Untitled-design-71-1-jpg.webp

A Gangster’s Mission (Chapter 11)

Napangiti siya sa tapang nito para sa kanyang anak. “Kung ganon good luck sa inyong dalawa ng anak mo, pero sana sa pagkikita nating muli ay buo na kayong pamilya.”

Napansin niya na may kinuha si Carina sa bag nito na isang bank check at inilagay sa ibabaw ng mesa malapit sa kanya. “Ito ang payment ko sa ginawa mo, hindi ko ito binigay sa kausap kong lalaki na kasama mo dahil gusto rin kitang makita.”

Kinuha niya ang bank check at tiningnan ang nakasulat na halaga, pero napakunot ang noo niya sa halagang nakasulat. “Nagkamali ka ata ng inilagay na halaga rito. Hindi ganitong halaga ang bayad sa mga mission ko lalo pa’t mas madali ang ginawa ko para sayo?”

 “Huwag kang mag-alala tama ang amount na nakasulat diyan. May nangyari naman dahil umuwi siya sa bahay na hindi naman niya ginagawa simula ng ikinasal kami. “

Nagkibit-balikat na lang siya. “Kung ganun, maraming salamat dito. ” Inilagay niya na ang bank check sa bulsa ng jacket niya.

Biglang may kumatok sa transparent na pader kung saan katabi nilang dalawa. Napangiti naman si Carina sa tao sa labas. Isang lalaki na may batang hawak na sa hinala niya ay anak ito ni Carina dahil may hawig kay Carina.

 “Anak mo?” tanong niya.

“Oo, at ang kaibigan kong police na sinasabi ko sayo kanina. Paano aalis na ako kinagagalak kong nakakilala ng isang gangster na katulad mo.”

Tumayo na ito maging siya, pero  nanatiling nakatayo lang siya sa tabi ng transparent na pader habang palabas na ng restaurant si Carina. Nakatingin lang siya sa bata habang na sa ibang direksyon na nakatingin ang may hawak dito. Nang nakita ng bata si Carina ay naglikot na ito at pumapalakpak ang mga kamay na parang alam na alam niya kung sino ang papalapit. Kinuha ito ni Carina sa lalaki at lumingon sa kanya at kumaway bago umalis ng tuluyan.

Napabuntong-hininga siya. “Bakit mas mukha pa silang pamilya? At sa pakiramdam ko isang puso ang hindi rin nasuklian ng pag-ibig.” Napailing na lang siya at lumabas na rin ng restaurant at umalis sa lugar na iyon.

Bago umuwi ay ipinalit niya muna sa isang branch ng bangko ang bank check na ibinigay ni Carina, halos may kalakihan rin ang nakuha niya,  pagkatapos ay lumabas rin siya kaagad, pero may natanaw siyang mga bilihan ng damit na mababa lang ang presyo. Naglakad siya at pumunta sa puwesto ng mga damit, bumili siya ng damit na tiyak niyang magagamit dahil dadalhin niya ito pabalik sa bansa ng prinsipe.

Hindi nagtagal ay umalis na rin siya pagkatapos ay nagmaneho na pauwi. Nang malapit na siya sa bahay niya ay huminto muna siya sa harap ng bahay ni Simon. Mabuti na nga lang at nakita niya ito sa labas at nagkakape. Naglakad siya papunta kung nasaan ito at umupo sa upuan kaharap ni Simon.

“Ano ang napag-usapan niyo ni Mrs. Torres?” tanong kaagad ni Simon.

Inilagay niya muna ang mga binili niya sa ibabaw ng mesa.”Wala naman binigay niya lang ang bayad sa akin, saka konting pag-uusap lang ganon.”

“Ganon ba.” Napatingin naman ito sa plastic na nasa ibabaw ng lamesa. “Namili ka, ang dami naman ata?”

Tinulak niya ang plastic palapit kay Simon dahil binili niya talaga ang mga nasa loob ng plastic para kay Simon. Ang iba niyang mga binili ay na sa ibabaw ng upuan ng motor niya, ‘yon naman ang dadalhin niya pag umalis na siya. “Para sayo,” saad niya.

Nagtataka naman ito habang nakatingin sa kanya. “Para sa akin?”

 “Oo.”

Napangiti naman ito habang tinitingnan ang loob ng plastic. “Ang dami naman ata nito ngayon?” 

 “Mas okay ng marami.” 

Sa tuwing nakakatapos si Adira ng isang misyon ay binibilhan niya ng damit, pagkain o kung ano pa man si Simon. Hindi pa kasama ang parte nito sa binabayad sa kanya. Nag-iisa na lang ito at matanda na rin, kaya hanggat kaya niyang magbigay ay ibibigay niya ito kay Simon ng hindi naman ito malungkot o mawalan ng kinakain sa araw-araw. Ito ang naging mentor niya para maging gangster simula ng mawala ang magulang niya, kaya kahit sa simpleng pagbili ng damit, pagkain o pagpunta sa bahay nito ay maramdaman nito na merong Adira kahit wala itong anak. Hindi man halata sa mukha o kinikilos niya, pero pinapahalagahan niya si Simon dahil ito na lang ang nakakasama niya, at isa pa, ito din ang partner niya sa mga misyon.

“Saka mawawala rin ako ng matagal kaya mas mabuting marami kang gamit sa bahay bago ako umalis. ” Kinuha niya ang sobre sa bulsa ng pantalon niya at binigay niya kay Simon. “Ito nga pala ang parte mo sa naging misyon ko kay Mrs. Torres.”

Kinuha naman ito ni Simon at binuklat. Agad naman itong napakunot ang noo. “Bakit ang laki naman ata nito?”

“Sobra rin naman ang binayad sa akin ni Mrs. Torres, kaya okay na rin ang laki ng halaga ng parte mo.”

Napangiti naman ito habang nakataas pa ang sobre na may laman na pera. “Kung ganon maraming salamat rito.” 

Tumayo na siya para umalis. “Madaling araw ang flight ko mamaya pabalik sa bansa ng hari, mag-iingat ka rito at ikaw na muna ang bahala sa lugar natin hangga’t wala ako, sigurado ako pag nalaman ng ibang grupo na wala ako dito sa lugar natin ay magsisimula na naman silang manggulo.”

“Huwag kang mag-alala, kaya ko pa naman sila kahit may edad na ako, at alam mo rin na ako ang naging mentor mo ‘di ba.” Ngumiti pa ito habang taas baba ang dalawang kilay.

Tuluyan na siyang napangiti. “Sabagay, tama ka naman.”

“Mag-ingat ka rin Adira dahil kahit ikaw pa ang kinatatakutan rito ay iba ang labanan sa bansa na pupuntahan mo lalo na kung may digmaan na magaganap doon.”

Tumango siya. “Aalis na ako.” Naglakad na siya papunta sa motor niya at umalis na rin kaagad.

Si Simon naman ay nakatingin lang hanggang sa maka-alis si Adira. “Maging maayos sana ang pamamalagi mo sa palasyo na iyon, Adira,” mahinang sambit nito, bago kinuha ang mga plastic at pumasok na sa loob ng bahay.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

A Gangster’s Mission (Chapter 11)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.