahil hindi naman yata iyon kapani-paniwala.

“Really, believe me. I missed you so much.”

Siya naman ang napangiti kahit pa nga kanina lamang ay halos malunod na ang puso niya sa kalungkutan.

“Hey, Allison,” he whispered as he held her hand. “I’m sorry if I disappointed you and if I made you sad. I didn’t mean it.” Bigla, niyakap siya ni Lance nang mahigpit, na ikinagulat ni niya. “I need you to promise me something, Allison. Promise that you will wait for me. I don’t know how long but I will try my best to come back for you. Ako promise, I will be back, arasso?”

~~

MAHIRAP masanay sa arrangement nila ni Lance, o kung ano man ang tawag sa setup nilang iyon. Nakakatawag at nakaka-text lang ang binata kung kailan libre ang schedule nito at hindi iyon ganoon kadalas. Sa tuwing nagkakaroon sila ng pagkakataong makapag-usap ay hindi nito nalilimutang ipaalala sa kanya na pag-aralan niyang mabuti ang mga libro’ng ipinadala nito para matuto siya ng Hangul, ng mga tradisyon, kultura at kung anu-ano pang bagay tungkol sa Korea.

At hindi naman niya maintindihan ang sarili kung bakit niya ginagawa sa abot ng kanyang makakaya na matutunan ang lahat, kahit pa nga halos magdugo na ang ilong niya sa pag-intindi ng bagong alpabeto at pagbigkas ng mga salita. May mga pagkakataon na sa halip na matulog at magpahinga mula sa trabaho ay inaabot siya ng madaling-araw sa mag-aral magsulat ng Hangul, magbasa ng mga librong ipinadala ni Lance, manood ng mga Kdrama at video tutorials, at makinig ng mga Korean songs para lamang maging pamilyar sa lengguwaheng iyon. Hindi tuloy niya maiwasang lalong ma-miss si Lance lalo na sa tuwing nakikinig siya ng mga kanta ng Oeloun at nakakapanood ng mga lumang music videos at concerts ng grupo.

Sabi nga ni Abby, mas dinaig na raw niya ito sa pagpa-fangirling, na inaamin naman niya. Pinadalhan rin kasi siya ni Lance ng lahat ng albums ng banda nito, maging mga posters na idinikit niya sa dingding ng kanyang kwarto. Paminsan-minsan nga ay nahuhuli na siya ng kapatid na kumakanta ng Korean version ng Forgive Me. Hindi lang niya masabi kay Abby na isinulat ni Lance ang kanta’ng iyon para lamang sa kanya.

Maging si Kris ay ganoon rin ang sabi at hindi siya nakakaligtas sa panunukso simula nang malaman nito ang tungkol sa kanila ni Lance.

“Ay, grabe siya, oh, Biyernes Santo na naman ang mukha. Ikaw lang naman ang may Lance na sa buhay ay ang lungkot pa rin ng mukha!”

Katatapos lamang nilang maglinis at naroon na silang lahat sa bar habang nag-aayos ng mga gamit. Mabilis ang pagpupunas ni Luigi sa mga wine glasses habang pasipul-sipol pa ang si Mang Ruben sa paglalampaso ng sahig. Tahimik na nag-aayos ng gamit sa kanyang knapsack si Allison nang tabihan siya ng matalik na kaibigan sa bar. Pinanlakihan niya ng mata si Kris na noon ay halatang kilig na kilig dahil hindi lang naman silang dalawa ang tao roon. Lumapit pa ito sa kanya sa bar kung saan inaayos niya ang mga bote ng alak. Isang buong araw siyang walang natanggap na kahit isang text message mula kay Lance kaya umaasa siya na tatawagan siya nito ngayon pero pauwi na siya nang gabi’ng iyon ay wala pa rin.

“Sino si Lance?”

Sabay na nilingon nina Allison at Kris ang pinanggalingan ng mababang tinig at lalong nanlaki ang mga mata ni Allison nang makita si Chef Ram na nakatayo malapit sa kanila, may hawak na bote ng beer. Kung gaano na ito katagal nakatayo roon at kung anu-ano ang narinig nito sa usapan nila ni Kris ay hindi niya alam. Kahit normal na rito ang pagsusuot ng chef’s coat ay guwapo’ng-guwapo pa rin ito.

“Ahm, bes, mauna na ‘ko ha. Baka hinihintay na ako ni Keizen, my love,” bulong ni Kris sa kanya. Dinampot nito ang gym bag sa ibabaw ng bar at tsaka bumaling kay Ram. “Chef, welcome back,” pahabol pa ni Kris.

Tumangu-tango lang ito at ngumiti. Nang makalabas ng restaurant si Kris at makabalik na sa kani-kanilang trabaho ang mga kasamahan ay tsaka lumapit ang binata at naupo ito sa bar stool sa tapat niya. Hindi inaasahan ng lahat na ngayon ang dating ni Ram dahil ang alam niya ay sa susunod na araw pa ang balik nito mula Sydney para dalawin ang maysakit nitong Lola.

“So, sino si…Lance, boyfriend mo?” kunut-noo nitong tanong.

Nakatingin sa kanya si Ram na para bang isang napakalaking kasalanan ang nagawa niya. Hinihintay nito ang sagot niya na sa tingin niya ay hindi niya kayang ibigay. Madali namang sabihin rito na oo, boyfriend niya iyon pero sa totoo lang ay hindi pa rin niya alam kung ano nga ba sila ni Lance. Wala namang itong anumang sinasabi, hindi pa rin naman sila nagsasabihan ng ‘I love you’. Bigla tuloy siyang napaisip. Ano nga ba sila ni Lance?

Napailing na lang si Ram at natawa. “Anyway, hello raw sabi ni Momu. Sana raw, makapag-usap kayo sa Skype minsan.”

“Kumusta na siya?” nag-aalala niyang tanong. Ang huling balita kasi niya ay inoperahan ito sa puso.

“Okay na siya, nagpapagaling na lang pero baka hindi na siya makabalik sa Manila, delikado na raw sa kanya ang mag-biyahe.”

Tumangu-tango siya. Sayang dahil hindi man lamang niya ito nakausap bago ito pumunta ng Amerika. Nami-miss na rin niya ang mga kuwento ng matanda at kung siya lang ang masusunod, gusto pa sana niyang mas mahaba pa ang panahong kasama niya ito.

“So, susunduin ka ba ng boyfriend mo?”

Umiling siya. “H-hindi ko pa naman…” Tama ba na sabihin niya kay Ram na hindi siya sigurado kung boyfriend nga ba niya si Lance?

“Hindi ‘pa’?” ulit nito nang may pagdiin sa salitang ‘pa’. “Pero soon, magiging boyfriend mo na?”

Nagkibit-balikat lamang siya para matapos na ang usapan.

“Susunduin ka ba niya?”

Umiling siya.

“Bakit?” kunut-noo nitong tanong.

“Nasa malayo,” simple niyang tugon. Alanganin siyang ngumiti at tsaka tumungo.

“Long distance relationship? Well, alam mo bang 40% ng long distance relationships ang nauuwi sa wala?” walang anu-ano’y tanong nito.

“Wow, salamat sa info, ha,” sarkastiko pero natatawa niyang sabi, kahit pa nga bigla siyang kinabahan sa sinabi nito. Marami siyang kilala na nasa long distance relationships at halos lahat sa mga iyon ay hindi naging maganda ang kinahantungan.

“I’m just stating the facts,” sabi pa nito. “Trust me. Been there, done that.”

Ah, oo nga pala. Naging usap-usapan noon ang tungkol sa dati nitong nobya na nagta-trabaho bilang brand manager sa New York, na siyang dahilan ng malaking pagbabago kay Ram. Bago pa lamang sila noon ni Kris sa Silver Wok kaya naabutan pa nila ang pagiging bugnutin at mainitin ang ulo nito. At ngayon, mas naiintindihan na niya ang ganoo’ng ugali ni Ram at sigurado rin siya na hindi pa rin ito tuluyang nakaka-move on kahit pa nga maraming taon na ang nakararaan.

“When we are in love, we tend to be irrational. Puso lang ang pinaiiral kahit masakit. Pero kung mahal mo talaga, wala ka naman talagang magagawa, diba?” tanong nito nang hindi nakatingin sa kanya. Pinakiramdaman niya ito at nang hindi pa rin ito kumibo nang matapos niya ang ginagawang pag-aayos sa bar ay pinagtakhan niya iyon. Isang linggo pa lang ang nakalipas mula nang umalis ito papuntang Sydney pero para bang ibang-iba na ito ngayon. Wala na ang dating makulit at mapang-asar na Ram na kilala niya at parang nanumbalik ang masungit at seryoso nitong pag-uugali.

Nakatingin lang si Allison sa binata habang nagsasalita ito at napaisip siya kung ano ba ang nakain nito at bakit masyado itong naging seryoso. Sa tagal niyang pagkakakilala rito ay ngayon lang niya nalaman ang ganoo’ng parte ng pagkatao ni Ram kaya hindi niya maiwasang magtaka at mamangha rito. Inisip na lang niya na siguro, dahil na rin iyon sa hindi magandang kalagayan ni Momu sa ospital.

“Well, sabi nga nila, hope for the best, expect for the worst. Hindi sa tinatakot kita. Again, I’m just stating the possibilities. Anyway, hindi naman siguro siya magagalit kung ihahatid kita sa inyo?”

Ngumiti si Allison at umiling. Wala pa rin namang nagbago, boss pa rin naman niya si Ram at kaibigan pa rin naman niya ito. Pero sa isang sulok ng kanyang puso, may kaba at lungkot siyang nararamdaman dahil kahit paano ay naging malapit na rin sila sa isa’t-isa at hindi niya maaaring itanggi na nagkaroon na rin ito ng puwang sa kanyang puso.

~~

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Words I Couldn’t Say Yet (Chapter 8)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.